The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Abril 2003
Banal na Lugar, Sagradong Puwang

Banal na Lugar, Sagradong Puwang

ELDER DENNIS B. NEUENSCHWANDER
Ng Panguluhan ng Pitumpu

ELDER DENNIS B. NEUENSCHWANDER

Ang kakayahan nating makahanap, makakilala, at magpitagan sa kabanalan sa halip na kalapastanganan, at sa sagrado sa halip na sekular na bagay, ang nagpapakilala sa ating espirituwalidad.

Bilang tugon sa tanong ni Pilato na “Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?” sumagot ang
Tagapagligtas, “Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito” (Juan 18:33, 36). Sa ilang salitang ito, ipinahayag ni Jesus na ang kaharian Niya ay hiwalay at kaiba sa mundong ito. Ang mga turo, doktrina, at sariling halimbawa ng Panginoon ay nagpapaangat sa lahat ng tunay na nananalig sa Kanya tungo sa banal na pamantayang nangangailangan ng mata at isipang ganap na nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos (tingnan sa D at T 4:5; 88:68). Saklaw ng kaluwalhatian ng Diyos ang lahat ng banal at sagrado. Ang kakayahan nating makahanap, makakilala, at magpitagan sa kabanalan sa halip na kalapastanganan, at sa sagrado sa halip na sekular na bagay, ang nagpapakilala sa ating espirituwalidad. Sa katunayan, kung walang banal at sagrado, ang tanging maiiwan sa atin ay ang lapastangan at makalupa.

Sa gitna ng kaabalahan ng mundong ito, na siguradong walang katiyakan, dapat may mga lugar na nag-aalay ng espirituwal na kanlungan, pagpapanariwa, pag-asa, at kapayapaan. Mayroon ngang ganitong mga lugar. Kapwa banal at sagrado ang mga ito. Sa mga lugar na ito nating natatagpuan ang makalangit at nasusumpungan ang Espiritu ng Panginoon.

Tatlong ulit sa Doktrina at mga Tipan na nagpayo ang Panginoon sa Kanyang mga tao na “tumayo sa mga banal na lugar” (tingnan sa D at T 45:32; 87:8; 101:22). Ang kahulugan ng payo Niya ay lalong mahalaga kapag tiningnan natin ang kasalukuyang kondisyon ng mundo. Ang nakasisirang karamdaman, pag-uusig, at digmaan ay laganap na at nanghimasok na sa araw-araw nating buhay. Sa harap ng gayong nakalilitong suliranin nagpayo ang Panginoon, “Masdan, aking kalooban, na lahat sila na tumatawag sa aking pangalan, at sinasamba ako alinsunod sa aking walang hanggang ebanghelyo, ay dapat na samasamang magtipon, at tumayo sa mga banal na lugar” (D at T 101:22).

Noon pa’y kailangan na ang mga banal na lugar para sa angkop na pagsamba sa Diyos. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang sa gayong mga banal na lugar ang mga pook na makasaysayan, ang tahanan, mga pulong sakramento, at templo. Karamihan sa ating pinagpipitaganan, at itinuturo natin sa ating mga anak na igalang bilang banal at sagrado ay makikita sa mga lugar na ito. Ang pananampalataya at pagpipitagan na kaugnay nito at ang paggalang sa nagaganap o naganap sa mga ito ang nagpapabanal dito. Ang kahalagahan ng mga banal na lugar at sagradong puwang sa ating pagsamba ay hindi matatawaran.

Malaking paghahanda ang kailangan natin upang tanggapin ang espirituwal na pakinabang ng pagtayo sa mga banal na lugar. Ang mga banal na lugar at sagradong puwang ay nakikilala din sa sakripisyong kailangan sa mga ito. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard na “ang salitang sakripisyo ay literal na nangangahulugang ‘gawing sagrado’ o ‘ituring na sagrado’” (“Ang Batas ng Pagsasakripisyo,” Liahona, Mar. 2002, 10). Ang mga salitang sagrado at sakripisyo ay mula sa iisang salitang-ugat. Hindi makakamit ng tao ang sagrado kung wala munang sakripisyong ginawa para dito. Walang kasagraduhan kung walang personal na sakripisyo. Sakripisyo ang nagpapabanal sa sagrado.

Sa marami, ang kakahuyang malapit sa bukirin ng mga Smith sa gawing itaas ng estado ng New York ay simple lang ang ganda at payapa. Ngunit para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo, ito ay sagrado dahil sa pananampalataya at pagpipitagan na iniuukol natin dito at matinding sakripisyong isinasagisag nito.

Isang araw ng taglagas, ilang buwan na ang nakalipas, kami ng asawa ko’y umupo sa kakahuyang iyon. Ang ganda talaga niyon at nasiyahan kami sa tahimik na kapayapaang aming nadama. Gayunman, iyon ay higit pa roon, dahil nakaupo kami sa karatig na pook kung saan nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo sa batang Propetang si Joseph Smith. Ang ating panampalataya at paggalang sa kanilang pagdalaw at sa personal na sakripisyong nangyari dahil doon, kapwa sa buhay ng Propeta at sa buhay ng ating mga ninuno mismo, ang nagpasagrado at nagpabanal sa magandang pook na ito.

Gayon din kasidhi at kapitagan ang damdaming pinupukaw ng ibang mga sagradong lugar sa mundo na may kinalaman sa kasaysayan ng Simbahang ito. Ang mga sagradong lugar na ito ang humihikayat ng ating pananampalataya at nagpapalakas ng loob natin para maging tapat sa pananampalatayang ito at sumulong, sa kabila ng mga hamong humaharang sa ating landas.

Ang ating mga tahanan rin ay mga banal na lugar na tigib ng kasagraduhan. Bagama’t hindi palaging tahimik, maaaring mapuspos ng Espiritu ng Panginoon ang ating mga tahanan. Itinuro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay may-asawa at may-pamilya ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan”

(Liahona, Okt. 1998, 24).

Ang gayong tahanan ay nangangailangan ng personal na sakripisyo. Sinabi ng Panginoon sa Propetang Joseph Smith, “Ang iyong mag-anak ay talagang kinakailangang magsisi at talikuran ang ilang bagay” (D at T 93:48). Ang bawat pamilya natin ay mahaharap sa sari-saring aktibidad at libangan, hindi lahat ay kaaya-aya at mabuti—at karamihan sa mga ito ay hindi kailangan. Gaya ng pamilya ng Propeta, kailangan din bang magsisi ang ating mga pamilya at talikuran ang ilang bagay para tulungan tayong mapanatili ang sagradong kalagayan ng ating mga tahanan? Ang pagtatatag ng ating mga tahanan bilang mga banal na lugar ay nagpapakita sa lalim ng sakripisyong handa nating gawin para sa kanila.

Ang mga pulong sakramento ay tunay na higit pa kaysa pulong lamang. Ito’y sagradong sandali sa banal na lugar. Tuwing Linggo ay iniisip natin sa sandaling ito ang sakripisyong puno ng habag na nangyari sa mundong ito. Minumuni-muni natin ang pagibig ng Diyos na nagbigay ng Kanyang Bugtong na Anak para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Sa pagtanggap natin ng sakramento, ginugunita natin Siya at ipinahahayag ang ating pagsang-ayon na tanggapin ang Kanyang pangalan sa ating sarili at sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang paghahanda ng sarili, kabilang na ang ating sakripisyo ng bagbag na puso at nagsisising espiritu, ay kailangan para sa regular at espirituwal na pagpapanibago na inaalay sa marapat na pakikibahagi. Dapat ay handa tayo at kaya nating limutin ang mundo sa loob ng ilang sandali para mapagisipan ang mas banal na mga bagay. Kung wala ang espirituwal na pagpapanibagong ito, ang ating pananampalataya ay madaling magagapi ng makalupa at lapastangan.

Noong maliliit pa ang mga anak naming lalaki, binanggit ko sa hapunan ang kaayusan ng aming pulong sakramento at kung gaano karami ang natutuhan ko. Bilang sagot ay tiningnan nila ako at nagsabing hindi nila tiyak kung parehong pulong ang dinaluhan namin. Ang kaibahan ng karanasan ko sa karanasan nila ay ang kahustuhan ng isip at personal na paghahanda. Ang espirituwal na pagpapanariwa na ating tinatanggap sa mga pulong sakramento ay hindi hihigit sa ating paghahanda at sa ating pagsang-ayon at paghahangad na maturuan.

Ang mga templong may nakaukit na “Kabanalan sa Panginoon” ay kabilang sa pinakasagradong lugar sa lupa. Nakatayo ito bilang patunay sa pagibig ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak, noon at ngayon. Ang mga pagpapala ng templo ay kasama at hindi maihihiwalay sa mahalagang sakripisyo. Ang mga ordensang isinasagawa doon ay nagbibigay-daan sa pagtanggap ng kabuuan ng mga pagpapala ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Dito pa lang ay itinuturing nang banal at sagrado ang templo. Gayunman, kailangan din ang personal na sakripisyo. Nagsasakripisyo tayo ng oras sa pagsasaliksik ng ating mga ninuno at panahon upang dumalo sa ating mga tungkulin sa templo. Nagsisikap din tayong mamuhay ayon sa pinakamataas na pamantayan ng pagkamarapat na magbibigay daan para makapasok tayo sa sagradong puwang ng napakabanal na lugar na ito.

Sa mga banal at sagradong lugar ay nakasusumpong tayo ng espirituwal na kanlungan, pagpapanibago, pagasa, at kapayapaan. Hindi ba nararapat lang sa mga ito ang bawat personal na sakripisyo? Mga kapatid, nawa ang bawat isa sa atin ay magpitagan at igalang ang mga banal at sagrado sa ating buhay. Nawa’y ituro din natin ito sa ating mga anak. Tumayo tayo sa mga banal at sagradong lugar ng kapayapaang espirituwal.

Ito ang aking patotoo hinggil sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan at Pag-asa, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy