The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference Sessions Offered in Multiple Languages | LDS.org
Conferences
Abril 2002
Ang Lengguwahe ng Pag-ibig

Ang Lengguwahe ng Pag-ibig

Gayle M. Clegg
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Primary

Bawat bata'y kailangan ng regular na ulat bilang patunay na, "Ikaw ay kilala, mahalaga, may potensyal, at mabuting bata."

Gayle M. Clegg
Nang bata pa akong ina, napilitan kaming mag-asawa na dalhin ang aming limang anak na wala pang walong taong gulang para manirahan sa South America. Bagama't wala sa aming nakapagsasalita ng wikang iyon, hirap na hirap matuto ng bagong wika ang anim-na-taong-gulang kong anak. Nagpasiya kaming pag-aralin siya kasama ng mga apat-na-taong gulang, kahit dapat ay nasa unang baitang na siya. Umasa kaming di siya gaanong matatakot makisama sa mga mas bata sa kanya at mas mapabilis ang pagkatututo niyang makipag-usap sa Portuges.

Ngunit ang totoo'y banyaga rin siya sa mga bata tulad ng pagiging banyaga nila sa kanya. Naging mahirap ang bawat araw at inalala ko siya tuwing umaga kapag inihahatid ko siya sa paaralan at hinihintay na makabalik, na matamlay, sa pagtatapos ng araw.

Isang araw, pinagmalupitan siya ng ilang bata. May ilan pang nambato at nanulak sa kanya, at pinagtawanan siya sa oras ng recess. Natakot siya at nasaktan at nagpasiyang di na babalik sa klase. Habang mag-isang nakaupo sa palaruang walang katao-tao, naalala niya ang itinuro namin tungkol sa kalungkutan. Naalala niya na malapit lagi ang Ama sa Langit sa Kanyang mga anak at makakausap Siya nito anumang oras, hindi lang bago matulog. Mauunawaan Niya ang nasa kanyang puso. Sa isang sulok ng palaruan yumuko siya at nanalangin. Hindi niya alam kung ano ang idadalangin, kaya hiniling niyang sana'y naroon ang ama't ina niya para ipagtanggol siya. Habang pabalik sa klase sumagi sa isipan niya ang isang awit sa Primary.

Ako ay malimit mamasyal sa parang,
Mga bulaklak ay tinitipon ko.
Bawat bulaklak na aking nakikita;
Ikaw, o nanay ang s ' yang alaala.
("Ako ay Malimit Mamasyal [I Often Go Walking],"Aklat ng mga Awit Pambata, 109)

Nang magmulat siya, napansin niya ang maliit na bulaklak na tumutubo sa mga bitak ng semento. Pinitas niya ito at ibinulsa. Di napawi ang mga problema niya sa ibang bata, pero lumakad siya pabalik sa paaralan na nadaramang kapiling niya ang kanyang mga magulang.

Bawat isa sa atin, gaya ng anim-na-taong gulang kong anak, ay nakadamang parang naligaw na o di kabilang sa isang banyagang lupain. Marahil ang banyaga sa inyo ay ang pagkatuto ng wikang gamit sa algebra o kemistri. Marahil akala ninyo'y napadpad kayo sa banyagang baybayin nang sumapi kayo sa Simbahan, kahit kayo'y nasa sariling bansa ninyo. Ilagay ang inyong sarili sa katayuan ng isang bagong binyag. Kailangan ninyong maunawaan ang mga salitang tulad ngcalling,Presiding Bishopric, at pati naGeneral Authority.

Paano ang ating mga misyonerong nakaunawa at tumugon sa panghihikayat ng Espiritu Santo na totoo ang Simbahan, ngunit may hamon na pag-aralan kapwa ang ebanghelyo at wikang banyaga nang sabay? Namamangha ako kapag naiisip ko ang kanilang katapangan.

Ang ating buhay ay puno ng maraming kabiguan sa pagkatuto ng wikang banyaga. Gayunman, may isang wikang pandaigdigan. Ngunit "Ikaw, o, Nanay, ang s'yang alaala" ang nadama ng puso ng isang bata. Awit sa Primary at isang ligaw na bulaklak ang kilalang wika ng isang dalanging sinagot.

Matapos magturo si Jesus nang matagal sa templo sa Bountiful, naisip Niyang baka hindi naunawaan ng mga tao ang lahat ng sinabi Niya. Pinauwi Niya sila at sinabihang mag-isip na mabuti at manalanging kasama ng kanilang pamilya at maghanda sa pagbalik Niya kinabukasan.

Ngunit nang "muli niyang ginala ang kanyang mga paningin sa maraming tao, namasdan [niya] na sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila. . . .

"Kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila. . . .

"At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos.

"At nang sila ay tumingin . . . nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos, . . . at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila" (3 Ne. 17:5, 21, 23–24).

Ang "mapalibutan" ng apoy ng ating patotoo ay isang wikang dapat nating matutuhang bigkasin at unawain.

Ang unang aral na itinuro sa bawat bata sa mundo na dumadalo sa Primary ay "Ako ay Anak ng Diyos." Ang mga batang 18 buwan pa lamang ay maaaring tukuyin ang sarili nila sa pag-akto ng awit na ito:

Kilala ako ng Ama sa Langit
At batid Niya ang nais kong gawin.
Alam Niya ang ngalan ko at kung saan ako nakatira.
Batid kong mahal din Niya ako.
("Heavenly Father Knows Me," saPrimary 1: Ako ay Anak ng Diyos[1994], 2)

Noong nagtuturo ako sa ikaanim na baitang ilang taon na ang nakalipas, isang 14-na-taong-gulang na batang lalaking mukhang sanggano ang ipinasok sa klase ko. Dalawang taon ang tanda niya at apat na taon ang laki kaysa sa 30 pang estudyante ko. Natuklasan ko agad na di makabasa si Brian, patigil-tigil sa pag-aaral, at iba-iba ang nag-aruga sa iba't ibang lungsod.

Malapit na ang bigayan ng report card at nagpunta ako sa paaralan kahit wala akong pasok para tapusin ang pagtatala ng gawa ng mga bata at pagmamarka sa mga report card. Pagpasok ko ng silid para tipunin ang mga talaan, nakita kong nanggugulo si Brian sa klase. Iminungkahi ko sa nagpapasalamat kong kapwa-guro na isasama ko si Brian. Bitbit ang ilang aklat pambatang puno ng mga larawan, nagpunta kami sa aklatan, at nag-usap tungkol sa football habang daan.

Umupo kami sa mesa kung saan nagmamarka ako ng mga report card. Tinanong ko kung nakatanggap na siya noon ng report card.

Umiling siya at nagsabing "Hindi." Tinanong ko kung gusto niyang magkaroon nito.

Tinitigan niya ako, "Kung nakasaad doon na mabait akong bata."

Gumawa ako ng espesyal na card para sa kanya na binibigyang-diin ang kanyang mga kalakasan. Isinulat ko ang buong pangalan niya roon at ang kakayahan niyang makisama at magpatawa. Binanggit ko lalo na ang pagkahilig niya sa isports. Hindi iyon karaniwang report card, ngunit mukhang nasiyahan siya rito. Di nagtagal matapos iyon, nawala si Brian sa aming paaralan at ang huling narinig ko tungkol sa kanya ay lumipat sila ng estado. Sana nasa bulsa pa niya ang report card ko na nagsasabing mabait siyang bata, saanman siya naroon.

Balang-araw lahat tayo'y bibigyan ng panghuling report card. Marahil mamarkahan tayo kung gaano natin kahusay iniulat ang kabutihan ng isa't isa. Bawat bata'y kailangan ng regular na ulat bilang patunay na, "Ikaw ay kilala, mahalaga, may potensyal, at mabuting bata."

Gustung-gusto ko ang mga kuwento tungkol sa mga batang tagabunsod. Lagi nating naririnig ang tungkol sa kanilang mga magulang na naglakad patungong Salt Lake Valley. Ngunit sa mga salita ng isang awit sa Primary:

T ' wing tagabunsod ay maiisip,
Tapang nila ' y naaalala.
May mga bata rin silang kasama;
Sana ' y bata rin ako noon.
("T ' wing Tagabunsod ay Maiisip,"Aklat ng mga Awit Pambata, 222)

Ikinuwento ni Susan Madsen ang tungkol kay Agnes Caldwell sa Willie Handcart Company. Inabutan sila ng malalakas na unos at nagtiis ng gutom at ginaw. Dumating ang mga bagon ng tulong para magbigay ng pagkain at mga kumot, ngunit di sapat ang mga bagon para dalhing lahat ang mga taong maysakit. Kahit matapos ang pagsaklolo, karamihan sa mga tao ay kinailangan pa ring maglakad nang malayo para maligtas sa lambak.

Ang siyam-na-taong-gulang na si Agnes ay pagod na pagod na para lumakad pa nang malayo. Napansin ng tsuper ang determinasyon niyang umagapay sa bagon at nagtanong kung gusto niyang sumakay. Ikinuwento niya mismo ang sumunod na nangyari:

"Dumukwang siya, hinawakan ako sa kamay, at pumalatak para patakbuhin ang kanyang mga kabayo at ako. . .kahit di na kaya ng mga paa ko. Milya-milya yata ang tinakbo namin. Naisip ko noon na siya ang pinakamasamang taong nabuhay o nakilala ko. Nang di ko na talaga kayang tumakbo, huminto siya [at hinila ako papasok sa bagon]. Binalot niya ako ng kumot . . . na mainit at maginhawa. Doo'y talagang nagbago ang isip ko, at nabatid ko na dahil sa pagpapatakbo niya sa akin, iniligtas niya ako sa paninigas sa ginaw nang ipasok niya ako sa bagon" (saI Walked to Zion[1994], 59).

Pinatakbo ng tsuper ng bagon na iyon ang batang babae sa layo at bilis na kaya niya para padaluyin ang dugo sa naninigas niyang mga paa at binti. Iniligtas niya ang mga binti ng bata, at marahil pati ang buhay nito, sa pagpapahintulot sa kanyang tulungan ang kanyang sarili.

Ang mga anak natin ngayon ay may mga paglalakbay na kasingtindi at kasinghirap ng pagdayo sa kanluran. Nahaharap sila sa bawat pagsubok sa buhay. Kailangan nating dagdagan ang kakayahan nilang dalhin ang kanilang mga pasanin at turuan silang magalak sa buhay na ito. Kung minsan kailangan tayong umagapay sa pananampalataya ng ating mga anak.

Minsan pa sa 3 Nephi nang binabasbasan ni Cristo ang mga disipulo, "ang kanyang mukha ay ngumiti sa kanila, at ang liwanag sa kanyang mukha ay suminag sa kanila" (3 Ne. 19:25).

Ang nakangiting mukha ay pahiwatig na mabuti kang tao. Nagsisikap ang mga bata na maging katulad ni Jesus. Nais nilang maging katulad ng isang taong ngumingiti. Nais nilang makasama ang taong masayang tumutugon sa kanila.

Sabi ni President Hinckley: "Kailangan ng mga bata ang liwanag ng araw. Kailangan nila ng kaligayahan, ng pagmamahal at pagkalinga" ("Save the Children,"Ensign, Nob. 1994, 54).

Ito ang dapat maging wika sa pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga anak. Anuman ang katutubong wika ninyo, matutong magturo at magsalita sa wika ng taimtim na panalangin at masayang patotoo upang mapalibutan at mapaglingkuran tayo ng mga anghel, sa lupa at sa langit. Kailangan natin ng mga guro ng ebanghelyo na marunong pumuri at makipagkaibigan. Kailangan nating magbigay ng regular na espirituwal na report card na patunay ng ating kabutihan sa mata ng bawat isa. Isang pagpapala ang tulutang tumakbo ang mga bata sa layong kaya nila, upang patatagin ang sarili nilang patotoo, at dapat tayong ngumiti sa kanila at mahalin sila nang todo habang naglalakbay sa pandaigdigang wika ng pagmamahal.

Nagpapasalamat ako sa dakilang pagpapalang "masdan ang [ating] mga musmos." Nais kong alalahaning may mga bata rin silang kasama, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2012 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy