The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Ang Ibig Sabihin ng Maging Anak na Babae ng Diyos
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      

Ang Ibig Sabihin ng Maging Anak na Babae ng Diyos

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo ng Unang Panguluhan

Ang katapatan at pagmamahal sa gawain ng mga kapatid na babae sa Simbahang ito ay kagila-gilalas, nakapagpapalakas na sangkap ng Simbahan mula pa noon.

Pangulong James E. Faust

Mga minamahal kong kapatid na babae, ako ay mapagpakumbabang narito sa inyong harapan. Higit pa nating ikinararangal ngayong gabi ang makasama sina Pangulong Hinckley at Pangulong Monson. Ang awitin ng hindi pangkaraniwang korong ito ay nakapagpapasigla. Ang magandang panalangin ni Sister Butterfield ay isang paanyaya para sa pagdalo ng Espiritu ng Panginoon sa atin. Tayo ay nabigyang inspirasyon ng mga mensahe nina Sister Jensen, Sister Dew, at Sister Smoot sa kanilang pagsasalita tungkol sa paksa ng komperensiyang ito: "Ikaw ay umawit at magalak, O anak na babae ng Sion, sapagkat narito, Ako'y naparirito, at ako'y tatahan sa gitna, sabi ng Panginoon."1 Bawat isa sa inyo bilang anak na babae ng Sion ay nagpapakita ng pananampalataya at kabutihan.

Ang paggalang at paghanga ko sa inyo mga kahanga-hangang kapatid, bata man o matanda, ay hindi kayang maipahayag. Nawa'y tanggapin ninyo ang aming pasasalamat sa inyong pananampalataya, katapatan, at mga halimbawa ng kabutihan. Ang katapatan at pagmamahal sa gawain ng mga kapatid na babae sa Simbahang ito ay kagila-gilalas, nakapagpapalakas na sangkap ng Simbahan mula pa noon. Ang mga hamong hinaharap ninyo ngayon ay kaiba sa inyong mga ninuno, ngunit gayon pa man ang mga ito ay totoo.

Magsasalita ako ngayong gabi tungkol sa ibig sabihin ng maging anak na babae ng Diyos. Ang bagong salawikain ng Samahang Damayan ay nagsisimula sa, "Kami ay minamahal na mga anak na babae ng Diyos." Ang maging anak na babae ng Diyos ay nangangahulugan na kayo ay mga supling ng Maykapal, tunay na inapo ng isang Banal na Ama, na nagmamana ng mga makadiyos na katangian at potensiyal. Ang maging anak na babae ng Diyos ay nangangahulugan din na kayo ay ipinaganak na muli, binago mula sa "makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan."2

Lalong nabatid ng isang batang babae ang napakagandang kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit nang umalis siya ng bahay sa unang pagkakataon upang pumasok sa kolehiyo. Binasbasan siya ng kanyang ama at ipinahayag ang kanyang pagmamahal. Pagkaraan niyon ay isinulat niya:

"Mahigpit kong pinanghawakan ang kanyang mga salita ng pagmamahal at tulong habang madamdamin akong nagpaalam sa aking pamilya. Nadama ko ang pag-iisa at takot sa kakaibang kapaligirang yaon. Bago ako umalis sa inuupahang tirahan nang umagang iyon, lumuhod ako at humingi ng tulong. Taimtim akong nagsumamo sa aking Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas upang makaya kong harapin ang buhay sa kolehiyo nang nag-iisa. Iniwan ko ang aking mag-anak at mga kaibigan at lahat ng kakilala noong isang araw, at alam ko na kailangan ko ang tulong Niya.

"Ang mga panalangin ko ay sinagot habang inaalala ko ang magiliw na karanasan ko sa aking ama isang araw bago iyon. Gumaan ang aking pakiramdam ng mapag-isip-isip ko na hindi ako pumasok sa kolehiyo na may basbas lamang ng aking ama sa lupa. Bigla ko na lang nadama na isang araw, hindi pa gaanong nagtatagal, ay niyakap ako ng aking Ama sa Langit. Marahil pinayuhan Niya ako at hinikayat at sinabi sa akin na may tiwala Siya sa akin, gaya ng aking ama dito sa lupa. At mula ng sandaling iyon, nalaman ko na kailanman ay hindi nawala sa akin ang ganap na pagmamahal at walang hanggang tulong ng aking Ama sa Langit."3

Ang pagiging miyembro sa Samahang Damayan, na isang pribiliheyong tinataglay ng bawat babaing nasa hustong gulang sa Smbahan, ay nagsisilbing tahanang malayo mula sa inyong tahanan sa langit, kung saan maaaring makipagkaibigan sa iba na nananalig din sa inyong mga pinaniniwalaan at pinahahalagahan.

Naisip ko ito kamakailan habang kami ay nasa makasaysayang lungsod ng Nauvoo. Dinalaw namin ang maliit na gusali kung saan itinatag ang Samahang Damayan nang may 18 miyembro noong ika-17 ng Marso, 1842. Pagkalipas ng ilang araw, noong ika-28 ng Abril 1842, ipinahayag ng Propetang Joseph Smith: "Ang organisasyong ito ay tatagubilinan [sa pamamagitan] ng kaayusang itinatag ng Diyos--[sa ilalim] ng pamamahala ng mga yaong hinirang na mamuno." Pagkatapos ay binigkas ang mahalaga at maimpluwensiyang pahayag na ito ng propeta: "At ngayon aking binubuksan ang daan sa inyo sa pangalan ng Diyos, at ang Samahang ito ay magagalak at ang kaalaman at karunungan ay dadaloy mula ngayon--ito ang simula ng mas mabubuting araw sa Samahang ito."4

Sa mga templo ng Kirtland at Nauvoo ang mga kababaihan ay tumugon sa pamamagitan ng pagdurog ng kanilang mamahaling porselana sa maliliit na piraso upang gamitin sa mga pader ng templo. Mula pa noong nagsimula ang samahang ito, matindi na ang pagpupunyagi at walang katapusan ang mga naisakatuparan nito.

Ano ang Samahang Damayan? Ang pansin nito sa aking palagay ay nakasentro sa apat na dakilang konsepto:

Una, ito ay kapatiran ng kababaihan na itinatag sa langit.

Pangalawa, ang samahan ay isang lugar ng pag-aaral.

Pangatlo, ito ay isang organisasyon na ang mga pangunahing layunin ay pag-aaruga sa iba. Ang salawikain nito ay "Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang."

Pang-apat, ang Samahang Damayan ay lugar kung saan ang pangangailangan ng mga kababaihan na makisalamuha ay matutugunan.

Ang pakikibahagi sa Samahang Damayan ay makatutulong kapwa sa nakababata at nakatatandang kapatid upang maging mas mabubuting anak na babae ng Diyos. Kayo mga nakababatang kapatid ay maaaring makadama sa inyong pakikihalubilo sa inyong nanay at lola na wala kayong gaanong pagkakatulad. Gayunman, tulad ng napansin ni Bethany Collard, 19 na taong gulang: "Ang mga katangian na sinisimulang paunlarin ng Mga Kabataang Babae . . . ay patuloy na pauunlarin at pananatilihin ng Samahang Damayan." Nagsimula niyang "makita ang mabubuting gawaing ginagampanan ng mga miyembro ng Samahang Damayan" sapagkat ang mabubuting gawa ay pangkaraniwan sa lahat ng kapatid na babae sa lahat ng antas na gulang. Tunay ngang sila ay mga tali na nagbibigkis sa mga kapatid na babae anuman ang kanilang gulang o kalagayan. Gaya ng sinabi ni Bethany, "Ang lahat ng bagay na ito ay mga katangian ng banal na babae na anak ng Diyos."5 Gaya ng isinulat ni Emily H. Woodmansee sa himnong inaawit natin:


Sa kababaihan 'pinagkatiwala;
Dakilang gawain ng mga anghel.
Ligaya't biyaya'y hatid sa 'ting kapwa,
Sa sangkatauhan ay kawanggawa.6

Ngayon, marahil ang ilan sa inyo na nakatatandang kapatid na babae ay nagtatanong, "Narinig ko na ang bawat aralin sa Samahang Damayan, di ba? Ano pang dahilan para dumalo ako sa Samahang Damayan bawat linggo?" Ang sagot sa katanungang iyon ay pinakamainam na maibibigay sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng kuwento ng isang batang nag-aaral ng piyano. Ang kanyang ina na, umaasang mahikayat siya ay, "bumili ng tiket sa pagtatanghal ng isang dakilang piyanistang taga-Poland, na si Paderewski. Sumapit ang gabi ng konsiyerto at ang mag-ina ay umupo sa malapit sa harapan ng bulwagan. Habang nakikipagkumustahan ang kanyang ina sa mga kaibigan, dahan-dahang pumuslit ang batang lalaki.

"Biglang-bigla, oras na para magsimula ang pagtatanghal at isang spotlight ang lumiwanag sa kadiliman ng bulwagan upang ilawan ang malaki at magarang piyano sa entablado. Noon lamang napansin ng manonood ang maliit na batang lalaki sa upuan, na walang-malay na tumitipa ng 'Twinkle, Twinkle, Little Star.'

"Napanganga sa kabiglaanan ang kanyang ina, at bago pa siya makakilos, lumabas na si Paderewski sa entablado at madaling nagtungo sa piyano. Bumulong siya sa batang lalaki, 'Huwag kang tumigil. Ituloy mo ang pagtugtog.' At pagkaraan ay inabot ng kaliwang kamay ng maestro ang tiklado at tinugtog ang parte ng baho. Hindi nagtagal inabot naman ng kanyang kanang kamay ang kabilang bahagi, at halos nayayakap na ang bata, upang tumugtog ng tuluy-tuloy na obbligato. Ang matandang maestro at ang bagito ay magkasamang bumighani sa manonood.

"Sa ating buhay, hindi man tayo lubos na sanay, ang Guro ang yumayakap sa atin at bumubulong sa ating tainga, nang paulit-ulit, 'Huwag kang titigil. Ituloy mo ang pagtugtog.' At habang nagpapatuloy tayo, nagpupuno at nagdaragdag Siya hanggang sa ang isang gawa na may kamangha-manghang kagandahan ay malikha. Naroon siya para sa atin, paulit-ulit na sinasabi sa atin, 'Ituloy mo ang pagtugtog.' "7

Kung talagang "narinig ninyo ang lahat ng itinuro noon" tiyak na kailangan mo ng mga paalala. Sa katunayan, gaya ng sinabi ni Hugh B. Brown: "Bagamat ang teolohiya ay pangunahing tumitimo sa pag-iisip, ang relihiyon ay umaantig sa puso . . . Ang teolohiya ay maaaring sa salita lamang, samantalang ang relihiyon ay nangangailangan ng pagkilos."8 Ang pagkilos ay kailangan upang maisagawa ang inyong salawikain: "Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang."

Lahat tayo ay may malaking utang na loob kay Eva. Sa Halamanan ng Eden, siya at si Adan ay tinagubilinang huwag kumain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Gayon man, sila ay pinaalalahanan, "Ikaw ay maaaring pumili para sa sarili mo."9 Ang talagang pagpili ay sa pagitan ng patuloy na maginhawang pamumuhay sa Eden, kung saan hindi sila uunlad kailanman, o ang napakahalagang pagtungo sa mortalidad na siyang kabaligtaran nito: sakit, pagsubok at pisikal na kamatayan na salungat sa galak, pag-unlad at ang potensiyal para sa buhay na walang hanggan. Sa pagninilay-nilay sa pagpiling ito, sinabihan tayo, "At nang makita ng babae na ang punungkahoy ay mabuting kainin, . . . at isang punungkahoy na mananasa upang magparunong sa kanya, siya ay pumitas ng bunga niyon, at kinain at binigyan din ang asawa niya na kasama niya, at siya ay kumain."10 At sa gayon nagsimula ang kanilang pagsubok at pagiging magulang dito sa lupa.

Pagkatapos magawa ang pagpili, binigkas ni Adan ang pahayag ng pagsasalamat na ito: "Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos."11

Si Eva ay gumawa ng mas dakilang pahayag ng mapangitaing karunungan matapos iwan ang Halamanan ng Eden: "Kung hindi dahil sa ating paglabag, tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi malaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin."12 Kung hindi dahil kay Eva wala ni isa man sa atin ang narito.

Ibinabahagi sa atin ni Amang Lehi:

"Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.

"Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon upang sila ay magkaroon ng kagalakan."13

Si Pangulong Joseph F. Smith ay nagtala ng kanyang pangitain tungkol sa maraming mga patay, kung saan nakita niya ang mga dakila at malakas, kabilang sa kanila sina Adan at Eva. Inilarawan niya ang tagpo kung saan nakita niya si Eva sa ganitong salita: "At ang ating maluwalhating Inang Eva, kasama ang marami sa kanyang matatapat na anak na babae na nabuhay ng matagal na panahon at sumamba sa tunay at buhay na Diyos."14 Tunay ngang si Inang Eva ay nag-iwan ng walang hanggang pamana na dumaraan sa lahat ng panahon upang pagpalain ang buhay ng lahat ng kalalakihan at kababaihan.

Bilang mga anak na babae ng Diyos, hindi ninyo mailalarawan ang dakilang potensiyal na nasa loob ng bawat sa inyo. Tunay ngang ang lihim na moog ng panloob ng lakas ng kababaihan ay ang kanilang espirituwalidad. Sa ganito ninyo napapantayan at nahihigitan ang kalalakihan, gaya ng ginagawa ninyo dahil sa pananampalataya, kalinisang-puri at katapatan kapag tunay na napabalik-loob sa ebanghelyo. Kayo ay mayroong "pasasalamat [at] niluluwalhati Siya."15 Ang diwang panloob na espirituwal na ito ay tila nagbibigay sa inyo ng kaukulang lakas upang kayanin ang lumbay, suliranin, at kawalang katiyakan.

Hindi ninyo mailalarawan ang mga kaloob at ang mga talentong taglay ng bawat isa sa inyo. Lahat ng kababaihan ay may kahali-halinang katangian. Hindi ko tinutukoy ang animo modelong kariktan, kundi iyong nanggagaling sa inyong personalidad, inyong pag-uugali, at inyong mga pagpapahiwatig. Hinihikayat ko kayong pagyamanin ang pambabaing kaloob na galing sa Diyos kung alin kayo ay lubos na biniyayaan. Dapat na walang isa man sa inyo na masyado nang nasisiyahan kung kaya hindi na alintana kung ano ang inyong hitsura o kilos. Sa kanyang panahon hinikayat ni Pangulong Brigham Young ang mga kababaihan na mag-aral. Ito ay mabuting payo pa rin hanggang ngayon, ngunit gusto kong dagliang magdagdag, sa lahat na nakakamtan ninyo ay huwag iwala ang nakalulugod na pagiging babae ninyo.

Hindi ninyo alam mga kapatid na babae ang lubos na hangganan ng inyong impluwensiya. Kayo mga kapatid ay nagpapaunlad sa buong sangkatauhan. Ang lahat ng buhay ng tao ay nagsisimula sa inyo. Ang bawat babae ay nagbibigay ng kanyang sarili at kakaibang lakas sa mag-anak at sa Simbahan. Bilang anak na babae ng Diyos, nangangahulugan na kung ito ay hinangad ninyo, makikita ninyo ang inyong tunay na pagkatao. Malalaman ninyo kung sino kayo. Ito ay makapagpapalaya sa inyo--hindi malaya sa pagpipigil, kundi higit na malaya sa pag-aalinlangan, alalahanin o pamimilit ng mga kaibigan. Hindi ninyo kailangang mag-alala, "Maayos na ba akong tingnan?" "Tama ba ang pagsasalita ko?" "Ano ang iniisip sa akin ng tao?" Ang paniniwala na kayo ay anak na babae ng Diyos ay nagbibigay sa inyo ng kapanatagan sa inyong pagpapahalaga sa sarili. Nangangahulugan na kayo ay makakatagpo ng lakas sa kapangyarihan ni Cristo na makapagpapagaling. Makatutulong ito sa inyo na harapin ang mga pagdurusa at paghamon nang may pananampalataya at kapayapaan.

Hindi ko alam mga kapatid kung lubos ninyong napapahalagahan ang mga kaloob, biyaya at kakayahang taglay ninyo dahil lamang sa kayo ay mga anak na babae ng Diyos. Mali ang isipin ng mga kababaihan na ang buhay ay nagsisimula lamang sa kasal. Ang isang babae ay maaari at nararapat magkaroon ng personalidad at madama niya na siya ay kapaki-pakinabang, pinahahalagahan at kinakailangan maging siya man ay may-asawa o wala. Dapat niyang madama na may magagawa siya sa isang tao na hindi kailanman magagawa ng sinumang tao.

Ang mga propeta ng Diyos ay paulit-ulit na nagbibigay ng katiyakan na ang matatapat, walang- asawang kababaihan ay dadakilain. Ang kadakilaan ay nangangailangan na ang mga naghahangad ay tatanggap ng mga ordenansa, at pagbabasbas ng pagbubuklod, na ibig sabihin, siyempre, sila ay mabuklod sa isang karapat-dapat na nagtataglay ng pagkasaserdote sa susunod na buhay at tatamasahin ang lahat ng biyaya ng kasal.

Ang tiyahin ko sa tuhod na si Tiya Ada ay hindi nag-asawa kailanman. Marahil naniwala siya sa pilosopiyang: "Kapag nag-aalala sa hindi pagkakaroon ng asawa, na tila kapalaran ko, naiisip ko ang mga kalalakihan na ipinagpapasalamat kong hindi ako ang naging asawa." Gayunman, isa siya sa mga unang babaeng doktor sa estado ng Utah. Noong bata pa ako, ako at ang mga kapatid ko ay tumakas papunta sa nakabakod na balkonahe sa aming maliit na tahanan. Isang araw ay tumalun-talon ako sa kama at pinipilit tingnan kung gaano kataas ang kaya ko. Napalakas ang pagtalon ko at malapit na sa dingding kaya nasugat ang bahagi ng aking mukha sa pakong nakausli. May ikakatwiran na ako sa hitsura ko! Tinawagan si Tiya Ada upang tahiin ang sugat. Sa ibang pagkakataon, kung masama ang aming pakiramdam, pinaiinom niya kami ng langis na castor at ng gatas ng magnesia. Nagdadala siya ng mustasang pangtapal at pinapainit ang aming dibdib kapag sinisipon kami. Ngayon, kapag may mga pananakit sa aking katawan, na dumadalas nang damadalas habang ako'y tumatanda, iniisip ko na sana narito si Tiya Ada para manatili akong malusog. Sa tuwing magsasalamin ako at makikita ang peklat--ang permanenteng marka ng aking pakikibaka sa pako--isang matinding pagmamahal kay Tiya Ada ang namamayani sa aking katauhan. Siya ay pumuno ng isang katangi-tangi at mapagmahal na papel sa aking buhay.

Buong puso kong hinihikayat kayo mga kapatid na babae na nakatanggap na ng inyong endowment na hangarin ang mga biyaya, kapanatagan, at kaaliwan ng templo. Ang pagiging karapat-dapat sa templo ay nagbibigay ng malaking espirituwal na proteksiyon maging sa mga kapatid na walang palagiang mapagkukunan ng mga biyaya sa templo. Sa Kanyang walang hanggang karunungan, iniuutos ng Panginoon sa mga karapat-dapat na mga kapatid na lalaki na taglayin ang pagkasaserdote upang makapasok sa templo, ngunit pinahihintulutan Niya ang mga babae na makapasok dahil lamang sa pagiging karapat-dapat ng kanilang sarili.

Ilang taon na ang nakalilipas, matapos dumalo sa templo sa unang pagkakataon isang kapatid na babae ang sumulat:

"Napakaluwalhating biyaya ang mapasok sa tahanang iyon! Ang aking mga mata, tainga, at puso ay bukas na bukas upang maunawaan ang itinuturo. Nadama ko ang katotohanan ng bawat tipan na ginawa ko sa bawat himaymay at buto ng aking katawan. Nadama ko na ako ay nakatayo sa harapan ng aking Panginoon sa tuwing makikipagtipan ako sa kanya. Ang impluwensiya ng Panginoon ay napakalakas kung kaya wala na akong hangaring umalis ng templo pagkatapos ng sesyon. Naging totoo sa akin noon na tunay ngang, ako ay nasa mundo, ngunit hindi makamundo."

Apat na linggo pagkaraan noon, dumalo siya sa templo para sa kanyang ina, at isinulat niya:

"Ito ay isa na namang maluwalhating karanasan. Nadama ko na naroon ang aking ina habang ako ay nasa sesyon para sa endowment, at nang ang pagbubuklod sa kasal ay isinagawa para sa aking mga magulang, talagang nadama ko na naroon sila sa altar. Ang impluwensiya ng Banal na Espiritu sa silid ay napakalakas kung kaya napaiyak ako habang ibinubuklod ang aking mga magulang. Tunay na nadama ko ang pagsasama-sama naming muli. Mula ng araw na yaon nadarama ko na sila ay malapit lang sa akin na parang hindi totoo na sila ay namatay na."16

Gaya ng isinasaad ng pahayag ng Samahang Damayan, kayo ay minamahal na espiritung anak na babae ng Diyos. Bilang karagdagan, sa paghahayag na ibinigay sa Propetang Joseph Smith, sinabi sa atin na "lahat ng tumatanggap ng aking ebanghelyo ay mga anak na lalaki at babae sa aking kaharian."17 At bilang mga anak na babae sa Kanyang kaharian, kayo ay maaaring maging kabahagi ng lahat ng biyaya ng ebanghelyo.

Mula sa simula ng dipensasyong ito, ang maraming kontribusyon ng mga kapatid na babae sa banal na layuning ito ay tunay na kahanga-hanga. Pinatutunayan at pinatototohanan ko sa inyo mga kapatid na kailanman ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng mundo na mayroong higit na pangangailangan sa inyong kabutihan, inyong halimbawa, at inyong mabubuting gawa upang isulong ang banal na gawaing ito kaysa ngayon.

Mga minamahal kong kapatid, idinadalangin ko na ang mga banal na kaloob na nasa bawat isa sa inyo ay umunlad nang lubos. Nawa'y maipahayag nang ganap ang inyong mayamang kaloob bilang babae ng espirituwal na lakas, kabutihan, kahinahunan, awa, at kabaitan. Ito ay mangyayari habang kayo ay naglilingkod sa Panginoon, sa inyong mag-anak, at sa inyong kapwa. Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon na gawin ito, ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Zacarias 2:10.
2. Mosias 27:25.
3. "Leaving Home, " Carolyn Hinckley, New Era, Mayo, 1999, 35.
4. Mga kaganapan sa Samahang Damayan ng Nauvoo, ika-28 ng Abril, 1842; binanggit sa mga tinipon nina Andrew F. Ehat at Lyndon W. Cook, The Words of Joseph Smith (1980), 118.
5. Mga tala mula sa talumpating ibinigay ni Bethany Collard ng Idaho Falls.
6. "As Sisters in Zion," Mga Himno, blg. 309.
7. Hango sa talumpating ibinigay ni Ann Woodland ng Idaho Falls.
8. Sa Conference Report, Okt. 1962, p. 41.
9. Moises 3:17.
10. Moises 4:12.
11. Moises 5:10.
12. Moises 5:11.
13. 2 Ne. 2:24­25.
14. Doktrina at mga Tipan 138:39.
15. "Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan," Mga Himno.
16. "The Glorious Moments," Sipuao Matuauto, Ensign, Ago. 1974, 64.
17. Doktrina at mga Tipan 25:1.

 
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy