BISHOP H. DAVID BURTON
Presiding Bishop
Dapat nating abutin at panatilihin ang mga pamantayan upang makasali sa mahahalagang espirituwal na pangyayari sa buhay.
Magandang gabi. Gustunggusto kong makasama ang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos at tamasahin ang pandaigdigang kapatirang pinagsasaluhan at pinahahalagahan natin. Espesyal ang diwang nagmumula sa pag-asa na tuturuan tayo sa malilinaw at mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sa gabing ito ang sasabihin ko’y para sa mga kabataang lalaki ng Simbahan. Kayong nasa ibang kategorya ng edad ay malayang makinig.
Noong nakaraang Kapaskuhan, ang tagapagbalitang si Walter Cronkite ay sumali sa Tabernacle Choir at sa Orchestra at Temple Square sa kanilang Pamaskong konsiyerto. “Siya . . . 19 na taon nang anchorman para sa ‘CBS Evening News’. . . . [Si Mr. Cronkite] ay
nakilala bilang ‘pinaka-mapagkakatiwalaang tao sa Amerika.’”1 Nang tanungin kung paano niya gustong maalaala, ang sagot niya’y, “Ah, bilang isang lalaking ginawa ang lahat ng kaya niya.”2 Sa buong trabaho niya’y winawakasan ni Mr. Cronkite ang bawat pagbabalita sa mga katagang, “At iyan ang totoo.” Ngayong gabi’y pag-usapan natin ang totoo.
Sa isang stake conference kamakailan, nagkuwento ang stake president sa akin. Tinanong niya ang anak niyang lalaki kung ano ang tinalakay sa fireside sa Linggo ng gabi kamakailan. Sagot ng binatilyo, “Pagtataas ng pamantayan.” At sinabi niyang sawa na siya rito dahil paksa ito ng bawat klase at pulong nitong huli. Una’y naisip kong, “Magaling; ang mensahe ng propeta ay tinatalakay, naririnig, at sinusunod.” At sumunod kong naisip ang damdamin ng binatilyo tungkol sa paulit-ulit na mga paalala. Nakakainis ito kapag sinisikap nating gawin ito ang ating makakaya.
Noong bata pa ako’y binabalewala ko ang paulit-ulit na paalala ng nanay ko na, “David, tandaan mo kung sino ka.” Laging pinupuna ng mga kaibigan ko ang paalalang ito. Inis din ako kapag paulit-ulit na itinuturo ni itay ang tahanan ni Pangulong George Albert Smith tuwing daraan kami sa 13th East sa Salt Lake City at ipinaaalala na doon tumira ang isang propeta ng Diyos na minahal ako. Ngayon lubos ang pasalamat ko sa mga paulit-ulit na paalalang iyon.
Ang salitang “pagtataas ng pamantayan” ay madalas gamitin sa daigdig ng isports para ilarawan ang mas mahusay na pagganap. Makakatulong ang metapora ng isports sa paglalarawan kung bakit mahalagang tumugon sa ipinagagawa sa atin ni Pangulong Hinckley noong huling kumperensya nang sabihin niyang: “Umaasa akong ang mga kabataang lalaki at babae natin ay tatanggapin ang hamon [ni Elder Ballard]. Dapat nating taasan ang pamantayan sa pagkamarapat at mga katangiang kailangan ng mga maglilingkod bilang mga kinatawan ng Panginoong Jesucristo.”3
Noong isang taon napanood natin ang kagila-gilalas na Winter Olympics sa Salt Lake City. Sa mga palarong Olympics, kailangang marating ng mga atleta ang pinakamababang antas ng kahusayan para makasali rito. Ang buhay natin ay tulad ng proseso ng pagsali sa Olympics sa paraang dapat nating abutin at panatilihin ang mga pamantayan upang makasali sa mahahalagang espirituwal na pangyayari sa buhay. Ang mga pandaigdigang atleta ay may disiplinadong pang-araw-araw na gawain. Nagpapakabihasa sila sa mga kasanayang kailangan nila sa isport. Doon pa lang sila makakasali sa paligsahan. Iyan ang totoo.
Mga kabataan, kung nais ninyong maging pandaigdigan at kwalipikadong sumali sa tunay na mahahalagang kaganapan sa buhay gaya ng mga ordenasyon sa priesthood, biyaya ng templo, at pagmimisyon kayo man ay dapat magkaroon ng disiplinadong pangaraw-araw na katapatan, kabutihan, pag-aaral, at panalangin. Iyan ang totoo.
Alam at nauunawaan ng mga Olympian ang mga patakaran sa kanilang laro. Mabigat at maaaring diskwalipikasyon pa ang parusa sa paglabag. Noong huling Olympics, dahil sa paglabag sa patakaran ukol sa paggamit ng drogang nagpapahusay sa pagganap, binawi ang medalya. Isa sa pinakamalulupit na parusa sa atleta ay sa larong golf. Lumagda ka lang sa scorecard na mali ang ipinasok na iskor sa alinman sa 18 laro ay diskwalipikasyon na ang parusa. Walang pase-pasensya rito. Hindi mahalaga kung nakabuti o nakasira sa tao ang pagkakamali; iyon pa rin ang parusa— diskwalipikasyon.
Makaraan ang mahigit 50 taon, naririnig ko pa ang sinabi ng opisyal sa palaro: “Ikinalulungkot ko, anak, kailangan ka naming alisin sa laro dahil lumagda ka sa maling scorecard.” Ang diskwalipikasyon ko ay dumating matapos kong banggitin sa opisyal na kailangan kong itama ang iskor ko. Ilang linggo kong sinabi sa sarili ko: “Bakit ba hindi na lang ako nanahimik? Hindi naman sinadya ang mali. Tama naman ang kabuuang iskor.” Kahit sapat ang galing ng laro ko para manalo, nilisan ko ang bigayan ng gantimpala na walang dala. Iyan ang totoo.
Mga batang kaibigan ko, mahalaga ang mga patakaran, at maselan. Sa buhay man ay may mga parusa, marahil ay diskwalipikasyon din, kung lalabagin ang mga patakaran. Ang pagsali natin sa mahahalagang kaganapan sa buhay ay maaaring mamiligro kung hindi natin susundin ang mga patakarang nasa utos ng Ama sa Langit. Ang pagkasangkot sa kasalanang sekswal, bawal na droga, paglabag sa batas, o pag-abuso ang hahadlang sa pagsali natin sa mahahalagang sandali. Makabubuti sa inyong ituring ang mga patakaran bilang nakapagliligtas na mga pagbabawal, hindi mga tanikalang panggapos. Nakapagpapatatag ang pagsunod. Iyan ang totoo.
Noong 1834, itinala ng propetang si Joseph Smith, “Nobyembre ang pinakaabala kong buwan; pero kahit puno ng mga gawain at tuluy-tuloy na mga responsibilidad ang buhay ko, ginawa ko itong panuntunan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito.”4
Para sa ilan, negosyo ang isports. Ang kaibhan ng panalo sa talo ay maaaring malaking halaga. Bumabayad ng mga ahente ang mga atleta para hawakan ang mga negosyo nila. Mga ahente, tagasanay, coach, at manedyer ang umaalalay sa atleta para mapahusay ang pagganap nito.
Nilaanan ng ating Ama sa Langit ang Kanyang minamahal na mga anak ng mahusay na suportang team na mas magaling kaysa gamit ng atleta. Ang mga magulang natin ay magagaling na ahente. Sinisiguro nila ang ating kapakanan. Hindi lang sila interesado sa atin, kundi dahil mahal nila tayo, magagaling din silang magpayo.
Sinabi ni Apostol Pablo sa mga Taga Colosas, “Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka’t iyo’y totoong nakalulugod sa Panginoon” (Mga Taga Colosas 3:20). Dagdag pa sa ating mga magulang, isipin ang malaking grupong sumusuporta na inilaan para mapagbuti ang espirituwal nating pagganap. Ang ating mga bishop ang personal na mga tagasanay at ginagamit nila ang sagradong mga susi ng priesthood para pagpalain ang ating buhay. Ang mga guro sa seminary, mga tagapayo sa korum, at mga home teacher ang suportang team na binuo ng Panginoon para tulungan tayong maghanda sa malalaking laro ng buhay. Sa pagsunod ninyo ay patuloy na huhusay ang pagganap ninyo. Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito. Iyan ang totoo.
Isa sa malinaw na kaibhan ng mabuti sa dakila ay ang tinatawag ng mga sports psychologist na “pokus.” Ang mga kalahok sa paligsahan na kayang isantabi ang di mahalaga at ituon ang pansin sa bagay na lubhang mahalaga ay napapahusay ang kanilang pagganap. Ang pokus ay mahalagang sangkap ng tagumpay.
Naulinigan ko ang pag-uusap ng mahusay na manlalaro ng golf na si Arnold Palmer at ng bagitong tagadala ng gamit niya. Ang bagitong tagadala, habang iniaabot kay Mr. Palmer ang club nito, ay sinabing ang layo ng bandera ay 165 yarda, may nakatagong batis sa kaliwa, at baku-bakong lugar sa kanan. Mahinahon ngunit madiing ipinaalala ni Mr. Palmer sa binatilyo na ang tanging impormasyong hinihingi niya’y ang distansya sa butas. Sinabi pa niyang ayaw niyang mawala ang pokus niya sa pag-aalala kung ano ang nasa kanan o kaliwa.
Madaling malimutan kung ano talaga ang mahahalagang layunin ng buhay. Maraming nakakagulo sa atin. Ang ilan ay nagtatampisaw sa tubig sa kaliwa, at ang iba’y nahihirapan sa baku-bakong lugar sa kanan. Ang kaligtasan at tagumpay ay nakakamit kapag nanatiling nakatuon sa mahahalagang oportunidad na makikita pagpopokus sa mga walang-hanggang mithiin—pagsulong sa priesthood, pagkamarapat sa templo, at pagmimisyon. Iyan ang totoo.
Nawa’y pagpalain ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo. Pinatototohanan ko sa inyong lahat na si Jesus ang Cristo. Siya’y buhay at ang pag-ibig Niya sa atin ay ganap. Nagpapasalamat ako sa dakilang propetang nagpapaunawa sa atin na kapag inutos ng Panginoon, gawin ito, dahil iyan ang totoo. Sa pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Walter Cronkite: A Lifetime Reporting the News, Voices from The Smithsonian Associates, Internet, http://www.smithsonian associates.org/programs./cronkite.htm.
2. Kira Albin, Thats the Way It Is . . . with Walter Cronkite, Grand Times, Internet, http://www.grandtimes.com/cronkite.html.
3. Sa Kalalakihan ng Priesthood, Liahona, Nobyembre 2002, 56.
4. History of the Church, 2:170.