Elder Glen L. Pace
Ng Korum ng Pitumpu
Nakapagbibigay-inpirasyon na makita ang kamay ng Panginoon sa pagsasama-sama ng mga lakas na hahantong sa di-mapipigil ang tagumpay. Magkakaroon ng Templo sa Kanlurang Aprika.
Ilang taon na ang nakalilipas nanood ako ng BYU football kasama ang ilan sa aming musmos na mga anak. Natalo kami sa laro. Talagang hindi ko gusto kapag nangyayari iyon. Pinakinggan namin ang komento ng mga coach habang nakasakay kami pauwi sa aming tahanan sa Bountiful. Nang matapos ito, wala nang iba pang magawa ang aking mga anak kundi makinig sa sarili kong komento. Nang katatapos ko pa lang ng aking huling pagsusuri ng dahilan ng kamalian sa laro, nagtanong ang pitong taon kong anak na babae, "Itay, kapag nakikita po ba ninyo ang templo, mabuti ba ang nadarama ninyo?" Nagtaka ako.
Saan nanggaling ang tanong na iyon? Habang pinipilit kong intindihin kung ano ang kaugnayan ng tanong na iyon sa larong football sinulyapan ko siya at nakita kong tinatanaw niya mula sa bintana ang Templo sa Salt Lake. Sa ilang kadahilanan, hindi na mahalaga ang laro.
Ang buong buhay ko ay pinagyaman ng mga karanasan sa templo. Lagi kaming dinadala ng aming mga magulang sa Temple Square sa Lungsod ng Salt Lake. Ituturo nila ang templo at sasabihin na ikinasal sila doon kung kaya lagi kaming magkakasama bilang pamilya. Isang napakalaking kaaliwan iyon sa paslit na batang lalaki na ang pinakamalaking takot ay na baka mamatay ang kanyang mga magulang. Ngayon, isang napakalaking kaaliwan ito sa isang matandang lalaking ang mga magulang ay sumakabilang buhay na.
Noong 10 taong gulang pa lamang ako, sa mga lilim ng Templo sa Salt Lake una kong nabasa ang kuwento ni Joseph Smith at nakatanggap ng makapangyarihang patotoo ng katotohanan ng Panunumbalik.
Naaalala ko nang may pasasalamat ang pagpunta sa Templo kasama ng mga magulang ko at ang pagtanggap ko ng endowment bago ako umalis patungong misyon.
Kami ng aking asawa ay ikinasal sa Templo sa Salt Lake mga tatlong taon pagkaraan noon. Sa mga sumusunod na taon nagkaroon ako ng karangalang magsagawa ng mga kasal sa templo ng bawat isa sa aming anim na anak.
Alam nating maraming miyembro ng Simbahan ang hindi nagkaroon ng karangyaang lumaki na may mga templo sa kanilang paligid. Dahil sa kaalamang ito, lahat tayo ay lubos na natutuwa sa pahayag na ginawa ni Pangulong Hinckley noong Oktubre ng 1997 nang sinabi niya, "Tayo ay may matibay na hangaring. . .dalhin ang mga templo sa mga tao at ibigay sa kanila ang bawat pagkakataon para sa mga napakahalagang pagpapala na kaakibat ng pagsamba sa templo" (sa Conference Report, Okt.1997, 69, o Ensign, Nob. 1997, 50).
Mula nang sandaling iyon nagalak at nanggilalas tayo sa mga narinig nating paghahayag ng di mabilang na templo at kasunod noon ang mabasa ang tungkol sa mga pagbubukas nito sa publiko at pagtatalaga. Nakasasaksi tayo ng makabagong himala at katuparan ng propesiya. Itoy isang kahanga-hangang panahon upang mabuhay!
Ang ating kasiyahan tungkol sa pagtatayo ng mga templo ay hindi naibabahagi sa lahat. Ang kaaway, lalong-lalo na, ay matindi ang pag-aalburuto ngayong nakikita niya na namimiligro ang kanyang kapangyarihan.
Sa dalawang taong nakalipas nasaksihan ko ang kanyang matinding poot sa Kanlurang Aprika. Napakaaktibo na niya noon pa, pilit na hinahadlangan ang pagtatayo ng templo sa bahaging iyon ng daigdig. Noong isang taon, ipinahayag ni Pangulong Hinckley na magkakaroon ng templo sa Kanlurang Aprika sa dakong Accra, Ghana. Mula noon wala nang tigil ang kaaway sa pagpilit na hadlangan na mangyari iyon. Bakit ganun na lamang kabalisa si Lucifer?
Mayroon tayong 85,000 na miyembro sa Aprika, at napakabilis pang lumalago ang Simbahan. Ang bilang ng dumadalo sa pulong-Sakramento ay mahigit 50 porsyento, ngunit sa kasalukuyan 400 miyembro lamang ang na-endow dahil sa di makayanang gastusin sa paglalakbay ng libu-libong milya papuntang Johannesburg o London. Mayroon tayong mahigit 700 full time na misyonerong Aprikano na naglilingkod sa misyon, at kaunting-kaunti lamang sa kanila ang na-endow na.
Daang-taong panahong naghintay ang mga Aprikano upang matanggap ang kabuuan ng ebanghelyo at nakaranas na ng maraming sakit at pagdurusa. Ngayon, sa wakas, makatatanggap na sila ng bawat pagpapalang maaaring matamo ng mga anak ng Diyos. Makatatanggap na ng endowment sa templo ang mga karapat-dapat na miyembro at sama-samang maibubuklod ang kanilang mag-anak sa panahon at kawalang-hanggan.
Ang katapatan sa mga tipan sa templo ay nagdudulot ng pagbilis ng espiritwal na pag-unlad. Ipinaliwanag ni Elder John A. Widtsoe, "Mas mabilis silang makararating sa kanilang lugar sa piling ng Panginoon; uunlad sila ng mas mabilis sa bawat makalangit na kapangyarihan; makararating sila nang mas malapit sa wangis ng Diyos; ganap nilalang matatanto ang kanilang makalangit na tadhana" (Evidences and Reconciliations [1960], 300).
Iyan ang dahilan kung bakit balisang-balisa si Lucifer. Higit pa riyan, alam niya ang malaking bilang ng mga Aprikanong tumanggap ng ebanghelyo sa kabilang buhay at sabik na naghihintay ng pagbibinyag alang-alang sa kanila at mga endowment sa templo at mabuklod sa kani-kanilang mag-anak. Kapag ang templo ay naitalaga, matitibag ang dam sa daigdig ng mga espiritu at magkakaroon ng pagbaha ng mga tao na nabuhay sa lupalop ng Aprika sa templo ng Panginoon habang ginagawa ng kanilang inapo ang gawain para sa kanila. Hindi na tayo dapat magtaka na ginagamit ni Lucifer ang lahat sa paraang makakaya niya upang mailayo ang templo sa mga taong ito.
Sa daan-daang taong paghihirap, ang mga tao sa pangkalahatan ay hindi nagkaroon ng sama ng loob. Sila ay mapagkumbaba, madaling turuan, at may takot sa Diyos. Nalalaman nila ang mga banal na kasulatan, at nakikilala ang tinig ng Pastol.
May pananampalataya ako sa kanilang pananampalataya. Alam kong minamahal ng Tagapagligtas ang mga Aprikano. Sa gayon, kung pakahuhulugan ang talata 33 ng ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, "Gayundin maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng [Congo] sa kanyang nakatalang daan, ibaling ang daloy nitong paitaas, upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa [pagtatayo ng templo para sa mga Aprikanong Banal sa mga Huling Araw]."
Hindi ko hahayaan na . . . wasakin [ng kaaway] ang aking gawain; oo, aking ipakita sa kanila na ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo" (D at T 10:43).
Nakapagbibigay-inspirasyon na makita ang kamay ng Panginoon sa pagsasama-sama ng mga lakas na hahantong sa di-mapipigilang tagumpay. Magkakaroon ng templo sa Kanlurang Aprika.
Noong nakaraang linggo nagbibiyahe kaming muli mula sa Provo papuntang Bountiful. Habang papalayo kami sa Provo nakikita namin ang templo na nasa burol. Bago ito mawala sa paningin, natanaw namin ang Templo sa Mount Timpanogos Utah, pagkatapos ay lumitaw ang Templo ng Jordan River Utah na kasunod ang Templo ng Salt Lake. At agad na kasunod niyon nakita namin ang Templo ng Bountiful Utah na nakatayo na mistulang hiyas sa ibabaw ng Lungsod.
Naisip kong muli ang itinanong ng aking anak, "Itay, kapag nakikita po ninyo ang templo, mabuti ba ang nadarama ninyo?" Naisip ko na ang nakapuspos na kasagutan ay, "Oo, kapag nakakikita ako ng Templo mabuti ang nadarama ko." Gayunpaman, nagdadalamhati ang puso ko para sa mga kapatid nating Aprikano na hindi pa nakakikita ng templo sa buong buhay nila.
Umaasa ako at nananalangin na hindi natin babalewalain ang mga pagpapala ng templo. Mayroon din akong dalangin sa aking puso para sa Kanlurang Aprika at iba pang mga lugar sa mundo kung saan hinahadlangan ng mga panlabas na impluwensiya ang mga Banal sa pagtamasa ng mga pagpapala ng templo.
Pinatototohanan ko ang kabanalan ng gawaing ito. Si Jesus ang Cristo. Namumuno siya sa simbahang ito, at isinasaayos Niya ang pagtatayo ng Kanyang Kaharian dito sa lupa. Nakasasaksi tayo ng mga himala, at sa gayun mapatototohanan ko na hindi tumitigil ang mga ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.