The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Abril 2003
Ang Hindi Masambit na Kaloob

Ang Hindi Masambit na Kaloob

ELDER JOSEPH B. WIRTHLIN
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER JOSEPH B. WIRTHLIN

Kung bubuksan [natin] ang [ating] puso sa nakadadalisay na impluwensya ng di masambit na kaloob ng Espiritu Santo, isang maluwalhati’t bagong espirituwal na dimensyon ang mahahayag.

Isang pribilehiyo ang makapiling kayo ngayon. Gusto kong naririnig ang salita ng Panginoon mula sa ating mga lider dahil may gabay sila ng banal na kaloob na Espiritu Santo. Nais kong magsalita ngayon tungkol sa kaloob na ito.

Naisip na ba ninyo kung gaanong liwanag at enerhiya ang nililikha ng ating araw? Halos hindi ito masayod ng isip. Gayunman ang init at liwanag na natatanggap natin ay libreng regalo mula sa Diyos. Ito ang isa pang patunay ng kabutihan ng ating Ama sa Langit.1 Ang liwanag mula sa araw ay tumatagos sa kalawakan, at pinalilibutan nito ang ating planeta habang umiikot ito sa araw, taglay ang nagbibigaybuhay na init at liwanag. Kung walang araw, walang buhay sa planetang ito; habampanahon itong tigang, malamig, at madilim.

Gaya ng pagbibigay buhay at liwanag ng araw sa mundo, may espirituwal na liwanag na nangangalaga sa ating espiritu. Ito’y ang Liwanag ni Cristo. Sabi sa banal na kasulatan ito’y “nagbibigay liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”2 Dahil dito natatamasa ng lahat ang mga biyaya nito. Ang Liwanag ni Cristo’y banal na impluwensyang nagtuturo sa bawat lalaki, babae, at bata kung ano ang mabuti at masama. Hinihikayat nito ang lahat na piliin ang tama, na hanapin ang walang hanggang katotohanan, at pag-aralan muli ang katotohanang alam na natin noon bago pa tayo isilang ngunit nalimutan natin dito sa mortalidad.

Ang Liwanag ni Cristo ay hindi dapat ipagkamali sa personahe ng Espiritu Santo, dahil ang Liwanag ni Cristo ay hindi isang personahe. Dama na ang impluwensya nito bago pa matanggap ang Espiritu Santo. Ang Liwanag ni Cristo ang aakay sa matatapat ang puso na “makinig sa tinig”3 para mahanap ang totoong ebanghelyo at Simbahan at matanggap ang Espiritu Santo.

Ang Espiritu Santo ay personaheng Espiritu, at hiwalay na miyembro ng Panguluhang Diyos.4 Siya’y saksi o tagapagpatotoo sa kapangyarihan ng Diyos, sa kabanalan ni Cristo, at sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Marami sa kasaysayan ng mga bansa ang naghangad na makaugnayan ang langit at makamtan ang liwanag ng katotohanan ng ebanghelyo. Dama nila ang impluwensya ng Espiritu Santo na nagpapatunay sa katotohanan ng ebanghelyo.

Sabi ni Propetang Joseph Smith: “Magkaiba ang Espiritu Santo at kaloob na Espiritu Santo. Natanggap ni Cornelio ang Espiritu Santo bago siya nabinyagan, ito ang kapangyarihan ng Diyos na humikayat sa kanya sa katotohanan ng Ebanghelyo, at ang kaloob na Espiritu Santo ay natanggap lang niya noong binyagan siya. Kung hindi niya natanggap . . . ang ordenansang ito, ang Espiritu Santong humikayat sa kanya sa katotohanan ng Diyos, ay malamang na lumayo.”5

Ang kaloob na Espiritu Santo, na karapatan para laging makasama ang Espiritu Santo, ay nakakamit kung may pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag sa paraan ng paglulubog, at pagpapatong ng kamay ng awtorisadong mga tagapaglingkod na pinagkalooban ng Melchizedek Priesthood. Ito’y mahalagang regalo o kaloob sa karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon.

Sa Doktrina at mga Tipan, ang tawag ng Panginoon sa kaloob na Espiritu Santo ay hindi masambit na kaloob.6 Dito nagmumula ang patotoo at espirituwal na mga kaloob. Pinagliliwanag nito ang isipan, pinupuspos ang ating kaluluwa ng kagalakan,7 nagtuturo ng lahat ng bagay, at nagpapaalala sa nalimutang kaalaman.8 Ang Espiritu Santo din “ang magbibigay-alam [sa atin] ng lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin.”9 Idinagdag pa ni Pangulong James
E. Faust na ang kaloob na Espiritu Santo ang dakilang tagatiyak sa kapayapaan ng kalooban sa magulong mundo.”10

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Napakalaking biyaya ang madama ang impluwensya ng miyembro ng Panguluhang Diyos.”11 Isipin ang kahulugan nito, ang kakayahan at karapatang tumanggap ng pangangasiwa ng miyembro ng Panguluhang Diyos, upang makaugnayan ang walang katapusang karunungan, kaalaman at kapangyarihan!

Gaya ng ibang kaloob, kailangan itong matanggap at tanggapin para masiyahan. Nang ipatong ng mga maytaglay ng priesthood ang kamay nila sa inyong ulo para pagtibayin kayong miyembro ng Simbahan, narinig ninyo ang, “Tanggapin mo ang Espiritu Santo.” Hindi ibig sabihin na lagi ninyong makakasama ang Espiritu Santo. Binalaan tayo sa banal na kasulatan na ang Espiritu ng Panginoon “ay hindi tuwinang papatnubay sa tao.”12 Sa kumpirmasyon binigyan tayo ng karapatang makasama ang Espiritu Santo, at ito’y dapat nating patuloy na sikaping kamtin sa pamamagitan ng pagsunod at pagkamarapat. Hindi natin maisasantabi ang kaloob na ito.

Babalaan tayo ng Espiritu Santo kapag may panganib at uudyukan tayong tulungan ang iba. Payo ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nagmamasid tayo. Naghihintay. Nakikinig sa banayad at marahang tinig. Kapag nagsasalita ito, ang matatalinong lalaki at babae ay sumusunod. Ang mga paramdam ng Espiritu ay hindi dapat ipagpaliban.”13

Minsa’y nalibot ko ang isang malaking yungib. Habang naroon, pinatay sandali ng giya ang mga ilaw para ipakita kung ano ang pakiramdam sa lubos na kadiliman. Kagila-gilalas na karanasan iyon. Inilayo ko ang kamay ko nang isang pulgada sa mga mata ko at hindi ko ito makita. Medyo nakakatakot din. Nakahinga ako nang sindihan muli ang mga ilaw.

Kung paano lumalagos ang liwanag sa kadiliman para makita ang mga bagay, gayundin ang Espiritu Santo sa espirituwal na kadilimang nakapalibot at nakikita natin ang espirituwal na mga bagay na dati’y nakakubli. Itinuro ni Apostol Pablo na “ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”14

Nangangamba ako na may mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon na “namumuhay nang di marapat sa pribilehiyong dapat mapasaatin” hinggil sa kaloob na Espiritu Santo.15 Ang ilan ay naaakit ng mga bagay ng mundo na humahadlang sa impluwensya ng Espiritu Santo, kaya di nila makilala ang espirituwal na mga paramdam. Maingay at abala ang mundong ito.

Tandaan na ang pagiging abala ay di pagiging espirituwal. Kung hindi tayo maingat, mangingibabaw ang mga bagay ng mundo sa mga bagay ng Espiritu.

Ang ilan ay patay sa espirituwal at di madama ang Espiritu dahil pinipili nilang magkasala. Ang iba’y walang pakialam sa espirituwal at walang balak na umangat at makipag-ugnayan sa Diyos.

Kung bubuksan nila ang kanilang puso sa nakadadalisay na impluwensya ng di masambit na kaloob ng Espiritu Santo, may maluwalhati’t bagong espirituwal na dimensyon na mahahayag. Mamamasdan nila ang tanawing mahirap isipin. Malalaman nila ang bagay ng Espiritu na pili, mahalaga, at nagpapataba ng kaluluwa, nagpapalawak ng isipan, at pumupuno ng kagalakan sa puso.

Binanggit ni Brigham Young ang sagradong karanasan nang magpakita kay Pangulong Young ang pinaslang na propetang si Joseph Smith at naghatid sa mga Banal ng isa pang mensahe. Ito’y mensaheng kailangan ng mga Banal: “[Tiyaking] sabihin sa mga tao na ingatan ang espiritu ng Panginoon,” wika ni Joseph, “at aakayin sila nito sa tama. Mag-ingat upang di maitaboy ang banayad na marahang tinig; ituturo nito ang dapat ninyong gawin at puntahan; magbubunga ito para sa kaharian. Sabihin sa mga kapatid na buksan ang puso nila sa pananalig, upang paglapit sa kanila ng Espiritu Santo ay maging handa ang puso nila na tanggapin ito.”16

Mga kapatid, itinataboy ba natin ang marahan at banayad na tinig? Gumagawa ba tayo ng mga bagay na nakasasakit sa Espiritu Santo? Pinapapasok ba natin sa ating tahanan ang mga impluwensyang nagtataboy sa Espiritu? Ang uri ng libangang pinapayagan natin sa ating tahanan ay tiyak na may epekto sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Maraming libangan sa daigdig ang nakasasakit sa Espiritu Santo. Talagang hindi tayo dapat manood ng mga pelikula o palabas sa telebisyon na puno ng karahasan, malalaswang salita, at imoralidad.

Inaanyayahan ko kayong isiping mabuti sa mapakumbaba at mapanalanging paraan at tanungin ang sarili: “Nasa buhay ko ba ang Espiritu? Masaya ba ako? May ginagawa ba akong nakasasakit sa Espiritu at humahadlang para lagi kong makasama ang Espiritu Santo?” Magsisi kung kinakailangan, at muli ninyong makakasama ang Espiritu Santo.

Dama ba natin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating tahanan? May ginagawa ba ang ating pamilya na nakasasakit sa Espiritu? Maiimbita ba natin nang mas epektibo ang Espiritu Santo sa ating tahanan?”

Kailangang isentrong mabuti ang ating tahanan kay Cristo. Mag-ukol ng dagdag na oras sa templo at bawasan ang paglilibang. Bawasan ang ingay sa ating tahanan para di madaig ng ingay ng mundo ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo. Isa sa dapat pinakadakilang mga mithiin nating mga magulang ang kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo sa ating tahanan. Magdasal tayo at mag-aral ng mga banal na kasulatan. Awitin ang mga himno ng Pagpapanumbalik upang anyayahan ang Espiritu Santo sa ating tahanan. Makatutulong din ang regular na family home evening.

Sa mapanganib na panahong ito, kailangan natin sa buhay ang di masambit na kaloob na ito. Ipinaaalala ni Pangulong Boyd K. Packer na: “Hindi tayo dapat matakot sa hinaharap. Atin ang lahat ng dahilan para magalak at kakaunti ang dahilan para matakot. Kung susundin natin ang inspirasyon ng Espiritu, maliligtas tayo anuman ang mangyari. Ituturo sa atin ang gagawin.”17

Itinuro ni Propetang Joseph na makikilala ng mga Banal ang kaloob na Espiritu Santo sa ibang mga espiritu, dahil “bulong nito’y kapayapaan at kagalakan sa kanilang kaluluwa; aalisin nito ang lahat ng malisya, poot, alitan at lahat ng kasamaan sa kanilang puso; at ang buong hangarin nila’y gumawa ng mabuti at itayo ang kaharian ng Diyos.”18

Minsa’y ikinuwento ng kaibigan ko kung paano niya nalaman at naunawaan ang kaloob na Espiritu Santo. Nagdasal siya nang madalas at hinangad malaman ang katotohanan ng ebanghelyo.

Bagama’t panatag na siya sa kanyang paniniwala, hindi pa niya natanggap ang tiyak na kaalaman na sabik siyang makamit. Tinanggap niya sa sarili na baka isa siya sa mga nabubuhay na umaasa sa pananampalataya ng iba.

Isang umaga, habang pinag-iisipan ang mga banal na kasulatan, may nadama siyang init ng katawan mula ulo hanggang paa. “Nabalot ako ng matinding pagmamahal at dalisay na kagalakan,” paliwanag niya. “Di ko masukat ang tindi ng nadama ko noon maliban sa sabihing nabalot ako ng matinding kagalakan na wala nang puwang para sa iba pang pakiramdam.”

Kahit nadama na niya ang pagbuhos na ito ng Espiritu Santo, naisip pa rin niya na baka guni-guni lang niya ang nangyayari. “Habang lalo kong iniisip,” sabi niya, “lalong tumitindi ang damdamin hanggang sa wala na akong magawa kundi maluha sa pagsasabing, ‘Tama na.’”

Ganoon din ang karanasan ng tatay ko noong siya’y binyagan. Sabi niya, “Nang ipatong ng bishop ang mga kamay niya sa aking ulo at sabihing, ‘Tanggapin mo ang Espiritu Santo,’ may iba akong naramdaman . . . bagay na hindi ko pa naranasan . . . [na] dumating sa aking kaluluwa [at] nagpaligaya at pumuspos sa aking kaluluwa.”

Mula noon at habang buhay niya, lagi niyang alam na buhay si Jesucristo at Siya ang namumuno sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng buhay na propeta.19

Marami ngayon ang nakadama sa mga udyok ng Espiritu Santo habang inaaral ang Aklat ni Mormon o nakikinig sa patotoo ng mga misyonero at kaibigan. Sinasabi ko sa kanila bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, ang ebanghelyo sa kaganapan nito’y ibinalik sa lupa! Si Joseph Smith ay totoong propeta na nagsalin sa Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Hinihimok ko ang lahat na basahin ang Aklat ni Mormon at isagawa ang pangako nito: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”20

Kayong hindi mga miyembro ng Simbahan buong puso ko kayong hinihimok—huwag ninyong tanggihan pa ang katotohanan. Bigyan ng pitak sa inyong puso ang makalangit na liwanag na ito. Manampalataya, magsisi, at magpabinyag sa pangalan ni Jesucristo para sa ikapapatawad ng inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang di masambit na kaloob ng Espiritu Santo.

Ang ating Ama sa Langit ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa kaganapan nito. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta, tagakita, at tagapaghayag sa ating panahon. Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Sinasabi ng mga eksperto sa NASA na ang tinatayang “kabuuang enerhiyang inilalabas [ng araw] ay 383 billion trillion kilowatt, na katumbas ng enerhiyang likha ng 100 bilyong toneladang TNT na sumasabog sa bawat segundo (NASA, Office of Space Science, “Solar System Exploration,” Internet, http://solarsystem.nasa.gov/ features/planets/sun/sun.html).
2. Juan 1:9; tingnan din sa Moroni 7:16; DatT 84:46.
3. D at T 84:46.
4. D at T 130:22.
5.
History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 4:555.
6. D at T 121:26.
7. Tingnan sa D at T 11:13.
8. Tingnan sa Juan 14:26.
9. 2 Nephi 32:5.
10. “The Gift of the Holy Ghost—A Sure Compass,”
Ensign, Mayo, 1989, 32.
11.
Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 259.
12. Genesis 6:3; tingnan din sa 2 Nephi 26:11; DatT 1:33; Moises 8:17.
13.
Live the Good Life (1988), 59.
14. I Mga Taga Corinto 2:14.
15. Tingnan sa Brigham Young,
Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe
(1954), 32.
16.
Manuscript History of Brigham Young, 1846–1847, tinipon ni Elden J. Watson
(1971), 529.
17. “The Cloven Tongues of Fire,”
Liahona, Hulyo 2000, 9.
18.
Manuscript History of Brigham Young, 529.
19. Joseph L. Wirthlin, sa Conference Report, Abr. 1956, 12.
20. Moroni 10:4.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy