The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Paalam sa Kahanga-hangang Lumang Tabernakulo na Ito

Paalam sa Kahanga-hangang Lumang Tabernakulo na Ito

Pangulong Gordon B. Hinckley

Ang Espiritu ng Panginoon ay nanahanan sa [Tabernakulo] na ito. Sagrado ito sa atin. Tayo ay umaasa, tayo ay naghihintay, tayo ay nananalangin na ang bagong istruktura ay magbibigay ng gayon ding diwa.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Mga kapatid sa pagtatapos ng napakagandang komperensiyang ito, tayo'y nakadama ng pagiging emosyonal. Kung matutuloy ang ating kasalukuyang plano, ito ang huling pagkakataon na magpupulong tayo sa Tabernakulong ito para sa pangkalahatang komperensiya. Maliban sa ilan, marahil ay mga anim na beses sa loob ng 132 taon ay dito ginanap ang ating mga komperensiya.

Ang Tabernakulong ito ay sinimulan noong 1863, at unang ginamit sa komperensiya ng Oktubre 1867. Wala pang balkonahe sa gusaling ito noong panahong iyon. Idinagdag ito para sa komperensiya ng Abril 1870.

Tunay na kahanga-hanga at di-pangkaraniwang istruktura ito. Ngunit lubhang maliit na ito para sa ating pangangailangan. Kamangha-mangha ang pagtatayo nito, na ginawa upang mabigyan ng mauupuan ang lahat ng nais na dumalo ng komperensiya. Pinalitan nito ang lumang Tabernakulo na naglalaman ng mga 2,500 katao.

Nagbibigay parangal tayo kay Pangulong Brigham Young sa kanyang lakas ng loob na magtayo ng kakaiba at di-pangkaraniwang gusali noong panahon na ang lupang ito ay bago pa lamang umuunlad. Ang konsepto ng disenyo ay orihinal. Walang ibang alam na tulad nito ang mga nagsipagtayo nito.

Ang malalaking haliging ito na yari sa bato ang unang itinayo upang bumuo ng tabas itlog na may habang 250 talampakan mula silangan hanggang kanluran. Sa mga haliging ito inilagay ang malalaking kahoy upang maging bubungang hugis arko. Karamihan sa bubungan ay umaabot sa 150 talampakan. Walang mga panloob na haliging sumusuporta. Ang mga mahilig magpahayag na magkakaroon ng kalamidad ay nagsabi na kapag inalis ang nasa loob na pansamantalang umaalalay sa porma ay babagsak ang buong bubungan. Ang bubungan ay may kapal na siyam na talampakan. Binuo ito sa pamamagitan ng pinagpatong-patong na tabla na sama-samang inipit ng pakong yari sa kahoy. Pagkatapos ang mga di-ibinilad na balat ng baka ang ipinantali sa mga tablang ito nang sa gayon kapag natuyo, masisikipan nito ang pagkakatali sa inipit ng pakong yari sa kahoy.

Pagkatapos ay inilatag ang malalaking tabla sa ibabaw. Sumunod ay tinakpan naman ito ng mga tisa. Ang panloob ay nilalik at tinapalan ng plaster na hinaluan ng buhok ng baka upang tumibay.

Tinanggal ang pansamantalang umaalalay sa porma at nanatiling matibay ang bubungan. Nanatili ito sa loob ng isang daan at tatlumpu't-dalawang taon, bagaman ang mga tisa ay pinalitan ng aluminyo mga ilang taon na ang nakalipas.

Natugunan nito ang pangangailangan ng Simbahan at komunidad na ito sa loob ng maraming taon. Ang mga pangkalahatang komperensiya ng Simbahan ay idinaraos dito. Ang mga tinig ng propeta ay narinig mula sa podyum na ito. Ang batas at ang patotoo ay binanggit at inihayag. Napakarami pang ibang pulong ng Simbahan ang idinaos dito. Sa maringal at lumang istrukturang ito pinangasiwaan ang mga serbisyo sa burol ng mga minamahal na pinuno. Ang mga pangulo ng bansa at iba pang kilalang tao ay nagsalita sa lugar na kinatatayuan ko ngayon. Naging tahanan ito ng Tabernacle Choir mula nang matapos ang istrukturang ito. Nitong mga nakaraang araw naging tahanan din ito para sa mga Mormon Youth Chorus and Symphony. Ito ang unang tahanan ng Symphony of Utah. Ang Messiah ni Handel ay itinanghal dito sa loob ng maraming taon. Di-mabilang na iba't ibang konsiyerto, iba't ibang musikal na pagtatanghal at maraming kilalang soloista ang nagbigay ng aliw sa publiko sa malaki at nag-iisang bulwagang ito.

Isang di-pangkaraniwan at kapaki-pakinabang na gusali ito. Dakila ang mga layuning naisakatuparan dito. Wala akong alam na istruktura na tulad nito sa buong mundo.

Totoo na sa pamamagitan ng elektroniks ay nakapagsasahimpapawid tayo saanman natin gustong marinig. Ngunit ang panonood sa telebisyon ay hindi katulad ng talagang kasama mo sa bulwagan ang mga tagapagsalita at mga mang-aawit.

Ang bagong bulwagan, na itinatayo natin sa katabing bloke at pinangalanang Sentro ng Komperensiya, ay maglalaman ng 21,000 katao . . . kasama ang karatig na teatro, 22,000--halos tatlong beses at kalahati ang mailalaman kaysa sa Tabernakulong ito. Hindi ko alam kung mapupuno natin ito, ngunit alam ko na nakapagsalita na tayo sa mas malalaking pagtitipon ng mga Banal. Halimbawa, sa Santiago, Chile, nakapagsalita tayo sa 57,000 sa isang malaking istadyum ng putbol; sa Buenos Aires, Argentina, ng hanggang 50,000; sa Manila sa Pilipinas, sa malaking koliseo, nagsalita tayo sa 35,000 na nagtipon sa iisang bubong.

Ang Tabernakulong ito ay gagamitin pa rin sa iba't ibang mahahalagang layunin. Inaasahan na patuloy pa rin sa lingguhang pagsasahimpapawid dito ang Koro. Patuloy pa ring bibigyang-lugar ng gusaling ito ang iba't ibang pulong ng Simbahan, mga pagtitipong pampubliko at tutugon sa marami pang pangangailangan.

Mangangailangan ng ilang panahon bago tayo masanay sa bagong bulwagan. Ngunit ito ay magiging mas komportable. Makakabitan ito ng aircon. Ang upuan ay magiging mas komportable kaysa sa matitigas na bangkong ito na yari sa kahoy. Kinakabahan ako na baka maraming makakatulog. Hindi pareho ang disenyo nito sa Tabernakulo na ito, subalit kakaiba at kahanga-hanga rin ang disenyo nito. Ipinakikita rito ang pinakabago sa kasanayang pang- arkitekto at pang-inhinyero. Mas pagagandahin ang paradahan.

Inaasahan natin na sa susunod na Abril ay magpupulong tayo sa bagong bulwagan sa pagsisimula natin sa isang bagong siglo at bagong milenyo. Maaaring hindi pa gaanong tapos ang gusali sa panahong iyon. Marahil hindi pa rin tapos ang organ. May iba pang detalye ng pagtatayo ang kailangang bigyang-pansin. Marahil mailalaan ito sa loob ng isang taon mula ngayon.

Napakalaki at talagang maringal na istruktura ito, na idinisenyo at itinayo batay sa pinakamataas na pamantayan upang mapaglabanan ang lindol. Itinayo ito sa higit na pinatibay na konkreto na pinalamutian ng granite. Ang granite na iyon ay kapareho ng batong ginamit sa pagtatayo ng Templo sa Salt Lake, pati ang mga batik na makikita ninyo sa dalawang gusali.

At kaya, kaugnay ng pangkalahatang komperensiya, nagpapalaam tayo sa isang dati at kahanga-hangang kaibigan. Umaasa tayo na magtatagal pa ito at magagamit pa sa mahabang panahon. Lakas ng loob ang kinailangan natin sa hakbang na ito. Ngunit ang lakasan ng loob na ito ay sang-ayon sa napakalawak na pagpapalaganap ng Simbahan sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Wala tayong hangaring higitan si Brigham Young o ang kanyang mga arkitekto--sina William H. Folson, Henry Grow, at Truman O. Angell. Nais lamang nating magtayo sa kahanga-hangang pundasyon na inilatag ni Pangulong Young sa pagbubunsod sa kagila-gilalas na gawaing ito sa mga lambak ng Kanluran.

Sa pagsasara natin ngayon ng mga pintuan ng Tabernakulo na ito at pag-asa sa pagbubukas ng mga pintuan ng bagong Sentro ng Komperensiya sa susunod na Abril, ginagawa natin ito nang may pag-ibig, pagpapahalaga, paggalang, at pagpipitagan--talagang may pagmamahal--sa gusaling ito at sa mga yaong nauna sa atin, na mahusay na nagtayo ng gusaling ito na pinakinabangan nang matagal.

Ang gusali ay nagkakaroon ng sariling personalidad. Ang Espiritu ng Panginoon ay nanahanan sa istrukturang ito. Sagrado ito sa atin. Tayo ay umaasa, tayo ay naghihintay, tayo ay nananalangin na ang bagong istruktura ay magbibigay ng gayon ring diwa.

Ngayon ay iniiwan ko ang mga salitang madalas nang nababanggit sa dakilang bulwagang ito . . . ang aking patotoo, ang aking basbas, at ang aking pagmamahal sa inyo, mga minamahal kong kasama sa dakilang layuning ito. Ang gawaing ito ay totoo. Nalalaman ninyo iyan ng gaya ko. Ito ay gawain ng Diyos. Nalalaman din ninyo iyan. Ito ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang daan patungo sa kaligayahan, ang plano para sa kapayapaan at kabutihan.

Ang Diyos na ating Walang Hanggang Ama ay buhay. Ang Kanyang Anak, ang ating Manunubos, ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ng daigdig ay buhay. Nagpakita sila sa batang si Joseph Smith upang hawiin ang tabing sa pagbubukas ng dakilang gawaing ito ng pagpapanumbalik, na nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Nangungusap ito na tila isang tinig mula sa alabok bilang patotoo sa kadakilaan ng Panginoon. Ang pagkasaserdote, kaakibat ang mga susi, karapatan, at lahat ng pagbabasbas nito ay nasa ibabaw ng lupa.

At tayo ay kabahagi ng mahahalagang kaloob na ito. Kaya, tulad ng maaari nating sabihin sa isang dating kaibigan, paalam. Nawa'y manahan ang mga pagbabasbas ng Diyos sa sagrado at kahanga-hangang bulwagang ito. At tayo, na tuwinang pumupunta rito ay makibahagi rin sa Espiritung nadarama dito, at mamuhay tayong karapat-dapat sa mga ito bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy