Elder Gary J. Coleman
Ng Pitumpu
Natutuhan ko mula sa mga banal na kasulatan at sa mga buhay na propeta na ang buhay na ito ay ang panahon upang ihanda ang ating mga sarili sa pagharap sa Diyos at balang araw ay matamasa ang buhay na walang hanggan kasama Niya.
Ngayon ay magalak tayo na kasama natin sa pagsamba ang mga buhay na propeta na ngayo'y nasa mundo at namamalas ang hindi karaniwang nakikita, naririnig ang mga salitang binigyang inspirasyon ng langit na malayo sa ingay ng panahon, at kilala ang ating Diyos.
Mayroong isang banal na plano. Ito ay tinatawag na plano ng ating Ama sa Langit.1
Naniniwala tayo sa Diyos. Nalalaman nating Siya ay buhay at maaari tayong manampalataya sa Kanya. Pinatotohanan ng mga banal na kasulatan na tayo ay mga anak ng Diyos, Kanyang literal na mga anak sa espiritu.2 Nabuhay tayo kasama Siya bago tayo pumunta dito sa lupa. Nilikha tayo sa Kanyang sariling larawan at Siya ang ating Ama sa Langit. Samakatwid, tayong lahat ay magkakapatid.
Sapagkat mahal tayo ng Ama sa Langit, naghanda Siya ng plano para sa atin sa pagtira natin sa lupa. Bago ako sumapi sa Simbahang ito, naalaala ko ang isang karanasang may kaugnayan sa napakagandang planong ito nang simulan kong pag-aralan ang naipanumbalik na ebanghelyo. Natutuhan ko ang banal na kasulatan sa mga huling araw na nagtuturo ng kahalagahan ng ating pagsasanay sa buhay bago ang buhay na ito at nagpapahiwatig na nakatanggap tayo ng maraming aralin doon upang ihanda para sa ating buhay dito sa lupa.3 Natutuhan ko mula sa mga banal na kasulatan at sa mga buhay na propeta na ang buhay na ito ay ang panahon upang ihanda ang ating mga sarili sa pagharap sa Diyos at balang araw ay matamasa ang buhay na walang hanggan kasama Niya.4 Ang Propetang si Jacob ay nagpahayag patungkol sa walang hanggang planong ito, "O kaydakila ng plano ng ating Diyos!"5 Nalalaman ko na ang Diyos ay buhay at ninanais na tulungan tayong makabalik upang mabuhay na kasama Siya.
Ang dakilang plano ng Diyos ay naglaan ng Tagapagligtas para sa atin. Lahat ng taong nasa gulang ng pananagutan ay nagkakasala at dapat na makaranas ng kamatayan sa katapusan ng ating buhay sa lupa. Sa gayon, ipinadala ng Diyos si Jesucristo upang isakatuparan ang plano sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na magapi ang kasalanan at kamatayan. Si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Dahil sa Kanyang pagbabayad-sala para sa bawat isa sa atin, tinutulungan Niya tayong lahat na magapi ang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbibinyag. Sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, Kanyang binigyang-daan ang lahat upang magapi ang kamatayan at ang libingan. May pananampalataya tayo na sundin si Jesus at higit na maging katulad Niya. Tunay na mahal natin ang ating kaibigan, ang Panginoong Jesucristo, ang tanging, "pangalang ibinigay sa ilalim ng langit . . . na makaliligtas sa tao."6 Nalalaman ko na iniligtas tayo ni Jesus mula sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan.
Nagpapasalamat tayo sa Diyos dahil ipinahayag Niya ang Kanyang plano at ang misyon ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling saksi, mga propeta at apostol. Binibigyang-karapatan ng Diyos ang mga saksing ito na kumilos para sa Kanya. Ang kanilang mga patotoo ng mga katotohanan ng ebanghelyo ay nakasulat sa mga sagradong aklat na tinatawag na mga banal na kasulatan. Kapag dininig at binasa ng mga tao ang mga turong ito ng mga propeta, malalaman nila na ang mga ito ay totoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Halos 28 taon na ang nakalilipas, ninais kong dumalo sa isang Pangkalahatang Komperensya ng Simbahan at bumiyahe nang 14 na oras upang makarating sa Lungsod ng Salt Lake para sa komperensiya. Pumasok ako sa Temple Square nang alas-otso ng umaga na ang pila sa labas ng pinto bilang 10 ay mula Temple Square hanggang sa kalahati patungo sa timog na bahagi ng Assembly Hall. Halos mga 90 metro na ang layo ko mula sa nais kong puntahan. Ipinahayag ng aser [tagahatid] na puno na ang tabernakulo. Umalis sa pila ang mga tao at dahan-dahan akong umusog.
Noong limang minuto bago mag-alas-diyes ako na lang ang natitirang tao na nakatayo sa pinili kong pinto. Binuksan ng aser ang pinto at sinabi, "Narito ka pa rin?" Isinara niya ang pinto at ako ay nanlumo. Nang magsimulang awitin ng koro ang pambungad na himno nang eksaktong alas-diyes, bumukas na muli ang pinto at kinawayan ako ng tagahatid na pumasok sa loob. Inilagay niya ako sa kalahating silya at sa likod ng poste ngunit kalugud-lugod iyon para sa akin! Nagawa ko na masang-ayunan ang mga piniling pinuno ng Panginoon at mapakinggan ang kanilang payo nang natatanging araw na iyon tulad nang ginawa natin ngayong hapong ito.
Sa ating panahon, o sa mga huling araw, pinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang paraan sa paghahayag ng katotohanan. Pinili Niya ang isang kabataang lalaki na nagngangalang Joseph Smith na malaman ang tungkol sa walang hanggang plano ng kaligtasan. Naguguluhan si Joseph sa iba't ibang relihiyon sa kanyang komunidad, ngunit siya ay nahikayat ng mga banal na kasulatan na tanungin sa Diyos ang dapat niyang gawin.7 Bilang kasagutan sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo.8 Sa pamamagitan nito at sa iba pang karanasan, si Joseph Smith ay tinawag bilang propeta, tulad ni Moises at ng iba pang propeta sa biblia.9 Dahil nakita at nakipag- usap si Joseph sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, ang kanyang gawain ay ang maipanumbalik ang katotohanan tungkol sa dakilang plano ng Diyos at ang banal na misyon ng ating Panginoon. Alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.
Tumanggap ang Propetang Joseph ng karapatang ituro ang ebanghelyo at magbigay ng mga karagdagang banal na kasulatan. Siya ay inatasang magsalin ng mga isinulat ng mga sinaunang propeta mula sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Alam din ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa plano ng kaligtasan at ang sagradong misyon ni Jesucristo. Ang pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Cristo sa mga sinaunang tao ng Amerika ay nakatala sa sagradong aklat na ito.10 Itinuro Niya sa kanila ang Kanyang ebanghelyo at itinatag ang Kanyang Simbahan sa kanila. Nalalaman ko na ang Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ng pagkadiyos ni Jesucristo.
Ipinangako ng Diyos na ang Espiritu Santo ay magpapatotoo sa bawat isa sa atin na ang mga sagradong katotohanan ay naipanumbalik na at na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos upang mga maging natatanging saksi ni Cristo at ng Kanyang ebanghelyo. Malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng mga bagay na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.11
Milyun-milyon sa mga nagbalik-loob sa Simbahang ito ang tumanggap sa mga katotohanang ipinahayag ng ating mga misyonero sa unang talakayan pa lang. Pagkaraan ay binuksan nila ang kanilang mga puso sa lahat ng mga talakayang itinuro ng mga misyonero. Sila ay inanyayahang magpabinyag, mapagtibay, upang maging "kababayan na kasama ng mga banal,"12 at magpatuloy sa landas ng ebanghelyo sa paggawa ng mga karagdagang sagradong tipan sa templo.
Isang batang mag-asawa na may apat na anak na kapitbahay ng isang mag-anak na Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng mga paanyaya na makibahagi sa mga gawain at karanasang nakasentro sa ebanghelyo. Pagkatapos ng unang talakayang pangmisyonero tinanong ng ama ang kanyang kaibigan na BHA na kanyang kapitbahay, "Posible ba para sa iyo na binyagan kami sa Bisperas ng Bagong Taon Gusto naming simulan nang tama ang bagong taon. "
Isang binata ang nakita malapit sa gusali ng Institute of Religion at tinanong kung may mga kaibigan siyang BHA. Sumagot siya, "Oo, at lahat ay nasa misyon para sa Simbahan ng Mormon!" Inanyayahan siya na maturuan ng ebanghelyo. Sumapi siya sa Simbahan. Isang taon pagkaraan noon naglingkod siya sa misyon para sa Panginoon.
Isang mabuting ina at asawa sa isang mabuting mag-anak na hindi miyembro ang tinanong kung siya at ang kanyang asawa at mga anak ay magkakasama-sama sa kawalang-hanggan. Ang sagot niya ay: "Oo, magkakasama kami, di ba?" Ilang linggo ang nakalipas, ang ina, ang kanyang asawa, at dalawang pinakamatandang anak ay nabinyagan sapagkat ang mga kasagutan sa mga tanong ng buhay ay matatagpuan sa totoong Simbahan ni Jesucristo.
Isang ama na hindi miyembro na ang anak ay naglilingkod sa misyon ang tinanong, "Magpapabinyag ka ba sa Araw ng mga Ama?" Siya ay bininyagan na dinaluhan ng apat na dating obispo ng kanyang mag-anak.
Ang kapangyarihan ng espiritu ang naghihikayat sa mga kasalukuyang tinuturuan na ipagdasal ang ating mensahe, dumalo sa Simbahan, basahin ang Aklat ni Mormon, magpaturo pa ng mga talakayan, magpabinyag sa Simbahan ng Panginoon, at magpatuloy na "mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos."13 Inaanyayahan namin ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pintuan ng pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Ito ang pintuan sa buhay na walang hanggan. Tutulungan tayong lahat ng Espiritu Santo na manatili sa landas na patungo sa kinaroroonan ng Diyos.
Ang mga inspirasyon mula sa Espiritu Santo ay tutulong din sa atin na makita ang iba na naghahanap ng totoong ebanghelyo. Sinabi ng Panginoon,"Ako ay mapasasaiyo; saan mang lugar ka mangaral ng aking pangalan isang mapakikinabangang pintuan ang bubuksan sa iyo, nang kanilang matanggap ang aking salita."14
Ilang taon na ang nakalilipas bumiyahe ako patungong Temple Square sa Lungsod ng Salt Lake upang makipagkita sa isang kakilala ng mga misyonero. Hindi dumating ang kanilang hinihintay. Sinabi ko ang ganito sa mga misyonero: "Maglalaan ang Panginoon ng isang matuturuan natin." Nang wala pang dalawa hanggang tatlong minuto, dalawang may edad na kalalakihan ang pumasok sa harapang pintuan ng North Visitor's Center at lumakad patungo sa amin. Nagsalita sila sa Kastila at kami'y hindi! Tiniyak namin sa kanila sa abot ng aming makakaya na may darating na makatutulong sa kanila. Ilang sandali, dumating ang mga tanging babaeng misyonero na nakapagsasalita ng Kastila sa visitor's center dahil nadama nilang dapat silang pumunta roon nang umagang iyon!
Matapos ang ilang linggo itinuro ang mga talakayang pangmisyonero sa mga kalalakihang iyon at hiniling nilang mabinyagan. Ang Panginoon ay tapat sa Kanyang salita. "Isang mapakikinabangang pintuan" ang nabuksan sa mga sandali na kailangan ito para sa magandang karanasang iyon.
Inaanyayahan namin ang lahat nang nabinyagan at marahil ay nanlamig sa Simbahan na bumalik at pagpanibaguhin ang inyong mga tipan sa Kanya. Kasama ni Jesus sinasabi namin sa buong Israel, "Halina't magbalik."15 Halina't magbalik sa mga katotohanan at ordenansa ng walang hanggang buhay.
Bago ako naging miyembro ng Simbahang ito, tinanong ko ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa taimtim na panalangin, tungkol sa mga katotohanan ng pagpapanumbalik. Ngayon ay nalalaman ko, maging noong araw pa mang iyon, nang oras na iyon, nang sandaling iyon 37 taon na ang nakalilipas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ang mga alituntunin at doktrina ng pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay totoo. Ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Si Joseph Smith ang propeta ng Pagpapanumbalik ng totoong ebanghelyo. Ang Aklat ni Mormon ay tala ng mga banal na propeta at isa pang tipan ng buhay na Cristo na namumuno sa Simbahang ito. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang propeta ng Panginoon para sa ating panahon. Siya at ang 14 pang apostol ay mga natatanging saksi ni Cristo sa nag-iisang totoong Simbahan sa lupa. Ipinapanalangin ko na ang bawat isa sa atin ay masasagot ang katanungang, "Narito ka pa rin?" at papasok sa nararapat na pintuan patungo sa lahat ng mga pagpapala ng ebanghelyo, ngayon at magpasawalang hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Ang Plano ng Ating Ama sa Langit, Talakayan 1 ng Magkatulad na Sistema sa Pagtuturo ng Ebanghelyo (1986).
2. Tingnan sa Mga Gawa 17:2829.
3. Tingnan sa D at T 138:56
4. Tingnan sa Alma 12:24.
5. 2 Ne. 9:13.
6. 2 Ne. 25:20.
7. Tingnan sa 1:516.
8. Tingnan sa Joseph Smith--Kasaysayan 1:17.
9. Tingnan sa D at T 28:2.
10. Tingnan sa 3 Ne.11.
11. Tingnan sa Moro.10:5.
12. Ef. 2:19; tingnan din sa t.20.
13. Moro 6:4.
14. D at T 112:19.
15. Mga Himno. no. 3.