Pangulong Gordon B. Hinckley
Sa dakilang bulwagang ito . . . magmumula ang mga tinig ng mga
propeta para sa lahat ng tao bilang patotoo sa Manunubos ng sangkatauhan.
Mga minamahal kong kapatid, kahanga-hanga kayong pagmasdan, kahanga-hanga ang
malaking kongregasyong ito ng mga Banal sa Huling Araw na nagtipun-tipon sa bago
at kahanga-hangang gusaling ito.
Hindi pa tapos ang organo, at marami pang detalye ng pagbuo ang dapat asikasuhin.
Subalit mapalad na tapos na ang malaking bahagi kung kaya't
nagamit natin para sa komperensiyang ito. Sa pagsasalita hinggil dito mga isang
taon na ang nakalilipas, ipinahayag ko na maaaring hindi natin mapuno ito sa
unang pagkakataon na ito'y gamitin. Tatlo at kalahating
beses sa dami ng maaaring maupo sa Tabernakulo ang malululan nito. Subalit ngayon
pa lang ay may problema na tayo. Napupuno na ng tao ang lahat ng upuan.
Sa apat na pangkalahatang sesyon at sa sesyon ng pagkasaserdote, mga 100,000
ang maaaring maupo sa loob. Ang hinihinging tiket sa amin ay 370,000. Ang Tabernakulo
at Bulwagan ng Pagpupulong ang magsisilbing lugar para sa mga hindi makapapasok.
Subalit sa lahat ng ito, marami, napakarami ang malulungkot. Humihingi po kami
ng paumanhin. Patawarin po ninyo kami. Wala sa aming kakayahan ang may magawa
pa tungkol dito. Napakaraming nais dumalo ng unang komperensiyang ito sa bagong
bulwagan. Sa kasamaang-palad, hindi iyon posible. Medyo nabigla ako na malaman
na ang mga tao sa sarili kong purok, na nasa malapit at minamahal ko ay hindi
nakatanggap ng mga tiket.
Subalit nagpapasalamat kami sa sigasig ng mga Banal sa mga Huling Araw hinggil
sa bagong pook- pulungang ito. Nawa'y magpatuloy
ang sigasig na iyan at laging mapuno ang bulwagang ito sa bawat komperensiya
sa hinaharap.
Ito ang pinakabago sa sunud-sunod na pook-pulungan na itinayo ng ating mga
kapanalig. Noong unang dumating sila sa lambak na ito, nagtayo sila ng kubol.
Tinabingan sila nito mula sa araw ngunit hindi nagbigay ng init at kakaunti
ang dulot na ginhawa. Pagkatapos ay itinayo nila ang lumang Tabernakulo. Sinundan
iyon ng bagong Tabernakulo, na nagamit natin nang napakainam sa loob ng mahigit
130 taon.
Ngayon sa makasaysayang panahong ito, habang nagsisimula tayo ng bagong siglo
at ng bagong milenyo, itinayo natin ang bago at kahanga-hangang Sentro ng Komperensiya
na ito.
Lahat ng ginawa noon ay isang malaking pakikipagsapalaran, lalo na ang Tabernakulo.
Kakaiba ang disenyo nito. Wala pang nakapagtayo ng gusaling gayon noon. Kakaiba
pa rin ito ngayon. Kahanga-hangang bulwagan iyon at patuloy na magiging gayon.
Mananatili itong buhay, sapagkat naniniwala ako na may sariling buhay ang mga
gusali. Magagamit pa ito sa matagal na panahon.
Ang pagtatayo ng gusaling ito ay isang matapang na pakikipagsapalaran. Nag-alala
tayo tungkol dito. Nanalangin tayo tungkol dito. Nakinig tayo sa mga bulong
ng Espiritu hinggil dito. At tanging kapag nadarama natin ang nagpapatibay na
tinig ng Panginoon tayo nagpapasiyang magpatuloy.
Noong pangkalahatang komperensiya ng Abril 1996, sinabi ko: "Ikinalulungkot
ko na maraming nais makipagpulong sa atin sa Tabernakulo ngayong umaga ang hindi
nakapasok. Napakaraming nasa paligid ng tabernakulo. Ang kakaiba at kahanga-hangang
bulwagang ito, na itinayo ng ating mga tagabunsod na ninuno at kanilang itinalaga
sa pagsamba sa Panginoon ay maginhawang nakapaglalaman ng 6,000. Ang ilan sa
inyo na nakaupo sa loob ng dalawang oras sa matitigas na bangkong iyan ay maaring
pag-alinlanganan ang salitang maginhawa.
"Ang puso ko'y nasa mga nagnanais pumasok
subalit hindi na maaaring papasukin. Nagpanukala ako sa mga Kapatid mga isang
taon na ang nakalilipas na marahil panahon na upang pag-aralan ang pagtatayo
ng isa pang ilalaang bahay sambahan na higit na malaki na maaaring maglaman
ng tatlo o apat na beses ang dami sa maaaring maupo sa gusaling ito" (sa
Conference Report, Abr. 1996, 8889; o Ensign, Mayo 1996, 65).
Malinaw sa isipan ang pagtatayo ng bagong bulwagan. Maraming estilong pang-arkitektura
ang pinag-aralan. Sa huli ay may isang pinili. Binubuo ito ng malaking gusali
na maglalaman ng 21,000 na may kasamang teatro na maglalaman ng isang libo pa.
Walang mga haligi sa loob na haharang sa paningin ng tagapagsalita. Magkakaroon
ng mga puno at dumadaloy na tubig sa bubong.
Pinagsimulan ang gawain noong Hulyo 24, 1997, ang ika-150 taong anibersaryo
ng pagdating ng mga unang tagabunsod sa lambak na ito. Makasaysayang pangyayari
iyon.
Hindi pa natin alam noong panahong iyon, subalit noong 1853, tinutukoy ang
mga templo, sinabi ni Brigham Young, "Darating ang panahon na . . .
magtatayo tayo . . . sa itaas, ng mga kakahuyan at gawa-gawang lawa
para sa mga isda" (Deseret News Weekly, 30 Abr. 1853, 46).
Noong 1924 isinulat ni Elder James E. Talmage ng Kapulungan ng Labindalawa,
"Malaon ko nang nakinita ang posibleng pagtatayo ng malaking gusali sa
hilagang bahagi ng Tabernakulo, na maglalaman marahil ng dalawampung libong
tao o marahil ay doble pa ng bilang na iyan, na may mga amplifier na may kakayahan
upang iparinig sa lahat ng tao ang mga talumpating ibinibigay mula sa mga pulpito
ng Tabernakulo, at bukod dito'y isinasahimpapawid
at naririnig sa maraming kapilya o iba pang bahay pulungan sa buong rehiyon
sa mga kabundukan" (talaarawan ni James E. Talmage, 29 Ago. 1924, Special
Collections and Manuscripts, Aklatan ni Harold B. Lee, Brigham Young University,
Provo, Utah).
Noong 1940 ay pinaguhit ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang kanilang
arkitekto ng plano para sa isang gusali na maglalaman ng 19,000 at itatayo sa
mismong kinatitirikan ng gusaling ito. Iyon ay 60 taon na ang nakalilipas. Pinag-isipan,
tinalakay nila ito, subalit sa huli'y hindi itinuloy.
Ang mga pangungusap at hakbang na ito ay sadyang mga kahanga-hangang propesiya.
Wala tayong nalalaman noon tungkol sa mga ito. Lahat ng ito'y
ating napagbigyang-pansin mula nang simulan natin ang pagtatayo.
Hindi pa tayo nagtatayo ng templo na may mga puno at gawa-gawang lawa para
sa mga isda sa bubong. Ngunit sa gusaling ito maraming mga puno at dumadaloy
na tubig. Maaaring nakita ni Brigham Young ang gusaling ito na napakalapit sa
templo. Nasa atin na ang naisip ni Kapatid na Talmage, at higit pa roon. Ang
mga pulong na ito'y hindi lamang maririnig ng lahat
ng nakaupo sa Sentro ng Komperensiya, dadaan ito sa radyo, telebisyon, at kable,
at isasahimpapawid ito ng satelayt sa Europa, Mexico, hanggang sa Timog Amerika.
Higit na malayo ang naaabot natin kaysa sa mga bulubunduking binanggit ni Kapatid
na Talmage. Umaabot tayo sa labas ng Estados Unidos at Canada. Sa katunayan
ay umaabot tayo sa kabilang panig ng mundo.
Tunay na kahanga-hanga ang gusaling ito. Wala akong nalalamang gusali na sadyang
itinayo para sa pagsamba na kasing laki at kasing dami ng maaaring dumalo. Maganda
ang disenyo, yari at mga kasangkapan nito. Gawa ito sa matibay na konkreto na
naayon sa pinakamataas na antas ng sismograpiko na kailangan sa pook na ito.
Ang semento ay pinatungan ng granito na kinuha sa tibagan na pinagkunan din
ng mga bato para sa templo. Maging ang mga bahid sa granitong iyon ay makikita
sa dalawang gusali.
Maganda at kahanga-hanga ang loob ng gusali. Ito ay malaki at ginawa upang
walang makitang sagabal ang tagapagsalita. Ang mga karpet, marmol, mga pinalamutiang
dingding, magagarang kasangkapan, mga kahanga-hangang tabla ay nagpapakita ng
kahalagahan na may karingalan.
Tiyak na ito ay dakilang karagdagan sa ganda ng lungsod. Hindi lamang gaganapin
dito ang ating mga komperensiya, at ilang iba pang pulong panrelihiyon, kundi
magsisilbi rin itong sentrong pangkultura para sa mga pinakamahusay na pagtatanghal
na pangsining. Inaasahan nating paparito rin ang mga hindi natin kasampalataya,
at madarama ang magandang kapaligiran ng lugar na ito at makadama ng pasasalamat
na ito'y naririto. Pinasasalamatan natin ang lahat
ng nagtrabaho nang husto upang maihanda ito--ang mga arkitekto, na nakapulong
namin nang maraming beses; ang mga pangkalahatang kontratista, tatlo sa kanila
ang nagsama-samang gumawa; ang iba pang kontratista; at ang daan-daang manggagawa
na nagtrabaho rito; ang mga tagapamahala; ang mga tagasiyasat ng gusali ng lungsod;
at ang lahat lahat ng tumulong sa proyektong ito. Sama-samang silang gumawa
ng napakalaking gawain upang makapagpulong tayo ngayong umaga. Ikinalulugod
kong sabihin na kasama natin ang marami sa kanila.
At ngayon mga kapatid, nais kong ikuwento sa inyo ang isa pang katangian ng
kahanga-hangang gusaling ito. Sana ay mapatawad ninyo ako kapag medyo naging
personal at sentimental ako.
Mahilig ako sa mga puno. Noong bata pa ako ay tumitira kami sa isang taniman
kapag tag-araw, taniman ng mga punong namumunga. Taun-taon sa mga panahong ito
ay nagtatanim kami ng mga puno. Sa palagay ko'y
wala pa akong napalampas na tagsibol mula noong ako'y
mag-asawa maliban sa dalawa o tatlong taon na wala kami sa lungsod, na hindi
ako nakapagtanim ng mga puno, kahit man lamang isa o dalawa--mga punong namumunga,
punong panlilim, mga palamuting puno, at spruce, fir, at pino na kabilang sa
mga conifer. Mahilig ako sa mga puno.
Mga 36 na taon na ang nakalilipas ay nagtanim ako ng black walnut. Itinanim
ko ito sa lugar na maraming puno kung saan lumaki nang tuwid at matayog upang
masinagan ng araw. Noong isang taon, sa di malamang kadahilanan ito ay namatay.
Subalit mahal na kahoy-pangmuweble ang walnut. Tinawagan ko si Kapatid na Ben
Banks ng Pitumpu, na bago ibinigay ang buong oras sa Simbahan ay nasa negosyo
na may kinalaman sa mga kahoy. Dinala niya ang dalawa niyang anak na lalaki,
isang obispo at isang katatapos lamang na hahalinhang obispo na siya ngayong
nagpapatakbo ng negosyo, upang tingnan ang puno. Nasabi nila na ito'y
buo, mahusay, at magandang kahoy. Isa sa kanila ang nagmungkahi na maaari itong
gawing pulpito para sa bulwagang ito. Natuwa ako sa ideya. Pinutol ang puno
at hinati sa dalawang mabigat na troso. Pagkatapos ay sinundan ito ng matagal
na proseso ng pagpapatuyo, una ay sa likas na paraan at pagkatapos ay sa pamamagitan
ng makina. Ang mga troso ay ginawang tabla sa isang lagarian sa Salem, Utah.
Pagkatapos ay dinala ang mga tabla sa tistisan ng Fetzer, kung saan nililok
at ginawa ng mga dalubhasa ang kahanga-hangang pulpitong ito sa pamamagitan
ng kahoy na iyon.
Maganda ang kinalabasan. Sana ay masuri ninyong lahat ito nang malapitan. Nagpapakita
ito ng mahusay na paggawa, at dito ngayon ako ay nagsasalita mula sa puno na
itinanim ko sa aming bakuran, kung saan din naglaro at lumaki ang aking mga
anak.
Malapit ito sa puso ko. Nagtanim ako ng isa o dalawa pang black walnut. Matagal
na akong lumisan bago sila lumaki nang husto. Kapag dumating ang araw na iyon
at naluma na ang magandang pulpitong ito, marahil ay maaaring pamalit ang isa
sa kanila. Kay Elder Banks at sa kanyang mga anak, sina Ben at Bradley, at sa
mga dalubhasa na nagdisenyo at gumawa nito, nagpapasalamat ako nang buong-puso
na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa dakilang bulwagang ito kung saan magmumula
ang mga tinig ng mga propeta para sa lahat ng tao bilang patotoo sa Manunubos
ng sangkatauhan.
At gayon din sa lahat ng nagtayo ng sagradong gusaling ito, at sa lahat sa
inyo na naririto sa makasaysayang okasyong ito, ipinararating ko sa inyo ang
aking pasasalamat, pagmamahal at pasasalamat para sa araw na ito at sa sagrado
at magandang sambahang ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.