Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ang patuloy na pagpapalawak na teknolohiya ay magdadala lamang sa atin ng mga mensahe. . . .[Ngunit ang] hamon ng bawat tao at mag-anak . . . ay isagawa ang mga mensahe ng ebanghelyo.
Kina Brother Ted E. Davis, Donald D. Salmon, at Frank M. McCord: bilang miyembro ng Simbahan nais kong personal na magpasalamat sa inyo para sa hindi mabilang na mga oras, araw at taon na inyong ginugol para tiyakin sa akin na ang lahat sa Simbahan, na nauukol sa mga pagtutuos, ay nasa tamang ayos. Ito ay taos-pusong pinahahalagahan, natitiyak ko, ng halos 11 milyong iba pang mga miyembro ng Simbahang ito. Maraming salamat.
Sa mga nakaraang taon, pinagmasdan natin nang may malaking pananabik ang pagtatayo nitong magandang Sentro ng komperensiya. Ngayon ay nasumpungan natin ang ating mga sarili na nasa loob nito na tinatamasa ang makasaysayang pangkalahatang komperensiyang ito kasama ang libu-libong naririto upang pakinggan ang mga salita ng mga propeta. Ito ay tiyak na pagsisimula ng bagong panahon sa kasaysayan ng Simbahan--panahon ng mas malawak, mas matinding pag-abot at impluwensiya, isang panahon ng mas malaking pag-unlad at pag-iral.
Bago ang huling pagpupulong ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa noong nakaraang taon, si Pangulong Hinckley, na nadama ang mga pagbabagong magaganap, ay nagmungkahi na magtungo kami sa templo na nag-aayuno at tapusin ang taon, ang siglo at ang milenyo, sa pulong na may pag-aayuno at pagpapatotoo. Upang hindi makagambala sa diwa ng patotoo, hiniling niya na isantabi muna namin ang anumang bagay sa natatanging pulong na ito, at ilaan ito sa bagong taon.
Ang pulong ay isang espiritwal na pagpipista na puspos ng patunay at patotoo tungkol sa Panginoon at Tagapagligtas. Matapos tumanggap ng sakramento, ang bawat miyembro ng Labindalawa ay tumayo at nagpatotoo sa misyon ni Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang tatlong huling patotoo ay ibinigay ng mga miyembro ng Unang Panguluhan, ang pangwakas ay ibinigay ni Pangulong Hinckley. Iyon ay taimtim subalit masayang okasyon habang napalakas ang bawat isa sa amin ng matitibay na mga patotoo.
Idinagdag ni Pangulong Hinckley sa kanyang malakas, madamdaming patotoo ang listahan ng mga alalahanin sa hinaharap. Ang isa sa kanyang mga alalahanin ay tumimo nang bahagya sa aking isipan. Ang kanyang inaalala ay dahil sa mabilis na paglaki ng Simbahan sa buong daigdig, magiging lubos na mahirap para sa mga apostol ang abutin ang lahat ng miyembro ng Simbahan at personal na payuhan sila na ipamuhay ang ebanghelyo. Samakatwid, ang hinaharap ay lubos na aasa sa teknolohiya upang dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa Simbahan sa buong mundo.
Sa pagrerepaso namin ng banal na kasaysayan na nasa mga banal na kasulatan, nakita namin ang gayunding mga pangyayari nang ang propeta ng Diyos ay nakakikita ng mahahalagang pagbabago sa hinaharap. Nakawiwili na kapag mayroong gayong kritikal na pangyayaring magaganap, dakila at inspiradong pagbibigay-pansin at detalye ang kapwa ibinibigay sa mensaheng iprinopesiya at sa paraang ito ay ipinadala--gayon nga, ang teknolohiyang ginagamit upang dalhin ang mensahe ng ebanghelyo.
Naalaala ko ang kahanga-hangang pangaral ni Haring Benjamin na ibinigay sa kanyang mga tao, na matatagpuan sa unang mga kabanata ng Aklat ni Mosias. Ang matwid na haring ito ay naglingkod nang mahaba at matapat sa kanyang mga tao. Panahon na upang ibigay ang pamumuno sa kanyang anak. Bago niya ginawa ito, ninais niyang mag-iwan ng kanyang patunay at patotoo tungkol sa kanyang Panginoon at Tagapagligtas sa kanyang mga tao. Ninais niya munang tagubilinan ang kanyang mga anak, "nang sa gayon sila ay maging mga lalaking may pang-unawa; at upang kanilang malaman ang hinggil sa mga propesiyang sinabi ng mga bibig ng kanilang mga ama, na ibinigay sa kanila ng kamay ng Panginoon" (Mosias 1:2).
Tinuruan din niya sila hinggil sa mga talaan na nakaukit sa mga laminang tanso, sinasabing: "Aking mga anak, nais kong inyong pakatandaan na kung hindi sa mga laminang ito, na naglalaman ng mga talaan at kautusang ito, nagdusa na marahil tayo sa kamangmangan, maging hanggang sa ngayon, hindi nalalaman ang mga hiwaga ng Diyos" (Mosias 1:3).
Ang panatilihing dalisay ang doktrina ang siyang pinakauna sa isipan ni Haring Benjamin kaya ninais niyang matanggap ng lahat ng kanyang mga tao ang kanyang patotoo at kanyang salita. Nagtagubilin siya na si Mosias, ang kanyang anak at kahalili, ay tawagin at papuntahin sa harapan niya at nagbigay siya rito ng mga tiyak na tagubilin hinggil sa pagtitipon ng kanyang mga tao para dito sa kanyang huling komperensiya. Sinabi niya:
"Anak ko, nais kong gumawa ka ng pagpapahayag sa lahat ng dako ng lupaing ito sa lahat ng taong ito, o ang mga tao ni Zarahemla, at ang mga tao ni Mosias na naninirahan sa lupain, nang sa gayon ay sama-samang magtipon sila, sapagkat kinabukasan ay ihahayag ko sa kanila na aking mga tao mula sa sarili kong bibig na ikaw ang hari at tagapamahala ng mga taong ito, na ipinagkatiwala ng Panginoong Diyos sa atin.
"At bukod doon, bibigyan ko ng pangalan ang mga taong ito, nang sa gayon sila ay makilala nang higit sa lahat ng tao na inilabas ng Panginoong Diyos sa lupain ng Jerusalem; at gagawin ko ito sapagkat sila ay naging masisigasig na tao sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon" (Mosias 1:1011).
Kasunod nito si Mosias ay humayo at inihayag sa mga tao na dapat silang magtipun-tipon at magtungo sa templo kung saan maririnig nila ang mga salita ng kanyang ama. At nagtipun-tipon ang mga tao at "itinayo nila ang kanilang mga tolda sa palibot, bawat lalaki alinsunod sa kanyang mag-anak, na binubuo ng kanyang asawa, at kanyang mga anak na lalaki, at kanyang mga anak na babae, at kanilang mga anak na lalaki at kanilang mga anak na babae, mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, bawat mag-anak ay nakabukod mula sa isa't isa, (Mosias 2:5). Itinayo nila ang kanilang mga tolda na nakaharap ang mga pintuan sa templo upang marinig ang mga salita ni Haring Benjamin habang tinatagubilinan sila nito hinggil sa doktrina ng buhay na walang hanggan. Dahil sa mga bilang ng mga taong nagtipun-tipon doon sa loob at labas ng pader ng templo, nagpapatayo ang hari ng tore upang marinig nila ang kaniyang mga salita. Subalit kanyang natanto na gamit man ang tore, hindi maririnig ng lahat ng kanyang sasabihin kaya't ipinasulat niya ang kanyang mga salita at ipinadala sa mga mag-anak na hindi abot ng kanyang tinig, upang matanggap ng lahat ang kanyang mga salita (Mosias 2:68).
Mula sa toreng ito sinabi niya sa kanyang mga tao na buksan ang kanilang mga tainga at makinig sa kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Matapos magpropesiya at magpatotoo, pinayuhan niya sila kung paano bumalik sa ating Ama sa Langit: "At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito"(Mosias 2:41).
Sa huli, upang matiyak na naunawaan ng kanyang mga tao ang kanyang mga salita at tutuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos na susundin ang Kanyang mga kautusan, si Haring Benjamin "ay naghirang din ng mga saserdote upang turuan ang mga tao, nang sa gayon maaari nilang marinig at malaman ang mga kautusan ng Diyos, at upang pukawin sila sa pag-alaala ng sumpang kanilang ginawa" (Mosias 6:3). Sa maraming kaparaanan, ginamit ni Haring Benjamin ang lahat ng teknolohiyang maaari niyang gamitin sa kanyang panahon upang tipunin ang kanyang mga tao, ipalaganap ang mabuting salita ng Diyos, at upang pagtibayin ang salita ng Diyos.
Sa ibang panahon, matatagpuan natin ang isa pang propeta na gumagamit ng makabagong kasangkapan upang maiparating ang kanyang mensahe sa mga puso ng tao. Mayroong ginanap na natatanging komperensiya nang sumapit ang ika-100 kaarawan ng Simbahan. Natagpuan namin ang talang ito mula sa ika-100 na taunang kumperensiya, na ginanap sa Tabernakulo noong Linggo, ika-6 ng Abril 1930.
"Alinsunod sa mga tagubilin na unang ipinalabas ng Unang Panguluhan ng Simbahan, ang sumusunod na programa ay isinakatuparan sa lahat ng purok at sangay ng Simbahan, nagsimula ng alas-10 ng umaga, Linggo, ika-6 ng Abril, . . . kung saan isinagawa ang pagsaayos para sa mga tao na magtipon sa kanilang lokal na kapilya at makinig, sa pamamagitan ng mga kagamitang panradyo, sa mga pulong katulad ng pagkakasahimpapawid nito mula sa Tabernakulo sa Lungsod ng Salt Lake. . . .
". . . Napuno ang gusali, ang mga upuan, at ang mga pasilyo at pintuan, at bawat lugar ay okupado" (sa Conference Report, Abr. 1930, 2).
Si Pangulong Heber J. Grant, na namuno sa unang isinahimpapawid na sesyong ito ng pangkalahatang komperensiya, ay nagsimula:
"Ang aking puso ay puspos ng pasasalamat na higit sa aking kakayahan na maipahayag habang minamasdan ko ang kahanga-hangang tagapakinig ng pagkasaserdoteng ito ng buhay na Diyos, kasama ang mga pinuno ng ating mga samahan, na nagtipon dito sa komperensiya sa paggunita ng ika-isangdaang anibersaryo ng samahan ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
"Babasahin ko sa inyo ang talumpati ng Unang Panguluhan ng Simbahan, na ang mga kopya nito ay naipadala na sa lahat ng purok, istaka at misyon sa lahat ng bansa kung saan mayroon tayong mga samahan ng Simbahan. Sa oras na ito sa buong daigdig ang mensaheng ito ay babasahin sa lahat ng tao ( sa Conference Report, Abr. 1930, 3).
Katulad ni Haring Benjamin, nagsimula si Pangulong Grant sa pagpapatotoo sa Diyos ang Ama, at ang Panginoon na si Jesucristo. Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa pagbibigay-diin ng ilang mahahalagang siyentipikong kaalaman, imbensyon, at kaunlarang industriya na natutuhang gamitin ang mga likas na yaman ng sansinukob at iniangkop para sa kaginhawahan ng tao. Inihayag niya:
"Walang pag-aalinlangan na ang pinakamalaking himala ng siglo ay ang katuparan kung saan ang tinig ng tao, na may kani-kanyang personalidad ng mga tagapagsalita, ay walang hanggang mapangangalagaan at makokopya nang may bawat detalye ng orihinal. . . .
"Habang pinag-iisipang mabuti ang mga kaganapang ito ng nagdaang siglo, kung saan ginawan lamang ng maikling ulat, maipahahayag natin:
"Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, o Panginoon
"Kayo ay siya rin . . . magpakailanman!
"Ang Inyong mga layunin ay hindi nabibigo, ni walang sinuman ang makapipigil sa Inyong kamay!" (sa Conference Report, Abr. 1930, 5).
Ngayon, sa araw na ito, ika-1 ng Abril, taong 2000, ay nagtipun-tipon tayo sa magandang bagong Sentro ng Pangkomprensiyang ito, na itinayo upang makita ng marami pang libu-libo ang propeta at marinig ang kanyang tinig. Gayunpaman kahit na may gusaling ganito at may karagdagan nang kakayahan na maglakbay sa mga banal upang makita ang mga ito sa maraming lupain, kakaunti lamang na miyembro ang makatatamasa ng personal na pakikipag-ugnayan sa mga propeta at apostol dahil sa paglaki ng Simbahan. Biniyayaan tayo ng teknolohiya ng maraming makabagong imbensiyon upang palaganapin ang mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga sistemang pang-satelyt, ng ating sariling Website network, telebisyon, radyo, gayundin ng mga nakasulat na teksto sa ating mga magasin at pahayagan. Ang lahat ng ito ay nagdagdag sa ating sistemang pang-komunikasyon na lubhang nagpalaki sa ating kakayahan upang matanggap ang mga mensaheng ipinahahayag.
Gayunman ang mga ladrilyo at mortar at ang patuloy na pagpalawak ng teknolohiya ay magdadala lamang sa atin ng mga mensahe. Isang hamon ang nananatiling naroon mula sa panahon ni Haring Benjamin hanggang sa panahon ni Pangulong Grant hanggang ngayon--na, ang hamon na isagawa ng bawat tao at mag-anak sa pamamagitan ng personal at pangkatang pag- aaral ang mga mensahe ng ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Ang kaligtasan ay wala sa mga gusali o sa teknolohiya, subalit nasa salita ng Diyos. Ang kapangyarihan lamang ng salita ang magpupuno sa ating buhay at tutulong sa atin na mas mapalapit ang ating buhay sa ating Ama sa Langit.
Alalahanin ang salita ng Panginoon nang una Niyang tagubilinan ang mga banal ng Kanyang kapanunumbalik pa lamang na Simbahan noong ika-6 ng Abril 1830. Ipinahayag Niya:
"Masdan, may talaang iingatan sa inyo; at sa mga ito ikaw ay tatawaging tagakita, tagapagsalin, propeta, isang apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kaloob ng Diyos Ama, at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo. . . .
"Dahil dito, nangangahulugang ang simbahan, kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;
"Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya" (D at T 21:1, 4 5).
Kasiya-siya na maparito sa magandang bagong pasilidad at magkaroon ng bagong teknolohiya na magdadala ng mga sesyon ng komperensiya sa buong daigdig. Subalit ang mensaheng ating natatanggap, kung ating pag-aaralan at ipamumuhay, ang magdadala ng liwanag ng ebanghelyo bilang karagdagan pang paghahanda sa ating dakilang paghahanap para sa buhay na walang hanggan.
Ito ang aking mapagkumbabang patotoo sa inyo, at ginagawa ko rito sa pangalan ng ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, amen.