Elder Jay E. Jensen
Ng Pitumpu
Kung matutulungan natin ang mga tao na maunawaan muna ang plano, masusumpungan nila ang mas taimtim at mas palagiang pagganyak na sundin ang mga kautusan.
Hindi mailalarawan ng mga salita ang kakulangang nadarama ko na may kaugnayan sa banal na tungkuling ito, lalo na ang responsibilidad na maging natatanging saksi ni Jesucristo sa buong daigdig (D at T 107:25). Hinihiling ko na manampalataya kayo at alalahanin ako sa inyong mga panalangin.
Ang katotohanang nais kong sabihin ngayon ay nagmula kay Alma. "Anupa't ang Diyos ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtutubos" (Alma 12:32).
Ang pagkakasunud-sunod sa proseso ng pagtuturo mula sa talatang ito ay na unang itinuro ng ating Ama sa Langit ang plano ng pagtubos kina Adan at Eva, pagkatapos binigyan Niya sila ng mga kautusan. Ang lahat ng kautusan ay may kani-kanyang walang hanggang kahalagahan sa nilalaman ng dakilang plano ng kaligayahan (tingnan sa Alma 42:8; 34:9).
Alam ko na ang katotohanang ito ay susi sa pagbabalik-loob, pagpapanatili at pagpapa-aktibo. Kung matutulungan natin ang mga tao na maunawaan muna ang plano, masusumpungan nila ang mas taimtim at mas palagiang pagganyak na sundin ang mga kautusan.
Ang isa pang paraan ng pagsasabi kung ano ang itinuro ni Alma ay nagmula sa ibinahaging karanasan ng isa sa mga Pangkalahatang Awtoridad. Isinalaysay niya kung paano siya nagsalita sa isang kakilalang kapatid na babae, na noong mga nagdaang taon ay nakipaghiwalay sa kanyang asawa. Nilapitan siya nito upang magpasalamat sa payong kanyang ibinigay sa panahon ng pinakamahirap na pagsubok sa kanyang buhay. Ipinaalaala sa kanya ng kapatid na babae ang sinabi niya sa kanya, "Ngayon kapatid, huwag mong iwawala ang iyong pananaw sa walang hanggan. Lagi mong panatilihin ang iyong walang hanggang pananaw." Sinabi niyang ang katotohanan ang siyang naging pinagkukunan niya ng kanyang lakas.
Kapag nauunawaan natin ang dakilang plano ng kaligayahan, nagtatamo tayo ng pananaw sa walang hanggan, at ang mga kautusan, ordenansa, tipan, at ang mga karanasan, pagsubok, at paghihirap ay matatanaw sa tunay at walang hanggan nitong aspeto.
Tandaan, gayunpaman, na palalabuin ni Satanas ang kaningngingan ng pag-asa at pananaw sa walang hanggan sa pamamagitan ng madilim, namimilit na pangangailangan ng ngayon, Gayon ang kalagayan ng mga nabanggit sa Aklat ni Mormon na "nagsihayo sa kani-kanilang landas" (Hel. 6:31) at "nagbago sa kanilang sarili" (3 Ne. 1:29).
Sina Laman at Lemuel ay humayo sa kani-kanilang landas at dumaing sa kanilang mga paghihirap sapagkat wala sa kanila ang kanilang mga ari-arian, na dahil dito kanilang sinabi, "tayo sana ay naging maligaya" (1 Ne. 17:21). Gayon din ang nangyari sa alibughang anak. Sa pagmamadaling matanggap ang kanyang mortal na pamana, sinabi niya sa kanyang ama, "Ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin," na kanyang kinuha at "inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay" (Lucas 15:1213).
Ang iba naman ay inilarawan ni Nephi na nagsabing "pupukawin sila (ng diyablo) na magalit sa yaong bagay na mabuti . . . at dahandahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan" (2 Ne. 28:2021).
Ang mga yaong walang pananaw sa walang hanggan, o yaong hindi ito minamasdan, ay gumagawa ng sarili nilang mga pamantayan upang makinabang ang kanilang sarili at ang kanilang makasariling interes. Ang kanilang makalupang pananaw ang nagiging pamantayan nila at sa ilan ito ay nagiging diyos nila.
Itinuro ni Ammon kay Haring Lamoni, na namuhay sa liwanag ng kanyang mortalidad, ang tungkol sa Diyos, isang banal na kapangyarihang mas mataas kaysa hari. Ang hari "[ay nag- akalang] ang ano man ang [kanyang] gawin ay tama" (Alma 18:5). Subalit ang halimbawa at mensahe ni Ammon ay umantig sa kanyang puso at, "[siya] ay nagsimulang labis na matakot, natakot na baka nakagawa siya ng mali" (Alma 18:5). Kasunod niyon "ipinaliwanag [ni Ammon] sa kanila ang plano ng pagtubos" (Alma 18:39).
Matapos malustay ng Alibughang Anak ang lahat, "siya'y [nakapag-isip at] sinabi niya . . . Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin" (Lucas 15:1718). Mahalagang kilalanin niya ang kanyang kasalanan sa langit, sapagkat tunay na may langit, at isang maawain at matwid na Diyos ang namamahala roon. Inihayag Niya ang dakilang plano na kinabibilangan ng huling paghuhukom ng Kanyang Anak "[na walang] . . . inuupahang tagapaglingkod doon" at kung saan tatayo tayong lahat balang araw (2 Nephi 9:41).
Ako'y walang hanggang nagpapasalamat sa mabubuting magulang at sa tahanan na nakasentro sa ebanghelyo kung saan una kong natamo ang pananaw sa walang hanggan. Ang pananaw na iyon ay napalakas sa aking kabataan sa pamamagitan ng mga pinuno at guro sa aking pagdalo sa Simbahan at seminary.
Ang pinakamahalagang desisyon na ginawa ko sa aking buhay upang magtamo ng pananaw sa walang hanggan at ng matibay na pang-unawa tungkol sa plano ng kaligayahan ay ang pagmimisyon nang full time. Sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng Aklat ni Mormon at sa pagtuturo ko ng mga talakayang pang-misyonero, naranasan ko ang katotohanang itinuro ni Apostol Pablo "Ikaw nga na nagturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili?"(Rom. 2:21). Natutuhan ko ang plano ng kaligayahan sa pagtuturo nito nang paulit-ulit.
Samantalang ang pananalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod sa Simbahan ay tumulong sa akin upang matutuhan ang plano ng Ama at matamo at lumaki ang pananaw sa walang hanggan, ako'y nagkaroon ng malaking pagpapahalaga sa kontribusyon na dala ng mga banal na himno tungo sa pagbabalik-loob.
Sa aking kamusmusan at kabataan at lalo na sa Primarya, ang mga himno sa Pagpapanumbalik, na isinulat ng matatapat na tagapaglingkod ng Diyos, ay napakalaking impluwensiya sa aking pagbabalik-loob sa ebanghelyo at sa pag-unawa ng Kanyang plano. Sinabi ni Pangulong Packer, "Kung makikinig tayo, ang mga ito ay nagtuturo ng ebanghelyo, sapagkat ang mga himno ng panunumbalik, sa katotohanan, ay araling pang-doktrina!" (Conference Report, Okt. 1991, p. 29; o Ensign, Nob. 1991, 22.).
Sa paunang salita ng Unang Panguluhan sa kasalukuyang himno pinaalalahanan tayo na ang "nagbibigay-inspirasyong musika ay mahalagang bahagi ng ating mga pulong sa Simbahan . . . Ang ilan sa mga pinakadakilang pangangaral ay ipinangaral sa pag-awit ng mga himno. Ang mga himno ay nag-uudyok sa atin na magsisi at gumawa ng mabuti, magkaroon ng patotoo at pananampalataya, aliwin ang napapagod, aluhin ang nagdadalamhati, at bigyan tayo ng inspirasyon na magtiis hanggang wakas" (Hymns, ix).
Ipinaliliwanag ng maraming himno ang mga doktrina ng dakilang plano ng pagtubos. Ang ilang himno ay isinulat batay sa dakilang sakripisyo, ang kamatayan bilang pinakahuling sakripisyo, at ang mga ito ay nagpapahiwatig ng diwa ng kabanalan at paglalaan upang akayin tayo tungo sa pagbabalik-loob sa Ama at sa Kanyang plano.
Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pagpapahusay ng guro ngayong taon, pahuhusayin ng mga magulang, guro at misyonero ang pagtuturo ng ebanghelyo sa pagtiyak na nauunawaan ng mga ito mismo ang plano at aawitin ang mga himno na nagdadala ng gayunding mensahe. Awitin ang mga ito--ako'y umaasang aawitin ito hindi upang makaawit lamang ngunit upang awitin nang may layunin--upang simulan at tapusin ang mga pulong at bilang bahagi ng mga aralin o upang ipakilala o ibuod ang mga ideya.
Winawakasan ko ito sa mga salita mula sa magandang himnong ito:
Aking Amay buhay
Ako ay mahal N'ya.
Espiritu'y bumubulong
Ito ay totoo.
Ako'y naririto,
Upang plano'y sundin,
Espiritu'y bumubulong,
Ang sabi'y kaya ko.
("Aking Ama'y Buhay," Mga Himno)
Pinatototohanan ko na ang dakilang plano ng Walang Hanggang Diyos ay tunay. Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Kanyang banal na Anak. Si Joseph Smith ay totoong propeta at ang gawaing ito ay pinatnubayan ng Panginoon sa pamamagitan ng 15 propeta, tagakita, at tagahayag. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.