The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Abril 1999
Ang mga Pastol ng Kawan

Ang mga Pastol ng Kawan

Pangulong Gordon B. Hinckley

Nadarama ko ang malaking pagpapahalaga sa ating mga obispo. Lubos ang pasasalamat ko sa mga paghahayag ng Makapangyarihan na siyang lumikha at nagpakilos sa katungkulang ito.

Pangulong Gordon B. Hinckley

Minamahal kong mga kapatid, isang napakalaking karangalan at tungkulin ang makapagsalita sa inyo. Idinadalangin kong basbasan ako ng Panginoon.

Napakalaking kapatiran nito, na binubuo ng daan-daang libong matatanda at mga batang lalaking inordenan sa pagkasaserdote ng Diyos. Magiging napakalaking pulong nito kung magsasama-sama tayong lahat sa isang malaking pagtitipon. Magugulat ang mundo. Wala akong alam na katulad nito.

Kayo ang pundasyon ng Simbahan, mga kapatid ko. Sa inyo nanggagaling ang mga obispo at pangulo ng sangay, mga pangulo ng distrito at istaka, mga Awtoridad ng Pook na Pitumpu at lahat ng mga Pangkalahatang Awtoridad.

Kayong mga kabataang lalaki ang mahalaga sa dakilang programa ng misyonero na ang impluwensiya ay nadarama sa buong mundo. Kayong lahat ay nagsuot ng baluti ng Diyos upang isulong ang Kanyang gawain sa mundo.

Sa tuwing magtitipon tayo sa ganitong pagpupulong, ikinalulungkot kong hindi namin mapagkasya ang lahat ng nais dumalo. Mula nang buksan ang mga pintuan ng Tabernakulo ngayong gabi, nagdagsaan na roon ang mga kabataang lalaki at ang kanilang mga ama. Inaasahan ko isang taon mula ngayon na matatapos na ang bagong bulwagan, at mabibigyan na namin ng lugar ang lahat ng nais dumalo.

At sa inyo mga kapatid na sinasamantala ang pagsasahimpapawid at paghahatid ng satelayt sa mga kaganapang ito, nakikiisa kami sa inyo.

Sa palagay ko mga kapatid ay natutuwa ang Ama sa Langit sa atin. Sa palagay ko'y malaking kaaliwan sa Kanya ang matanaw ang daan-daang libong matatanda at mga batang lalaking nagmamahal sa Kanya, na nagtataglay sa kanilang mga puso ng patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, na namumuno at pumapatnubay sa Kanyang Simbahan, na tumatayo bilang mga ulo ng mga pamilya kung saan matatagpuan ang kabutihan at ang katotohanan ay itinuturo at ipinapamuhay.

Tayo'y naging isang malaking pangkat ng mga kalalakihan, bata at matanda. Halos walang anumang bagay na hindi natin maisasagawa kung sama-sama tayong magsisikap na nagkakaisa sa layunin at puso.

Sana ay batid ng bawat isa sa atin ang malaking bagay na dumating sa atin kaakibat ng ordenasyon sa pagkasaserdote. Ito ang awtoridad ng Diyos sa lupa. Nagmula ito sa Kanya bilang isang banal na kaloob. Taglay nito ang kapangyarihan at ang awtoridad upang pamahalaan ang mga gawain ng Simbahan. Taglay nito ang kapangyarihan at awtoridad na magbasbas sa pangalan ng Panginoon, magpatong ng mga kamay sa maysakit at gamitin ang kapangyarihan ng langit. Ito ay sagrado at banal. Kabahagi natin dito ang Diyos. Ang awtoridad ng pangkasaserdote ay ginagamit sa buhay na ito at hanggang sa kabilang buhay.

Sana ay karapat-dapat tayo sa pagkasaserdoteng taglay natin. Nakikiusap ako sa inyo, sa bawat isa sa inyo, na mamuhay sa paraang magiging karapat-dapat dito.

Gaya nang ipinapaalala sa atin, ito ay panahon na laganap ang kasamaan sa mundo. Hindi na kailangang ipaalaala ito kaninuman. Lagi tayong nalalantad sa karumihan at kabulukan ng pornograpiya, sa masagwa at masamang pag-uugali na tunay na labag sa mga pamantayan ng sinumang nagtataglay ng pagkasaserdote ng Diyos.

Isang hamon ang mabuhay sa mundo nang hindi naaapektuhan ng kasamaan dito.

Laganap ang kasinungalingan. Makikita ito sa pandarayang nagaganap sa mga paaralan, sa pagpapatakbo ng mga tusong pakana, sa mga negosyong nagnanakaw at nanlilinlang. Ang mga tukso ay nakapalibot sa atin; at sa kasamaang-palad, ang ilan ay nagpapadala sa mga ito.

Mga kapatid, maging matatag kayo. Iwasan ang mga kasamaan ng mundo. Hindi natin kailangang maging manhid. Hindi natin kailangang kumilos na parang "mas banal tayo kaysa iba." Kailangan lamang nating panaigin sa ating mga kilos ang pansariling karangalan, ang kaalaman natin sa tama at mali, at simpleng katapatan.

Ipamuhay natin ang ebanghelyo sa ating mga tahanan. Hayaan nating magkaroon ng tapat na pagpapamalas ng pagmamahal sa pagitan ng mga mag-asawa, sa pagitan ng mga anak at kanilang mga magulang. Pigilin ang galit. Maging lubos na matapat sa isa't isa.

Basta "tama'y gawin, [at] ang bunga'y makikita" (Mga Himno, blg. 237). Mamuhay nang sa gayon bawat umaga ay makaluhod ka sa panalangin, na humihiling ng gabay at patnubay ng Espiritu Santo, gayundin ang nakapagliligtas na kapangyarihan nito, habang nagtatrabaho ka sa maghapon. Mamuhay nang sa gayon bawat gabi, bago matulog, ay makadulog ka sa Panginoon sa panalangin nang hindi nahihiya o natitigilan o nangangailangang humingi ng kapatawaran. Hindi ako nag-aalinlangang sabihin na pagpapalain kayo ng Diyos kung gayon ang inyong gagawin. Balang-araw ay tatanda kayo at lilingunin ang inyong buhay. Masasabi ninyong: "Namuhay ako nang may karangalan. Wala akong dinaya, maging ang aking sarili. Lubos akong nasiyahan sa piling ng aking asawa, na ina ng aming mga anak. Ipinagmamalaki ko ang mga batang iyon. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa Kanyang hayag na mga pagpapala."

Kung gayon ang mangyayari sa inyong buhay, nangangako ako na kapag mamamalas na sa inyo ang katandaan, maluluha kayo sa pagtanaw ng utang-na-loob at madarama ninyo sa inyong puso ang pasasalamat.

Ngayon, ilang taon na ang nakalilipas, mahigit sa sampung taon na ang nakaraan, nagsalita ako sa pulpitong ito tungkol sa mga obispo ng Simbahan. Nais kong balikan sandali ang paksang iyon ngayong gabi.

Nadarama ko ang malaking pagpapahalaga sa ating mga obispo. Lubos ang pasasalamat ko sa mga paghahayag ng Makapangyarihan na siyang lumikha at nagpakilos sa katungkulang ito.

Tulad ng batid ninyong lahat, noong nakaraang taglagas ay may isang malakas na bagyong dumapo sa Gitnang Amerika. Sa loob ng anim na araw at gabi, ang Bagyong si Mitch ay nanalasa sa lugar na iyon at lalung-lalo na sa Honduras. Nagngangalit ang ihip ng hangin at walang tigil ang pagbuhos ng ulan. Umapaw ang mga ilog at tinangay ang mga bahay na itinayo sa mga pampang nito. Mahigit sa 200 tulay ang winasak ng tubig-baha sa Honduras, na sumira sa mga lansangan. Ang lupa sa matataas na lugar ay gumuho patungo sa dagat sa daluhong ng maruming putik. Napuno ng putik ang mga bahay hanggang sa mga bintana. Napuno ang mga bakuran at kalye. Nagpulasan ang mga tao sa takot, at iniwan ang lahat ng kanilang mga ari-arian.

Ang isa sa ating mga obispo ay nakahiram ng isang malaking trak at lumibot upang tipunin ang kanyang mga tao, at inilikas sila sa mas mataas na lugar. Nang hindi na makadaan ang trak, nakahiram naman siya ng isang bangka. Tiniyak niya ang kaligtasan ng kanyang mga tao na nasa kanyang pananagutan.

Nagpunta ako roon upang alamin ang nangyari at magdulot ng ginhawa, hangga't maaari. Namalas ko ang isang himala. Nasaksihan ko ang pagpapatakbo ng simple at kahanga-hangang epektibong organisasyon ng Simbahang ito.

Bawat miyembro ng Simbahang ito ay may isang obispo o isang pangulo ng sangay. Tanging papuri ang maibibigay ko sa iba pang mga tulong pangkapakanan na dumating mula sa ibang dako ng mundo. Ngunit walang katapusan ang aking paghanga sa kagila-gilalas na paraan ng pagpapatakbo ng Simbahan. Nanawagan ang mga obispo sa mga pangulo ng kanilang istaka, na nanawagan sa Panguluhan ng Pook, na nanawagan naman sa punong-tanggapan dito sa Lungsod ng Salt Lake. Sa loob ng ilang oras, napakaraming pangunahing uri ng pagkain, gamot, at damit, ang paparating mula sa ating mga kamalig.

Isang bodega ang inarkila sa San Pablo Sula sa lugar na pinakamalubha ang pinsala. Ang mga obispo ang nag-ayos sa kanilang mga tao upang maghalinhinan sa paggawa sa bodega sa paglalagay sa mga supot na plastik ng sapat na pagkain na pantawid-gutom ng isang pamilya sa loob ng isang linggo, ng damit na maisusuot nila, gamot na magliligtas sa kanila laban sa sakit. Kilala ng bawat obispo ang kanyang sariling mga tao. Siya, kasama ang kanyang pangulo ng Samahang Damayan, ay alam ang kanilang mga pangangailangan. Hindi sila mga di-kilalang dayuhang nagtatrabaho bilang mga empleyado ng pamahalaan. Sila'y mga kaibigan, bawat isa ay miyembro ng pamilya ng isang purok na katamtaman ang laki kaya alam nila ang pangangailangan ng bawat isa. Walang pagtatalo, walang sakim na pag-aagawan sa pagkain at kasuotan. Ang lahat ay nasa ayos. May sistema ito. Magkakasundo ito. Inudyukan ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, at mabilis itong naisagawa upang matugunan ang dagliang pangangailangan. Ito ang ebanghelyo na isinasagawa sa tahimik at kagila-gilalas na paraan.

Ang mga tubig ay humupa sa wakas, ngunit naiwang nakabalot ang makapal at maruming putik sa kapaligiran. Wala nang higit pang mahalaga kaysa mga pala at karetilya. At sama-sama, muli sa ilalim ng paggabay ng mga obispo, ang putik ay napalis sa mga bahay.

Dinalaw namin ang isang bahay- pulungan isang Sabado. Maraming tao roon, kasama ang isang obispo, isang mapagmahal na ama sa kanyang kawan, na nagbibigay ng gabay. Ang mga upuan, na nakalutang sa tubig ay inilabas at maingat na nilinis. Kinayod ang putik sa mga dingding at sahig. Pagkatapos ay inilabas ang mga lampaso at basahang pampunas, at bago nagtakip-silim noong gabi ng Sabadong iyon, naihanda ang gusali para sa pagsamba sa Sabbath.

Nadarama ko ang mapagpakumbabang pasasalamat at paggalang at paghanga sa mga obispo ng Simbahang ito. Sa pinakagipit na kalagayan, nakita ko sila sa La Lima, Honduras. Kinausap ko sila, kinamayan sila, minahal sila. Napakalaki ng pasasalamat ko sa mga lalaking ito na, hindi inaalintana ang kanilang sariling kaginhawahan, nagbibigay ng kanilang panahon, ng kanilang talino, ng kanilang inspirasyon sa pamumuno sa ating mga purok sa buong mundo. Wala silang tinatanggap na kabayaran maliban sa pagmamahal ng kanilang mga tao. Walang pahinga para sa kanila sa Sabbath, at hindi rin gaano sa iba pang pagkakataon. Sila ang mga pinakamalapit sa mga tao, ang lubusang nakaaalam sa kanilang mga pangangailangan at kalagayan.

Ang mga hinihiling sa kanilang katungkulan sa ngayon ay katulad din noong kapanahunan ni Pablo na sumulat kay Timoteo na:

"Dapat ngang ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pag-iisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo;

"Hindi magulo, hindi palaaway [ibig sabihin, hindi mapanggulo o marahas na tao], . . . malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi" (I Kay Timoteo 3:2­3).

Sa kanyang liham kay Tito, idinagdag ni Pablo na "ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Diyos; . . .

"Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang" (Kay Tito 1:7, 9).

Sa buong panahon ng aking pagkabata at kabataan, hanggang sa oras na ako ay ordenang isang elder at umuwi mula sa misyon, iisa lamang ang aking obispo. Isa siyang katangi-tanging lalaki. Naglingkod siya nang 25 taon. Kilala namin siya, at kilala niya kami. Lagi namin siyang tinatawag na "Bishop Duncan," at lagi niya kaming tinatawag sa una naming pangalan. Napakalaki ng aming paggalang sa kanya, halos isang kapita-pitagang paggalang. Subalit wala kaming takot sa kanya. Batid naming kaibigan namin siya. Ang kanyang purok ay napakalaki, talagang napakahusay ng kanyang paglilingkod sa kanyang mga tao.

Nagsalita ako sa kanyang burol. Pangalawa sa aking sariling ama, maaaring napakalaki ng kanyang naging impluwensiya sa aking kabataan. Labis ang aking pasasalamat sa kanya.

Magmula noon, nagkaroon na ako ng ilan pang mga obispo. Walang pagtatangi, bawat isa sa kanila ay naging tapat at inspiradong pinuno.

Ngayon hayaan ninyong tuwiran akong magsalita nang kaunti sa mga obispong kapiling natin ngayong gabi. At marami sa mga sasabihin ko sa inyo ay naaangkop din sa mga pangulo ng istaka at iba pang may gayon ding katungkulan. Sana'y alam ninyong may malaking pagmamahal akong nadarama para sa inyo. Alam kong mahal kayo ng inyong mga tao. Napakalaki ng inyong pananagutan. Sa pagtawag sa inyo, itinalaga namin sa inyo ang aming buong pagtitiwala. Inaasahan namin kayong tumayo bilang namumunong mataas na saserdote sa purok, tagapayo sa mga tao, tagapagtanggol at katulong ng mga may suliranin, aalo sa mga namimighati, tagapagtustos sa mga nangangailangan. Inaasahan namin kayong tumayo bilang isang tanod at tagapagtanggol ng doktrinang itinuturo sa inyong purok, ng kahusayan ng pagtuturo, ng pagpili ng mga tao para sa napakaraming tungkuling kinakailangan.

Dapat ay walang bahid-dungis ang inyong pag-uugali. Dapat kayong maging tapat, walang anumang masasabi. Ang inyong halimbawa ay magbibigay ng gabay na susundin ng inyong mga tao. Dapat kayong walang takot na tuligsain ang kasamaan, maging handang panindigan ang tama, maging matibay ang paninindigan sa pagtatanggol ninyo sa katotohanan. Habang lahat ng ito ay nangangailangan ng katatagan, dapat itong gawin nang may kabaitan at pagmamahal.

Kayo ay ama ng purok at tanod ng inyong mga tao. Dapat kayong tumulong sa kanila sa oras ng kapighatian at karamdaman at kalungkutan. Tatayo kayo bilang pangulo ng Pagkasaserdoteng Aaron, at kasama ang inyong mga tagapayo ay dapat mamuno sa mga diyakono, guro, at mga saserdote, upang matiyak na sila ay umuunlad "ayon sa saway at aral ng Panginoon" (Efeso 6:4).

Kayo ay asawa sa inyong mga kabiyak, ang kanyang pinakamamahal na kasama, ang kanyang tagapagtanggol at tagapagtaguyod. Kayo ay ama sa inyong mga anak at dapat ninyo silang alagaan nang may pagmamamahal at turuan sila nang may pagpapahalaga.

Asahan ninyong gagamitin kayo ng kaaway. Kayo, sa lahat ng tao, ay dapat magsanay ng pagdisiplina sa sarili, na lumalayo nang husto sa kahit na anong uri ng kasalanan at kasamaan sa inyong sariling buhay. Dapat ninyong layuan ang pornograpiya, patayin ang telebisyon kapag nagpapakita ito ng malaswang programa, maging malinis sa isip at sa gawa.

Hindi ninyo maaaring gamitin ang inyong katungkulan upang paunlarin ang inyong mga negosyo sa inyong mga tao, at baka pagbintangan kayo ng ilan na nakikinabang mula sa inyong paglilingkod bilang obispo.

Tumatayo kayo bilang isang pangkalahatang hukom sa Israel. Ito ay isang halos nakasisindak na pananagutan. Sa ilang mga pagkakataon, dapat ninyong alamin maging ang pagiging karapat- dapat ng inyong mga tao upang maging miyembro ng Simbahan. Kailangang alamin ninyo ang kanilang pagiging karapat-dapat na mabinyagan, ang kanilang pagiging karapat-dapat na maordenan sa Pagkasaserdoteng Aaron, ang kanilang pagiging karapat-dapat na maglingkod sa misyon, at higit sa lahat, ang kanilang mga katangian upang makapasok sa bahay ng Panginoon at makibahagi sa mga pagpapalang makakamtan doon. Dapat ninyong tiyakin na walang sinumang magugutom o walang saplot o walang masisilungan. Dapat ninyong malaman ang mga kalagayan ng lahat ng inyong pinamumunuan.

Dapat kayong maging tagaalo at gabay sa inyong mga tao. Dapat ay laging bukas ang inyong pinto sa anumang hinaing ng kalungkutan nasa kagipitan. Dapat kayong maging malakas upang matulungan sila sa kanilang mga pasanin. Dapat kayong magpakita ng pagmamahal kahit na sa mga nagkakasala.

Mga kapatid ko, idinadalangin ko ang pagpapala ng Makapangyarihan para sa inyo para sa malalaking pananagutang inyong dinadala. Basbasan nawa kayo ng Diyos ng kalusugan at lakas. Nawa ay antigin Niya ang inyong mga isipan ng karunungan at pang-unawa, ng pagpapahalaga at pagmamahal. Nawa ay maging pangunahing alalahanin sa inyong buhay ang kapakanan ng inyong mga tao, nang hindi isinasakripisyo ang mga pangangailangan ng inyong trabaho o ng wastong pangangalagang ibinibigay sa inyong pamilya.

Pinasasalamatan ko ang Panginoon para sa bawat isa sa inyo. Mahal ko kayo dahil sa mga ginagawa ninyo. Ipinananalangin ko kayo, ang bawat isa sa inyo, saan man kayo naroroon. Isinasamo kong iligtas ninyo ang inyong sarili sa mga panunukso ng diyablo. Ipinapayo ko sa inyong isuot ang baluti ng Diyos at maging matibay laban sa tukso.

Ang mga pagpapala nawa ng langit ay mapasainyong mga asawa at mga anak. Balang-araw kayo ay hahalinhan [sa pananagutan]. Iyon ay isang malungkot na araw. Ang mga alaala tungkol sa inyong mga tao ay mananatili sa inyong buong buhay. Dadalisayin nila ang inyong mga araw at magdudulot sila ng kapayapaan at kapahingahan at kaligayahan. Pagpalain kayo ng Diyos mga minamahal kong kapatid, mapagpakumbaba kong idinadalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy