Elder Russell M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Kapag binabasa ninyo ang Aklat ni Mormon, ibuhos ang pansin sa pangunahing tauhan ng aklat--mula sa unang kabanata hanggang sa huli--ang Panginoong Jesucristo.
Hindi nagtagal matapos akong tawagin na maglingkod bilang isa sa Labindalawang Apostol, ipinatawag ako sa tanggapan ng Pangulo ng aming Korum, si Pangulong Ezra Taft Benson. Ipinahiwatig niya ang malaking pagkabahala dahil sa ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi lubos na nauunawaan ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Sa madamdamin niyang tinig, binasahan niya ako mula sa ika-84 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan:
"Ang inyong mga isipan sa mga nakaraang panahon ay naging madilim dahil sa kawalan ng paniniwala, at sapagkat inyong pinawalang- kabuluhan ang mga bagay na inyong tinanggap--
"Kung aling kawalang-kabuluhan at kawalan ng paniniwala ay nagdala sa buong simbahan sa ilalim ng kaparusahan."1
Dahil sa sinabi at binasa ni Pangulong Benson, nakuha niya ang aking atensiyon. Pagkaraan ay tinapos niya ang kanyang paalaala:
"At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon."2
Hindi ko kailan man malilimutan ang aral na iyon. Simula noon, sina Pangulong Howard W. Hunter, Pangulong Gordon B. Hinckley at maraming iba pang mga pinuno ng Simbahan ay nagpatuloy sa pagpuri sa Aklat ni Mormon sa mga tao sa buong daigdig.
Nais kong idagdag ang aking patotoo sa kabanalan ng aklat na ito. Nabasa ko ito nang maraming ulit. Nabasa ko na rin ang karamihan sa mga naisulat tungkol dito. Ang ilang may-akda ay nagtuon ng pansin sa mga kuwento, mga tao, o sa maiikling paliwanag ng kasaysayan nito. Ang iba'y nagtaka sa istruktura ng wika o sa mga tala nito tungkol sa mga sandata, heograpiya, pamumuhay ng hayop, mga pamamaraan ng pagtatayo ng gusali, o mga sistema ng timbang at panukat.
Bagamat kawili-wili ang mga ito, ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang pinaka-kapaki-pakinabang kapag ang isang tao ay nagtuon ng pansin sa pangunahing layunin nito--ang magpatotoo kay Jesucristo. Kung ihahambing, ang lahat ng iba pang mga isyu ay nagkataon lamang.
Kapag binabasa ninyo ang Aklat ni Mormon, ibuhos ang pansin sa pangunahing tauhan ng aklat--mula sa unang kabanata hanggang sa huli--ang Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.3 At hanapin ang pangalawang sumusuportang paksa: Tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga tipan sa mga labi ng sambahayan ni Israel.4
Ang Aklat ni Mormon ay napakahalagang sangkap ng tipang iyon.5 Ito'y isang banal na kasulatan na kinapapalooban ng sagradong mga akda mula sa maliliit at malalaking lamina ni Nephi, mga lamina ni Mormon, mga lamina ni Eter, at ang mga laminang tanso na naglalaman "ng limang aklat ni Moises, . . . ng talaan ng mga Judio, . . . [at] . . . ng mga propesiya ng mga banal na propeta."6
Nang paikliin ni Mormon ang mga talaang ito, napansin niya na hindi niya magagawang isulat ang "ika-isandaang bahagi" ng mga pangyayaring ito.7 kung gayon, ang aspetong pangkasaysayan ng aklat ay pumapangalawa lamang sa kahalagahan.
Ang Banal na Biblia ay may 66 na magkakahiwalay na aklat; ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng 15. Ang unang aklat ni Nephi--na isinulat noong mga anim na siglo bago ang pagsilang ni Jesus--ay nagtala na ang propetang Lehi8 ay nakatanggap ng pangitain ng punungkahoy ng buhay.9 Ang kanyang anak na si Nephi ay nanalangin upang malaman ang kahulugan nito. Bilang sagot, siya ay binigyan ng pambihirang pangitain. Nakita niya ang isang birhen na hawak ang isang Sanggol sa kanyang mga bisig. Nakita niya ang Manunubos ng daigdig, ang Kanyang ministeryo sa lupa, at ang Kanyang Pagkakapako sa Krus. Nakakita siya ng labindalawa pa na sumusunod sa Banal na Taong ito. At nakinita niya ang patuloy na pagsalungat sa gawain ng Diyos at ng Kanyang mga Apostol.10
Ang iba pang mga propeta ng Aklat ni Mormon--sa kanilang sariling paraan at panahon--ay nagpatotoo sa kabanalan ng Panginoon, na si Jesucristo. Kabilang dito ang kapatid ni Jared,11 sina Zenok, Neum, at Zenos.12 Ang mga patotoo kay Jesucristo na nauna pa sa Kanyang pagsilang sa Betlehem ay naitala din mula kina Haring Benjamin, Abinadi, ang Nakatatandang Alma, ang Nakababatang Alma, Amulek, ang mga anak ni Mosias, si Kapitan Moroni, ang may kapatid na lalaki na sina Nephi at Lehi, at si Samuel ang Lamanita.13 Sa tila walang katapusang pagkakasunud-sunod ng mga pahayag--ng mga patotoo--ng "lahat ng banal na propeta"14 sa loob ng "libu-libong taon bago ang kanyang pagparito"15 --ang Aklat ni Mormon ang gumawa ng taimtim na pahayag na si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos.
MGA MAY-AKDA
Ang karamihan sa mga aklat na nasa mga aklatan ng daigdig ay isinulat para sa mga taong mangangailangan sa aklat kapag nailathala na ito. At karaniwang isinusulat ang mga ito para kumita, sa pamamagitan ng mga bayad sa isang may-akda sa bawat aklat na maipagbibili.
Hindi ito totoo sa Aklat ni Mormon. Ito ay isinulat noong sinauna para sa ating panahon. Inihahayag nito ang walang hanggang kapangyarihan at karapatan bilang Panginoon ni Jesucristo sa mga kuwento tungkol sa dalawang sinaunang mga dispensasyon ng America,16 inilaan para sa kapakinabangan natin na nabubuhay sa dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon. Nakatitiyak na hindi binayaran ang may-akda para sa bawat naipagbiling aklat. Sa katunayan, nagbayad sila ng mahal para sa kanilang pribilehiyong makasali sa gawaing ito. Ano ang nagbunsod sa kanila? Ang kanilang pagmamahal sa Diyos! Ang apat na pangunahing manunulat ng aklat--sina Nephi, Jacob, Mormon, at Moroni17--ay mga saksi lahat ng Panginoon, tulad ng pinaslang na tagapagsalin nito, ang Propetang Joseph Smith.
NILALAMAN
Ang kanilang mga isinulat ay nakasentro sa Panginoon, sa Kanyang misyon, at sa Kanyang ministeryo. Si Jacob, halimbawa, ay paulit-ulit na tumukoy sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. "Mga minamahal na kapatid," ang sabi ni Jacob sa kanyang isinulat, "makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Kanyang Bugtong na Anak, at maaaring matamo ninyo ang pagkabuhay na mag-uli, . . . at ihahandog bilang mga unang bunga ni Cristo sa Diyos. . . .
"At ngayon, . . . bakit hindi tayo mangusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo, at magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kanya," at ng "kaalaman tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, at ng susunod na daigdig?"18
Ang payo ni Jacob ay hindi matatawaran at walang katapusan.
Ipinahayag ng Tagapagligtas na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman "ng kabuuan ng [Kanyang] walang-hanggang ebanghelyo?19 Paano Niya ipinaliwanag ang ebanghelyo? Ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nagturo, "Ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo--na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama."20
Pagkatapos ay pinalawak niya ang isang pangungusap sa pagpapaliwanag na ito: "Isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin."21
Ang kakaibang mortal na misyon ng Panginoon--ang ebanghelyo tulad ng pagpapaliwanag Niya dito--ay alam natin na siyang Pagbabayad-sala. Ang kabuuan ng ebanghelyo, kung gayon, ay nangangahulungan ng higit na lubusang pagkaunawa sa Pagbabayad-sala.22 Ito ay hindi makukuha mula sa Biblia lamang. Ang salitang pagbabayad-sala (sa anumang uri nito) ay minsan lamang binanggit sa King James na Bersiyon ng Bagong Tipan.23 Sa Aklat ni Mormon, lumitaw ito ng 39 na beses!24 Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman din ng mas marami pang mga reperensiya sa Pagkabuhay na Mag-uli kaysa sa Biblia.25
Tinukoy ng Tagapagligtas ang Aklat ni Mormon bilang Kanyang "bagong tipan" sa sambahayan ni Israel.26 Ito ay totoong palatandaan ng kaganapan ng tipan ni Cristo sa sangkatauhan.27 Ang banal na mga aral ng aklat na ito, bilang ikatlong tipan, ay nagbibigay linaw sa doktrina at pinagkakaisa ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan. Ang mga tipan sa banal na kasulatan,28 mga patotoo,29 at mga saksi30 simula sa pag-uumpisa ng panahon ay may kaugnayan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang pinakasentro ng lahat ng kasaysayan ng sangkatauhan.
Ang Aklat ni Mormon ang pinakamahalagang teksto ng relihiyon na inihayag mula sa Diyos sa tao, "mula nang ang mga akda ng Bagong Tipan ay matipon halos dalawang milenyo na ang nakararaan."31 Ipinahayag ni Joseph Smith na ang Aklat ni Mormon ang siyang "pinakatumpak na aklat sa alinmang aklat sa lupa, at ang saligang-bato ng ating relihiyon."32 Ito lamang ang aklat na mismong ang Panginoon ang nagpatunay na ito ay totoo.33
Ang pinakatampok na pangyayari sa sagradong tala na ito ay ang personal na ministeryo ng nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga taong namuhay sa sinaunang Amerika. Sa kanila Niya ibinigay ang pagpapahayag na ito:
"Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Nilikha ko ang kalangitan at ang lupa, at lahat ng bagay na nasa mga ito. Kasama ko ang Ama mula pa sa simula. . . .
". . . Ang banal na kasulatan hinggil sa aking pagparito ay natupad na. . . .
"Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan. . . .
". . . At sinuman ang lalapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo. . . .
". . . Pumarito ako sa daigdig upang bigyang-kaganapan ang pagtubos sa sanlibutan, upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.
"Anupa't sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. . . . Inialay [ko] ang aking buhay, at muling kinuha ito; kaya nga magsisi, at lumapit sa akin . . . , at maligtas.."34
Matapos ang makalangit na pagpapakilala, muling binigyang-diin ng Guro ang Kanyang pagkatao sa pamamagitan ng pagpapahipo sa mga tao ng kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran at pagsalat sa mga marka ng mga pako sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang mga paa. Sa gayon ay nalaman nila na ang mismong Diyos ng Israel ang nakatayo sa kanilang harapan--Siya na pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.35
Tinuruan Niya ang mga tao. Tinuruan Niya silang manalangin, magsisi, magpabinyag, makibahagi ng sakramento, malaman ang Kanyang doktrina, maunawaan ang kahalagahan ng mga sagradong ordenansa, at magtiis hanggang sa wakas.36
Ang Aklat ni Mormon ay kaloob ng Diyos sa sangkatauhan at "inutusan niya ang kanyang mga tao na nararapat nilang hikayatin ang lahat ng tao na magsisi."37 Inaanyayahan Niya ang lahat ng tao "na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan," at "wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae."38
PAGSASALIN
Ang pagsamong ito sa lahat ng tao ay kailangang kapalooban ng maraming wika at ng gawa ng mga dalubhasang tagapagsalin. Ang King James na Bersiyon ng Biblia, halimbawa, ay ginawa ng 50 iskolar na Ingles na tumapos sa kanilang gawa sa loob ng pitong taon, na nagsalin sa bilis na isang pahina sa bawat araw.39 Ang mga dalubhasang tagapagsalin ngayon ay magaling din kung makapagsasalin sila ng banal na kasulatan sa bilis na isang pahina sa bawat araw.
Sa kabaligtaran, isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa bilis na mga sampung pahina bawat araw, at natapos ang gawain sa loob ng mga 85 araw!40 (Marami sa atin ang matutuwa kung mababasa natin ang aklat sa gayon kadaling panahon.)
Ang gayong bilis ay higit na pambihira kung isasaalang-alang ang mga kalagayan noong gumagawa ang Propeta. Noong panahon ding iyon, habang nagtitiis ng palagiang pagkaabala at walang-tigil na kalupitan, si Joseph Smith ay lumipat nang mahigit sa 100 milya mula sa Harmony, Pennsylvania, patungong Fayette, New York.41 Nag-aplay siya para sa pagkakaroon ng karapatang-sipi.42 Tumanggap siya ng mga paghahayag na binubuo ng mga bahagi 3 hanggang 18 ng Doktrina at mga Tipan.43 Ipinanumbalik ng mga nilikha mula sa langit ang banal na pagkasaserdote. Gayunman, natapos niya ang pagsasalin nang kulang sa tatlong buwan.
Ang Unang Panguluhan ay nagbigay ng pagkakataon sa Labindalawang Apostol upang makita nila ang orihinal na manuskrito at ang manuskrito ng manlilimbag ng Aklat ni Mormon. Hindi maipaliliwag ng mga salita ang damdamin na aming nadama nang suriin namin ang mahahalagang dokumentong ito at mapuna na kakaunti lamang ang mga marka ng pagwawasto sa mga pahina.
PERSONAL NA PATOTOO AT MGA PAGPAPALA
Ang bawat tao na buong panalanging nag-aaral ng Aklat ni Mormon ay makatatanggap din ng patotoo tungkol sa kabanalan nito.44 Bilang karagdagan, ang aklat na ito ay makatutulong sa personal na mga problema sa tunay na paraan. Nais ba ninyong maiwasan ang masamang pag-uugali? Nais ba ninyong pagbutihin ang pakikitungo sa inyong mag-anak? Nais ba ninyong dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan? Basahin ang Aklat ni Mormon! Ito ang maglalapit sa inyo sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang mapagmahal na kapangyarihan.45 Siya na nagpakain ng mga tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda.46 --Siya na tinulungang makakita ang bulag at makalakad47 ang lumpo ay maaaring magpala sa inyo! Ipinangako Niya na ang mga mamumuhay ayon sa mga panuntunan ng aklat na ito ay "makatatanggap ng putong ng buhay na walang hanggan."48
Ang Aklat ni Mormon ay totoo! Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Doktrina at mga Tipan 84:5455.
2. Doktrina at mga Tipan 84:57.
3. Ang Aklat ni Mormon ay inayos sa 6,607 na mga talata, at 3,925 nito ay tumutukoy kay Jesucristo, na gumagamit ng mahigit sa 100 pangalan. Samakatwid, ang ilang uri ng pangalan ni Cristo ay tinatayang ginagamit nang minsan sa bawat 1.7 na talata. (Tingnan sa Finding Christ through the Book of Mormon [1987], 1618 ni Susan Easton Black).
4. Tingnan sa 3 Ne.16:1112; 29:3; Mormon 5:20; 8:21; 9:37.
5. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:5758.
6. "Maikling Pagpapaliwanag Tungkol sa Aklat ni Mormon"; 1 Ne. 5:1113.
7. Mga Salita ni Mormon 1:5. Ang paliwanag na ito ay inulit nang lima pang beses (tingnan sa Jacob 3:13; Hel. 3:14; 3 Ne. 5:8; 26:6; Eter 15:33.) Si Jacob, na tumanggap sa mga lamina mula sa kanyang kapatid na si Nephi, ay nagbigay ng karagdagang pananaw, na binibigyang-diin na dapat ay "hindi [niya] talakayin, maliban kung bahagya lamang, ang hinggil sa kasaysayan ng mga taong ito," na dapat ay talakayin niya ang sagrado o dakilang mga bagay "hangga't maaari, alang-alang kay Cristo, at para sa kapakanan ng aming mga tao" (Jacob 1:2, 4).
8. Si Lehi, na ama nina Nephi at Jacob, ay naging saksi rin ng Panginoon (tingnan sa 2 Ne. 1:15).
9. Tingnan sa 1 Ne. 8:1035.
10. Tingnan sa 1 Ne. 11:1436.
11. Tingnan sa Eter 3:14.
12. Tingnan sa 1 Ne. 19:10.
13. Maraming iba pa ang maaaring ilista, katulad nina Enos, Jaron, Amaron, Amaleki, at marami pa.
14. Jacob 4:4.
15. Helaman 8:18.
16. Jaredita at Lehita
17. Dahil sa palaging binabanggit ang mga akda ni Isaias, marapat lamang na sabihing siya ay isa sa mga nag-ambag nang malaki sa Aklat ni Mormon. Ang isang kapaki-pakinabang na talababa sa 2 Ne. 12:2 sa kasalukuyang edisyon ng mga banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagsasaad na mga 433 talata ng Isaias--halos ikatlong bahagi ng buong aklat--ang binanggit sa Aklat ni Mormon. Sa edisyon sa wikang Ingles, mahigit sa kalahati (mga 233 talata) ang kaiba sa ilang detalye mula sa katunggali ng mga ito sa Biblia, "samantalang mga 200 talata ang may katulad na pananalita sa King James na Bersiyon." Ang isang iskolar ng Isaias ay nagpatunay sa pamamagitan ng mga dokumento na hindi kukulangin sa 391 mga talata ang tumutukoy sa mga katangian, pagpapakita, kamaharlikaan, at misyon ni Jesucristo. (Tingnan sa Great Are the Words of Isaiah [1980], 7, 28387 ni Monte S. Nyman.)
Si Elder Jeffrey R. Holland (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon (1997), 7894) ang nag-uri-uri sa mga turo ni Isaias na nakatala sa Aklat ni Mormon sa limang kategorya batay sa paksa:
(1) Pagsilang at Mortal na Ministeryo ni Cristo (tingnan sa 1 Ne. 11:13, 15, 18, 20; 2 Ne. 17:1415; Alma 7:10).
(2) Dinalaw ni Cristo ang mga Espiritung nasa Bilangguan (tingnan sa 1 Ne. 21:69).
(3) Nagpakita ng Kabutihan at Ipinipreserba ni Cristo ang Sion sa mga Huling Araw (tingnan sa 1 Ne. 21:1316; 2 Ne. 7:12; 3 Ne. 22:8 hango sa Isaias 54:8).
(4) Ang Cristo sa Panahon ng Milenyo (tingnan sa 2 Ne. 12:25; 21:112; 30:9).
(5) Ang Pagkakapako sa Krus at ang Pagbabayad-sala (tingnan sa Mosias 14;112).
18. Jacob 4:1112.
19. Doktrina at mga Tipan 27:5; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:9; Joseph Smith--Kasaysayan 1:34.
20. 3 Ne. 27:13. Ang buong teksto ng Kanyang pangaral ay kinapapalooban din ng mga ordenansa at tipan bilang mahahalagang aspeto ng ebanghelyo.
21. 3 Ne. 27:14.
22. Hindi lahat ng banal na doktrina ay nakapaloob sa Aklat ni Mormon. Ang gawain sa templo tulad ng pagkakaalam natin dito sa ngayon ay inihayag bilang bahagi ng pagpapanumbalik ng lahat ng bagay at itinuturo sa Doktrina at mga Tipan at sa mas huling mga paghahayag sa mga buhay na propeta.
23. Tingnan sa Mga Taga Roma 5;11.
24. Pagbabayad-sala: 28 beses; magbayad, pagbabayad, o nagbayad: 8 beses; pati nagbabayad: 3 beses--ay katumbas ng 39 na beses. Sa loob ng ilang talata, ang salitang pagbabayad-sala ay lumitaw nang higit sa isang beses (tingnan sa 2 Ne. 9:7; Alma 34:9; 42:23).
25. Ang salitang pagkabuhay na mag-uli ay lumitaw nang 41 beses sa King James na Bersiyon ng Biblia; lumitaw ito nang 81 na beses sa Aklat ni Mormon. Tingnan din sa Christ and the New Covenant, 238).
26. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:57.
27. Tingnan sa 3 Ne. 21:1; 29: ulo ng kabanata.
28. Ang covenant (tipan) ay mula sa Latin na convenire, na ang ibig sabihin ay "makipagkasundo", "sumang-ayon".
29. Ang testament ay mula sa Latin na testis, na ang ibig sabihin ay "saksi." Ang testament ay may kaugnayan din sa mga salitang-ugat sa Latin na tres stare, na ang ibig sabihin ay *"three stand."
30. Ang witness ay mula sa Lumang Ingles na wit, na ang ibig sabihin ay "kaalaman." Ang isang saksi ay inilalarawan bilang isang taong may natatanging kaalaman.
31. Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant, 910.
32. History of the Church, 4:461.
33. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 17:6.
34. 3 Ne. 9:1516, 18, 2022.
35. Tingnan sa 3 Ne. 11:14.
36. Tingnan sa 3 Ne. 15:9.
37. 2 Ne. 26:27.
38. 2 Ne. 26:33.
39. Tingnan sa Christ and the New Covenant, 349.
40. Mula ika-7 ng Abril hanggang ika-30 ng Hunyo, 1829. Matapos ibawas ang panahong ginugol sa ibang kasabayan na mga gawain, ang oras na ipinagtrabaho ay malapit sa 55 araw. Ang kasalukuyang edisyon ng Aklat ni Mormon ay naglalaman ng 531 na pahina. Ipagpalagay nang 55 araw para sa gawain ng pagsasalin, ang bilis ay tinatayang nasa 9.7 na pahina sa bawat araw.
41. Tingnan sa "Book of Mormon Translation by Joseph Smith," nina John W. Welch at Tim Rathbone, Encyclopedia of Mormonism, 4 na tomo [1992], 1:211.
42. Tingnan sa "A Chronology of Church History," Appendix 2, Encyclopedia of Mormonism, 4:1652, petsang ika-11 ng Hunyo, 1829.
43. Mga Bahagi 69 at 1118.
44. Tingnan sa Moro. 10:45.
45. Ang Propetang Joseph Smith ay nagpahayag na "ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito [ang Aklat ni Mormon], nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat" (History of the Church 4:461).
46. Tingnan sa Mat. 14:1920; Mar. 6:4142; Luc. 9:1617.
47. Tingnan sa Mat. 11:5; Luc. 7:2122.
48.Doktrina at mga Tipan 20:14.