ELDER DARYL H. GARN
Ng Pitumpu
Napakahalaga para sa mga ama at anak na pagtulungan ang mga kinakailangang paghandaan sa pagmimisyon.
Sa isang kumperensya ng stake kamakailan, nagsalita ang isang nakauwi nang misyonero tungkol sa paghahandang maglingkod sa misyon. Ginamit niya ang analohiya ng isang amang sinasabi sa anak niya na, “Ikatutuwa ko ang unang laro mo ng basketball para matuto kang magdribol at magsyut.” Inihambing niya iyon sa isang amang nagsasabi sa anak niya na, “Ikatutuwa ko ang pagmimisyon mo para matuto kang magpakabait at magturo ng ebanghelyo.” Malaki ang naging kabuluhan sa akin ng analohiyang ito nang pag-isipan ko ang buhay ko.
Noong bata pa ako, pinakahangad kong mag-basketball. Buti na lang sabik din ang tatay kong tugunan ang hangad ng anak niya. Oras-oras kaming magpraktis ng pagpapasa at pagdidribol ng bola sa maliit naming kusina. Pakikinggan ko sa radyo ang laro ng iba’t ibang kolehiyo at mangangarap na makalaro din doon balang araw. Wala sa isip kong magmisyon noon; dahil dito, hindi ko gaanong pinaghandaan ito. Para masigurong balanse ang buhay ko, tinanggap ni itay—na matagal nang walang tungkulin sa Simbahan—na maging Scoutmaster ko. Sinunod niyang mabuti ang nasa libro, at dahil masigasig siya, naging Eagle Scout kami ng ilang kaibigan ko. Isa palang magandang paghahanda sa misyon ang scouting.
Natupad ang pangarap kong mapasok sa basketball team ng Utah State University. Noong ikalawang taon ko sa Utah State, kinaibigan ako ng isang nakauwi nang misyonero. Dahil sa halimbawa niya sinimulan kong obserbahan ang mga kakilala ko sa eskswela, pati na ang mga nasa basketball team, at natanto kong pinakagusto ko palang tularan ay ang mga nagmisyon na. Sa mabait at mapagmahal na pagtuturo ng butihing kaibigan ko—at, tiyak ko, dahil sa mga dalangin at halimbawa ng nanay ko—nagbago ang mga hangarin ko. Matapos ang ikalawang taon ko sa Utah State, natawag akong maglingkod sa Western Canadian Mission.
Tatlong buwan na ako sa misyon nang maitalaga ang bagong misyonero mula sa Idaho na maging kompanyon ko. Ilang araw pa lang kaming magkasama nang may malaman akong napakahalaga: alam ng bagong kompanyon ko ang buong ebanghelyo, samantalang mga talakayan lang ang alam ko. Sana’y naisip kong paghandaan nang husto ang pagmimisyon tulad ng paghahanda kong maging manlalaro ng basketball. Buong buhay na naghanda ang kompanyon ko sa pagmimisyon at naging mahusay na misyonero. Napakahalaga para sa mga ama at anak na pagtulungan ang mga kinakailangang paghandaan sa pagmimisyon.
Naniniwala ako na angkop ihambing ang basketball sa pagmimisyon. Ang larong basketball ay hindi lang oras ng pakikipagpaligsahan sa ibang team sa laruan kundi paglalaan din ng oras sa tamang pagsasanay. Ang dakilang pagliligtas ng kaluluwa ay hindi limitado sa dalawang taong ginugol ninyo sa pagmimisyon, bagkus ay kailangan dito ang maraming taon ng mabuting pamumuhay at paghahanda upang matugunan ang pamantayan para sa full-time na misyon.
Noong ika-11 ng Enero, 2003, bilang bahagi ng pandaigdigang pagsasahimpapawid ng pagsasanay sa pamumuno, tinagubilinan ni Pangulong Hinckley ang mga pinuno ng priesthood hinggil sa pagmimisyon. Dahil doo’y napag-isipan namin ang kani-kanyang responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong Hinckley, “Panahon na para itaas natin ang mga pamantayan sa pagtawag ng mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo sa mundo” (“Paglilingkod Misyonero,” Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 11, 2003, 17).
Dalawa ang aspeto ng pagtataas ng pamantayan sa paglilingkod misyonero na makabubuting pag-isipan natin. Una ay ang maagang paghahanda ng mga kabataang lalaki at babae. Sa liham nila na nagsusulong ng ilang pagbabago sa mga programang Young Men at Young Women, sinabi ng Unang Panguluhan, “Habang pinagsisikapan ng mga kabataan ang mga mithiing ito, magkakaroon sila ng mga kasanayan at katangiang aakay sa kanila sa templo at maghahanda sa kanila sa habambuhay na paglilingkod sa kanilang mga pamilya at sa Panginoon” (Liham ng Unang Panguluhan, 28 Set.
2001). Pakinggang mabuti ang mga salita nila: “magkaroon sila ng mga kasanayan at katangian.” Bilang mga magulang at lider ng kabataan, dapat nating tulungan ang ating mga kabataan na matukoy ang mga kasanayan at katangiang ito.
Ang ikalawang aspeto ay umiikot sa personal na pagkamarapat, na bunga ng pagsunod sa lahat ng kautusan ng Diyos. Iniisip ng ilang kabataang lalaki na maaari nilang labagin ang mga kautusan, makapagtatapat sa kanilang mga bishop isang taon bago sila magplanong magmisyon, at maging marapat na maglingkod. Ang proseso ng pagsisisi ay higit pa sa planadong pagtatapat na sinundan ng paghihintay. Madalas nating marinig ang tanong na ito sa isang lumabag: “Gaano katagal ako maghihintay bago makapagmisyon?” Tandaan na hindi lang basta paghihintay ang pagsisisi. Sinabi ng
Tagapagligtas: “At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu. At sinuman ang lalapit sa akin nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo” (3 Nephi 9:20).
Ngayon ang panahon para paningasin ang apoy na iyon. Sinabi ni Pangulong Hinckley, “Hindi natin basta mapapayagan ang mga hindi karapat-dapat magmisyon na humayo sa mundo at ipahayag ang mabuting balita ng ebanghelyo” (Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 2003, 17). Nauunawaan na natin mula sa pahayag ng Unang Panguluhan ukol sa gawaing misyonero na may mga paglabag na gagawing hindi marapat ang mga kabataang lalaki at babae na magmisyon (“Pahayag Ukol sa Gawaing Misyonero mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, 11 Dis. 2002).
Sinabi ni Pangulong James E. Faust: “Kailangang may mga hangganan sa buhay. May mga bagay na hindi dapat gawin, mga linyang hindi dapat tawirin, mga sumpang hindi dapat sirain, mga salitang hindi dapat sambitin, at mga kaisipang hindi dapat pansinin” (“Integrity, the Mother of Many Virtues,” Ensign, Mayo 1982, 48).
Naitaas na ang mga patakaran para sa pagmimisyon. “Yaong mga hindi nakatugon sa mga pangangailangang pisikal, mental, at emosyonal para sa full-time na pagmimisyon ay may marangal na katwiran. . . . Maaari silang paglingkurin sa ibang kapakipakinabang na tungkulin” (“Pahayag Ukol sa Gawaing Misyonero mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol,” 11 Dis.
2002). Naniniwala kami na sa pagsunod sa mga patakarang inilahad ng Unang Panguluhan, dadami ang fulltime na misyonero na karapat-dapat at handang maglingkod.
Sa isports madalas ay may mga hinahangaan tayong mga atleta, at sinisikap nating magkaroon ng mga kasanayan para maging tulad nila. Sa espirituwal na buhay natin may mga dakilang halimbawa rin tayong susundan, na ang pinakadakila ay ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na tumugon sa tanong ni Tomas, “Paano ngang malalaman namin ang daan?” (Juan 14:5).
Itinala sa mga banal na kasulatan, “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan” (Juan 14:6). Sa 2 Nephi mababasa natin: “Sumunod kayo sa akin. Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, makasusunod ba tayo kay Jesus maliban sa tayo ay nakahandang sumunod sa mga kautusan ng Ama?”
(2 Nephi 31:10).
Mga batang kaibigan ko, maraming sumusunod sa “daan” ng Tagapagligtas, na maaari ninyong sundan bilang halimbawa ninyo sa paghahanda sa pagmimisyon. Makikita ninyo sila sa inyong pamilya, mga kaibigan, at mga lider ng Simbahan. Kahit ngayon, itinuturing kong isa sa mga pinakadakilang biyaya ang mga mahal kong kaibigang nagpakita sa akin ng halimbawa ng pagsunod sa Tagapagligtas.
Dalangin kong maging masigasig kayong mga kabataang lalaki sa inyong mabubuting hangarin, na magtagumpay kayo sa lahat ng inyong ginagawa, at kayo, ayon nga kay Elder
M. Russell Ballard, ay maging “pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero sa kasaysayan ng Simbahan” (“Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero,” Liahona, Nob. 2002, 46).
Pinatototohanan ko, tulad ng sinabi ni Pangulong Hinckley kamakailan tungkol sa paglilingkod misyonero, na “wala nang mas dakilang gawain. Wala nang mas mahalagang gawain”
(Unang Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Ene. 2003, 21). Sa ngalan ni Jesucristo, amen.