ELDER F. BURTON HOWARD
Ng Pitumpu
Kung nais mong magtagal magpakailanman ang isang bagay, tratuhin mo ito nang kakaiba.... Nagiging
espesyal ito dahil ginawa mo itong gayon.
Ilang taon na ang nakalipas dumalo kaming mag-asawa sa salu-salo sa isang kasal sa hardin. Bago iyon galing kami sa templo, kung saan dalawang kabataang kakilala namin ang ikinasal sa buhay na ito at sa kawalanghanggan. Lubos silang nag-iibigan. Halos isang himala ang kanilang pagtatagpo. Marami ang lumuha sa galak. Pumila kami sa linya sa pagtatapos ng perpektong araw. Sa unahan namin ay isang malapit na kaibigan ng pamilya. Paglapit niya sa mag-asawa, tumigil siya at sa isang maganda at malinaw na boses tenor ay inawit sa kanila ang nakaaantig na mga salita sa aklat ni Ruth: “Kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios: Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako” (Ruth 1:16–17).
Labis kaming naantig at muling nakatiyak sa kaligayahan nila—dahil siguro sa ipinaskil naming mag-asawa ang mga salita ring iyon sa dingding ng aming tahanan sa loob ng maraming taon.
Nakalulungkot na nawawalan ng kabuluhan ang ganda ng mga salitang ito. Napakaraming kasal ngayon ang nauuwi sa diborsyo. Kasakiman, kasalanan, at pansariling kapakanan ang madalas mangibabaw sa mga tipan at pangako.
Ang walang hanggang kasal ay isang alituntuning itinatag bago pa binuo ang mundo at sinimulan sa daigdig na ito bago dumating ang kamatayan. Sina Adan at Eva ay ibinigay ng Diyos sa isa’t isa sa Halamanan ng Eden bago ang Pagkahulog. Sinasabi sa banal na kasulatan, “Nang araw na lalangin ng Dios ang tao, sa wangis ng Dios siya nilalang; Lalake at babae silang nilalang; at sila’y binasbasan” (Genesis 5:1–2; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Magkakatulad na itinuro ng mga propeta na ang walang hanggang kasal ang pinakaganap at pinakamataas na elemento ng dakilang plano ng Diyos upang basbasan ang Kanyang mga anak.
Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Ang katapatan sa tipan ng kasal ay naghahatid ng pinakaganap na kagalakan dito at maluluwalhating gantimpala sa kabilang buhay” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 533–34). Inilarawan ni Pangulong Howard W. Hunter ang selestiyal na kasal bilang “pinakamataas na ordenansa ng ebanghelyo,” at nilinaw na “bagama’t maaaring mas matagal ito [para sa iba] maging hanggang sa kabilang buhay,” hindi ito ipagkakait sa sinumang karapat-dapat (Teachings of Howard W. Hunter, ed. Clyde J. Williams [1997], 132, 140). Tinawag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang walang hanggang kasal na “isang napakagandang bagay” (tingnan sa “What God Hath Joined Together,” Ensign, Mayo 1991, 71) at isang “kaloob na pinakatangi sa lahat” (“The Marriage That Endures,” Ensign, Mayo 1974, 23).
Gayunpaman, sa kabila ng kadakilaan at kaluwalhatian ng kaloob, hindi ito libre. Katunayan may kundisyon ito, at dahil naibigay na, maaari itong bawiin kung hindi natin tutuparin ang mga kundisyon ng tipan na kaakibat nito. Sinasabi sa atin sa bahagi 131 ng Doktrina at mga Tipan na
“Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas; at upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao [kabilang na ang babae] ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihi’y ang bago at walang hanggang tipan ng kasal]” (D at T 131:1–2).
Ang tipan ay isang sagradong pangako. Nangangako tayong gagawa ng ilang bagay, at nangangako rin ang Diyos na gagawa ng iba pa. Sa mga tumutupad sa tipan ng kasal, ipinangangako ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian, mga buhay na walang hanggan, walang hanggang pag-unlad, kadakilaan sa selestiyal na kaharian at ganap na kagalakan. Alam nating lahat iyan, ngunit kung minsa’y hindi natin masyadong iniisip ang mga dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapalang ito. Tila malinaw na sinasabi ng mga banal na kasulatan na may tatlong obligasyong kaakibat ang tipang ito.
Una, ang walang hanggang kasal ay walang hanggan. Ang walang hanggan ay nagpapahiwatig ng patuloy na paglago at pag-unlad. Nangangahulugan ito na matapat na pagsisikapan ng mag-asawa na gawing ganap ang sarili nila, na ang pagsasama sa kasal ay hindi bastabasta itatapon sa unang tanda ng dipagkakaunawaan o paghihirap, na ang pag-ibig ay titibay sa pagdaan ng panahon at magpapatuloy sa kabilang buhay. Ibig sabihi’y pagpapalaing magkakasama ang magkabiyak magpakailanman at ang mga problema at di-pagkakaunawaan ay makabubuting lutasin na dahil hindi mawawala ang mga ito. Ang walang hanggan ay nagpapahiwatig ng pagsisisi, pagpapatawad, pagtitiis, pagpapasensya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa, pagmamahal, at pagpapakumbaba. Lahat ng ito ay kasama sa anumang bagay na walang hanggan, at tunay na dapat nating matutuhan at ipamuhay ang mga ito kung nais nating matamo ang isang walang hanggang kasal.
Ikalawa, ang walang hanggang kasal ay inorden ng Diyos. Ibig sabihi’y ang mga taong kasama sa tipan ng kasal ay sumasang-ayong anyayahan ang Diyos sa kanilang pagsasama, na magkasamang mananalangin, na susundin ang mga kautusan, na ang mga pagnanais at silakbo ng damdamin ay may limitasyon ayon sa balangkas ng mga propeta. Ibig sabihi’y magiging pantay ang pagsasama at tapat at dalisay sa labas at loob ng tahanan. Ito ay bahagi ng kahulugan ng inorden ng Diyos.
Ikatlo, ang walang hanggang kasal ay isang uri ng pakikipagtulungan sa Diyos. Nangangako siya ng pagpapatuloy ng mga buhay sa mga yaong naibuklod sa templo. May pahiwatig ng pakikiisa sa Lumikha sa kautusang ibinigay kina Adan at Eva na magparami at kalatan ang lupa. May obligasyong turuan ng ebanghelyo ang kanilang mga anak dahil mga anak din Niya ito. Kaya tayo may family home evening at pag-aaral ng banal na kasulatan, paguusap tungkol sa ebanghelyo, at paglilingkod sa iba. Tila may obligasyong suportahan at itaguyod ang isa’t isa sa mga tungkulin at gawaing ibinibigay para gampanan ng bawat isa. Paano natin sasabihing nakikiisa tayo sa Diyos kung hindi natin maitaguyod ang isa’t isa kapag ang maybahay ay natawag sa Primary o ang asawang lalaki sa bishopric?
Kaya ang tipan ng kasal ay nagpapahiwatig ng mga bagay na ito at marahil ay iba pa. Palagay ko’y hindi ako nagkakamali sa pagsasabing ang mga nang-aalimura o nananakit ng asawa o nangmamaliit o nanghahamak o gumagamit ng di makatwirang pamamahala sa pag-aasawa ay hindi tumutupad sa tipan. Ni ang mga nagbabalewala sa mga kautusan o nabibigong suportahan ang kanilang mga pinuno. Maging ang mga ayaw tumanggap ng tungkulin, ayaw tumulong sa kapwa o medyo nakikibahagi sa mga makamundong gawain ay nanganganib. Kung di natin tutuparin ang bahagi natin sa tipan, wala tayong pangako.
Higit sa lahat, sa tingin ko’y hindi matatamo ang walang hanggang kasal nang walang matibay na pangakong pagsikapan ito. Karamihan ng alam ko tungkol dito ay natutuhan ko sa aking kabiyak. Halos 47 taon na kaming kasal ngayon. Sa simula pa lang alam na niya ang gusto niya sa pag-aasawa.
Sa simula’y maralita kaming estudyante sa kolehiyo, ngunit ang pangarap niya sa aming kasal ay inihalimbawa sa isang set ng kubyertos na pilak. Tulad ng karaniwan ngayon, nang ikasal kami ay nagparehistro siya sa isang lokal na department store ng gusto niyang matanggap na regalo. Sa halip na ilista ang kaldero at kawali at kagamitang kailangan namin at inaasahang matanggap, iba ang pinili niya. Humiling siya ng mga kubyertos na pilak. Pumili siya ng disenyo ng hawakan at bilang ng kubyertos sa isang set at inilista sa rehistro ang mga kutsilyo, tinidor, at kutsara at wala nang iba. Walang tuwalya, toaster, telebisyon—basta kutsilyo, tinidor, at kutsara lang.
Sumapit at natapos ang kasal. Nagregalo ang mga kaibigan ng aming mga magulang. Umalis kami para sa maikling honeymoon at nagdesisyong buksan ang mga regalo pagbalik namin. Nang bumalik kami, nagulat kami. Wala ni isang kutsilyo o tinidor sa mga iyon. Nagbiruan kami tungkol doon at nagpatuloy sa buhay namin.
Dalawang anak ang dumating habang nag-aaral kami ng abogasya. Wala kaming natitirang pera. Pero tuwing nagpa-part-time election judge ang asawa ko o may nagbigay sa kanya ng ilang dolyar sa kaarawan niya, tahimik niya itong itatabi, at kapag sapat na ang pera ay pupunta siya sa bayan at bibili ng isang tinidor o kutsara. Ilang taon din ang lumipas bago kami nakaipon ng sapat na mga piraso upang magamit. Nang may sapat na kami para sa apat na tao, sinimulan na naming mag-imbita ng mga kaibigan para kumain sa bahay.
Bago sila dumating, may maikling pagtatalo kami sa kusina. Aling kubyertos ang gagamitin namin, ang mga gamit na at hindi magkakapares na stainless o ang espesyal na pilak? Noong mga panahong iyon madalas kong piliin ang stainless. Mas madali iyon. Itatapon mo na lang sa dishwasher pagkakain, at bahala na siya sa sarili niya. Sa kabilang dako’y mabusisi ang pilak. Itinago iyon ng asawa ko sa ilalim ng kama kung saan hindi agad ito makikita ng magnanakaw. Pinilit niya akong bumili ng di nagmamantsang tela para ibalot dito. Bawat piraso ay may sariling lalagyan, at hindi madaling ihanda ang lahat ng piraso. Kapag ginamit ang pilak, dapat itong hugasan ng kamay at patuyuin para hindi mangitim, at isauli sa mga lalagyan para hindi mamantsahan, at balutin at maingat na itagong muli para hindi manakaw. Kapag namantsahan ito, pinabibili niya ako ng panlinis ng pilak, at maingat naming pupunasan ang mga mantsa.
Sa pagdaan ng mga taon dinagdagan namin ang set, at mangha kong pinanood kung gaano niya inalagaan ang mga iyon. Hindi madaling magalit ang asawa ko. Gayunman, naaalala ko nang kunin ng isang anak namin ang isang tinidor na pilak at gusto itong ipambungkal sa likod-bahay. Ang balak niya’y sinalubong ng mabagsik na titig at babalang huwag man lang niyang isiping gawin iyon. Kahit kailan!
Napansin kong ang mga kubyertos na pilak ay di kailanman ginamit sa maraming kainan sa ward na siya ang nagluto, o sa maraming pagkaing niluto niya at ipinadala sa mga maysakit o nangangailangan. Hindi kailanman ito nagamit sa mga piknik at kamping. Katunaya’y hindi ito nakarating kahit saan kahit kailan; at, sa pagdaan ng panahon, ni hindi ito madalas gamitin sa hapag-kainan. Ilan sa aming mga kaibigan ang tinimbang ngunit kulang, at wala silang kamalay-malay. Stainless ang ipinagamit sa kanila nang pumunta sila sa hapunan.
Dumating ang panahon na tinawag kaming magmisyon. Umuwi ako isang araw at sinabihan na kailangan kong umupa ng safe deposit box para sa mga pilak. Ayaw niyang dalhin namin iyon. Ayaw niyang iwanan. At ayaw niyang mawala.
Sa loob ng maraming taon inakala kong medyo kakaiba siya, pero isang araw natanto ko na matagal na niyang alam ang isang bagay na noon ko pa lang nauunawaan. Kung nais mong magtagal magpakailanman ang isang bagay, tratuhin mo ito nang kakaiba. Ikubli mo ito at ipagtanggol. Huwag mo itong abusuhin kailanman ni ilantad sa mga elemento ng kalikasan. Huwag mo itong gawing karaniwan o ordinaryo. Kapag namantsahan ito, buong pagmamahal mo itong pakintabin hanggang kuminang na parang bago. Nagiging espesyal ito dahil ginawa mo itong gayon, at lalo itong gumaganda sa pagdaan ng panahon.
Ganyan din ang walang hanggang kasal. Kailangan nating tratuhin ito nang gayon. Dalangin kong makita nating wala itong singhalagang kaloob, sa pangalan ni Jesucristo, amen.