The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2002
Lahat Kayo'y Hulog ng Langit
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      

Lahat Kayo'y Hulog ng Langit

Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ang papel ninyong mga babae ay espesyal at kakaiba sa gawain ng Panginoon. Kayo ang mga kumakalinga at nangangalaga.

President James E. Faust
Mahal kong mga kapatid, nakalulugod ang inyong pagparito, at nakaaaba. Nagpapasalamat kami sa pagparito nina Pangulong Hinckley at Pangulong Monson. Napakasigla ng awit ng koro. Ang dalangin ni Sister Sainz ay paanyaya sa pagdalo ng Panginoon. Natatangi ang inspiradong mga mensahe nina Sister Bonnie Parkin, Sister Kathleen Hughes, at Sister Anne Pingree. Kasama kami nina Pangulong Hinckley at Pangulong Monson sa pagtatalaga at pagbabasbas sa tatlong ito bilang pangkalahatang panguluhan ng Relief Society. Ang inspiradong tungkulin nila ay akayin ang dakilang organisasyong ito ng kababaihan sa ilalim ng direksyon ng priesthood. Matindi ang mga pagbabasbas na ibinigay sa bawat isa sa kanila. Habang itinatalaga ni Pangulong Hinckley si Sister Parkin, ipinaalaala niya sa kanila na, "si Propetang Joseph ang nagbalangkas sa gawain ng Relief Society na tumulong, na mangasiwa sa pangangailangan ng mga dukha,nangangailangan, naliligalig at nagdurusa, at pagpalain ang kababaihan."

Ang tema ngayong gabi ay "Panginoon, narito ako; isugo ako." Ang simpleng pahayag na ito'y angkop sa pananalita ko sa inyong kababaihan ngayong gabi dahil marami sa inyo ang handang sumulong at maglingkod. Lahat kayo'y hulog ng langit. Kayo ang nagpapaganda sa sangkatauhan. Ang papel ninyong mga babae ay espesyal at kakaiba sa gawain ng Panginoon. Kayo ang mga kumakalinga at nangangalaga na, gaya ng sabi ni Propetang Joseph Smith ay may "damdamin ng pag-ibig sa kapwa at kabaitan."1

Hindi ko alam kung paano ipakikita ang aking paggalang, pasasalamat, at paghanga sa inyong mabubuting kapatid. Ang mga babae sa Simbahang ito sa lahat ng edad ay nabiyayaan ng banal at kakaibang kaloob na kabaitan. Napakukumbaba kami ng inyong pananampalataya, katapatan, pagsunod, at magiliw na paglilingkod, at halimbawa ng kabutihan. Di mararating ng Simbahan ang patutunguhan nito kung wala ang dedikado at tapat na mga babae na, sa kanilang kabutihan ay napalakas nang husto ang Simbahan. Sa nagdaang mga taon naharap ang mga babae ng Simbahan sa mga hamon na kasimbigat ng sa inyo ngayon. Ang mga hamon ninyo ay iba sa inyong mga ina, lola, at lola-sa-tuhod, ngunit tunay ang mga ito.

Nagagalak ako sa pagdami ng mga oportunidad para sa kababaihan sa Simbahan at sa mundo. Nawa'y payabungin ninyo ang lumalawak na oportunidad na ito sa pagpapadama sa kanila ng inyong kagalingan bilang mga babae. Walang hangganan ang mga oportunidad na ito. Nang itatag ni Propetang Joseph Smith ang samahang ito "ipinihit [niya] ang susi para mapalaya ang kababaihan," at "ipinihit ito para sa buong mundo."2 Mula nang maipihit ang susi noong 1842, mas dumagsa ang kaalaman sa lupa at sa kababaihan kaysa sa buong kasaysayan ng daigdig.

Sa pagdaan ng mga taon, lumago ang dakilang samahang ito ng kababaihan dahil sa inspirasyon, ngunit di nagbago ang pangunahing gawain ng Relief Society. Tahasang sinabi ni Propetang Joseph na ang gawain ninyo'y "hindi lang para magpaginhawa ng mga dukha, kundi magligtas ng mga kaluluwa."3

Naniniwala ako na ang apat na dakila't nananatiling mga konsepto ng samahang ito ay:

Una, banal ang pagkakatatag ng kapatirang ito ng kababaihan.

Ikalawa, ito ay lugar ng pagkatuto.

Ikatlo, ito ay samahan na ang pinakalayon ay maglingkod sa iba. Ang sawikain nito ay "Ang pag-ibig [sa kapwa] ay hindi nagkukulang kailan man."

Ikaapat, ito ay lugar kung saan nagsasalu-salo at nagtatatag ng walang-hanggang pagkakaibigan ang kababaihan.4

Natutuwa ako na may oras kayong mga dalagita para lumahok sa Relief Society sa edad na 18. Makikinabang kayong maigi sa pagiging miyembro ninyo sa mahalagang organisasyong ito. Pagpapalain ang inyong buhay habang kusa kayong nakikisalamuha sa kababaihan sa mahabaging paglilingkod at pangangalaga. Nakatuon ang kurikulum ng Relief Society sa pangunahing doktrina at bibigyan kayo ng oras para pag-aralan ang ebanghelyo at palaguin ang inyong espirituwalidad. Ang kurikulum ay angkop sa buong sangkatauhan, di lang sa mga maybahay at ina. Lahat ng babae, pati nakababata ninyong mga kapatid, ay kailangang "maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos."5 Palalakasin kayo ng doktrina at tutulungan kayong magkaroon ng espirituwalidad na kailangan para labanan ang mga hamon sa buhay.

Isang dalagitang malapit sa akin ang nagsabi ng ganito: "Ako'y 18 taon at pinakabatang miyembro ng Relief Society sa aming ward. Nasisiyahan ako sa pagdalo sa Relief Society kasama si inay at lola dahil masarap silang kaibigan. Gusto kong marinig ang inay ko na nakikipag-usap sa mga kaibigan niya dahil sa gayo'y nakikilala ko ang mga babaing kaedad niya. May ilang kababaihang gustong yumapos at magtanong sa akin kung saan ako nagtatrabaho at ano ang ginagawa ko sa tag-init. Lagi nilang ipinadarama sa akin na ako'y mahalaga at espesyal sa kanila. Sa pakikisalamuha ko sa mga lola at lola-sa-tuhod sa aking ward, nagkaroon ako ng bago at kakaibang kaibigan na nagpayaman at nagpala sa aking buhay. Gusto ko rin ang mga aral na bigay ng mas matatandang babae. Galing sila sa iba't ibang lugar at nabigyan nila ako ng mga ideya ng kani-kanilang karanasan kung paano harapin ang mga hamon at problema sa buhay. Ang mga kuwento ng kanilang buhay ay nakawiwili at dahil dito'y nakauugnay ako sa aralin. Natanto kong tunay na para sa lahat ng babae ang Relief Society, anuman ang edad nila."6

Anuman ang dinaranas ninyong mga kapatid, malawak ang nararating ng inyong impluwensiya. Naniniwala akong may ilan sa inyo na minamaliit ang malaking kakayahan ninyong pagpalain ang buhay ng iba. Madalas kaysa hindi, wala ito sa salita kundi sa halimbawa ng kabutihan ninyo at sa di-mabilang na magigiliw na pagpapakita ng bukal na pagmamahal at kabaitan, na kadalasa'y sarilinang isinasagawa.

Sa mga banal na kasulatan ay maraming katibayan ang espesyal na malasakit ng Panginoon sa mga balo. Siyempre kasama rin dito ang lahat ng inang nag-iisa. Napakaraming tungkuling nakaatas sa kanila. Kailangan nilang tustusan ang pagkain at damit at iba pang pangangailangan ng pamilya. Kailangan din nilang kalingain ang kanilang mga anak nang may dagdag na pagmamahal at pag-aalaga.

Kailan lang nakatanggap ako ng liham mula sa anak ng kapatid na babae na nasa ganitong kalagayan, at babanggit ako ng isang talata mula rito: "Namalagi si Inay sa bahay noong maliit pa ang aming pamilya. Dito niya nais mamalagi, ngunit mga 28 taon na ang nakaraan, dahil sa apat na anak na edad 5 hanggang 14, napilitan siyang mamasukan para buhayin kami, ngunit bigla siyang naiwang mag-isa. Kahit alam naming di ito ang ulirang sitwasyon sa pagpapalaki ng pamilya, nagsipag si Inay para patuloy kaming arugain sa ebanghelyo at asikasuhin ang lahat ng bagay sa pamilya habang nagtatrabaho para suportahan kami. Ngayong magulang na ako, at biniyayaang manatili sa bahay ang asawa ko para alagaan ang aming mga anak, naunawaan ko ang lawak ng ginampanan ni Inay at ang mga pagsubok sa pag-aalaga sa amin noon. Mahirap at maraming hamon noon at sana napagaan ko pa ang mga bagay para sa kanya. Habambuhay ang pasasalamat ko sa kanyang sakripisyo sa pagpapakita ng halimbawa sa pagtuturo sa amin kung paano magtrabaho at mamuhay. Ang karunungan sa pagpapahayag sa mag-anak ay totoo sa akin ngayon dahil sa mga karanasan ng aking pamilya."7

Maraming matatapat at mabubuting babae ang di nakapag-asawa, ngunit nananatili silang mahalaga at bahagi ng sagradong gawaing ito. Ang kahanga-hangang mga babaing ito ay may natatanging responsibilidad bilang mga anghel ng awa sa mga magulang, kapatid, pamangkin, at gayundin sa iba pang miyembro ng pamilya at mga kaibigan. Sa Simbahan walang katapusan ang mga pagkakataong magmahal at mag-aruga. Ang mga babaing walang-asawa, na may mas maraming panahon, ay napakahusay maglingkod.

Si Sister Margaret Anderson ng Centerville, Utah, ay magandang halimbawa ng dalagang huwaran at makabuluhan ang pamumuhay sa paglilingkod sa iba. Matagal niyang magiliw na inalagaan ang kanyang matandang ina, tiya, at kapatid na may kapansanan. Inakay niya at inimpluwensiyahan ang daan-daang mga bata bilang guro sa elementarya. Ngayong retirado na, nagboboluntaryo pa rin siya linggu-linggo, at tinutulungan ang mga bata na matutong magbasa. Ang kanyang paglilingkod ay naging espesyal na pagpapala sa mga miyembro ng kanyang ward. Sabi ng isang dalagita: "Noong bata pa ako, iginagawa ako ni Margaret ng birthday cake taun-taon. Nakadekorasyon sa frosting ang mga aktibidad na ginawa ko sa nagdaang taon, gaya ng pagsayaw o paglalaro ng soccer." Walang misyonerong umaalis sa ward na walang dalang walet na yari sa balat na gawa ni Margaret. Siya'y maalam na iskolar sa ebanghelyo, lalo na sa Relief Society. Para sa kanyang mga kapitbahay at kaibigan, handa siyang sundin ang mga utos, at ipinagmaneho sila papuntang templo. Malambing si Margaret sa kanyang mga bisita. Gumagawa siya ng masasarap na kendi at nagpipinta ng magagandang templo, na buong galak na ibinabahagi niya sa iba. Tunay na napagpala niya ang buhay ng maraming tao.

Paulit-ulit na nangako ang mga propeta ng Panginoon na walang biyayang ipagkakait sa mabubuting dalaga ng Simbahan kung di nila kasalanan na hindi sila nakapag-asawa sa buhay na ito at mabuklod sa marapat na maytaglay ng priesthood. Kakamtin nila ang biyayang iyon magpakailanman sa kabilang buhay. "Sa mga sandaling nasasabik kayo sa pagtanggap at pag-ibig na nakapaloob sa buhay-may-asawa sa lupa, dapat ninyong malaman na alam ng ating Ama sa Langit ang inyong dalamhati, at balang-araw ay babasbasan niya kayo at di ninyo alam kung paano magpapasalamat."8

Kasunod ng dedikasyon ng kahanga-hangang bagong templo sa Nauvoo, sumakay kami ng eroplano nina Sister Parkin, Sister Hughes, Sister Pingree, at ng magigiting nilang kabiyak. Tinanong ko sila kung nakapunta na sila sa pulang ladrilyong tindahan sa Nauvoo kung saan itinatag ni Propetang Joseph ang Relief Society noong Marso 17, 1842, na 20 lang ang miyembrong dumalo. Sabi ni Sister Parkin ay nakapunta na sila.

Habang kausap ko sila, sumagi sa isip ko na lahat ng babae sa lahat ng dako ng mundo ay magmamana at makikinabang sa mga biyaya ng Panginoon para sa kababaihan. Sabi ni Propetang Joseph Smith: "Isinasalin ko ngayon sa inyo ang susi sa ngalan ng Diyos . . . kaalaman at katalinuhan ang dadaloy mula sa oras na ito."9 Ang biyayang ito ng kaalaman at katalinuhan ay dumarating sa lahat ng mabubuting babae sa Simbahan, anuman ang lahi o bansa nila, at kahit bago sila sa Simbahan o mga inapo ng isa sa unang 20 miyembro sa Nauvoo noong 1842. Ang mga biyayang ito'y dumadaloy sa mga miyembrong babaing iyon na handang gumanap sa gawain ng mga anghel.

Narinig ko kailan lang na sinabi ni Elder Dieter Uchtdorf ang malinaw na pahayag na ito: "Wala akong angkan na nagmula sa Nauvoo. Hindi ko matunton ang lahi ko sa mga tagabunsod. Ngunit gaya ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, nakauugnay ako nang buong puso sa mga Banal ng Nauvoo at sa kanilang paglalakbay sa Sion. Ang patuloy na pagsisikap na mabakas ang aking landas ng relihiyon sa Sion ng 'dalisay na puso' ay naglalapit sa akin sa mga tagabunsod ng ika-19 na siglo. Sila ang aking espirituwal na mga ninuno, gaya ng bawat miyembro ng Simbahan, anuman ang bansa, wika, o kultura. Hindi lang ligtas na lugar ang itinatag nila sa Kanluran kundi pati na ang espirituwal na pundasyon sa pagtatayo ng kaharian sa lahat ng bansa sa mundo."

Sa inyo naman na mga may-asawa na. Sa maraming paraan ay nagagawa ninyong mga babae ang tahanan na lugar ng kapayapaan at kaligayahan sa isang magulong mundo. Taglay ng mabuting asawang lalaki ang priesthood at ang priesthood na ito ang namamahalang awtoridad sa tahanan. Ngunit hindi siya ang priesthood; siya ang maytaglay ng priesthood.10 Kabahagi niya ang kanyang maybahay sa mga biyaya ng priesthood. Hindi siya nakalalamang sa anumang paraan sa banal na katayuan ng kanyang maybahay. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa huling pangkalahatang pulong ng priesthood noong Abril: "Sa pagsasama ng mag-asawa ay walang mas mababa o mas mataas. Hindi nauuna sa paglakad ang babae sa lalaki; ni ang lalaki sa babae. Magkatabi silang naglalakad bilang mga anak ng Diyos sa paglalakbay sa kawalang-hanggan."

Patuloy pa niya: "Tiwala ako na kapag humarap tayo sa hukuman ng Diyos, di halos babanggitin kung gaano tayo kariwasa sa buhay o kung may karangalan tayong nakamtan. Ngunit may mga tanong hinggil sa ating ugnayan sa tahanan. At naniniwala ako na tanging ang mga namuhay lang nang may pagmamahal at paggalang at pagpapahalaga sa kanilang kabiyak at mga anak ang tatanggap mula sa ating walang hanggang hukom ng mga salitang, 'Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: . . . pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.'"11

Ang mga kabiyak na sumusuporta sa asawa na nasa bishopric, stake presidency, at iba pang katungkulan sa priesthood ay malaking pagpapala sa Simbahan. Tahimik at lihim silang naglilingkod pero epektibo, sumusuporta sa pamilya at tahanan habang naglilingkod sa mga Banal ang kanilang asawa. Sabi ko'y "tahimik." Sabi ng iba'y gusto ng ilang babae ang matipuno at tahimik na lalaki—akala nila'y nakikinig siya!

Alam ko ang lakas na dulot ng isang asawang sumusuporta. Simula nang ikasal kami, sinuportahan ako ng aking si Ruth at pinalakas ang loob ko sa maraming naging katungkulan ko sa halos 60 taon. Di ko magagawang maglingkod kahit isang araw kung wala ang magiliw niyang pagsuporta. Malaki ang pasalamat ko sa kanya at mahal na mahal ko siya.

Ang balo ng isa sa mga kasamahan kong misyonero, si Sister Effie Dean Bowman Rich, ay lubhang abala sa kanyang pamilya at dalawang negosyo. Di lang 'yan, siya'y ina, lola, at lola-sa-tuhod ng malaking pamilya. Minsan noon, habang sinisikap niyang gampanan lahat ang mga tungkuling ito, sabi niya, "Ang kailangan ko'y isang asawa!" Siyempre, ang ibig niyang sabihi'y kailangan niya ang suporta ng isang taong mahusay mag-asikaso ng di-mabilang na detalye na nagagawa ng isang mabuti at maarugang maybahay.

Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo, kailangan ninyong lahat ng langis sa inyong ilawan. Ibig sabihi'y maging handa. Naaalala natin ang talinghaga ng sampung dalagang naanyayahan sa piging ng kasal. Lima ang matatalino at handa, at may langis sa kanilang mga ilawan upang sumalubong sa kasintahang lalaki; ang natirang lima ay hindi. Inihanda nilang sampu ang kanilang mga ilawan, ngunit lima ang hindi nagtabi ng sapat na langis at naubusan. Kailangan nating lahat ng tanglaw ng ating mga ilawan upang itawid tayo sa kadiliman. Nais nating lahat na sumalubong sa Kasintahang Lalaki at dumalo sa piging ng kasal.

Noo'y niliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang panganib ng pagiging hindi handa. Sabi niya ang limang mangmang na dalaga sa talinghaga "ay naturuan. Buong buhay silang binalaan." Sa araw ang matalino at mangmang ay tila magkatulad, ngunit "nang dumilim, kung kailan di inaasahan ay doon dumating ang kasintahang lalaki." Ang limang namatayan ng ilawan ay humangos para kumuha ng langis na kailangan, ngunit nang marating nila ang bulwagan ng piging sarado na ang pinto. Huli na ang lahat.

Ipinaliwanag ni Pangulong Kimball na "hiniling ng mga mangmang sa iba na bigyan sila ng langis, ngunit di kaagad maibabahagi ang kahandaang espirituwal. Kinailangang lumisan ang matatalino, kung hindi'y walang sasalubong sa kasintahang lalaki. Kinailangan nila mismo ang kanilang langis; hindi nila maililigtas ang mga mangmang."

"Sa talinghagang ito," patuloy niya, "mabibili ang langis sa palengke. Sa buhay natin ang langis ng kahandaan ay unti-unting naiipon sa matwid na pamumuhay. Ang pagdalo sa mga sakrament miting ay dagdag na langis sa ating ilawan, papatak-patak sa paglipas ng mga taon. Ang pag-aayuno, pananalangin ng mag-anak, home teaching, pagpigil sa mga layaw ng katawan, pangangaral ng ebanghelyo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan—bawat gawa ng katapatan at pagsunod ay isang patak na nadaragdag sa ating imbak na langis. Ang mga gawa ng kabutihan, pagbabayad ng mga handog at ikapu, malinis na kaisipan at mga kilos, kasal sa loob ng tipan para sa kawalang-hanggan—malaki ang naidaragdag ng mga ito sa langis na gagamitin natin sa hatinggabi kapag naubusan ng langis ang ating ilawan."12

Mga kapatid, mahalagang lagyan ng langis ang inyong mga ilawan upang kapag sinabi ninyo sa Panginoon, "Narito ako; isugo ako," kayo'y handa at marapat na isugo. Tayong lahat ay isinugo ng langit, ngunit ang matatapos natin sa gawain ng Panginoon ay nakasalalay nang malaki sa ating kahandaan at kakayahan.

Ang patotoo ko, batay sa 59 na taon ng buhay-may-pamilya, ay na ang pagsali ni Ruth sa Relief Society ay nagdulot ng ibayong espirituwalidad at pagkakasundo sa aming tahanan. Ang samahang ito na may-inspirasyon ng langit ay di lang nagpala sa kanyang buhay, kundi gayundin sa bawat miyembro ng aming pamilya. Ang paglahok sa Relief Society ay tutulong sa inyo para magkaroon lagi ng langis sa inyong ilawan. Magdudulot ito ng ibayong tatag at tibay na kailangan ninyo sa pagharap sa mga pagsubok at hirap sa buhay at sa paglalakbay sa mortalidad.

Nang ganapin ang unang press conference matapos maorden si Pangulong Hinckley at maitalagang Pangulo ng Simbahan, hiniling ng isang tao sa Pangulo na magbigay ng pahayag tungkol sa hamon ng mga inang kailangang magtrabaho at magbalanse sa mga pangangailangan ng kanilang tahanan at pamilya. Sabi ni Pangulong Hinckley, "Gawin ninyo ang lahat, at tandaan na pinakadakilang yaman ninyo sa mundong ito ang mga batang ito, na iniluwal ninyo sa mundo. Kayo ang dapat kumalinga at gumabay sa kanila."13 Uulitin ko ngayong gabi. Gawin ang lahat upang tulungan tayong lahat na umaangat at gumawa ng mas mabuti. Gamitin ang inyong likas na espirituwal na kaloob na magpala. Tulungan ninyo kaming gapiin ang masasamang impluwensiya ng mundo sa ating buhay, tahanan, at Simbahan.

Nawa matupad ang pangako ni Nephi para sa inyo: "At nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian."14 Nais kong patotohanan ang mga biyayang dumating sa buhay ko dahil sa pagmamahal ng asawa kong si Ruth, ng aking inang gaya ni Cristo, ng mga lola kong banal, ng aming mga anak at apong babae, at marami pang mabubuting kababaihan. Ibinabahagi ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 226.
2. George Albert Smith, Relief Society Magazine, Dis. 1945, 717; tingnan din sa History of the Church, 4:607.
3. History of the Church, 5: 25.
4. Tingnan sa D at T 130:2.
5. Moroni 6:4.
6. Personal na liham.
7. Personal na liham mula kay Brad Allen.
8. Spencer W. Kimball, "The Role of Righteous Women," Ensign, Nob. 1979, 103.
9. Mga tala ng Female Relief Society of Nauvoo, ika-28 ng Abr. 1842.
10. Tingnan sa D at T 121:37; Hyrum M. Smith at Janne M. Sjodahl, The Doctrine and Covenants Commentary,
binagong edisyon (1951), 759.
11. "Pagiging Marapat ng Sarili Upang Magamit ang Priesthood," Liahona, Hulyo 2002, 60.
12. Faith Precedes the Miracle (1972), 255–56.
13. Pagsasalin ng audiovisual ng press conference, ika-13 ng Mar. 1995, sa kagandahang-loob ng Public Affairs Department, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.
14. 1 Nephi 14:14.

 
Arrow icon acting as a button to Previous Page Previous      
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy