The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Siya ay Buhay

Siya ay Buhay

Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ibinuwis Niya (Jesucristo) ang Kanyang buhay nang kahit sa ating kahinaan, mapagtatagumpayan natin ang ating mga pagkakamali sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa Kanyang ebanghelyo.

Elder Richard G. Scott

Naantig ang ating mga puso, nagising ang ating mga imahinasyon, at napalakas ang ating mga pagpapasiyang mamuhay nang mas mabuti bilang resulta ng mga mensahe ng komperensiyang ito. Marami ang nahikayat, tulad ko, na pagbutihin ang ating buhay upang ang ating mga kilos ay higit nating naaakma sa ating mga layunin at pangarap. Marahil ay nahikayat kayong kalimutan ang nakapanlulupaypay na bahagi ng inyong buhay sa kasalukuyan o ayusin ang isang walang kabuluhang hilig na nagsisimula nang mag-ugat para lamang sa kalaunan ay magbunga ng kapaitan. Malamang na may ilang nagpasiyang pagsisisihan ang mabibigat na pagkakamali at magbalik sa nakapananariwang tubig ng kabutihan. Ang mga pag-iisip na magbago ay nagmumula sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Magsasalita ako tungkol sa Kanya. Dahil ang mga pag-iisip tungkol sa Tagapagligtas ay nakapagpapalambot ng damdamin, babanggitin ko ang Kanyang mga salita mismo at ang patotoo ng ibang propeta.

Upang tayo ay maakay sa mga tamang pagpili, sinabi Niya:

"Sasabihin ko sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso."1

"At ang Espiritu ay ibibigay sa iyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya.2

"Sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti--oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu.

". . . Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;

". . . Sa pamamagitan nito ay iyong malalaman ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin, na nauukol sa mga bagay ng kabutihan, nang may pananampalataya na naniniwala na ikaw ay makatatanggap."3

"Manalangin tuwina, at aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyo, at malaki ang iyong magiging pagpapala."4

Kasama ng kaloob ng Espiritu Santo ay dumarating ang kakayahang magkaroon ng napakalakas na pakiramdam na gumawa ng mga tamang pagpili. Linangin ninyo ang kaloob na iyan. Tulad ng sinabi ng Panginoon, iyan ay naisasagawa sa pamamagitan ng palagiang pamumuhay nang matwid. Habang pinaghuhusay ninyo ang inyong kakayahang damhin ang patnubay ng wastong impluwensiyang iyon ay maiiwasan ninyo ang kabiguan, kawalang- pag-asa, at maging ang kapahamakan.

Ang Panginoon ay nagbigay ng mga pagdaloy ng impluwensiya sa inyong buhay mula sa langit na aakay sa inyo sa planong nais Niyang isakatuparan ninyo dito sa lupa. Maghanap sa pamamagitan ng Espiritu upang matukoy at maingat na masundan ang patnubay na iyon na inilagay ng Panginoon sa inyong buhay. Makiayon kayo rito. Kusang pumili, na gamit ang inyong kalayaang sundin ito. Huwag kayong magpatalo sa pamamagitan ng pag-uukol lamang ng pansin sa ngayon, sa mga pagsubok nito, paghihirap at oportunidad. Hindi dapat lubos na makuha ng mga alalahaning ito ang inyong pansin na halos ubusin na nito ang inyong buhay. Hinihikayat ko kayo nang lubos na itanim sa himaymay ng inyong kaluluwa ang pagkilala na ang buhay ninyo ngayon ay bahagi ng mas malaking plano ng Panginoon para sa inyo. Naipamuhay na ninyo ang bahagi nito sa buhay bago pa ang buhay sa mundong ito. Kayo ay naging masunurin doon at pumunta rito sapagkat nais ninyong umunlad at magtamasa ng mas dakilang kaligayahan. Ang pasiya ninyo ngayon ay makaaapekto sa kung paano ninyo mahusay na isasakatuparan ang banal, personal na plano Niya para sa inyo.

Hindi ko lubos na nauunawaan kung paano ito ginagawa, ngunit ang banal na daloy na ito ay hindi nag-aalis sa inyong kalayaang pumili. Magagawa ninyo ang mga pasiyang pipiliin ninyong gawin. Kung ang mga pagpili man ay mali, may landas na pabalik--ang pagsisisi. Kapag ganap na natugunan ang lahat ng hinihingi nito, ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagpapalaya mula sa mga hinihinging katarungan para sa mga kamaliang nagawa. Sinabi Niya, "Ako, ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang;

"Gayunman, siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin."5

Ito ay kahanga-hangang kasimplihan at di-mapapantayang kagandahan. Habang patuloy kayong namumuhay nang matwid, lagi ninyong malalaman ang dapat gawin. Minsan ang pagtuklas diyan ay maaaring mangailangan ng matinding pagsisikap at pagtitiwala mula sa inyo. Gayunman malalaman ninyo ang dapat gawin, habang natutugunan ninyo ang mga hinihingi para sa banal na patnubay sa inyong buhay: pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon, pagtitiwala sa Kanyang plano, at pag-iwas sa anumang salungat dito. Kung lalo pa ninyong iniaayon ang inyong buhay sa doktrina ng Panginoon, lalo kayong magkakaroon ng lakas upang gawin kung ano ang iniuudyok ng Espiritu na gawin ninyo.6

Iminumungkahi ko na isaulo ninyo ang mga banal na kasulatang nakaaantig ng inyong puso at pumupuno ng pang-unawa sa inyong kaluluwa. Kapag ang mga banal na kasulatan ay ginagamit sa pamamaraang nilayon ng Panginoon na maitala ang mga ito, may napakahalagang kapangyarihan ang mga ito na hindi maipahahayag kung sasabihin sa ibang pananalita. Minsan kapag may mahalagang pangangailangan sa aking buhay, pinag-iisipan kong muli ang mga banal na kasulatang nagbigay sa akin ng lakas. May malaking kaginhawahan, patnubay, at kapangyarihang dumadaloy mula sa mga banal na kasulatan, lalo na sa mga salita ng Panginoon. Ipakikita ng tatlong halimbawang ito: "Kaya nga, maaliw sa inyong mga puso . . . lahat ng laman ay nasa aking mga kamay; mapanatag at malaman na ako ang Diyos."7

"Ang mga gawain at ang mga layunin, at ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay.

"Sapagkat ang Diyos ay hindi lumalakad sa mga liku-likong landas, ni siya ay bumabaling sa kanan ni sa kaliwa, ni siya ay nagpapabagu-bago sa yaong kanyang sinasabi, samakatwid ang kanyang landas ay tuwid, at ang kanyang hakbangin ay isang walang hanggang pag-ingat.

"Tandaan, tandaan na hindi ang gawain ng Diyos ang nabibigo, kundi ang gawain ng mga tao."8

Si David ay nagalak:

"Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.

"Kanyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan.

"Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan: sapagka't ikaw ay sumasa akin; ang iyong pamalo at ang iyong tungkod ay nagsisialiw sa akin.

"Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking kaaway. Iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan.

"Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay; at ako'y tatahan sa bayan ng Panginoon magpakailanman man."9

Minsan ay parang nais ninyong magreklamo sa Panginoon tungkol sa isang pagsubok na dumating sa inyong buhay na hindi ninyo kasalanan. Itinuro ni Jacob: "Huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay. Sapagkat masdan, kayo na rin sa inyong sarili ay nalalamang nagpapayo siya sa karunungan, at sa katarungan, at sa dakilang pagkaawa, sa lahat ng kanyang paggawa."10

Alam ng Diyos kung ano ang pinakamainam para sa atin. Bagaman maaaring hindi natin maunawaan kung bakit tayo nakararanas ng ilang bagay ngayon, sa sarili niyang panahon ay malalaman natin at magpapasalamat tayo.

Ipinangako Niyang tutulungan tayo sa ating mga pasanin: "Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, . . . upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap."11

Tayo ay pinayuhan, "Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka."12 Lubos akong natulungan nang ilapag ko sandali ang isang mabigat na suliranin sa Kanyang paanan. Nang damputin ko itong muli mas magaan na iyon at mas madali nang dalhin.

Ang lahat ng doktrina sa banal na kasulatan ay makatutulong sa atin, kahit na ito ay ibinigay sa ibang tao, sapagkat paulit-ulit na sinabi ng Diyos, "Anuman ang sinabi ko sa isa ay sinasabi ko na sa lahat."13

Si Emma Smith ay sinabihan: "Magpatuloy sa diwa ng kaamuan, at mag-ingat sa kapalaluan. . . . Patuloy na sundin ang aking mga kautusan, at isang putong ng kabutihan ang iyong matatanggap."14

Pagkatapos ay idinagdag ng Panginoon: "Ito ang aking tinig sa lahat."15

Ang doktrinang ito ay pinagtibay ni Nephi na nagtala: "Inihahalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman."16

Sa diwang iyon ay sinabi ng Tagapagligtas: "Kayo ay inutusan sa lahat ng bagay na humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana; at yaon na pinatotohanan ng Espiritu sa inyo gayon man ninanais ko na gawin ninyo iyon nang buong kabanalan ng puso, lumalakad nang matwid sa harapan ko, isinasaalang-alang ang layunin ng inyong kaligtasan, ginagawa ang lahat ng bagay nang may panalangin at pasasalamat."17

"Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.

"Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa, maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit."18

Si Joseph Smith ay tinulungang maisagawa ang mga tungkuling hindi niya kayang gampanan sa kanyang sarili. Kung minsan, ito ay dumarating sa pamamagitan ng tuwirang paggabay at pamamagitan. Ngunit madalas ang mahinang pag-uudyok ng Espiritu at ang kaakibat na tulong ang dumating dahil sa kanyang pagsunod, kanyang pananampalataya sa Guro, at ang kanyang walang maliw na pagpapasiyang gawin ang kalooban ng Panginoon. Bakit siya ay naging labis na tagumpay? Bahagi ng kasagutan niyan ay nanggaling sa kanyang personal na pagpapahayag, "Ginawa kong panuntunan ito: Kapag iniuutos ng Panginoon, gawin ito.19

Pinatototohanan ko na sa loob ng inyong mga pansariling gawain at responsibilidad, maglalaan ang Panginoon ng gayunding tulong. Kung kakailanganin at pagsusumikapan, makatatamasa kayo ng banal na inspirasyon na malaman ang dapat gawin at kung kinakailangan, kapangyarihan o kakayahan na magawa ito.20 Natutuhan ni Joseph Smith kung paano gawing ganap ang kakayahang sumunod sa paggabay ng Panginoon sa pamamagitan ng isinagawang pansariling disiplina. Hindi niya hinayaan ang kanyang sariling mga hangarin, kaginhawaan, o mga pag-uudyok ng tao na makialam sa pagsunod na iyan habang siya ay umuunlad at natuturuan ng Panginoon kung paano gagawin ang mga tungkuling ibinigay sa kanya. Sundan natin ang kanyang halimbawa.

Pagyamanin ang inyong buhay ng kagandahang nakapaligid sa inyo. Napakarami nito: ang marikit na bukang liwayway na nagbabadya ng isang bago at nakapananariwang araw--ang maraming sanga ng blue spruce na pinalalamutian ng mga ginintuang dahon mula sa katabing puno ng aspen--kumikinang-kinang na mumunting alon sa look ng bundok na ipinag-iibang anyo ng maliwanag na araw ang katahimikan ng kagubatang tinakpan ng sinag ng buwan ang kasiglahan ng isang batang naglalaro at ang pagmamahal sa mga mata ng kanyang ina. "Magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat." 21 At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa." 22

Magpahayag ng pasasalamat sa bawat biyaya sapagkat: "Walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan." 23

Sa loob ng ilang sandali si Pangulong Hinckley ay magbibigay ng mensahe sa pagtatapos ng komperensiyang ito. Mahal ko siya. Dahil sa kanyang kapakumbabaan at walang sawang pagsisikap, pinalaki ng Panginoon ang Kanyang di-pangkaraniwang likas na kakayahan upang basbasan ang buhay ng milyun- milyong tao sa buong mundo. Gayun pa man pinatotohanan niya na hindi siya ang namumuno ng Simbahang ito. Ang namumunong iyon ay ang ating Panginoon at Guro, si Jesucristo ang Manunubos.

Ginagabayan Niya ito. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay nang kahit na sa ating kahinaan, mapagtatagumpayan natin ang ating mga pagkakamali sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa Kanyang ebanghelyo. Tunay ngang tayo ay mga taong pinagpala na magkaroon ng liwanag na ito, ng kaalamang ito, ng mga pagkakataong lumigaya sa mundo at sa kawalang-hanggan. Nawa'y ipangako nating magbahagi ng kaalaman ng kagila-gilalas na gawaing ito. Nang personal o sa pamamagitan ng mga misyonero, sa ating mga kaibigan at kapitbahay nang sa gayon ay sumapi sila sa kahariang ito ng Diyos sa mundo, at tanggapin ang pinakamataas, walang hanggang biyayang nakalaan sa kanila.

Minamahal kong kaibigan, kung mayroon kang dapat ipagsisi sa iyong buhay, gawin mo na--ngayon.

Kung kayo man ay naligaw at napasuot sa masalimuot na mundo, magbalik kayo. Mahal namin kayo. Kailangan namin kayo. Tutulungan namin kayo.

Sa pagtatapos maaari bang banggitin ko ang patotoo ni Alma na para bang ito'y akin sapagkat ako ay may ganoon ding paniniwala:

"Ako ay nagsasalita sa lakas ng aking kaluluwa; . . .

"Sapagkat ako ay tinawag na magsalita sa ganitong paraan alinsunod sa banal na orden ng Diyos na kay Cristo Jesus; oo, ako ay inutusang tumayo at magpatotoo.

". . . Na alam ko na ang mga bagay na aking sinasabi ay totoo. . . .

"Ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos . . . ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw . . . upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu."24

Bilang isa sa Kanyang mga Apostol, na binigyang-karapatang magpatotoo sa Kanya, ako ay taimtim na nagpapatotoo na aking nalalaman na ang Tagapagligtas ay buhay, na Siya ay nabuhay na mag-uli, niluwalhating persona na may ganap na pagmamahal. Pinatotohanan ko na ibinigay Niya ang Kanyang buhay upang tayo ay makapamuhay na kasama Siya nang walang hanggan. Siya ang ating pag-asa, ating Tagapamagitan, ating Manunubos. Nalalaman ko na Siya ay buhay. Nalalaman ko na kayo ay minamahal niya, at tutulungan ka Niyang magtamo ng kagalakan at kaligayahan kung ikaw ay mamumuhay nang karapat-dapat sa tulong na iyan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Doktrina at mga Tipan 8:2; tingnan sa talata 3.
2. Doktrina at mga Tipan 42:14.
3. Doktrina at mga Tipan 11:12­14.
4. Doktrina at mga Tipan 19:38.
5. Doktrina at mga Tipan 1:31­32.
6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 43:15­16.
7. Doktrina at mga Tipan 101:16.
8. Doktrina at mga Tipan 3:1­3.
9. Mga Awit 23.
10. Jacob 4:10.
11. Mosias 24:14.
12. Mga Awit 55:22.
13. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 61:18, 82:5, 92:1, 93:49.
14. Doktrina at mga Tipan 25:14­15.
15. Doktrina at mga Tipan 25:16.
16. 1 Ne. 19:23.
17. Doktrina at mga Tipan 46:7.
18. Doktrina at mga Tipan 6:36­37.
19. History of the Church, Tomo 2, p. 170.
20. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:15­16.
21. Doktrina at mga Tipan 98:1; tingnan sa 1 Tes. 5:16.
22. Doktrina at mga Tipan 78:19.
23. Doktrina at mga Tipan 59:21.
24. Alma 5:43­46.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy