The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Tayo ay mga Kababaihan na Maka-Diyos

Tayo ay mga Kababaihan na Maka-Diyos

Sheri L. Dew
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Samahang Damayan

Ang ibig sabihin ng paglapit kay Cristo ay pagtalikod sa mundo. Ang ibig sabihin nito ay paglalagay kay Cristo at tanging si Cristo sa sentro ng ating buhay.

Sheri L. Dew

Kamakailan lamang, dahil sa isang propesyonal kong pananagutan ay kinailangan kong maglakbay sa ibang bansa. Ngunit dahil kinutuban ako nang masama tungkol sa paglalakbay na ito, bago ako umalis ay humingi ako ng pagbabasbas ng pagkasaserdote. Binalaan ako na tatangkain ng kaaway na hadlangan ako sa aking misyon, at may mga espirituwal at pisikal na panganib na naghihintay sa akin. Pinayuhan rin ako na ang paglalakbay kong ito ay hindi pagliliwaliw o pamimili lamang, at kung itutuon ko ang aking pag-iisip sa aking nakatakdang gawain at hahangarin ang patnubay ng Espiritu, makauuwi ako nang ligtas.

Pinahinahon ako ng babalang ito. Ngunit habang ako'y nagpapatuloy sa aking gawain, nagsusumamo ng patnubay at gabay sa bawat hakbang, nabatid kong hindi talaga kakaiba ang aking karanasan. Hindi ba't sinabi ng Ama sa inyo at sa akin na sa pag-alis natin sa kanyang kinaroroonan: "Tatangkain ng kaaway na hadlangan kayo sa inyong misyon, at mahaharap kayo sa mga espirituwal at pisikal na panganib. Ngunit kung itutuon ninyo ang inyong pag-iisip sa inyong mga takdang gawain, kung pakikinggan ninyo ang aking tinig, at kung hindi ninyo hahayaang ang mortalidad ay maging isang pagliliwaliw o pamimiling paglalakbay lamang, makauuwi kayo nang ligtas."?

Natutuwa ang kaaway kapag tayo ay kumikilos na parang nagliliwaliw lamang, o ibig sabihin ay mga tagapakinig lamang sa halip na mga tagatupad ng salita (tingnan sa Santiago 1:22), o mga mamimili, o ibig sabihin ay mga abala sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito na sumasakal sa ating kaluluwa. Pinapainan tayo ni Satanas ng mga pansamantalang kasiyahan at pagkakaabalahan--pera natin sa bangko, mga damit o maging ang sukat ng ating baywang--dahil batid niya na kung saan naroroon ang ating kayamanan, doon naman naroon din ang ating puso. (Tingnan sa Mateo 6:21.) Sa kasawiang palad, napakadali nating matukso sa nakasisilaw na pang-aakit ng kaaway mula sa liwanag ni Cristo. "Sapagkat ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay?" (Mat. 16:26).

Pinayuhan tayo ng mga propeta na iwaksi ang mundo at ibaling ang ating puso kay Jesucristo, na nangakong, "Sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos" (Doktrina at mga Tipan 101:36; idinagdag ang diin). Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, "Kung magpupumilit tayo sa paggugol ng lahat ng ating panahon at ari-arian sa pagtatayo . . . ng isang makamundong kaharian, iyon lamang ang ating mamanahin" ("The False Gods We Worship," Ensign, Hunyo 1976, 6). Gaano kadalas tayong nagtutuon ng pansin sa pagkakaroon ng tinatawag na marangyang pamumuhay kung kaya nawawala na sa ating paningin ang buhay na walang hanggan? Ang kahalintulad ng malaking pagkakamaling espirituwal na ipagbili ang ating pagkapanganay bilang kapalit ng nilutong lentehas.

Inihayag ng Panginoon ang lunas para sa gayong espirituwal na kapahamakan nang payuhan Niya si Emma Smith na "isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti" (Doktrina at mga Tipan 25:10). At ibinigay ni Cristo ang parisan, ipinahayag Niya bago pa ang pangyayari sa Getsemani, "Aking dinaig ang sanglibutan" (Juan 16:33; idinagdag ang diin). Ang tanging paraan na madadaig natin ang sanglibutan ay sa pamamagitan ng paglapit kay Cristo. At ang ibig sabihin ng paglapit kay Cristo ay pagtalikod sa mundo. Ang ibig sabihin nito ay paglalagay kay Cristo at tanging si Cristo sa sentro ng ating buhay upang ang mga kapalaluan at pilosopiya ng mga tao ay hindi na maging kaakit-akit. Si Satanas ang diyos ng Babilonia, o ng daigdig na ito. Si Cristo ang Diyos ng Israel, at ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan na madaig ang daigdig. "Kung umaasam kayo ng kaluwalhatian, katalinuhan at mga buhay na walang hanggan," ang sabi ni Pangulong Joseph F. Smith, "iwanan ninyo ang daigdig" (Teachings of the Presidents of the Church: Joseph F. Smith, [1998], 243; idinagdag ang diin).

Bilang magkakapatid sa Sion maaari nating hadlangan ang mga pagsasabwatan ng mga kaaway laban sa mga mag-anak at kabutihan. Hindi kataka-taka na tinutukso niya tayo na makuntento sa mga makalupang kasiyahan sa halip na maghangad ng walang hanggang kaluwalhatian. Isang 45 taong gulang na ina ng anim na anak ang nagsabi sa akin na nang tumigil siya sa palagiang pagbabasa ng mga magasin na nagbigay sa kanya ng mga larawan at ideya tungkol sa dapat na maging hitsura ng kanyang tahanan at ng kanyang kasuotan, ay higit siyang nakadama ng kapayapaan sa kanyang kalooban. Sinabi niya, "Maaari ngang ako ay mataba, puti na ang buhok at kulubot na ang balat, ngunit ako ay isang mataba, puti ang buhok, kulubot ang balat na anak na babae ng Diyos na nakakikilala sa akin at nagmamahal sa akin.

Matutulungan tayo ng Samahang Damayan na tumalikod sa sanglibutan, dahil ang maliwanag na layunin nito ay tulungan ang mga kapatid na babae at ang kanilang mga mag-anak na lumapit kay Cristo. Sa diwang iyan, kasama ako nina Sister Smoot at Sister Jensen sa pagpapahayag kung sino tayo at sa kagalakan sa ipinabatid na pinabuting layunin ng Samahang Damayan. Hindi natin dapat sayangin ang ating oras o pagsisikap sa anumang bagay na hindi aakay sa atin at sa ating mga mag-anak patungo kay Cristo. Iyan ang isang pagsubok na kung saan ang isang bagay ang nagpapasiya ng kalalabasan para sa Samahang Damayan, gayundin sa ating buhay. Sa mga darating na araw, ang paimbabaw na pangako kay Cristo ay hindi makatutulong sa atin.

Noong bata pa ako ay nakita ko ang katapatan sa aking lola, na tumulong kay Lolo sa trabaho sa aming bukirin sa parang ng Kansas. Kahit paano ay natagalan nila ang matinding tagtuyo (Dust Bowl), ang Depresyon, at ang mga buhawi na sumalanta sa Great Plains. Madalas ay nagtataka ako kung paano nakayanan ni Lola ang mga taon na kakaunti ang kita at mahirap ang trabaho at kung paano niya nakayanan ang pagkamatay ng kanyang panganay na anak na lalaki sa isang aksidente. Ang buhay ni Lola ay hindi madali. Ngunit alam ba ninyo kung ano ang naaalala ko nang husto sa kanya? Ang kanyang ganap na kagalakan sa ebanghelyo. Wala nang papantay pa sa kanyang kaligayahan kapag gumagawa siya ng kasaysayan ng mag-anak o nagtuturo ng mga banal na kasulatan. Isinasaisantabi ni Lola ang mga bagay ng daigdig upang hangarin ang mga bagay na higit na mainam.

Sa daigdig, ang lola ko ay pangkaraniwan lamang. Ngunit para sa akin, sagisag siya ng mga hindi bantog na bayani ng siglong ito na namuhay ayon sa kanilang mga pangako noon sa buhay bago pa ang buhay sa mundong ito at nag-iwan ng pundasyon ng pananampalataya kung saan maaari tayong magtatag. Ang lola ko ay hindi perpekto, ngunit siya ay isang babae na maka- Diyos. Ngayon nasasainyo na at sa akin kung isusulong natin ang bandila patungo sa susunod na siglo. Hindi tayo mga kababaihan ng daigdig. Tayo ay mga kababaihan na maka-Diyos. At ang mga kababaihang maka-Diyos ang magiging pinakadakilang mga bayani ng ikadalawampu't isang siglo. Tulad ng ipinahayag ni Pangulong Joseph F. Smith, hindi tayo dapat "maakay ng kababaihan ng daigdig, [tayo] ang dapat na manguna . . . sa kababaihan ng daigdig, sa lahat ng bagay na katanggap-tanggap ng papuri" (Teachings, 184).

Hindi layon ng pangungusap na ito na bawasan ang kahalagahan ng buhay ng hindi mabilang na mabubuting kababaihan sa buong daigdig. Ngunit tayo ay kakaiba. Kakaiba tayo dahil sa ating mga tipan, sa ating espirituwal na pribilehiyo, at sa mga responsibilidad na nakaakibat sa dalawang ito. Tayo ay pinagkalooban ng kapangyarihan at pinagkalooban ng Espiritu Santo. Tayo ay mayroong buhay na propeta, ng mga ordenansang nagbubuklod sa atin sa Panginoon at sa isa't isa, at ang kapangyarihan ng pagkasaserdote sa ating kalipunan. Nauunawaan natin kung saan tayo naroon sa dakilang plano ng kaligayahan. At alam nating ang Diyos ang ating Ama at ang Kanyang Anak ang siyang palagi nating Tagapamagitan.

Kaakibat ng mga pribilehiyong ito ang maraming responsibilidad, sapagkat "sa kanya na binigyan ng marami ay marami ang hihingin" (Doktrina at mga Tipan 82:3), at kung minsan ang mga hinihiling sa pagiging disipulo ay mabigat. Ngunit hindi ba natin nararapat asahan na ang paglalakbay patungo sa walang hanggang kaluwalhatian ang siyang magpapaunlad sa atin? Minsan ay binibigyan natin ng katwiran ang pagtutuon natin ng pansin sa mga bagay ng daigdig at ang kakulangan sa pagnanais sa espirituwal na pag-unlad sa pagsasabi sa ating sarili at sa iba na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi talaga dapat humiling ng labis na panahon at pagsisikap mula sa atin. Ang pamantayan ng Panginoon ukol sa pag-uugali ay mananatiling mas mataas at mas mapaghanap kaysa sa daigdig, ngunit ang mga gantimpala ng Panginoon ay walang katapusang higit na maluwalhati--kabilang na ang tunay na kagalakan, kapayapaan, at kaligtasan.

Paano natin kung gayon, bilang mga kababaihang maka-Diyos, ganap na magagampanan ang layunin ng paglikha sa atin? Ginagantimpalaan ng Panginoon ang "sa mga sa kaniya'y nagsisihanap" (Mga Hebreo 11:6). Hinahanap natin Siya hindi lamang sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsasaliksik, pagsusumamo at pananalangin at pag-ingat baka tayo'y matukso, kundi maging sa pagtalikod sa mga kalayawan ng daigdig na huwag pumili sa pagitan ng Diyos at ng mga kayamanan. Kung hindi ay ipinakikipagsapalaran natin ang matawag ngunit hindi mapipili dahil ang ating "mga puso ay masyadong nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito" (Doktrina at mga Tipan 121:35).

Tingnan na lamang ang alituntuning itinuro sa utos na ito mula sa banal na kasulatan: "Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas" (Doktrina at mga Tipan 59:5; idinagdag ang diin). Ang hinihiling ng Panginoon higit sa anupaman ay ang ating mga puso. Isipin nga ninyo kung paano maaapektuhan ang ating mga pagpili kung mahal natin ang Tagapagligtas nang higit sa lahat ng bagay. Paano natin gagastusin ang ating oras at salapi, o mananamit sa isang araw ng tag-init, o tutugon sa tawag na magsagawa ng pagdalaw na pagtuturo, o tutugon sa media na nakasasakit sa Espiritu.

Sa pamamagitan ng pagtalikod sa sanglibutan at paglapit kay Cristo tayo higit na nabubuhay bilang mga babaeng maka-Diyos. Isinilang tayo para magkamit ng walang hanggang kaluwalhatian. Tulad ng kung paano ang matatapat na kalalakihan ay inordenan noon pa man upang magtaglay ng pagkasaserdote, gayundin naman na inordenan tayo noon pa man upang maging mga babaeng maka-Diyos. Tayo ay mga kababaihan ng pananampalataya, kabutihan, pangarap, at pagmamahal sa kapwa na nagagalak sa pagiging ina at pagiging babae at sa mag-anak. Hindi tayo nagugulumihanan tungkol sa pagiging perpekto ngunit nagsisikap tayo na maging higit na dalisay. At alam natin na sa kalakasan ng Panginoon ay magagawa natin ang lahat ng mabubuting bagay dahil ibinuhos natin ang ating sarili sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Alma 26:12). Inuulit ko, hindi tayo mga kababaihan ng daigdig, tayo ay mga kababaihan ng mga huling araw na maka-Diyos . Tulad ng turo ni Pangulong Kimball, "Wala nang higit pang pagkilala ang maibibigay sa [atin] sa daigdig na ito maliban sa makilala tayo bilang mga kababaihang maka-Diyos" ("The Role of Righteous Women," Ensign, Nob. 1979, 102).

Nitong tag-araw ay mayroon akong karanasan na hindi malilimutan sa Banal na Lupain. Samantalang nakaupo ako sa Bundok ng Pangaral kung saan natatanaw ang Dagat ng Galilea, nakita ko sa hindi kalayuan ang isang lungsod na nakatayo sa isang burol. Ang larawan ng isang lungsod na hindi maikukubli ay nakapangingilabot, at habang minumuni-muni ko ang simbolismo ay nagkaroon ako ng nag-uumapaw na impresyon na tayo bilang mga kababaihan na maka-Diyos ay tulad ng lungsod na iyon. Na kung tatalikuran natin ang mga bagay ng daigdig at lalapit kay Cristo nang sa gayon ang Espiritu ay mabanaag sa ating buhay at sa ating mga mata, ang pagiging kakaiba natin ay magiging tanglaw sa daigdig. Bilang mga kapatid ng Samahang Damayan, tayo ay kabilang sa pinakamahalagang komunidad ng kababaihan sa panig na ito ng tabing. Tayo ay kagila-gilalas na lungsod sa isang burol. At kung hindi tayo katulad sa kaanyuan at kilos ng kababaihan ng daigdig, ay higit nila tayong titingalain bilang bukal ng pag-asa, kapayapaan, kabutihan, at kagalakan.

Dalawampung taon na ang nakalilipas sa pulong ding ito nang si Pangulong Kimball ay nagbitiw ng pahayag na mula noon ay aming binabanggit. "Ang karamihan sa pangunahing pag-unlad na mangyayari sa Simbahan sa mga huling araw . . . ay magaganap ayon sa antas ng ipapakitang kabutihan at kaayusan sa buhay ng mga kababaihan ng Simbahan, at ayon sa antas na kung saan ay makikita silang natatangi at kakaiba--sa masayang paraan--kaysa sa kababaihan ng daigdig" (Ensign, Nob. 1979, 103­4; idinagdag ang diin). Hindi na tayo maaaring makuntento na lamang sa pagbanggit sa sinabi ni Pangulong Kimball. Tayo ang mga kapatid na babae na kailangan at magsasakatuparan sa kanyang propesiya. Subalit magagawa natin ito. Alam ko na magagawa natin.

Kamakailan ay sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na "ang walang hanggang kaligtasan ng daigdig ay babalikatin ng Simbahang ito. . . . Wala ng iba pang mga tao sa kasaysayan ng daigdig ang . . . makatatanggap ng higit na mabigat na utos . . . at makabubuting simulan natin ito" ("Church Is Really Doing Well, Church News, ika-3 ng Hulyo, 1999, 3.)

Mga kababaihang maka-Diyos, kabilang tayo roon. Ngayong gabi ay inaanyayahan ko ang bawat isa na tukuyin ang kahit isang maliit na bagay na magagawa natin upang lumabas sa daigdig at higit na lumapit kay Cristo. At gawin ang gayon sa susunod na buwan, at sa susunod pa. At sa susunod pa. Mga kapatid, ito ay isang tawag upang maghanda, tawag upang kumilos, tawag upang bumangon. Isang tawag upang magkaroon tayo ng sandata ng kapangyarihan at kabutihan. Isang tawag upang magtiwala sa bisig ng Panginoon sa halip na sa bisig ng laman. Isang tawag upang "bumangon at magliwanag, nang ang [ating] liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa" (Doktrina at mga Tipan 115:5). Isang tawag upang mamuhay bilang kababaihang maka-Diyos nang sa gayon tayo at ang ating mga mag-anak ay makabalik sa ating tahanan nang ligtas.

Malaki ang dahilan natin upang magalak, dahil ang ebanghelyo ni Jesucristo ang tinig ng kaligayahan! Ito ay dahil sa nagapi ng Tagapagligtas ang daigdig kung kaya't magagapi natin ito. Ito ay dahil sa bumangon Siya sa ikatlong araw upang bumangon tayo bilang mga kababaihang maka-Diyos. Nawa'y maisantabi natin ang mga bagay ng daigdig at hangarin ang mga bagay na higit na mainam. Nawa'y italaga natin ang ating sarili sa oras na ito mismo na lumabas mula sa daigdig at huwag na kailanman lingunin ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy