PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang daan sa kapayapaan. Habang sinusunod natin ito at ipinamumuhay . . . pinagpapala at pinauunlad tayo.
Mahal kong mga kapatid, isang himala ang makapagsalita kami sa inyo na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Narito kami sa Conference Center sa Salt Lake City na nagsasalita sa katutubo naming wika. Libu-libo sa inyo ang natitipon sa mga pasilidad ng Simbahan sa maraming lupain, at naririnig kami sa 56 na wika.
Muli tayong nagtitipon sa pandaigdigang kumperensya ng Simbahan alinsunod sa kalooban at direksyon ng Panginoon.
Natitipon tayo ngayon, habang naliligalig ang mundo. May digmaan at pagtatalu-talo. Walang kapanatagan. Mga mamamayan ng maraming bansa ang mga miyembro ng pamilya ng Simbahan. Kani-kanya tayo ng pinapanigan sa malaking debateng ito. Balak kong talakayin ito bukas ng umaga. Sa kabila ng mga kaguluhang kinakaharap natin, natutuwa akong iulat na ang gawain ng Simbahan ay sumusulong. Patuloy tayong dumarami sa buong mundo. Nagpapatuloy nang walang sagabal ang gawaing misyonero. Patuloy ang pagbibinyag sa Simbahan, at ang bilang nati’y patuloy na dumarami. Kasabay nito’y kailangang ganap na maging bahagi natin ang lahat ng nabinyagan. Nananawagan kami sa lahat ng miyembro ng Simbahan na tulungan ang mga bagong binyag, yakapin sila at malugod na tanggapin. Kaibiganin sila. Hikayatin sila sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. Tiyaking hindi sila napapabayaan. Bawat lalaki, babae o bata na marapat na nabinyagan ay marapat na lingapin at kaibiganin upang umunlad sila sa Simbahan at sa maraming aktibiti nito.
Ang mga dumadalo sa ating sakrament miting ay unti-unting dumarami. Maaari pa nating maparami ito, at hinihimok ko kayong ipagpatuloy ito. Gayunman, wala akong alam na simbahan na gayon kataas ang porsiyento ng mga palagiang dumadalo sa mga pulong nito.
Lubos ang pasalamat ko sa lakas ng kabataan ng Simbahan. Nakalulungkot lamang na may ilang nawawala sa tamang landas. Ngunit isang himala ang masaksihan ang lakas ng ating mga katabataan sa gitna ng mga tuksong laging nakapaligid sa kanila. Ang dumi’t kasamaan ng pornograpiya, ang tukso ng droga, ang mapang-akit na tuksong huwag magpigil sa mga seksuwal na pagnanasa, ay iilan lamang sa mga tuksong kinakaharap nila. Bagamat mapambuyo ang daigdig na kanilang ginagalawan, sila’y tapat pa rin sa pananampalataya ng mga ninuno nila at ng ebanghelyong mahal nila.
Nadagdagan ang pananalig sa pagbabayad ng mga ikapu at handog sa kabila ng mahirap na ekonomiya sa ngayon. Patuloy tayo sa pagtatayo ng mga bahay-pulungan at templo, sa malawakang programa sa edukasyon, sa ubod ng daming mga aktibiti na nakadepende sa kinikitang ikapu ng Simbahan. Nangangako akong hindi mababaon sa utang ang Simbahan. Iaangkop namin ang programa batay sa kinikitang ikapu at gagamitin ang sagradong pondo sa layuning itinakda ng Panginoon.
Babanggitin ko ang isang bagay na lubos na binigyang pansin sa mga lokal na pahayagan. Ito’y ang desisyon naming bilhin ang shopping mall na nasa timog ng Temple Square.
Sa palagay nami’y mahalagang tungkulin ang protektahan ang paligid ng Salt Lake Temple. Pag-aari ng Simbahan ang malaking bahagi ng loteng kinatitirikan ng gusaling ito. Nagpahiwatig ang mga may-ari ng gusali na gusto na nilang ibenta ito. Malaking halaga ang kailangan para maipakumpuni ito. Dama naming kailangang gumawa ng hakbang para pagandahin ang lugar na ito. Ngunit tinitiyak ko sa buong Simbahan na hindi ginamit at hindi gagamitin ang pondo ng ikapu para bilhin ang ari-ariang ito, ni para ayusin ang gusali sa layuning pangkalakal.
Nagmula at magmumula ang pondo para dito sa mga negosyong pag-aari ng Simbahan. Ang salaping ito, kasama ang kinikita ng nakalagak na pera, ang gagamitin sa programang ito.
Ikinalulugod kong iulat na patuloy tayo sa pagtatayo ng mga kapilya. May ginagawang mga 400 bagong kapilya bawat taon upang matustusan ang pagdami ng mga miyembro ng Simbahan. Mahalaga at kahanga-hanga ito at lubos nating pinasasalamatan. Patuloy pa rin tayo sa pagtatayo ng mga templo sa buong mundo, at nakatutuwang iulat ang pagtaas ng bilang ng mga ordenansang naisasagawa sa mga templo. Ang mahalagang gawaing ito na para sa kapakapanan ng mga nabubuhay at ng mga patay ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Nakatutuwa na higit na handa ngayon ang ating mga pamilya sa Simbahan. Ang programang ito, na itinuro mahigit animnapung taon na, ay napakalaking karagdagan sa seguridad at ikabubuti ng mga Banal sa mga Huling Araw. Responsibilidad ng bawat pamilya na tustusan ang sarili nitong pangangailangan. Muli naming hinihikayat ang ating mga tao na umiwas sa di kinakailangang pangungutang, na tipirin ang kanilang pera, na magtabi ng pera para sa mga di inaasahang pangangailangan. Binabalaan namin ang ating mga miyembro laban sa mga panukalang maghahatid sa kanila ng “biglaang pagyaman” at iba pang mga bitag na mahirap iwasan at laging nakaumang para masilo ang madaling malinlang.
Hanga ako sa laganap na boluntaryong serbisyo na ibinibigay ng ating mga miyembro. Alam kong ito ang paraan ng Panginoon para maisakatuparan ang Kanyang gawain. Ang pagkilos ng mga ward at stake at korum, at ng mga pantulong na samahan, ay sumusulong sa ilalim ng direksyon ng mga miyembrong hindi binabayaran ang serbisyo. Ang malawakang programang misyonero ay nakasalalay sa boluntaryong serbisyo.
Marami rin sa ating matatandang miyembro ang naglilingkod bilang misyonero sa Simbahan. Mahigit 18,000 ang nagbibigay ng lahat o kaya’y malaking bahagi ng kanilang panahon para sa gawaing ito. Pinasasalamatan namin sila sa kanilang matapat na paglilingkod.
Idinaraos sa kumperensyang ito ang ikalawang taon ng Perpetuwal na Pondong Pang-edukasyon. Ikinalulugod kong iulat na matatag na sumusulong ang programang ito. Mga 8,000 binata’t dalaga ang nagsasanay ngayon para pag-igihin ang kanilang kasanayan at oportunidad na makapagtrabaho. Sa dalawang taong pag-aaral na tinatanggap nila ngayon tinatayang lumalaki ang kanilang kikitain nang mga apat at kalahating ulit. Ito’y isang himala!
At marami pang iba. At sapat nang sabihin na nasa mabuting kalagayan ang Simbahan. Naniniwala akong napangangasiwaang mabuti ang mga gawain nito. Ang ating mga miyembro’y sumusulong sa pananampalataya, sa pagmamahal sa Panginoon at sa pagsunod sa Kanyang mga turo.
Mahirap na panahon ito. May problema sa ekonomiya. Magulo ang daigdig. Ngunit tinutupad ng Makapangyarihan ang Kanyang pangako na pagpapalain Niya ang mga lumalakad nang may pananampalataya at kabutihan sa Kanyang harapan.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang daan sa kapayapaan. Habang sinusunod natin ito at ipinamumuhay ay pinagpapala at pinauunlad tayo. Kagila-gilalas ang makabahagi sa maluwalhating gawaing ito. Magalak tayo sa malaking oportunidad na ito. Maglingkod tayo nang may kagalakan.
Nawa’y mapasainyo ang mga biyaya ng langit, mahal kong mga kasamahan. Mag-ibayo nawa ang pananampalataya sa inyong puso. Nawa’y manatili ang pagmamahalan at kapayapaan sa inyong mga tahanan. Nawa’y may pagkain at kasuotan kayo. Nawa’y kalugdan ng langit ang inyong mga puso at magdulot ito ng kapanatagan sa oras ng pagsubok. Ito ang dalangin ko sa umagang ito sa pagbubukas nitong kumperensya, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.