The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Abril 2003
Kami ay may Pag-asang Nakikita

Kami ay may Pag-asang Nakikita

JULIE B. BECK
Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency

JULIE B. BECK

Makagigising kayo araw-araw . . . na may pag-asang nakikita dahil mayroon kayong Tagapagligtas.

Ilang araw bago isilang ang panganay naming apong babae, iniisip ng mga magulang nito kung ano ang magiging anak nila—lalaki o babae. Sa simbahan nang sumunod na Linggo, inawit ang mga salitang ito: “Kami ay may pag-asang nakikita” (“Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15). Bigla nilang naisip at sila’y nagkatinginan at sinabing, “Babae!” Nang isilang ang sanggol, pinangalanan nila itong Hope.

Si Hope, na angkop na pinangalanan, ay limang taong gulang na. Gumigising siya araw-araw na sabik sa mga bagong pakikipagsapalaran. Nasa unang taon siya ng pag-aaral, at napakarami niyang nais matutuhan. May kislap ng pag-asa sa kanyang mga mata (tingnan sa 2 Nephi 31:20).

Nitong nakaraang ilang linggo’y nakausap ko ang marami sa inyo. Kinumusta ko kayo tungkol sa inyong mga talento, problema, at pangarap. Natatandaan ko pa ang inyong mga mukha. Nakikita ko ang masayang mukha ng kabataang anim na buwan pa lang sa Simbahan; ang malungkot na mukha ng babaeng nag-iisang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya, na mag-isang naghihintay ng bus; ang balisang mukha ng babaeng nagtanong na, “Magiging marapat kaya akong magpunta sa templo?” At ang mga mukhang-puyat na kabataang gumising nang maaga para sa seminary. Ang ilan sa inyo’y masigla at ang ilan ay pinoproblema ang mga hamon at kinabukasan. Habang kausap ko kayo, tinitingnan ko kung may kislap ng liwanag ng pag-asa sa inyong mga mata.

Kung minsa’y iniisip ko kung naaalala ninyo na kayo’y mga anak ng isang Ama sa Langit na nagmamahal sa inyo. Nang binyagan kayo, sinunod ninyo ang halimbawa ng inyong
Tagapagligtas at tinahak ang daang pabalik sa inyong tahanan sa langit. Sinabi ni Nephi na kayo ngayo’y “nasa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan; oo, kayo ay nakapasok na sa pasukan” (2 Nephi 31:18). Yamang nariyan na kayo sa landas na iyan, manatili lang kayo, at para magawa ito, magkaroon ng pag-asa, pag-asang tumatanglaw sa inyong daan.

Itinanong ni Mormon, “Ano ito na inyong aasahan?” Tatlong dakilang pag-asa ang sagot niya sa atin: “Kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan” (Moroni 7:41).

Nang binyagan kayo, nakasali kayo sa unang dakilang pag-asa, ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Tuwing marapat kayong nakikibahagi ng sakramento, may oportunidad kayong muling magsimula at magpakabuti. Para itong pagtalikod sa dating masama nating pag-uugali at pagsisimula sa isang bagong buhay.

Nakausap ko ang dalawang kabataang babaeng literal na ibinaon ang dati nilang gawi. May mga damit silang hindi ayon sa pamantayan ng pinagtipanang mga anak na babae ng Diyos, kaya humukay sila nang malalim sa lupa, inilagak ang lahat ng mahahalay nilang damit doon, at inilibing ito!

Mag-iibayo ang pag-asa at pananampalataya ninyo sa Tagapagligtas kung magsisisi kayo at magbabago na katumbas ng paglilibing ninyo sa inyong mga kasalanan. Maaari rin kayong patulong sa inyong mga magulang at bishop sa inyong pagpapakabuti. Kapag nagsisisi kayo at marapat na nakikibahagi ng sakramento, kayo’y “makalalakad sa panibagong buhay” (Mga Taga Roma 6:4). May pag-asa kayong nakikita dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo. Dahil nabinyagan kayo, nasa daan na kayo tungo sa buhay na walang hanggan. Manatili lang doon!

Ang ikalawang dakilang pag-asa ay ang Pagkabuhay na Mag-uli. Pinangakuan kayong lahat na sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo kayo’y mabubuhay na maguli, at batid ninyong pagkamatay ninyo, may buhay pang darating.

Ang pamangkin kong si Katie ay estudyanteng 20-taong-gulang sa unibersidad na puno ng pag-asa, na maraming talento at plano sa hinaharap. Apat na taon nang pumanaw si Katie sa isang aksidente sa kotse. Kahit hinahanap-hanap pa rin siya ng aming pamilya, batid naming muli namin siyang makakapiling at hindi kami nagaalala sa kanya. Nasa pitaka ni Katie ang kanyang rekomend sa templo na bigay ng kanyang bishop para mabinyagan siya para sa kanyang mga ninuno. Karapat-dapat si Katie. Bago siya namatay isinulat niya ito: “Kung huling araw ko na ngayon sa lupa, ito ang salitang iiwan ko. Gawing makabuluhan ang bawat araw....
Manatiling malapit sa Panginoon. Alamin ang lahat tungkol sa mga banal na kasulatan, sa ebanghelyo, sa mga likha ng Panginoon. . . .
Maglingkod . . . at laging alalahanin si Cristo sa Kanyang halimbawa at Pagbabayad-sala at magpursiging tularan Siya bawat araw.” Pinasok ni Katie Bangerter ang daan tungo sa buhay na walang hanggan, at nanatili roon.

Dahil kay Cristo kayo’y may “pagasang nakikita” at hindi ninyo kailangang mag-alalang masyado tungkol sa sakit, kamatayan, karalitaan, o iba pang paghihirap. Kakasihan kayo ng Panginoon. Ang responsibilidad ninyo ay sundin ang mga kautusan, magpakabusog sa mga salita ni Cristo, at manatili sa daan tungo sa inyong tahanan sa langit.

Sa pag-asa sa Pagbabayad-sala at sa Pagkabuhay na Mag-uli, may ikatlong dakilang pag-asa kayo, sa buhay na walang-hanggan. Dahil may
Tagapagligtas kayo, makakapagplano kayo hanggang sa kabilang buhay. Kung susunod kayo sa mga utos, pinangakuan kayo ng buhay na walanghanggan. Makapaghahanda rin kayo sa pamamagitan ng pag-aaral at pagiging “bihasa sa lahat ng mabuting aklat, at . . . wika, . . . at tao” (D at T 90:15). Alam ninyo na “anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli” (D at T 130:18).

Mapalad ako na magkaroon ng inang ginugol ang buhay sa paghahanda sa pagharap sa Diyos. Alam niya ang prinsipyo ng paglikha, pagkatuto, at paglilingkod. Ang sawikain niya’y: “Gampanan ang gawaing nagpapaunlad ng inyong kakayahan, at huhusay kayo.” May ilang pangyayari sa buhay niya na puno ng pakikipagsapalaran. Bata pa’y natira na siya sa masukal na Uintah Mountains kung saan nagtrabaho ang tatay niya. Natuto siyang pumutol ng matataas na puno, mangisda, at magkamping. Sa taglamig nag-aral siya sa lungsod, naglaro sa basketball team, at nag-aral tumugtog ng trumpeta. Nag-aral siya sa unibersidad at naging nars. Matapos makasal, nagmisyon silang mag-asawa sa Brazil at natuto roon ng Portuges. Naglakbay siya sa maraming bansa at nagturo ng ebanghelyo sa libu-libong tao. Arawaraw siyang nag-aaral ng banal na kasulatan, nakasulat ng ilang aklat ukol sa kasaysayan ng mag-anak, gumawa sa templo, sumusubaybay sa 62 apo, at nakakaluto ng 600 doughnut sa isang umaga!

Ang nanay ko ay nanatili sa landas ng Tagapagligtas taglay ang di-natitinag na pananampalataya sa Kanya (tingnan sa 2 Nephi 31:19) sa buong buhay niya. Gumigising siya sa umaga na sabik sa mga bagong pakikipagsapalaran. Para sa kanya, ang buhay ay napakasaya, at marami pa siyang dapat matutuhan.

Dahil may Tagapagligtas kayo, naniniwala rin kayo sa maligayang buhay at walang-hanggang paglikha, paglilingkod, at pagkatuto. Kayo’y nasa makipot at makitid na landas, at may pag-asang naghihintay sa inyo.

Ilang taon na ang nakalipas, kasama ko ang marangal kong 97-taonggulang na lola. Habang nakatalungko siya sa kanyang wheelchair, mahina at halos bulag na, tahimik niyang ikinuwento ang kanyang buhay. Sabi niya, “Masamang mundo ito. Napakaraming tukso at hamon. Posible kayang manatiling marapat at makabalik sa ating Ama sa Langit?” Dahan-dahan siyang umupo nang tuwid at sinabi sa pautos na tinig: “Oo! Dapat! Kaya ka nga naririto!” Salamat, Lola, sa pagtuturo sa akin tungkol sa pag-asa.

Gaya ni Katie, ng nanay ko, at ng limang-taong-gulang na si Hope, makakagising kayo araw-araw na sabik sa mga bagong pakikipagsapalaran na may pag-asang nasisilay dahil may Tagapagligtas kayo. Bininyagan kayo sa Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dapat lang kayong manatili rito at sumulong na may liwanag ng pag-asa sa inyong tahanan sa langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy