The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Mga Propeta at mga Anay ng Kaluluwa

Mga Propeta at mga Anay ng Kaluluwa

Elder Neil L. Andersen
Ng Pitumpu

Sa makabagong Israel, ang paglilingkod sa Panginoon ay nangangahulugan ng masusing pagsunod sa mga Propeta.

Elder Neil L. Andersen

Nais kong ipaabot sa inyo ang aking pagmamahal ngayong umaga. Magsasalita ako sa matatapat at malalakas ang patotoong mga kasapi ng Simbahan na nasa iba't ibang dako ng daigdig. Ang katotohanang narito kayo sa tabernakulo, o pinapanood ngayong magandang umaga ng Sabado ang komperensiya sa isang pinadilim na silid sa katanghaliang tapat ay nagpapatunay sa inyong pagiging disipulo. Seryoso kayo sa inyong pinaniniwalaan at nakikita ito sa inyong pamumuhay.

Isang payo na nagbibigay lakas sa akin ang matapang na pahayag ni Josue: "Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; . . . ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon" (Josue 24:15).

Mahalaga pa rin ngayon ang mga salita ni Josue, kahit na tila nagbabago bawat henerasyon ang pamamaraan ng pagpapakita ng ating pagpapasiyang maglingkod sa Panginoon. Tatlong libo't limang daang taon mula nang magsalita si Josue, ang kahulugan nito ay pagtalikod sa mga bulaang diyos, pakikidigma sa mga Cananeo, at pagsunod nang ganap sa mga salita ng Propeta. Halos dinig natin ang pagdaing ng mga taong mapag-alinlangan nang sabihin niya ang kanyang mga plano sa pakikidigma sa pagsalakay sa lungsod ng Jerico. Una, aniya, dahan-dahan at tahimik nilang paliligiran ang lungsod nang isang beses sa loob ng anim na araw. Pagkatapos, paliligiran nila ang lungsod nang pitong beses sa ikapitong araw. Kasunod nito, patutunugin ng mga saserdote ang mga pakakak, at sabay-sabay na sisigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagkakataong iyon. Pagkaraa'y tiniyak sa kanila ni Josue na guguho ang kuta (tingnan sa Jos. 6). Nang gumuho ang kuta, natahimik ang lahat ng mga hindi naniniwala.

Sa ating daigdig ngayon, isang bagay ang hindi nagbago mula nang magsalita si Josue: Palaging nakikinig na mabuti lalo sa Propeta ang mga pumipiling maglingkod sa Panginoon. Sa makabagong Israel, ang paglilingkod sa Panginoon ay nangangahulugan ng masusing pagsunod sa mga Propeta.

Ang mga pagsubok na kinakaharap natin at ng ating mag-anak bilang mga disipulo ni Cristo ay bahagyang naiiba sa mga kinaharap ng mga Israelita ni Josue. Hayaan ninyong ilarawan ko sa pamamagitan ng isang karanasan. Maraming taong nanirahan ang aming pamilya sa estado ng Florida. Dahil mabuhangin sa Florida, ang mga damuhan ay tinatamnan ng damong may malalaki at malalapad na dahon na tinatawag na San Agustin. Ang mabigat na kalaban ng damuhan sa Florida ay isang maliit, na kulay tsokolateng insekto na kung tawagi'y anay.

Isang gabi habang nakatayo kami ng aking kapitbahay sa may harapan ng bakuran, nakakita kami ng anay na tumatawid sa tabing daanan. "Mabuti pa'y bombahan mo na ang iyong damuhan," kanyang babala. "Anay iyan." Binomba ko na ng pamatay insekto ang damuhan mga ilang linggo pa lang ang nakalilipas, at sinabi ko sa aking sarili na wala akong panahon o pera upang ulitin kaagad ito.

Kinaumagahan, sinuri kong mabuti ang aking damuhan. Malago at luntian na luntian. Tiningnan ko ang mga damo kung may makikita akong anay. Wala akong makita. Naisip ko sa aking sarili, "Siguro, nakiraan lamang ang anay na iyon sa aking bakuran patungo sa bakuran ng aking mga kapitbahay."

Mahigit isang linggo kong binantayan ang aking damuhan, tinitingnan ang mga palatandaan kung may mga mananalakay subalit wala akong makita. Binati ko ang aking sarili sa hindi gaanong pagpapaapekto sa babala ng aking kapitbahay.

Gayunman, malungkot ang katapusan ng kuwento. Lumabas ako ng bakuran isang umaga, mga 10 araw mula nang mag-usap kami ng aking kapitbahay. Kagulat-gulat, tila nangyari lamang kagabi, may mga kulay tsokolateng umpok sa aking damuhan. Kaagad akong pumunta sa tindahan ng mga halaman, bumili ng pamatay insekto, at kaagad nagbomba, subalit huli na. Sira na ang damuhan, at upang maibalik ito sa dating kalagayan ay mangangailangan ng bagong tanim, maraming oras ng paggawa, at malaking gastos.

Mahalaga sa kapakanan ng aking damuhan ang babala ng aking kapitbahay. May mga nakita siya na hindi ko nakita. May alam siya na hindi ko alam. Alam niyang naninirahan sa ilalim ng lupa ang mga anay at aktibo lamang kapag gabi, kaya walang silbi ang aking mga pagsusuri sa araw. Alam niya na hindi kinakain ng mga anay ang mga dahon ng damo kundi sa halip ay kumakain ng mga ugat. Alam niya na may kakayahang kumain ng maraming ugat ang ga-pulgadang insektong ito bago ko makita ang epekto sa ibabaw. Pinagbayaran ko ng malaki ang aking sariling kahambugan.

Nabubuhay tayo sa kahanga-hangang panahon. Ang mga pagpapala sa ating henerasyon ay malago at luntian na luntian. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas at pagsunod sa mga kautusan, maaaring maging puno ng lugod at kagalakan ang ating buhay.

Subalit sa panahong ito ng maraming magagandang bagay, ang mga hamon sa ating pagpili na maglingkod sa Panginoon ay higit na pino kaysa sa mga nakaraang panahon ngunit walang alinlangang kasing sama ang naidudulot nila sa kaluluwa. May mga anay ng kaluluwa na humuhukay ng lungga sa ating mga pananggalang na pader at sinasalakay ang ating maselang ugat. Marami sa mga insekto ng kasamaang ito ay mistulang maliit, kung minsa'y halos hindi makita. Subalit kung hindi natin pupuksain ang mga ito, makakapinsala at sisikapin ng mga ito na sirain ang pinakamahalaga sa atin.

Ang mga babala ng mga Propeta at Apostol ay palaging nakapatungkol sa tahanan at mag-anak. Hayaan ninyong ipabatid ko sa inyo ang nagbababalang tinig ng mga Propeta. Noong ika-11 ng Pebrero ng kasalukuyang taon, nagpadala ng liham ng pagpapayo sa bawat miyembro ng Simbahan ang Unang Panguluhan sa tulong ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ating mga mag-anak. Hayaang basahin ko sa inyo kahit ang dalawang pangungusap mula sa liham na ito:

"Pinapayuhan namin ang mga magulang at anak na bigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga ang panalangin ng mag-anak, gabing pantahanan ng mag-anak, pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo, at mga kalugud-lugod na gawaing pangmag-anak. Gaano man karapat-dapat at kaangkop ang ibang pangangailangan o gawain, huwag hayaan ang mga ito na humalili sa mga tungkuling banal na iniatas na tanging mga magulang at mag-anak ang sapat na makagagawa" ("Letter from the First Presidency," Liahona, Disyembre 1999, 1).

Ano ang reaksiyon natin sa payong ito ng propeta? Ano ang naging tugon ko at tugon mo sa liham na ito ng Unang Panguluhan halos walong buwan na ang nakalilipas?

Bilang magulang ng mga kabataan sa abalang mundo, mapatutunayan ko na kailangang bigyan ng pinakamataas na priyoridad ang mga isyung ito upang matiyak na ito'y mabisang makaiimpluwensiya sa ating mag-anak. Karirinig pa lang natin ng magandang kuwento ni Elder Featherstone at ang panalanging pangmag-anak. Sa mga impluwensiya ng kasamaang nakapalibot sa ating mga anak, mapapahintulutan ba nating paalisin sila sa umaga nang hindi muna sama-samang lumuluhod at mapagkumbabang nananalangin para sa paggabay ng Panginoon? O tapusin ang araw nang hindi lumuluhod at kinikilala ang ating pananagutan sa harapan Niya at ang pasasalamat natin sa Kanyang mga biyaya? Mga kapatid, kailangan tayong magkaroon ng panalanging pangmag-anak.

Tunay ngang may mga pagkakataon na ang pagtitipon sa mag-anak upang magbasa ng mga banal na kasulatan ay hindi maituturing na bunton ng espirituwal na karanasan na karapat-dapat na maisulat sa talaarawan. Ngunit hindi tayo dapat magpapigil. May mga natatanging pagkakataon na ang espiritu ng isang anak na lalaki o babae ay nakahanda at ang kapangyarihan ng mga dakilang banal na kasulatang ito ay tumitimo sa kanilang puso na mistulang apoy. Habang binibigyang parangal natin ang ating Ama sa Langit sa ating mga tahanan, pararangalan rin Niya ang ating mga pagsisikap.

Alam natin ang mga pakikibakang kinakailangan upang mapanatili ang gabing pantahanan ng mag-anak. May mga magnanakaw sa ating paligid na magnanakaw ng ating mga gabi ng Lunes. Ngunit ang mga pangakong ginawa ng Panginoon sa mga mag-anak na nagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak, na binanggit ng Unang Panguluhan 84 taon na ang nakalilipas at binibigyang-diin muli ng ating mga propeta ngayon, ay hindi kailanman napawalang-bisa at naririto pa rin sa atin:

"Kung susundin ng mga Banal ang mga payong ito, ipinapangako namin na ito'y magbubunga ng mga dakilang biyaya. Ang pagmamahal sa tahanan at pagsunod sa mga magulang ay mag-iibayo. Ang pananampalataya ay mapalalakas sa mga puso ng mga kabataan ng Israel, at sila ay magtataglay ng kapangyarihan upang malabanan ang masasamang impluwensiya at tuksong nakapaligid sa kanila" (Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints ni James R. Clark, tinipon, 6 na tomo [1965­75], 4:339).

Sino sa inyo na naaabot ng aking tinig ang magkukusang ipagbili ang mga pangakong ito sa mga mangungumpiska ng ating mga gabi ng Lunes? Wala isa man sa atin.

Para sa iyo at sa akin, mga disipulo ni Cristo, ang mga sandaling ito ng pagbubuo ng pananampalataya sa buhay ng ating mga anak ay dapat na mapalakas. May mga pagkakataong magkukulang tayo bilang mga magulang. Alam ko na ako man ay nagkukulang. Ngunit dapat tayong magsimulang muli. Nakikita ng Panginoon ang ating mabubuting pagsisikap at bubuksan Niya ang mga biyaya ng langit kapag binibigyan natin ng pinakamataas na priyoridad ang ating mag-anak, mga kapatid, may mga anay sa kaluluwa na sumusira sa ating mga ugat, at dapat na maging mas taimtim tayo sa pamamahala ng ating mag-anak.

Sa pakikibahagi natin sa komperensiyang ito, makinig tayong mabuti sa ating minamahal na Pangulong Hinckley, sa kanyang mga Tagapayo, at sa mga Apostol na magsasalita sa atin.

Huwag nating tularan ang huwarang ipinakita ko sa pagtrato sa mga anay sa Florida. Huwag nating ipagwalang bahala kailanman ang mga babala. Huwag tayong maging hambog kailanman sa ating sarili. Palagi tayong makinig at mag-aral nang may kababaang loob at pananampalataya, o handang magsisi kung kinakailangan.

Ito ang kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa. Kayo at ako ay mga disipulo ng Panginoong Jesucristo. Siya ang Anak ng Diyos. Buhay siya. Pinangangasiwaan Niya ang gawaing ito. Si Pangulong Hinckley ang Kanyang Propeta, at kasama niya ang 14 na iba pa na nagtataglay ng mga susi ng pagiging Apostol. Sila ay mga tagabantay sa tore, mga sugo na may nagbababalang tinig, mga Propeta, Tagakita, at Tagahayag.

"Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran . . . ngunit sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon" (Josue 24:15).

"At sinabi ng bayan kay Josue, Ang Panginoon nating Diyos ay paglilingkuran, at ang kaniyang tinig ay aming didinggin" (Josue 24:24).

Nawa'y tumimo sa ating mga puso ang mga salitang ito ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy