The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Abril 2003
Nagdudulot ng Kapayapaan at Galak ang Manampalataya sa Gitna ng mga Pagsubok

Nagdudulot ng Kapayapaan at Galak ang Manampalataya sa Gitna ng mga Pagsubok

ELDER ROBERT D. HALES
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

ELDER ROBERT D. HALES

Gaano man kadilim ang mga kalagayan sa daigdig ngayon, anuman ang mga pansariling unos na kinakaharap natin
. . . mapasasaatin ang kagalakang ito ngayon.

Matapos turuan ang maraming tao, naghanda si Jesus at ang Kanyang mga disipulo na maglayag patungo sa silangang baybayin ng Dagat ng Galilea. Gabi noon at payapang natutulog ang Tagapagligtas sa likuran ng barko. Di nagtagal “nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa’t ang daong ay halos natitigib.” Dahil sa takot, ginising Siya ng mga disipulo: “Guro, wala bagang anoman sa inyo na mapahamak tayo?”1 Tulad ng inaasahan, kalmado Siyang sumagot: “Bakit kayo’y nangatatakot, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya?”2 “At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon.”3

Siya na lumikha ng mundo ay nag-uutos na muli sa mga elemento.4 Nanggigilalas na tinanong ng Kanyang mga disipulo, “Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?”5

Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Malaking unos ng kasamaan ang narito sa mundo. Napaliligiran tayo ng kasamaan na tulad ng malalakas na hangin: ang alon ng digmaan ay humahampas sa daong natin. Tulad ng isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,
. . . Na may anyo ng kabanalan, datapuwa’t tinanggihan ang kapangyarihan nito.”6

Totoong naliligiran tayo ng panganib, ngunit tulad nang mapanatag ng mga salita ng Tagapagligtas ang mga Apostol sa bangka, mapapanatag din tayo ng mga ito ngayon: “At kung mangakarinig kayo ng mga digma at ng mga alingawngaw ng mga digma, ay huwag kayong mangagulumihanan: ang mga bagay na ito ay dapat na mangyari; datapuwa’t hindi pa ang wakas.”7 “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”8 Kay Elias ay sinabi ni Jehova, “Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” Sumunod si Elias, at matapos ang malakas na hangin at lindol at apoy, nakarinig siya ng “isang marahang bulong na tinig.” Tinanong ng Panginoon si Elias, na nagtatago sa yungib, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” At sumagot si Elias, “Sapagka’t pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta; at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang buhay ko, upang kitlin.” Ngunit may mahalagang ipagagawa ang Panginoon kay Elias, kaya “sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka sa iyong lakad.”9 Kaya umalis si Elias.

Tayo man ay may mahalaga ring gawain. Sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Kanyang Espiritu, tutulungan tayo ng Panginoon.

Tandaan na tinuruan Niya ang kapatid ni Jared kung paano gumawa ng sasakyang-dagat upang tulungang makatawid nang ligtas ang kanyang pamilya sa malawak na karagatan, upang maligtas sila laban sa mga hangin at alon, at dalhin sila sa lupang pangako.

Kakaiba ang disenyo ng sasakyangdagat nila ngunit ligtas na ligtas: “At ito ay nangyari na, na kapag sila ay nalilibing sa kailaliman ay walang tubig na makapipinsala sa kanila, . . . at walang halimaw ng dagat ang makawawasak sa kanila, ni balyena na makapipinsala sa kanila.”10

Gayunman, walang ilaw ang mga sasakyang-dagat na ito. Nabahala rito ang kapatid ni Jared. Ayaw niyang maglakbay sa dilim ang kanyang pamilya; kaya, sa halip na maghintay na utusan pa, dinala niya ang suliranin sa Panginoon. “At sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared: Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat”11

Ang sagot ng kapatid ni Jared sa tanong na ito ay nangailangan ng masigasig na paggawa mula sa kanya: Inakyat niya ang Bundok Selem at “tumunaw mula sa isang malaking bato ng labing-anim na maliliit na bato.”12 Pagkatapos ay nagsumamo siya sa Panginoon na hawakan ang mga batong iyon upang magbigay-liwanag.

Bilang mga magulang at lider dapat nating tandaang “hindi nararapat na [ang Panginoon] ay mag-utos sa lahat ng bagay.”13 Tulad ng kapatid ni Jared, dapat isaalang-alang nating mabuti ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng ating pamilya, pagplanuhang tugunan ang mga iyon, at pagkatapos ay ipanalangin ito sa Panginoon. Kakailanganin nito ang pananampalataya at pagsisikap mula sa atin, ngunit tutulungan Niya tayo kapag hiniling natin ito at ginawa ang Kanyang kagustuhan.

Matapos niyang makipag-usap sa Panginoon, patuloy na masigasig na naghanda para sa paglalakbay ang kapatid ni Jared.14 Gayundin dapat tayong makinig sa turo ng ating mga propeta. Paulit-ulit tayong pinapayuhan ng mga buhay na propeta na ayusin ang ating buhay—huwag mangutang, mag-imbak ng pagkain at ibang pangunahing bagay, magbayad ng ikapu, magtamo ng angkop na edukasyon, at sundin ang mga kautusan. Nasunod na ba natin ang mahahalagang tagubiling ito?

Habang tumitingin tayo sa mga mata ng ating mga anak at apo, nakikita natin ang pag-aalinlangan at takot sa ating panahon. Saan mang bahagi ng mundo magtungo ang mga minamahal nating ito, mababalitaan nila ang kawalan ng trabaho, kahirapan, digmaan, imoralidad, at krimen. Magtatanong sila, Paano namin malalampasan ang mga problemang ito?

Upang makahanap ng sagot, titingin sila sa atin muli at makikinig sa ating salita. Naririnig ba nilang nagsasalita tayo nang may pananampalataya at pag-asa, sa kabila ng mga pagsubok sa ating panahon?

Kailangang makita nilang patuloy tayong sama-samang nananalangin at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nagdaraos ng family home evening, naglilingkod nang tapat sa mga tungkulin natin sa Simbahan, regular na dumadalo sa templo, at sumusunod sa ating mga tipan. Kapag nakikita nila ang ating kasigasigan sa pagsunod sa mga kautusan, nababawasan ang kanilang takot at nadaragdagan ang kanilang pagtitiwala sa Panginoon.

Sa pagpapakita natin ng pananampalataya sa gitna ng pagsubok, tinitiyak natin sa kanila na ang poot ng kalaban ay hindi nakamamatay. Nanalangin si Jesus sa Kanyang Ama para sa atin: “Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.”15 Sasagutin ang panalanging iyan sa kapanahunan ng Ama sa Langit, ayon sa ating pananampalataya.

Samantala, may kahulugan at layunin ang mga hamon natin sa mundo. Tingnan natin ang Propetang Joseph Smith: buong buhay siyang nakaranas ng nakapanlulumong mga hadlang— sakit, aksidente, kahirapan, di pagkakaunawa sa kanya, pagpaparatang, at pag-uusig. Maaaring may matuksong magtanong, Bakit hindi ipinagtanggol ng Panginoon ang Kanyang Propeta mula sa gayong mga hadlang, bigyan siya ng di maubus-ubos na pondo, at pigilin ang mga bibig ng mga nagpaparatang sa kanya? Ang sagot ay, Bawat isa sa atin ay dapat makaranas nang gayon upang maging mas tulad ng ating Tagapagligtas. Sa buhay, madalas nagsisilbing guro ang sakit at paghihirap, ngunit layunin ng mga leksyong ito na magdalisay at magbasbas at magpalakas sa atin, hindi upang wasakin tayo. Sinabi ng Panginoon sa matapat na si Joseph:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang.”16

“Kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; kung ang kalangitan ay magtipon ng kadiliman, at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan, . . . alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”17

Sa kabila ng maraming paghihirap sa buhay ng Propetang Joseph, naisagawa ang mga dakilang bagay para sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito. Naunawaan ni Joseph at itinuro sa atin na tuwing siya ay nahihirapan sa kanyang mga suliranin, hindi siya pinababayaan ng Panginoon. Gayundin, ang mga pagsubok sa ating pananampalataya ay mga hindi mababayarang pagkakataon upang matuklasan kung gaano magmalasakit ang Panginoon sa ating kapakanan upang matulungan tayo na makapagtiis hanggang wakas.

Sa ating panahon, inaabot tayo ng umaalalay na bisig ng Panginoon sa pamamagitan ng mga ordenansa sa Kanyang mga banal na templo. Sinabi ng Propetang Joseph sa naunang mga banal sa Nauvoo, “Kailangan ninyo ng endowment, mga kapatid, upang maging handa at makaya ninyong madaig ang lahat ng bagay.”18 Talagang tama siya! Ang mga tipan sa templo at ang mapagkalooban ng kapangyarihan ang nagpangyari upang makaya ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagsubok nang may pananampalataya. Sa dulo ng kanyang sariling paglalakbay bilang tagabunsod, isinulat ni Sarah Rich, “Kundi dahil sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin sa templo . . . ang paglalakbay namin ay maaaring naging parang . . . pagtalon sa kadiliman.”19

Naantig ako sa tindi ng pagsubok na naranasan ng Tagapagligtas. Kahit na Siya ang Tanging Bugtong na Anak ng Ama, tinangka na sa simula pa lang ng masasamang tao na patayin Siya. Sa Kanyang buong ministeryo, nakasunod sa Kanya saanman Siya magpunta ang napakatinding mga usap-usapan, kasinungalingan, at paguusig laban sa Kanya.

Lubos akong naantig habang isinasaalang-alang ko ang huling linggo ng Kanyang buhay: hinamon ng mga punong saserdote ang Kanyang awtoridad, sinubukang mahulog Siya sa kanilang bitag, at dalawang beses na nagsabwatang patayin Siya. Sa Getsemani, habang natutulog ang Kanyang mga disipulo, nagdusa Siya para sa kasalanan ng sanglibutan at may lumabas na dugo sa bawat butas ng Kanyang balat. Siya ay ipinagkanulo, hinuli, tinanong, hinampas, dinuraan, at binugbog. Matapos tanungin ng namumunong konseho, kinutya Siya ni Herodes at sa huli’y dinala kay Pilato, kung saan pinaharap Siya sa mga galit na pulutong ng tao. Matapos latiguhin at koronahan ng tinik, sapilitan Siyang dinala sa Kanyang Krus sa Golgota. Ipinako ang Kanyang mga kamay at paa. Ipinagitna Siya sa dalawang magnanakaw. Pinagsugalan ng mga kawal ang Kanyang ari-arian at binigyan Siya ng suka bilang pamatiduhaw. Makalipas ang anim na oras,20 itinagubilin Niya ang Kanyang espiritu sa mga kamay ng Kanyang Ama, isinuko ang kaluluwa, at namatay.

Habang minamasdan natin sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas mula sa ating makalupang pananaw, maaaring ang una nating maiisip ay puno ito ng pagdurusa at pagkawasak. Maaaring ang tanging makita natin ay ang ina ng Tagapagligtas at ang iba na umiiyak sa ibaba ng krus, mga natatakot na kawal, ang yumaganig na lupa, nangadudurog na bato, ang pagkapunit sa dalawa ng tabing ng templo, at tatlong oras na kadiliman na tumakip sa lupain. Ang gayon ding pagbagyo at pagkawasak ay nangyari sa Bagong Daigdig. Sa madaling salita nakikita natin ang pagragasa ng nagngangalit na unos.

Ngunit tumingin kayong muli—sa pagkakataong ito sa pamamagitan ng matang may pananampalataya.

Sa napakahirap at huling linggo ng Kanyang buhay, isaalang-alang na nagturo, nagpatotoo, naghikayat, nagbasbas, at nagpalakas si Jesus sa mga nakapaligid sa Kanya. Binuhay Niya si Lazaro mula sa mga patay, nagturo tungkol sa Kanyang Ama, inayos ang templo, nagbigay ng ilang talinghaga, nasaksihan ang pag-aalay ng babaing balo ng kanyang lepta, tinagubilinan ang Kanyang mga disipulo tungkol sa mga tanda ng Kanyang Ikalawang Pagparito, dinalaw ang bahay ni Simon na ketongin, pinangasiwaan ang sakramento, hinugasan ang mga paa ng mga Apostol, at tinuruan ang Kanyang mga disipulo na mahalin ang isa’t isa. Pinatotohanan Niya ang Kanyang kabanalan bilang Anak ng Diyos at itinuro ang tungkol sa Mangaaliw— ang Espiritu Santo. Sa dakila Niyang Panalangin ng Pamamagitan, ipinanalangin niya sa Kanyang Ama ang Kanyang mga Apostol at lahat ng naniniwala sa kanilang mga salita, “upang sila’y mangagtamo ng [Kanyang] kagalakang ganap sa kanila rin.”21

Sa Kanyang pinakamadilim na sandali, hindi nawala ang liwanag ng kapayaapan at galak. Lalo pa itong lumiwanag! Pagkamatay Niya nagpakita Siya kay Maria Magdalena. Anong galak marahil ang nadama sa umagang iyon nang kumalat ang balita: “Siya’y nagbangon!”22 Pagkaraa’y nagpakita siya sa mga babae sa daan; kay Cleopas at isang disipulo na naglalakbay patungong Emaus; sa mga Apostol at disipulo sa silid sa itaas; kay Tomas na nag-alinlangan; at sa iba pa. Muli, may galak at pagsasaya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli.23

Ngunit hindi lang ito. Sa pangitain, nakita ni Pangulong Joseph F. Smith— isang propeta, tagakita, at tagapaghayag—ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu:

“At doon ay natipong sama-sama sa isang lugar ang hindi mabilang na pangkat ng mga espiritu ng mga matwid, na naging matatapat sa patotoo ni Jesus samantalang sila ay nabubuhay sa lupa. . . .

“Lahat sila ay lumisan sa buhay na may kamatayan, matatag sa pag-asa sa isang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, . . . [at] sila ay napuspos ng tuwa at galak at magkakasamang nagsaya, dahil ang araw ng kanilang kaligtasan ay dumating na.

“Sila ay sama-samang naghintay sa pagparito ng Anak ng Diyos sa daigdig ng mga espiritu, upang ipahayag ang kanilang katubusan mula sa mga gapos ng kamatayan.

Alam ng matatapat na espiritung ito na di magtatagal “ang kanilang natutulog na alabok ay ibabalik sa ganap na pangangatawan nito, buto sa kanyang buto, at ang mga litid at laman sa mga ito, ang espiritu at ang katawan na pagsasamahin upang hindi na kailanman muling maghihiwalay, upang sila ay makatanggap ng ganap na kagalakan.”

“[At] habang ang napakakapal na pulutong na ito ay naghihintay at naguusap, nagsasaya sa oras ng kanilang kaligtasan mula sa mga tanikala ng kamatayan, ang Anak ng Diyos ay nagpakita, nagpapahayag ng kalayaan sa mga bihag na naging matatapat.”24

Mga kapatid, gaano man kadilim ang mga kalagayan sa daigdig ngayon, anuman ang mga pansariling unos na kinakaharap natin, sa ating mga tahanan at pamilya, mapasasaatin ang kagalakang ito ngayon. Minsan hindi natin maunawaan ang kamatayan, karamdaman, kapansanan sa isip at katawan, pansariling trahedya, digmaan, at iba pang kaguluhan. Ilan sa mga ito ay kinakailangang bahagi ng ating pagsubok sa mundo. Ang iba, katulad ng nakinita noon ni Enoc, ay bahagi ng paghahanda para sa Ikalawang Pagparito, kung kailan “ang kalangitan ay magdidilim, at isang tabing ng kadiliman ay babalot sa mundo, at ang kalangitan ay mayayanig, at gayon din ang lupa; at matinding paghihirap ang mapapasa mga anak ng tao, subalit, ”wika ng Panginoon, “ang aking mga tao ay pangangalagaan ko.” At nang makita ni Enoc ang lahat ng bagay na ito, “nakatanggap siya ng ganap na kagalakan.”25

Sa umagang ito, sa panahong ito ng kapanganakan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, masaya akong nagpapatotoo na Siya ay tunay na nagtungo sa daigdig na ito, nagdusa para sa ating mga kasalanan, at magbabalik na muli. Ang pananampalataya natin sa Kanya at pagsunod sa Kayang mga utos ay magdudulot ng “ganap na kaliwanagan at pag-asa”26 at papawi ng kadiliman at lungkot ng kawalang-pag-asa sa magugulong panahong ito. Ang Isang may kapangyarihang payapain ang mga elemento ng mundo ay may kapangyarihang payapain ang ating kaluluwa, “Pumayapa, tumahimik ka.”27

Pinatotohanan ko ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Marcos 4:37–38.
2. Mateo 8:26.
3. Marcos 4:39.
4. Tingnan sa James E. Talmage
, Jesus the Christ, ika-3 edisyon (1916), 309.
5. Marcos 4:41.
6. 2 Ni Timoteo 3:1–2, 5.
7. Marcos 13:7.
8. D at T 38:30.
9. Tingnan sa I Mga Hari 19:11–15.
10. Eter 6:7, 10.
11. Eter 2:23.
12. Eter 3:1.
13. D at T 58:26.
14. Tingnan sa Eter 6:4.
15. Juan 17:15.
16. D at T 121:7.
17. D at T 122:7.
18.
History of the Churh, 2:309.
19. Sarah DeArmon Pea Rich, “Autobiography, 1885–1893,” Family and Church History Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Mga Huling araw, 66.
20. Tingnan sa
Jesus the Christ, 660.
21. Juan 17:13.
22. Mateo 28:6.
23. Tingnan sa “New Testament Times at a Glance: The Savior’s Final Work,”
Liahona, Abr. 2003, 26–29..
24. D at T 138:12, 14–18; idinagdag ang pagbibigay-diin.
25. Moises 7:61, 67.
26. 2 Nephi 31:20.
27. Marcos 4:39.

 
© 2009 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy