The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 1999
Ang Diwa ng Paghahayag

Ang Diwa ng Paghahayag

Pangulong Boyd K. Packer
Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, ayusin ang inyong sarili! Maghanda! Tanganan ang inyong buhay! Supilin ang inyong isip, kaisipan!

Pangulong Boyd K. Packer

Magsasalita ako sa ating mga anak at kabataan at iminumungkahi ko na sabihin ninyo sa inyong mga magulang at lolo't lola na maupo nang tahimik at huwag mang-abala sa loob ng ilang minuto.

Nais kong ibahagi sa inyo ang isang bagay na natutunan ko sa aking kapatid na mistulang pananggalang at proteksiyon sa akin. Nabanggit ko na ito noon, ngunit di kasing detalye ng isasalaysay ko ngayon.

Nagtapos ako ng pagsasanay sa pagpapalipad ng eroplano at tumanggap ng aking pilak na tsapa bilang piloto dalawang araw bago ang aking ika-20 na kaarawan. Pagkaraan ay itinalaga ako sa Langley, Field, Virginia, bilang isa sa piloto at tripulante ng isang piling B-24 na eroplanong pambomba na sinanay sa paggamit ng bagong lihim na armas--radar.

Ang aking kapatid, si Coronel Leon C. Packer ay nakatalaga sa Pentagon sa Washington, D. C. Dahil marami siyang natanggap na medalya bilang piloto ng B-24, siya ay naging brigadyer heneral sa Hukbong Panghimpapawid.

Tapos na ang digmaan sa Europa noong ako ay nasa Langley Field kaya inutusan kaming magtungo sa Pasipiko. Mga ilang araw kong kasama si Leon sa Washington bago ako pumalaot sa digmaan.

Sinabi niya sa akin ang mga bagay na natutunan niya habang nasa gitna ng labanan. Nagpalipad siya ng eroplano mula Hilagang Africa hanggang sa imbakan ng langis sa Ploiesti Romania; ilan lamang sa mga eroplanong iyon ang nakabalik.

Noong Abril 16, 1943, siya ang kapitan ng isang B-24 na eroplanong pamboba na bumalik sa Inglatera matapos ang isang pagsalakay sa Europa. Ang kanyang eroplano, ang Yard Bird, ay lubhang napinsala ng balang pampabagsak ng eroplano at nawala sa hanay.

Pagkatapos ay naiwan sila at lubhang inatake ng mga kalaban.

Isinulat niya sa kanyang isang pahinang ulat ng karanasang iyon: "Ang pangatlong makina ay umuusok at nawalan ng suporta. Nasira ang pang-apat na lagayan ng gasolina. Nasira ang mga nasa gawing kanang kable na sumusuporta at nagpapanatili sa pakpak. Medyo hindi maigalaw ang mga Rudder. Nasira ang radyo. Lubhang malalaking butas sa kanang pakpak. Nasira ang mga palikpik. Ang buong likurang bahagi ng eroplano ay puno ng butas. Nasira ang Hydraulic. Nasira ang palikpik sa gawing buntot."

Isang aklat ng kasaysayan ng Ika-walong Hukbong Panghimpapawid, na inilathala dalawang taon pa lamang ang nakararaan, ang naglalaman ng ulat ng isa sa pahinante tungkol sa paglalakbay na iyon.1

Nagliliyab ang isang makina, ang tatlong iba pa ay nawalan ng lakas. Bumubulusok sila. Sinasabi ng alarma na mag-parachute sila palabas ng eroplano. Ang tagabomba, na tanging nakalabas ng eroplano ay nag-parachute sa Kanal ng Inglatera.

Iniwan ng mga piloto ang kanilang upuan at gumawa ng paraan upang makarating sa lagayan ng mga bomba upang makalabas. Biglang nakarinig si Leon ng makinang pumugak at pumipisik-pisik. Kaagad siyang bumalik sa kanyang upuan at pinilit makaipon ng sapat na lakas mula sa mga makina upang makarating sa baybayin ng Inglatera. Pagkaraan ay namatay ang mga makina at sila ay bumagsak.

Ang granaheng panlapag ay nawasak at sumabit sa isang burol; sumadsad ang eroplano sa kakahuyan at nawasak. Puno ng dumi ang katawan ng eroplano.

Kataka-taka, bagama't ang ilan ay lubhang nasugatan, nakaligtas ang lahat ng nakasakay. Nawala ang tagabomba, subalit nailigtas niya marahil ang buhay ng natirang siyam. Kapag may umusok na mga makina at may nag-parachute, humihinto sa pag-atake ang mga kalaban.

Hindi lamang sa pagkakataong iyan bumagsak ang eroplano ni Leon.

Sa pagkukuwentuhan namin, sinabi sa akin ni Leon kung paano niya napanatiling buo ang kanyang loob habang sinasalakay. Sabi niya, "Mayroon akong paboritong himno"--at binanggit niya ito--"at kapag may nangyayaring kaguluhan inaawit ko ito nang tahimik sa aking sarili, at pagkatapos ay nagkakaroon ako ng pananampalataya at katiyakan na nagpapanatili sa akin sa landas."

Nagtungo ako sa labanan na taglay ang kanyang pangaral.

Noong tagsibol ng 1945, nasubok ko ang aral na iyon na itinuro sa akin ni Leon noong mga nagdaang buwan.

Tapos na ang digmaan sa Pasipiko bago namin marating ang Pilipinas, at inutusan kami sa bansang Hapon.

Isang araw ay lumipad kami mula sa paliparan ng Atsugi malapit sa Yokohama sakay ng isang B-17 eroplanong pamboba patungong Guam upang kumuha ng mga ilaw na pansenyas.

Pagkaraan ng siyam na oras sa himpapawid, bumaba kami sa palumpon ng mga ulap at nalamang kami ay talagang nawawala. Hindi gumagana ang aming radyo. Napadpad kami sa tila isang bagyo.

Habang lumilipad kami at kaunti lamang ang taas sa dagat ay nagsimula kaming maghanap ng magiging palatandaan. Sa malubhang kalagayang iyon, naalaala ko ang mga salita ng aking kapatid. Natutunan ko na maaari kang manalangin at kahit na kumanta nang hindi kumikibo.

Pagkaraan ng ilang oras may nalagpasan kaming hanay ng mga bato na bahagyang nakalitaw sa tubig. Bahagi kaya ang mga ito ng magkakarugtong na Isla ng Mariana? Sinundan namin ang mga ito. Hindi nagtagal nakita namin sa di-kalayuan ang Isla ng Tinian, at lumapag kami na talagang kaunting-kaunti na lamang ang gasolina sa aming tangke.

Natutuhan ko na ang panalangin at musika ay maaaring lubhang tahimik at pansarili.

Ngayon, bagama't madula ang karanasang iyon, ang higit na kahalagahan ng pangaral ni Leon ay dumating di-naglaon sa pang-araw-araw na buhay nang kaharapin ko ang mga tuksong kinakaharap ninyo ngayon mga kabataan at mga bata.

Sa paglipas ng mga taon nalaman ko, bagama't hindi madali, na maaari kong pamahalaan ang aking kaisipan kapag ninais ko. Maaari mong palitan--ng musika--ang mga kaisipan ng tukso, galit, kabiguan, o takot.

Gustung-gusto ko ang mga sagradong musika ng Simbahan. Ang mga himno ng Pagpapanumbalik ay nagbibigay ng inspirasyon at proteksiyon.

Alam ko rin na ang ilang musika ay nakasisira sa espiritu, ito ay masama at mapanganib! Mga kabataan, huwag ninyong pakikinggan ang mga ito!

Alam ko rin kung bakit pinayuhan ni Leon ang kanyang mga anak na, "Tandaan, ang baril na pampabagsak ng eroplano ay palaging nakatutok kung saan ang patatamaan."

Ang mga kaisipan ay mga pakikipag-usap natin sa ating sarili. Alam ninyo kung bakit tayo inuutusan ng mga banal na kasulatan na "puspusin ng kabanalan ang [inyong] mga iniisip nang walang humpay" at ipinapangako na kapag ginawa natin, ang ating "pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa [ating] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit" at pagkatapos "ang Espiritu Santo ang [ating] magiging kasama sa tuwina."2

"Ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi."3

Mga kabataan, ang tinig ng Espiritu ay nadarama sa halip na naririnig. Maaari ninyong matutunan bagamat batang bata pa kayo kung paano nagpapahayag ang Espiritu Santo.

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga ulat kung paano maiimpluwensiyahan ng kabutihan ang inyong isipan at kung paano maaaring diktahan ng kasamaan, kung inyong nanaisin. Hindi kailanman matatapos ang labanang iyan. Subalit tandaan ninyo ito:


Lahat ng tubig sa daigdig,
Gaano man kasigasig,
Pinakamaliit na barko'y di kailanman mapalulubog
Maliban kapag ito'y nakapasok.
 
At lahat ng kasamaan sa daigdig,
Pinakamaitim man o nakaririmarim,
Di kailanman makakasakit ni katiting
Maliban kung inyong papapasukin.
4

Kapag natutunan ninyong supilin ang inyong mga kaisipan, magiging ligtas kayo.

May kilala akong lalaki na gumagawa nito: Kapag may masasamang kaisipang pumapasok sa kanyang isipan, ikinikiskis niya ang kanyang hinlalaki sa kanyang singsing pangkasal. Pinuputol nito ang pagpasok ng masasamang kaisipan at para sa kanya'y tila halos naging kusang gawain upang hadlangan ang mga hindi kanais-nais na kaisipan at ideya.

Hindi ko mapigilang ikuwento sa inyo ang isa pang bagay na nangyari noong dinalaw ko ang aking kapatid na lalaki sa Washington. Magpapalipad siya ng B-25 na eroplanong pambomba patungong Texas upang kumuha ng isang bagay at kinabukasa'y babalik sa Washington. Sumama ako sa kanya. Noon lamang kami lumipad nang magkasama.

Pagkaraan ng maraming taon, pinarangalan ako ng Pamantasang Pang-estado ng Weber, kung saan kapwa kami nagtapos. Naging opisyal siya ng samahan ng mga mag-aaral noong siya ay nasa kolehiyo. Dahil pupunta ako sa Timog Amerika, pumayag siyang dumalo sa salu-salo at tanggapin ang parangal para sa akin.

Sa kanyang talumpati sinabi niya ang kuwentong ito--ang ilang bahagi'y totoo. Sinabi niya na magkakahanay kami sa isang paliparan sa Texas at malapit nang lumipad. Sinabi niya sa akin sa radyo, "Magkita na lang tayo sa itaas--kung sa palagay mo'y makararating ka!"

Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila na pagkaraang ako ay maging Pangkalahatang Awtoridad ng Simbahan, sinusuri ko ang kanyang pag-uugali at idinaragdag ang, "Magkita na lang tayo sa itaas­kung sa palagay mo'y makararating ka!"

Nakarating na nga roon si Leon. Naroon na siya kung saan ko nais mapunta balang araw.

Mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, ayusin ang inyong sarili! Maghanda! Tanganan ang inyong buhay! Supilin ang inyong isip, kaisipan! Kung mayroon kayong mga kaibigang hindi mabuting impluwensiya, gumawa ng pagbabago, kahit na dulot nito'y kalungkutan at maging di pagkatanggap.

Kung nakagawa kayo ng mga pagkakamali, may mga paraan upang isaayos ang mga bagay at sa huli'y tila hindi nangyari ang mga ito.

Pinamamahalaan kung minsan ng kasalanan ang ating kaisipan at binibihag tayo sa ating mga isipan. Kahangalan ang manatili sa bilangguan roon samantalang ang pintuan ay laging bukas. Ngayon, huwag sabihin sa inyong sarili na hindi talaga mahalaga ang kasalanan. Hindi makatutulong iyan; pagsisisi ang makatutulong.

Pamahalaan ninyo ang inyong sarili. Kahanga-hangang maging isang kabataang Banal sa Huling Araw ngayong mapanghamong panahong ito.

Sinabi ni Pablo kay batang Timoteo, "Huwag hamakin ng sinuman ang iyong kabataan."5

At 14 lamang si Louisa May Alcott nang isulat niya:


Mumunting kaharian aking taglay,
Kung saan kaisipan at damdami'y namamahay,
At sa akin ay tila lubhang mahirap
Ang pamahalaan ito nang ganap. . . .
Wala akong hinihinging anumang korona
Kundi ang lahat ay magtagumpay sana
Ni hinahangad na daigdig ay magapi
Maliban ang nasa loob na tangi.
6

Kaya ninyong gawin--kailangan ninyong gawin. Nakasalalay sa inyo ang ating kinabukasan.

Siya, iyan ang payong maibibigay ko sa inyo. Ngayon ay gisingin na ninyo ang inyong mga magulang, at sabihin sa kanila na natuto kayo ng paraan upang tulungan ang inyong sarili na maging ganap. Marahil hindi kayo magiging lubos na ganap, subalit maaari kayong maging halos ganap.

Maaari ninyong gamiting pampalakas ng loob ito: Isang guro na sinusubukang ituro kung ano ang teorya ang nagtanong: "Kapag dinala ninyo ang sulat sa buson at huminto kayo sa kalagitnaan, pagkatapos ay nagsimula uli kayo at huminto sa kalagitnaan ng natitirang distansiya, at ulitin ito nang ilang beses, sa palagay kaya ninyo ay makararating kayo sa may buson?" Isang matalinong estudyante ang sumagot, "Hindi po, subalit magiging sapat ang layo ninyo upang ihulog ang sulat."

Kayo mga kabataan, makalalapit kayo nang sapat sa kaganapan sa pagkakaroon ng buhay na puno ng pagsubok at problema, inspirasyon, kaligayahan, at walang hanggang kagalakan.

Ipinangako ng Panginoon, "Hindi ko kayo iiwang mag-isa: ako'y paririto sa inyo."7

"Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahan sa iyong puso. . . .

"Ito ang diwa ng paghahayag. . . .

"Samakatwid ito ang iyong kaloob; gamitin ito, at pinagpala ka, sapagkat ito ang magliligtas sa iyo."8

Nawa'y pagpalain kayo ng Diyos. Inawit na ninyo sa amin ang, "I know who I am, I know God's plan."9 Balang araw ay makapagpapatotoo kayo sa inyong mga apo, at sila man sa kanilang mga apo, at sila sa ibang salinlahi at sa iba pa.

Tanawin ninyo ang isang mahabang buhay, ang mahaba, mahabang buhay para sa Simbahang ito, para sa mga bata at kabataan, para sa ating lahat bilang mga Banal sa mga Huling Araw. At pinatototohanan ko sa inyo, ating mga kabataan, na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos. Bilang lolo, at bilang lolo sa tuhod, nalalaman ko kung gaano namin kayo kamahal. Sinasabi ko sa inyo kung gaano namin kayo kamahal, kung gaano kayo minamahal sa Simbahang ito, at hinihiling ang mga basbas ng Panginoon para sa inyo sa pagharap sa kahanga-hangang buhay na kinakaharap ninyo bilang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Ginagawa ko ito bilang tagapaglingkod ng Panginoon at sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa, The Mighty Eighth: The Air War in Europe Told by the Men Who Fought It, (1997) ni Gerald Astor.
2. Doktrina at mga Tipan 121:45­46.
3. Juan 14:26.
4. Hindi kilala ang sumulat, "All the Water in the World," sa Best-Loved Poems of the LDS People, pinamatnugutan ni Jack M. Lyon at iba pa, (1996), 302.
5. 1 Tim. 4:12.
6. Louisa May Alcott, "My Little Kingdom," Louisa May Alcott--Her Girlhood Diary, pinamatnugutan ni Cary Ryan (1993), 8­9.
7. Juan 14:18.
8. Doktrina at mga Tipan 8:2­4; idinagdag ang diin.
9. "The Church of Jesus Christ," Children's Songbook, 77.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy