The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Pagpapayaman ng Kaalaman sa Tahanan, Mag-anak, at sa Sarili

Pagpapayaman ng Kaalaman sa Tahanan, Mag-anak, at sa Sarili

Virginia U. Jensen
Unang Tagapayo ng Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

Ibig namin na patatagin ng bawat kapatid na babae ang kanyang sarili sa espirituwal at magkaroon ng mga kasanayan na kakailanganin sa pakikibaka sa mga hamon sa hinaharap.

Virginia U. Jensen

Nang ipagdiwang ng Samahang Damayan ang ika-50 kaarawan nito noong Marso 17, 1892, ang mga kapatid na babae sa mga sangay, purok at istaka sa buong simbahan, gayundin dito sa Tabernakulo ng Salt Lake, ay nagtipon upang sama-samang mag-alay ng panalangin. Si Joseph F. Smith, na noon ay tagapayo kay Pangulong Wilford Woodruff, ang nag-alay ng panalangin na kinabilangan ng mga salitang ito: "Pagpalain po Ninyo . . . ang mga miyembro ng Samahang Damayan sa buong mundo. . . . Nawa'y patnubayan Ninyo sila sa pamamagitan ng Inyong espiritu upang pagpalain sila, upang magalak ang kanilang mga puso sa Inyong harapan" (Mga kaganapan ng Pangkalahatang Lupon ng Samahang Damayan, ika-17 ng Mar. 1892, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 233­34).

Mahigit sa isang siglo pagkaraan niyon, tayo ay nagtitipon bilang mga kapatid na babae ngayong gabi para sa layuning magalak. Ang puso ko'y puno ng kagalakan at pasasalamat sa ating dakilang pagpapala na maging mga miyembro ng kagila-gilalas na Simbahang ito at sa pagkaalam sa plano ng kaligtasan na binuo ng ating Ama sa Langit. Nagagalak ako sa kahanga-hangang mga pagpapala na dumarating sa atin habang natututo tayo at lumalago sa pamamagitan ng mga programa ng Simbahan. Ngayong gabi, nagagalak ako lalo na sa mga programa ng Samahang Damayan. Nagagalak ako sa nagawa nila noon para sa atin, at sa maitutulong nila sa atin sa pagsasakatuparan sa hinaharap.

Iminungkahi ni Pangulong Joseph F. Smith ang Samahang Damayan para sa ating kapakinabangan nang banggitin niya ito na "ginawa sa langit, pinahintulutan sa langit, binuo sa langit, [at] inordenahan ng Diyos sa langit" (Mga kaganapan, ika-17 ng Mar. 1914, 54).

Pinaalalahanan tayo ni Elder Ezra Taft Benson, "Ang Simbahan ay nilikha unang-una upang tulungan ang mag-anak, at kahit matagal nang naisagawa ng Simbahan ang misyon nito [ang mag-anak] ay mananatili pa ring umiiral" ("Strengthening the Family," Improvement Era, Disyembre 1970, p. 46).

Nais kong banggitin ang tungkol sa pagbuo ng mga tahanan kung saan ang bawat isa sa atin--may asawa man o wala, bata o matanda--ay maaaring umunlad at maaabot ang ating pinakamataas na potensiyal, kung saan ay matututuhan ng mga miyembro ng mag-anak ang lahat ng kailangan nilang malaman upang masunod ang plano ng kaligtasan, na balak ng Ama sa langit para sa bawat isa sa atin upang mahanap ang ating landas pabalik sa Kanya at sa ating tahanan sa Langit kapag ang panahong ito ng pagsubok sa mundo ay natapos na.

Inuulit at sinasang-ayunan ko ang kataimtiman ni Pangulong David O. McKay na nagsabing, "Ako ay naniniwala nang buong puso . . . na ang pinakamainam na lugar upang maghanda para sa buhay na walang hanggan ay sa tahanan" ("Blueprint for Family Living," Improvement Era, Abr. 1963, 252).

Gayunman ay nagbabala ang mga banal na kasulatan na kailangang may salungatan sa lahat ng bagay (tingnan sa 2 Ne. 2:11). Sa katunayan sinasabi sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer, "Ang pinakalayunin ng kaaway . . . ay guluhin, gambalain at sirain ang tahanan at ang mag-anak" ("The Father and the Family," Ensign, Mayo, 1994, 19).

Nitong nakaraang tagsibol ay may dalawang uri ng mag-anak na ibon ang gumawa ng mga pugad sa aking bakuran. Isang maliit na maya ang pumili sa puno ng rosas sa aking pasilyo para gawing pugad. Tuwi-tuwina ay pabalik-balik siyang lumilipad, nagdadala ng mga damo at maliliit na sanga sa kanyang tuka. Buong ingat siyang dumarapo sa mga tinik ng rosas, at inilalagay ang mga materyal sa paggawa ng kanyang pugad sa napiling lugar. Patuloy siyang nagtrabaho nang walang pahinga hanggang sa matapos ang maliit na pugad. Namangha ako sa maingat na pagkakahabi ng mga damo upang maging matibay at matatag ang pagkakayari. Halos maiyak ako nang makita ko sa ilalim ng pugad ay apat na maliliit na piraso ng bulak, na inilagay sa tamang lugar upang makagawa ng malambot na higaan para sa kanyang mga inakay.

Ang pangalawang ibon, isang robin, ay piniling itayo ang kanyang pugad sa harapan ng aking bahay na malapit sa daluyan ng tubig ulan, sa mataas na lugar upang hindi ito maabot ng mga maninilang nasa lupa. Dahil mas malaki siya, malaki rin ang kanyang pugad, at bilang karagdagan sa pagiging mas malaki, ang gilid ng kanyang pugad ay idinikit sa pamamagitan ng putik na siyang kinakapitan ng mga damo at sangang maliliit, at nakakapit ito sa nakabaluktot na bahagi ng daluyan ng tubig ulan. Sa loob, ay hinabi ang mga damo sa malambot at malukong na hugis na tamang-tamang higaan ng ibon.

Nang matapos ang mga pugad, ang dalawang ibon ay kapwa nangitlog at sinimulan ang araw-araw na pagbabantay at pangangalaga at pagpapalaki. Oras-oras, araw-araw ay nililimliman ng mga ibong ito ang kanilang mga itlog. Matapos mapisa ang mga itlog, ang mga ina ay puspusang naghahanap ng pagkain para sa nagugutom nilang mga inakay.

Minsan habang matindi ang sikat ng araw napansin ko ang robin na nakaupo sa kanyang pugad na humihingal samantalang nakabuka ang kanyang tuka. Halatang-halatang hindi siya komportable sa matinding sikat ng araw. Nagtaka ako kung bakit nanatili siya roon. Pagkatapos ay napansin kong hindi malalim ang pagkakaupo niya sa pugad na tulad ng dati nang nililimliman pa niya ang kanyang mga inakay. Sa halip ay maingat siyang nakaupo sa ibabaw ng pugad upang maprotektahan ang kanyang mga inakay na walang balahibo mula sa pagkasunog sa sikat ng araw.

Nagsimula akong magbasa tungkol sa mga ibon at ang malaking hirap nila sa paggawa ng mga tahanan para sa kanilang mga mag-anak. Alam ba ninyo na ang mga barn swallows ay mahigit sa 1,200 beses na nagpapabalik-balik sa pagdadala ng putik upang magawa ang kanilang mga pugad? Ang isang pugad ng hooded oriole ay natagpuang naglalaman ng 3,387 na magkakahiwalay na piraso ng materyal. Sa tingin ko'y halos lahat ay pinupuhunan ng mga ibon--ang kanilang oras, kanilang lakas, kanilang mapagkukunan, kanilang sariling kaginhawahan--upang gumawa ng isang tahanan at mapalaki ang kanilang mga inakay. Hindi ito isang priyoridad na pumapangalawa lamang sa kahalagahan at iniiwasan. Ito ay una sa lahat.

Mula nang pagmasdan ko ang mga ibon sa aking bakuran, iniisip ko kung sino ang nagturo sa mga ibong ito kung ano ang gagawin. Paano nila natutuhan kung paano gumawa ng pugad at liliman ang kanilang mga inakay mula sa sikat ng araw? Ang mga ibon ay sumusunod sa likas na ugali ng paglalaan, pangangalaga at pagkalinga. Ang mga likas na ugaling ito ay bigay ng Diyos at ang pagmumuni-muni sa mga ito ang dahilan upang kasama ng Mang-aawit ay masasabi kong, "Kay dakila ng iyong mga gawa, Oh Panginoon!" (Mga Awit 92:5).

Tayo rin ay biniyayaan ng mga likas na ugaling bigay ng Diyos. Likas sa atin ang naisin ang gayon na lamang para sa ating mga minamahal, at gayunman bilang tao, napansin kong nakakasagupa natin ang maraming problema kaysa sa mga ibon. Sa lipunan ngayon ay marami ang humahamon sa kahalagahan ng karaniwang tahanan at mag-anak. Iniisip ng ilan na may iba pang paggagamitan ng oras at talento ang isang babae na higit na mahalaga kaysa sa mag-anak. Ngunit ang mga propeta ay walang-sawa sa pagsasabing ang papel ng tagagawa ng tahanan ay isa sa mga pinakabanal at makabuluhang mithiin na maaaring makamit ng lalaki o babae. Ang mga kapatid na babae sa lahat ng katayuan sa buhay ay may mga pagkakataong patatagin at kalingain ang iba na sakop ng kanilang impluwensiya. Habang ikaw at ako ay natututo ng higit pa tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, tinitiyak sa atin na anuman ang mga kalagayan natin sa buhay, ang paglikha ng ligtas at mapagkalingang kapaligiran para sa ating mga minamahal ang siyang pinakamahalaga.

Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell: "Ang tahanan ay siyang karaniwang lugar kung saan ang malaking bahagi ng ating pananampalataya ay nabubuo at nadaragdagan, . . . . Tunay na nakakalungkot, na ang ilang tahanan ay pansamantalang tinitigilan lamang, samantalang dapat sana'y paaralan ito ng paghahanda para sa selestiyal na kaharian" (Lord, Increase Our Faith, [1994], 117).

Habang nakikipaglaban tayo sa mga negatibong impluwensiya ng daigdig at nagsisikap na gumawa ng mga tahanang "paaralan sa paghahanda para sa selestiyal na kaharian," alalahanin natin na ang ating mga gawain sa lupa ay may espirituwal na saligan at selestiyal na katapusan.

Bilang Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan nais naming pagtibaying muli ang aming mithiin at pangako sa layunin ng Samahang Damayan, na tulungan ang mga kapatid na babae at ang kanilang mga mag-anak na lumapit kay Cristo. Nais naming tiyakin na ang Samahang Damayan ay isang tulong at pagpapala sa bawat kapatid na babae sa Simbahan, anuman ang kanyang katayuan. Ibig namin na patatagin ng bawat kapatid na babae ang kanyang sarili sa espirituwal at magkaroon ng mga kasanayan na kakailanganin sa pakikibaka sa mga hamon sa hinaharap.

Samakatwid, sa pahintulot ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, ikinagagalak naming sabihin ang sumusunod na mga pabatid: Simula sa Enero 1, 2000, ang pangalan ng Pulong sa Paggawa sa Tahanan ay papalitan. Ang bagong pangalan ay Pagpapayaman ng Kaalaman sa Tahanan, Mag-anak at Sarili. Ang layunin ng bagong pangalan ay upang malinaw na maiparating ang nilalayong isakatuparan ng mahalagang pulong na ito ng Samahang Damayan na isinasagawa sa kalagitnaan ng linggo. Ang karagdagang layunin ng bagong pangalan ay tulungan ang bawat isa sa atin na muling ituon ang ating pansin sa pagpapalakas sa ating sarili at sa pamamagitan ng dagdag na kalakasang iyon, patatagin ang mga miyembro ng ating mag-anak, mga kaibigan, kapitbahay at pamayanan, upang higit na mapalapit ang bawat isa sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa loob ng 15 minutong bahagi para sa aralin, ang mga guro ay magbibigay ng espirituwal na paksa. Sa loob ng 60 hanggang 90 minutong bahagi para sa gawain, matututo tayo ng praktikal na kasanayan batay sa espirituwal na paksa. Ang mga praktikal na kasanayang ito ay maaaring kabilangan ng pagkukumpuni ng tahanan, pagtatanim, o pananahi. Maaari rin tayong makibahagi sa mga gawaing ukol sa paglilingkod na nagpapala at nagpapalakas sa iba. Ang pulong na ito ay dapat magpayaman at magpahusay sa buhay ng bawat isa sa atin.

Sa ebanghelyo matatagpuan ang mga kasagutang kailangan ng daigdig upang malutas ang lahat ng problemang nakapaligid sa atin. Sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, nagkakaroon tayo ng kaalaman at kakayahang magtayo ng mga tahanan ng kalakasan, kapayapaan, pagmamahal at pananampalataya. Hindi natin kailangang gawin ito nang mag-isa. Ang mga programa ng Simbahan ay makatutulong sa atin. Kailangan din natin ang tulong na sabik na ibibigay sa atin ng ating Ama sa Langit . Sa Mga Awit 127:1 tayo ay binalaan "Malibang itayo ng Panginoon ang bahay, walang kabuluhang nagsisigawa ang nagtatayo."

Kamakailan ang kaibigan kong si Richard ay umuwi mula sa trabaho at nakita ang isang maliit na batang babaeng umiiyak na nakaupo sa gilid sa harapan ng kanyang bahay. Itinanong niya kung may maitutulong siya. Sa kanyang paghikbi ay ipinaliwanag niya na siya ay nawawala. Sinabi niya sa bata na ito ay kanyang bahay at ang asawa niya ay nasa loob. Sinabi niya na alam niyang hindi siya dapat sumama sa mga hindi kakilala, ngunit kung magiging komportable siyang pumasok, sisikapin nilang mag-asawa na hanapin ang kanyang tahanan. Pumasok sila sa kanyang bahay at sinimulang aluin ng asawang si Linda ang maliit na bata. "Alam kong takot na takot ka," ang sabi niya.

"Takot po ako kanina," ang sagot ng batang babae, "hanggang sa makita ko po ang larawan ni Jesus na nakasabit sa inyong dingding. Dahil dito ay alam ko po na ligtas ako."

Sa buong daigdig, marami sa mga anak ng Diyos ang naliligaw. Tayo na nakaaalam ng katotohanan ay makatutulong sa kanila. Maipapakita natin sa kanila ang huwaran ng matatag na tahanan at matwid na mga miyembro ng mag-anak. Matutulungan natin sila kung nasa ating mga tahanan ang Tagapagligtas--hindi lamang ang Kanyang larawan sa dingding, kundi maging ang Kanyang mga turo, Kanyang Espiritu, at Kanyang pagmamahal. Sa kabila ng mga likas na pag-uugali na ibinigay sa atin, ang ganitong uri ng tahanan ay hindi nangyayari nang biglaan. Kailangan natin ng espirituwal na kalakasan at praktikal na mga kasanayan upang makapagtayo ng isang tahanan na mapananahanan ng Espiritu ng Panginoon. Ang pulong na nagpapayaman ng Kaalaman sa Tahanan, Mag-anak at Sarili ay isang lugar kung saan makakapagsalu-salo ang ating kapatiran ng kababaihan, magkaroon ng kaalaman, matuto ng mga kasanayan at dagdagan ang patotoo. Ang pulong na ito ay lugar din upang muling italaga ang ating sarili sa ating mga tahanan at mag-anak at sa paglilingkod sa tuwing ito ay kakailanganin.

Bilang mga pinuno ng Samahang Damayan at tayong lahat bilang mga miyembro na nakaunawa sa pananaw at pananabik na dulot ng pulong na nagpapayaman ng Kaalaman sa Tahanan, Mag-anak at Sarili at dahil sa kasigasigan na ibubunga ng pakikisali dito, tayo ay uunlad sa patotoo at espirituwal na kalakasan. Mas malalapit tayo sa ating Tagapagligtas at malalaman natin kung paano gumawa ng mga tahanan kung saan Siya makapananahanan. Dahil dito, tulad ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, "ang Panginoon, na siyang inspektor ng ating gusali, ay makapagsasabi sa atin, tulad ng sinabi niya kay Salomon, na tagapagtayo noong unang panahon, ' . . . Aking pinapaging banal ang bahay na ito na iyong itinayo, upang ilagay ang aking pangalan doon magpakailanman at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi'" (I Mga Hari 9:3; Pathways to Perfection, [1973], 250).

Ang Samahang Damayan ay isang organisasyon na mula sa langit. Dito'y umiiral ang kapangyarihan na patatagin ang mga kapatid na babae at ang kanilang mga mag-anak upang lumikha ng pandaigdigang mag-anak ng mga kapatid na babae. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy