The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Pagtuturo ng Ebanghelyo

Pagtuturo ng Ebanghelyo

Elder Dallin H. Oaks
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Sa sagrado nating tungkulin sa pagtuturo ng ebanghelyo, walang pagsisikap ang napakainam para sa gawain ng Panginoon at sa pag-unlad ng Kanyang mga anak.

Elder Dallin H. Oaks

Isang tanyag na may-akda ang sumulat ng aklat tungkol sa kanyang napakahusay na guro. Ang pinakasentro ng malakas na impluwensiya ng gurong ito sa kolehiyo sa kanyang estudyante ay ang matibay na paniniwala ng estudyante na ang gurong ito ay tunay na nagmamalasakit sa kanya at nais na matutuhan at gawin niya ang bagay na tutulong sa kanya upang makatagpo ng kaligayahan. Tinapos ng may-akda ang kanyang parangal sa pamamagitan ng tanong na ito: "Tunay ba na kayo ay nagkaroon na ng isang guro? Isang guro na nakita kayo bilang isang bagay na may kakulangan ngunit mahalaga, isang hiyas na kung may katalinuhang pakikinisin ay mapakikintab nang ubod kinang? Kung sadyang mapalad kayo na matagpuan ninyo ang daan patungo sa ganitong mga guro, lagi ninyong matatagpuan ang daan pabalik sa kanila."1

I.

Ang bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang guro, o magiging isang guro. Malaki ang kinalaman ng bawat isa sa atin sa nilalaman at sa mabisang pamamaraan ng pagtuturo ng ebanghelyo. Nais natin na ang lahat ay magkaroon ng mahuhusay na guro ng ebanghelyo, at nais natin na matulungan tayong lahat ng mga gurong iyon na matagpuan ang daan pabalik, hindi lamang sa kanila kundi sa ating Ama sa Langit.

Ang aming tungkulin sa pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi lamang limitado sa mga tinawag na magturo sa mga korum ng pagkasaserdote, sa Primarya, Samahang Damayan, Panlinggong Paaralan, Mga Kabataang Babae, at sa iba pang mga takdang gawain. Sa dakilang plano ng kaligtasan ng Panginoon wala nang higit pang mas mahahalagang guro kaysa mga magulang, na patuloy na nagtuturo sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at panuntunan. Ang bawat isa sa atin ay nagtuturo sa mga nakapaligid sa atin sa pamamagitan ng halimbawa. Kahit na ang mga bata ay nagtuturuan sa isa't isa. Ang bawat misyonero ay isang guro. At ang bawat pinuno ay isang guro. Tulad ng itinuro ni Pangulong Hinckley maraming taon na ang nakaraan, "Ang mabisang pagtuturo ang pinakadiwa ng pamumuno sa Simbahan."2

Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay panlahatan at mahalaga. Tunay, "na wala nang higit pang dakilang tungkulin ang maaaring taglayin ng sinuman sa [isa sa atin] kaysa maging isang guro ng mga anak ng Diyos."3 Ang gawain ng ating Tagapagligtas ay tulad ng sa isang guro. Siya ang Punong Guro, at inaanyayahan Niya ang bawat isa sa atin na sundan Siya sa dakilang paglilingkod na iyon.4

Mga ilang taon na ang nakalilipas nang bigyang-hamon ng Unang Panguluhan ang Korum ng Labindalawa na muling pasiglahin ang pagtuturo sa Simbahan. Tinanggap ng Labindalawa, sa tulong ng Pitumpu, ang hamong iyon. Ngayon, matapos ang mga taon ng paghahanda, kabalikat ang mga pagsisikap ng mahuhusay na guro ng ebanghelyo, iskolar, manunulat, at iba pa, nagpadala kamakailan lamang ng sulat ang Unang Panguluhan na nagpapasimula ng isang malawakang pagpupunyagi sa Simbahan "na muling pasiglahin at paghusayin ang pagtuturo sa Simbahan."5 Isinasaad sa sulat na ito na, "Ang muling pagbibigay-diin na ito ay naglalayon na paghusayin ang pagtuturo ng ebanghelyo sa mga tahanan at sa mga pulong sa Simbahan at tulungan na mapangalagaan ang mga miyembro ng mabuting salita ng Diyos."

Kamakailan lamang ay nagpalabas kami ng 10-pahinang buklet, Pagpapahusay sa Pagtuturo ng Ebanghelyo: Isang Gabay ng Pinuno. Ang mga kopya ay ipinamamahagi sa lahat ng mga pinuno ng yunit at sa bawat pinuno ng korum at pantulong na samahan sa Simbahan. Tulad ng ipinapaliwanag dito, ang aming tungkulin sa "pagtuturo ng ebanghelyo sa Simbahan" ay kinabibilangan ng pang-araw-araw na mga pagtuturo ng mga magulang sa tahanan gayundin naman ang gawain ng mga guro sa mga korum at pantulong na samahan.

Ang mahalagang pagpupunyaging ito na "muling pasiglahin at paghusayin ang pagtuturo sa Simbahan" ay kinabibilangan ng tatlong bahagi. Una, binibigyang-diin nito ang mahahalagang pananagutan ng mga pinuno na gumawa upang mapahusay ang pagtuturo sa kanilang mga organisasyon. Nais namin na himukin at tulungan ng lahat ng pinuno ang mga guro at mag-aaral na kanilang pinamumunuan.

Ikalawa, pinasisimulan ng pagpupunyagi ang pagkakaroon ng minsan sa tatlong buwan na mga pulong sa pagpapahusay ng guro para sa mga guro ng tatlong magkakaibang pangkat--mga bata, kabataan, at nasa wastong gulang--upang"magturuan at patibayin ang bawat isa" (Doktrina at mga Tipan 43:8) sa mga alituntunin, pamamaraan, at kasanayan na magpapahusay sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo.

Panghuli, ang kursong may 12-aralin sa "Pagtuturo ng Ebanghelyo" ay ituturo nang kahit minsan man lamang sa loob ng isang taon, karaniwan sa oras ng Panlinggong Paaralan. Ang materyal ng kursong ito ay kukunin mula sa bagong pinaikli at inayos na edisyon ng Pagtuturo, Wala Nang Higit Pang Dakilang Tungkulin: Isang Mapagkukunang Gabay para sa Pagtuturo ng Ebanghelyo. Ang aklat na ito ay ipinamamahagi sa lahat ng mga purok at sangay sa Simbahan.

Muli din naming ipinalabas ang Gabay na Aklat sa Pagtuturo upang magamit sa tahanan at sa mas maliliit at bagu-bagong mga yunit na hindi makakakumpleto ng mga guro para sa buong programa ng Simbahan.

II.

Ang ilan ay maaaring nagtataka kung bakit gumagawa kami ng ganito kalaking pagpupunyagi upang mapaghusay ang pagtuturo ng ebanghelyo. Ang mga nagtataka ay sadyang maaaring nabiyayaan ng mahuhusay na guro, at marami tayo nito sa Simbahan. Ang iba naman ay makakaunawa kung bakit kinakailangan ang ganitong pagpupunyagi at mananalangin para sa ikatatagumpay nito.

Sa loob ng maraming taon hinangad ko na higit na matutuhan ang tungkol sa katangian at kalidad ng pagtuturo sa iba't ibang mga korum at pantulong na samahan ng Simbahan. Ginawa ko ito sa pamamagitan nang walang pasabing pagdalaw sa mga klase sa iba't ibang mga purok sa iba't ibang dako ng Simbahan. Sa ngayon ay nadalaw ko na ang daan-daang mga klase. Humihingi ako ng paumanhin kung nabigla ko man ang guro sa alinman sa aking mga naging pagdalaw. Ang naging impresyon ko ay halos lahat ng mga guro na aking inobserbahan sa mga biglaang pagdalaw na ito ay nagpasalamat sa pagkakaroon ng panauhin na naroon upang matuto at doon ay nagpakita ng pasasalamat sa kanilang mga pagsisikap at malasakit para sa kanilang mga estudyante.

Sa kabuuan, ang nakita ko sa mga pagdalaw na ito ay bagay na nakalulugod at nakahahalina. Nakakita ako ng mga gurong puno ng sigla na ang pagmamahal sa ebanghelyo at sa kanilang mga estudyante ay sadyang malinaw na naipamalas dahil na rin sa epekto ng kanilang nakapupukaw na pagtuturo. Nakakita rin ako ng maalalahanin at magagalang na estudyante, handang makinig sa mensahe at sabik na matuto.

Sa kabila ng magagandang halimbawa na aking naobserbahan, naniniwala ako na sa Simbahan sa kabuuan--gaya din naman ng kada indibiduwal sa atin--ay lagi tayong makagagawa pa ng mas mainam. Ang hamon ng pag-unlad ay kaakibat ng plano ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. At sa sagrado nating tungkulin sa pagtuturo ng ebanghelyo, walang pagsisikap ang napakainam para sa gawain ng Panginoon at sa pag-unlad ng Kanyang mga anak.

III.

Maraming iba't ibang pamamaraan sa pagtuturo, subalit ang lahat ng mabuting pagtuturo ay nababatay sa tiyak na mga pangunahing prinsipyo. Hindi na kinakailangang banggitin pa ang lahat, nais kong tukuyin at bigyan ng komento ang anim na mga pangunahing prinsipyo sa pagtuturo ng ebanghelyo.

Ang una ay pag-ibig. Ito ay naipamamalas sa dalawang paraan. Kapag tayo ay tinawag na magturo, dapat nating tanggapin ang ating tungkulin at dapat tayong magturo dahil sa ating pag-ibig sa Diyos ang Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Bilang karagdagan, dapat na laging magturo ang guro ng ebanghelyo nang may pag-ibig sa kanyang mga estudyante. Tinuruan tayo na dapat tayong manalangin "nang buong lakas ng puso, . . . [upang] mapuspos ng ganitong pag-ibig" (Moro. 7:48). Ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa Kanyang mga anak ang pinakapangunahing dahilan sa paglilingkod. Ang mga nagtuturo dahil sa pag-ibig ay gagawing mabisa bilang mga kasangkapan sa mga kamay Niya na kanilang pinaglilingkuran.

Ikalawa, isang guro ng ebanghelyo, tulad ng Guro na ating pinaglilingkuran, ay lubos na magtutuon ng pansin sa mga tinuturuan. Ang ganap na pagtutuunan ng kanyang pansin ay ang mga pangangailangan ng mga tupa--ang kapakanan ng mga estudyante. Hindi itinutuon ng guro ng ebanghelyo ang kanyang pansin sa kanyang sarili. Hindi ituturing ng isang nakakaunawa sa prinsipyong iyon ang kanyang tungkulin bilang isang guro na "nagbibigay o naglalahad ng aralin," sapagkat ang pananaw sa kahulugang ito ng pagtuturo ay nakatuon sa guro, hindi sa estudyante.

Sa pagtutuon ng pansin sa mga pangangailangan ng mga estudyante, hindi kailanman magiging sagabal ang guro ng ebanghelyo sa layunin ng kanilang Guro sa pamamagitan ng paghadlang o paggamit sa aralin para sa sariling kapakinabangan o sariling interes. Nangangahulugan ito na ang guro ng ebanghelyo ay hindi kailanman kinakailangang magpasasa na tulad ng mga huwad na pagkasaserdote, na ang gawain "ay upang mangaral ang mga tao at itayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng yaman at papuri ng sanlibutan" (2 Nephi 26:29). Ang guro ng ebanghelyo ay hindi nangangaral "na maging tanyag" (Alma 1:3) o "dahil sa mga kayamanan at karangalan" (Alma 1:16). Sinusunod niya ang kahanga-hangang halimbawa sa Aklat ni Mormon kung saan "ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral" (Alma 1:26). Kapwa lagi silang nakatuon sa Guro.

Ikatlo, ang mahusay na guro ng ebanghelyo ay magtuturo mula sa sinang-ayunang materyal ng kurso, nang may lubos na pagbibigay-diin sa pagtuturo ng doktrina at mga alituntunin at mga tipan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ay ipinag-uutos sa makabagong paghahayag, kung saan sinabi ng Panginoon:

"Ang mga guro ng simbahang ito ay magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia, at Aklat ni Mormon, na kung saan ang kabuuan ng ebanghelyo.

"At kanilang tutuparin ang mga tipan at saligan ng simbahan na gawin ang mga yaon, at ang mga ito ang kanilang magiging mga aral, habang sila ay ginagabayan ng Espiritu" (Doktrina at mga Tipan 42:12­13).

Ang mga guro na inutusang ituro "ang mga alituntunin [ng] ebanghelyo" at "ang doktrina ng kaharian" (Doktrina at mga Tipan 88:77) ay karaniwang dapat na iwasan ang pagtuturo ng tiyak na mga panuntunan o pagsasagawa. Halimbawa, hindi sila magtuturo ng anumang mga panuntunan upang tukuyin kung ano ang buong ikapu, at hindi sila magbibigay ng listahan ng mga dapat gawin at mga hindi dapat gawin sa pagpapanatiling banal sa Araw ng Sabbath. Kapag naituro ng guro ang doktrina at ang kaugnay na mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan at sa mga buhay na propeta, ang gayong mga pagsasagawa o mga panuntunan ay karaniwang pananagutan na ng mga indibiduwal at mga mag-anak.

Ang maayos na naiturong mga doktrina at mga alituntunin ay higit na may malakas na impluwensiya sa pag-uugali kaysa sa mga panuntunan. Kapag nagtuturo tayo ng doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, maaari tayong maging dapat na tumanggap ng patotoo at patnubay ng Espiritu upang papagtibayin ang ating pagtuturo, at hinihingi nating ang pananampalataya ng ating mga estudyante sa paghahangad ng patnubay ng Espiritu ding iyon upang maipamuhay ang mga turong iyon sa kanilang pansariling buhay.

Ang paksa na itinuturo sa mga korum ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at mga Samahang Damayan ng Simbahan tuwing ikalawa at ikatlong mga Linggo ng bawat buwan ay ang Mga Turo ng Mga Pangulo ng Simbahan. Sa loob ng nagdaang dalawang taon pinag-aralan natin ang mga turo ni Pangulong Brigham Young. Sa loob ng susunod na dalawang taon ay pag-aaralan natin ang mga turo ni Pangulong Joseph F. Smith. Ang mga aklat na naglalaman ng mga turong ito, na ibinibigay sa bawat nasa wastong gulang na miyembro ng Simbahan bilang palagiang pansariling mapagkukunang aklatan, ay naglalaman ng doktrina at mga alituntunin. Puno ng impormasyon ang mga ito at naaangkop sa mga pangangailangan ng ating panahon, at ang mga ito ay napakainam para sa pagtuturo at talakayan.

Sa aking mga naging pagdalaw sa mga korum at mga Samahang Damayan, sa kabuuan ay nalugod at nasiyahan ako kung paano inilahad at tinanggap ang Mga Turo ng Mga Pangulo ng Simbahan. Gayunman, may mga pagkakataon na nakapagmasid ako sa mga guro na bumanggit lamang ng isang piling kabanata at pagkatapos ay inilahad ang aralin at sinimulang talakayin ang ibang mga materyal ayon na rin sa napili ng guro. Hindi ito katanggap-tanggap. Ang guro ng ebanghelyo ay hindi tinawag upang pumili ng paksa ng aralin sa halip ay tinawag siya upang ituro at talakayin ang ayon sa isinasaad ng aralin. Ang mga guro ng ebanghelyo ay dapat ding maging maingat upang maiwasan ang mga paksang nakagawian nang talakayin, pansariling mga palagay, at mga paksang pinagtatalunan. Ang mga paghahayag ng Panginoon at ang mga tagubilin ng Kanyang mga tagapaglingkod ay malinaw hinggil sa bagay na ito. Dapat nating tandaang lahat ang napakagandang tagubilin ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang guro ng ebanghelyo ay isang "panauhin":

"Siya ay pinagkalooban ng posisyong nagtataglay ng awtoridad at ang selyo ng pagsang-ayon ay iginawad sa kanya, at makatwirang ipagpalagay ng mga taong kanyang tinuturuan na, matapos piliin at sang-ayunan sa tamang orden, kinakatawan niya ang Simbahan at ang mga bagay na kanyang itinuturo ay sinang-ayunan ng Simbahan. Hindi mahalaga kung gaano man siya katalino at kung gaano man karami ang mga bagong katotohanan na sa palagay niya ay kanyang natagpuan, wala siyang karapatan na lumampas sa programa ng Simbahan."6

Ikaapat, ang guro ng ebanghelyo ay masigasig na maghahanda at magsisikap na gamitin ang pinakamabisang mga pamamaraan sa paglalahad ng sinang-ayunang mga aralin. Ang bagong kurso na Pagtuturo ng Ebanghelyo at ang bagong mga pulong sa pagpapahusay ng guro ay malinaw na naglalayong tulungan ang mga guro sa pagpupunyaging ito.

Ang ikalimang pangunahing alituntunin ng pagtuturo ng ebanghelyo na nais kong bigyang-diin ay ang utos ng Panginoon, sinipi kanina lamang, na ang mga guro ng ebanghelyo ay dapat "magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo. . . habang sila ay ginagabayan ng Espiritu. . . .At kung hindi ninyo natanggap ang espiritu kayo ay hindi magtuturo" (Doktrina at mga Tipan 42:12--14). Isang pribilehiyo at tungkulin ng guro ng ebanghelyo na hangarin ang antas ng pagkadisipulong iyon kung saan ang kanyang mga pagtuturo ay gagabayan at papagtitibayin ng Espiritu sa halip na maging puspusan ang gagawing mga pagpili at paunang pagsasaayos ng aralin para sa pansariling kaluwagan o taglay na mga kasanayan. Ang kahanga- hangang mga alituntunin ng "Pagtuturo at Pamumuno sa Ebanghelyo" sa bagong Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

"Dapat hangarin ng mga guro at mga miyembro ng klase ang Espiritu sa oras ng aralin. Ang tao ay maaaring makapagturo ng malalalim na katotohanan, at ang mga miyembro ng klase ay maaaring makibahagi sa nakagaganyak na mga talakayan, subalit maliban na naroon ang Espiritu, ang bagay na ito ay hindi lubos na makikintal sa kaluluwa. . . .

"Kapag ang Espiritu ay naroon sa oras ng pagtuturo ng ebanghelyo, 'ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala [ng mensahe] sa puso ng mga anak ng tao' (2 Ne. 33:1)."7

Binanggit ni Pangulong Hinckley ang isang mahalagang bagay na kaakibat ng utos na magturo sa pamamagitan ng Espiritu nang ipalabas niya ang hamong ito:

"Kailangan nating. . . himukin ang ating mga guro na mangusap mula sa kanilang mga puso, sa halip na mula sa kanilang mga aklat, ipadama ang kanilang pagmamahal sa Panginoon at sa mahalagang gawaing ito, at dahil doon ay papag-aalabin nito ang mga puso ng kanilang mga tinuturuan."8

Iyan ang ating layunin--ang "papag-alabin" ng pag-ibig sa Diyos at pangako sa ebanghelyo ni Jesucristo ang mga puso ng mga taong ating tinuturuan.

Ito ay nagbibigay-daan sa ikaanim at ikahuling alituntunin na aking tatalakayin. Ang guro ng ebanghelyo ay may malasakit sa mga bunga ng kanyang pagtuturo, at susukatin ng ganitong guro ang tagumpay ng pagtuturo at pagpapatotoo batay sa impluwensiya nito sa buhay ng mga mag-aaral.9 Ang guro ng ebanghelyo ay hindi kailanman masisiyahan sa paghahatid lamang ng mensahe o sa pagbibigay ng pangaral. Ang napakahusay na guro ng ebanghelyo ay nais na makatulong sa gawain ng Panginoon na maghatid ng buhay na walang hanggan sa Kanyang mga anak.

Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee: "Ang tungkulin ng guro ng ebanghelyo ay isa sa pinakadakilang tungkulin sa daigdig. Malaki ang kaibhan na magagawa ng isang mahusay na guro sa pagbibigay-sigla sa mga batang lalaki at babae at sa kalalakihan at kababaihan upang baguhin ang kanilang buhay at isakatuparan ang kanilang napakatayog na patutunguhan. Ang kahalagahan ng guro ay mainam na nailarawan ni Daniel Webster nang sabihin niyang, 'Kung gumagawa tayo sa marmol, ito ay maglalaho; kung gumagawa tayo sa tanso, buburahin ito ng panahon; subalit kung gumagawa tayo sa mga imortal na isipan, kung ikinikintal natin sa mga ito ang mga alituntunin at ang ganap na takot sa Diyos at pag- ibig sa ating kapwa-tao, inuukit natin sa mga laminang iyon ang bagay na magniningning hanggang sa kawalang-hanggan.'"10

Pinatototohanan ko na ito ay gawain ng Diyos, at tayo ay Kanyang mga tagapaglingkod na may sagradong pananagutan sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesuctristo, ang pinakamahalagang mensahe sa lahat ng panahon. Kailangan natin ng mas maraming guro upang matumbasan ang mensaheng ito. Idinadalangin ko na tayong lahat ay magiging mahuhusay na guro ng ebanghelyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom (1997), 192.
2. "How to Be a Teacher When Your Role as a Leader Requires You to Teach," Pulong ng Lupon ng Pagkasaserdote ng Pangkalahatang Awtoridad, ika-5 ng Peb. 1969; tingnan din sa "A Teacher Come from God," ni Jeffrey R. Holland, Ensign, Mayo 1998, 26.
3. David O. McKay, Gospel Ideals (1953), 175.
4. Tingnan sa, pangkalahatan, Boyd K. Packer, Teach Ye Diligently (1975).
5. Sulat ng Unang Panguluhan, ika-15 ng Set. 1999.
6. The Teachings of Spencer W. Kimball, binago ni Edward L. Kimball (1982), 533.
7. Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2: Mga Pinunong Pagkasaserdote at Pantulong na Samahan (1998), 300.
8. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 619--20.
9. Tingnan sa "The Power of Teaching Doctrine," ni Henry B. Eyring, Liahona, Hulyo 1999, 85.
10. The Teachings of Harold B. Lee, binago ni Clyde J. Williams, (1996), 461.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy