The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Walang Taong Mabubuhay nang Mag-isa

Walang Taong Mabubuhay nang Mag-isa

Elder Richard H. Winkel
Ng Pitumpu

Ang mga bagong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi makakayanang mag-isa. . . . Kailangan nila tayo ay kailangan natin sila.

Elder Richard H. Winkel

Mga kapatid, ikinalulugod kong makasama kayo ngayong hapon. Habang sinisimulan kong ihanda ang aking sasabihin, napag-isip-isip ko na ito ang unang pagkakataon na inanyayahan akong magsalita sa Tabernakulo--at ito rin ang huli! Gayon pa man ay ikinalulugod kong naririto ako sa piling ninyo sa makasaysayang pangyayaring ito sa makasaysayang gusaling ito ngayon.

Nais kong magbago muna ng lokasyon at sabihin sa inyo ang tungkol sa ibang magandang lugar. Matatagpuan sa hilagang baybayin ng California ang pinakamataas na puno sa daigdig. Ang pamamasyal sa basal na kakahuyan ng redwood ay maaaring isa sa magiging pinakakahanga-hangang karanasan ninyo. Kung minsan ang mga punong ito ay nabubuhay ng mahigit 2000 taon at umaabot sa taas na 300 talampakan at higit pa. Ang pinakamataas na puno ng redwood na naitala ay may 367 talampakan ang taas. Iyan ay mas mataas pa kaysa sa laruan ng football at muli mga 1/3 ng taas ng Templo ng Salt Lake. Pinapagmumukhang maliit ng malahiganteng redwood ang iba pang mga punongkahoy sa paligid nito--kung kaya't tinawag na "Bundok ng Everest sa lahat ng nabubuhay na bagay."

"Oo, lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon niyon, ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso;

"Oo, para sa pagkain at para sa kasuotan, para sa panlasa at para sa pang-amoy, upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa.

"At ikinalulugod ng Diyos na kanyang ibinigay ang lahat ng bagay na ito sa tao; sapagkat sa ganitong hangarin ang mga ito ay ginawa upang gamitin, nang may karunungan, hindi sa kalabisan, ni sa pagkuha nang sapilitan.

At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan (Doktrina at mga Tipan 59:18­21).

Ang mga redwood sa baybayin ay totoong mga panginoon ng kanilang kaharian at pinakamarikit na likha ng ating Ama sa Langit. Naghahari sila sa mga kasama nitong puno dahil sa kanilang nakalululang taas at maringal na kagandahan. Subalit, may katangian ang malahiganteng punong ito na totoong kahanga- hanga at tila hindi natin nalalaman. Kahit na sila ay lumalaki na hanggang 300 talampakan at tumitimbang ng mahigit na isang milyong libra, napakababaw ng pagkakabaon ng mga ugat nito sa lupa. Mga tatlo hanggang apat na talampakan lamang ang lalim ng mga ugat ng punong ito, ngunit ito ay gumagapang ng ilang daang talampakan. Habang gumagapang ang mga ugat nito, pumulupot ito sa katulad nilang redwood at sa iba pang uri ng puno. Dahil sa pagpupulupot na ito ay parang pinaghabi-habi ang mga ugat. Karamihan sa mga inhinyero ay magsasabi sa inyo na sa sistema ng mababaw na pag-uugat na ito, imposibleng di-matinag o makapangsanggalang ang mga redwood laban sa malakas na hangin at baha. Gayun pa man, ang sistema ng pagpulupulupot ng mga ugat ang sikreto ng kanilang lakas at nagtuturo ito sa atin ng isang mahalagang aral.

Una, tanggapin natin ang katotohanan na ang kagila-gilalas na mga higanteng ito ay hindi kayang mag-isa. Kung hindi pupulupot ang mga ugat nito sa iba pang miyembro ng pamilya at matutulunging kapitbahay, hindi ito tatagal.

Nais kong pag-isipan ninyong mabuti ang unang dalawang berso ng awit na kinuha mula sa kilalang tula ni John Donne:


Walang taong parang isla;
Hindi niya kayang mag-isa.
Bawat tuwa nito'y tuwa ko rin;
Bawat dusa nito'y aking angkin.
 
Isa't isa'y ating kailangan,
Kaya nga't aking ipaglalaban
Na para bang bawat isa;
Ay kapatid ko't kaibigan.
(John Donne, "No Man Is an Island" sa A Collection of Inspirational Verse for Latter-day Saints, nina Bryan B. Gardner at Calvin T. Broadhead, [1963] 69.)

Ang mga bagong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal ay hindi makakayanang mag-isa. Maaaring mukhang malakas sila nang nag-iisa na tulad ng mga redwood, ngunit kailangan nila tayo at kailangan natin sila. Sa pagsasahimpapawid sa pamamagitan ng satelayt noong nakaraang Pebrero, si Pangulong Hinckley ay nagbahagi ng kuwento ng isang babae na naging miyembro ng Simbahan nang nakaraang taon. Isinulat niya:

"'Ang pagsapi ko sa Simbahan ay kakaiba at mapaghamon. Ang nakaraang taon ay ang pinakamahirap na taong naranasan ko sa aking buhay. Ito rin ang pinakamakabuluhan. Bilang bagong miyembro, patuloy akong sinusubok araw-araw.'

"Sinabi pa niya na noong sumapi siya sa Simbahan hindi siya nakadama ng paghihikayat mula sa mga namumuno sa kanyang purok. Tila hindi binibigyang-pansin ng kanyang obispo ang pagiging bagong miyembro niya. Dahil sa nadamang pangwawalang-bahala sa kanya, bumaling siya sa pangulo ng misyon, na nagbigay ng mga pagkakataon sa kanya.

"Ipinahayag niya na 'Hindi alam ng mga miyembro ng Simbahan kung paano ang maging isang bagong miyembro ng Simbahan. Dahil doon, halos imposible na para malaman nila kung paano kami aalalayan'" ("Hanapin ang mga Kordero, Pakanin ang Tupa." Liahona; Hulyo 1999, 122).

Kailangan nila ang ating pagmamahal at pag-aalalay. Nalalaman man natin o hindi, inaabot nila ang kanilang mga kamay sa atin tulad ng pag-aabot ng mga ugat ng redwood sa mga ugat ng Douglas fir, sa Western hemlock, sa Sitka spruce, at iba pang puno. Kailangan nating abutin ang mga bagong miyembrong ito at alalayan sila sa kanilang pag-unlad, sapagkat tunay na tayo ay kanilang mga kapatid. Hindi ba't lahat tayo ay nakagagawa nang mas mabuti kung tayo ay tinutulungan, inaalalayan, at minamahal ng ating mga mag-anak at kaibigan? Maging ang mga puno ay mas napapabuti kapag sila'y sama-samang lumalaki sa mga kagubatan. Mas lumalaki silang mataas, tuwid, malakas, at nakapagbibigay ng higit na mabuting uri ng troso. Kapag ang puno ay lumaking mag-isa, nagkakaroon ito ng maraming sanga. Ang mga sangang ito ay lumilikha ng mga buko na nakapagpapahina sa puno at nakapagpapababa ng uri ng kahoy nito.

Marahil magugunita ninyo na noong itatag ni Cristo ang Kanyang Simbahan ay tumawag Siya ng marami na maglilingkod: mga apostol, propeta, patriyarka, obispo, diyakono, guro, saserdote, atbp. Marami ang tinawag upang maglingkod sa Kanyang kaharian. Ang mga tawag na ito ay ibinigay upang palakasin ang mga miyembro, upang tumulong sa pagtatatag ang Simbahan, at basbasan ang buhay ng mga anak ng Diyos.

Noong tinawag ng Tagapagligtas sina Pedro, Santiago, Juan at iba pa, mayroon ba siyang karanasan? Wala, ngunit sinabi Niya sa kanila na sila ay Kanyang sasanayin. Gagawin Niya silang mamamalakaya ng mga tao. Nakagawa ba ng mga pagkakamali ang Kanyang mga Apostol at disipulo? Siyempre, oo, ngunit sila ay binigyan ng pagkakataon at sila ay natuto. Gayundin na ang mga bago nating kapatid ay matututo at uunlad kung kakaibiganin natin sila, bibigyan sila ng tungkulin, at bubusugin sila ng mabuting salita ng Diyos.

Isa sa iba pang napakaraming uri ng punungkahoy na nasa ilalim ng mga sanga ng redwood ay ang hindi gaanong kilalang punong tinatawag na Lithocarpus densiflorus. Tinatawag din itong tan oak. Kabilang ang tan oak sa pangkalahatang pamilyang ito ng oak, ngunit may bahagyang pagkakaiba. Mayroong bilyun-bilyong punong ganito na lumalaking kasama ng mga kilalang redwood at mayroong itong napakaraming katangian, ngunit ito ay halos hindi napapansin at nagagamit. Anupat isang pag-aaksaya, isang trahedya kung isasaalang-alang ninyo ang potensyal ng tan oak. Ang pananaw ng maraming magtotroso ay, "Nasisiyahan naman kami sa mga dating nandiyan, bakit magbabago pa?" Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang potensiyal ng ating mga bagong miyembro o maliitin ang kanilang mga talento. Tandaan, "inaanyayahan niya silang lahat ng lumapit sa kanya at makibahagi sa Kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya, maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naalaala niya ang mga di binyagan, at pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil" (2 Nephi 26:33).

Nagpapasalamat ako sa magkakahabi-habing pagkakaibigan na nangalaga sa akin sa buong buhay ko sa aking pagkasilang sa butihing mga magulang, sa aking mga kapatid at kaanak. Lubos akong nagpapasalamat sa pagmamahal at pagsuporta ng aking butihing maybahay, si Karen gayundin ang aming mga kalugud- lugod at mapagmahal na anak. Nais ko ring sabihin na napakapalad ko sa pagkakaroon ng mabubuting kaibigan sa loob ng maraming taon, kapwa sa loob at sa labas ng Simbahan. Nagpapasalamat ako sa pakikisalamuha ko kamakailan lamang sa mga natatanging misyonero sa Espanya at sa mga kahanga-hangang miyembro ng bansang iyon. Alam kong tayo ay may isang mabait at matalinong Ama sa Langit at ako ay nagpapatoo sa Kanyang anak na si Jesucristo, at sa Kanyang pagbabayad-sala na umaantig sa bawat isa sa atin. Pinatotohanan ko din na ang Simbahan ay pinamumunuan ng isang dakilang propeta ngayon, maging si Gordon B. Hinckley. Hinihiling ko sa Panginoong basbasan tayong lahat upang lalo nating madama na tayo'y magkakaugnay at nagmamalasakit sa isa't isa dapat lalo nating kalingain ang isa't isa, sa ating pagsulong sa bagong panahon ng pag-unlad ng Simbahan, at dito sa bagong nakasasabik na milenyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy