The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
“Kumusta Na?”

“Kumusta Na?”

Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng bawat isa sa atin ay ang suriin ang ating sariling pangako at katapatan sa Panginoong Jesucristo.

Elder M. Russell Ballard

Napakagandang bagay, mga kapatid ko, na magtipon sa pangalan ng Panginoong Jesucristo dito sa kahanga-hangang bagong Sentro ng Komperensiya sa pagsisimula ng isang bagong milenyo.

Isang daang taon na ang nakalipas, tumayo si Pangulong Lorenzo Snow sa Tabernakulo upang simulan ang ika-70 taunang komperensiya ng Simbahan. Iyon ang kauna-unahang komperensiya ng 1900, at ito ay naganap sa pagtatapos ng panahon ng malaking pagsubok at paghihirap sa Simbahan. Ang kabuuang miyembro ng Simbahan noon ay umabot sa 300,000, na ang karamihan ng mga miyembro ay naninirahan sa Utah.

Noong Biyernes, ika-6 ng Abril 1900 sinabi ni Pangulong Snow: "Labis-labis tayong pinaunlad ng Panginoon, at sa kasalukuyan ay gumagawa ng malalaking bagay. . . . Ngayon nalalapit na tayo sa ating ika-pitumpu't isang taon, inaasahan ng Panginoon na gagawa tayo ng mahahalagang bagay--mahahalagang bagay na magpapamangha sa mga bansa katulad ng ginawa natin na nagpamangha na sa kanila."

At kasunod nito ay nagbigay si Pangulong Snow ng nakapupukaw na tanong: "Ngayon, mga Banal sa mga Huling Araw," ang wika niya, "Kumusta na? Natanggap na natin ang Ebanghelyo. Natanggap na natin ang kaharian ng Diyos, na itinatag dito sa lupa. Nagkaroon na tayo ng mga suliranin; inusig na tayo. Pinaalis tayo sa Ohio; pinaalis tayo sa Missouri; pinaalis tayo sa Nauvoo; at minsan ay pinaalis tayo pansamantala sa magandang lungsod na ito. Marami ang nawalan ng libu-libong dolyar; nawalan ng kanilang tahanan at lahat ng pag-aari nila, at nakita ng ilan sa ating mga kapatid ang kanilang maybahay at mga anak na nagtaya ng buhay dahil sa mga naranasan nitong paghihirap. . . . Tinatanaw nang may pagkamangha ng mga tao ang kahandaan ng mga Banal sa mga Huling Araw na tiisin ang mga bagay na ito. Bakit ba natin ginagawa ito? . . . Ano ang nakapagpapatiis sa atin sa mga pag-uusig na ito at magalak pa rin?

Ibinigay ni Pangulong Snow ang kasagutang ito: "Ito ay sapagkat mayroon tayong mga paghahayag mula sa Pinakamakapangyarihan, sapagkat Siya ay nangusap sa ating mga kaluluwa at ibinigay sa atin ang Espiritu Santo. . . . Ang Simbahang ito ay tatayo, dahil ito ay itinatag sa matibay na saligan. Hindi ito mula sa tao; hindi ito mula sa pag-aaral ng Bagong Tipan o ng Lumang Tipan; hindi ito bunga ng pag-aaral na natanggap natin sa mga kolehiyo ni sa seminary, subalit ito ay tuwirang dumating mula sa Panginoon. Ipinakita ito ng Panginoon sa atin sa pamamagitan ng inihayag na alituntunin ng Banal na Espiritu ng liwanag, at matatanggap ng bawat tao ang gayunding diwang ito" (sa Conference Report, Abril 1900, 2­3).

Makabubuti para sa atin, mga kapatid ko, na magbigay ng masusing pag-iisip sa gayunding katanungan ngayon: "Kumusta na?" Isang siglo na ang lumipas; tayo ngayon ay nasa ika-171 taon bilang Simbahan. Ang mga miyembro ng Simbahan sa buong daigdig ay umaabot na ngayon sa 11 milyon. Ang mga miyembro natin ay mga iginagalang na pinuno sa halos lahat ng larangan sa halos lahat ng bansa. Ang Simbahan ay lumalaki; ang mga templo ay itinatayo nang sunud-sunod na hindi pa nagagawa noon. Ang gawaing misyonero ay patuloy na sumusulong. Subalit, katulad ng sinabi ng ating mga propeta, "umaasa ang Panginoon na gagawa tayo ng mahahalagang bagay."

Ngunit ano? Anu-ano ang nangangailangan ng personal na atensyon? Habang binabasa at pinag-iisipan kong mabuti ang mga banal na kasulatan at iniisip nang mabuti ang payo ng Panginoon sa Kanyang mga tagasunod sa bawat dispensasyon ng panahon, sa wari ko ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng bawat isa sa atin ay ang suriin ang ating sariling pangako at katapatan sa Panginoong Jesucristo. Dapat tayong magbantay nang mabuti laban sa espiritwal na kawalang-pagpapahalaga at gumawa upang mapanatili ang kabuuan ng ating mapagmahal na katapatan sa ating Panginoon.

Bagama't totoong kahanga-hanga ang mga hakbang na ginawa sa buong Simbahan, ang kalakihan ng gawain sa ating harapan ay nakadadaig pa rin. Sa maikling salita, mayroon tayong gagawing paglilingkod sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit sa daigdig na ito at sa daigdig ng mga espiritu. Sa ganoong aspeto, halos hindi pa natin nakamot ang balat ng ating tungkulin. Ang tunay na pagiging disipulo, samakatwid, ay hindi pagiging kontento sa ating naisakatuparan. Umaasa ang Panginoon na ipagpapatuloy natin ang pagsulong ng Simbahan at pabibilisin ang ating mga hakbang tungo sa literal na katuparan ng mala-propesiyang pangitain ni Daniel tungkol sa "isang bato . . . [na natibag] . . . hindi ng mga kamay, na . . . naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa" (Dan. 2:34­35). Upang mas mabisa natin itong maisasagawa, dapat sundin ng bawat isa sa atin ang payo ni Nephi na "magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. . . .[sapagkat] kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan" (2 Ne. 31:20). Pupuspusin ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang ating mga puso at isipan habang umaasa tayo sa Tagapagligtas sa mga kasagutan sa maraming hamon ng buhay.

Samakatwid, mga kapatid ko, mahalaga na nalalaman ng bawat isa sa atin na si Jesus ang Cristo at na Kanyang ipinanumbalik sa mundo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ang kabuuan ng Kanyang walang hanggang ebanghelyo. Habang nagpapatuloy tayo sa Kanyang paglilingkod, payayabungin ng mga karanasang espiritwal ang ating pananampalataya, at masusumpungan natin ang malaking kagalakan. Ang ating pagkaunawa ng mahahalagang doktrina at walang hanggang katotohanan na ipinanumbalik ay magiging matibay na pundasyon ng ating pananampalataya. At habang nalalaman at nauunawaan natin ang mga totoong doktrinang ito sa ating sarili, matutuklasan natin na may malaking pangangailangan din para sa atin na ibahagi ang ating kaalaman at mga paniniwala sa iba habang pinananatili sa tuwina ang kanilang pakikipagkaibigan at pakikipagkapwa.

Bagama't dapat tayong masiyahan na magpatotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng makikinig sa ating mensahe, may mga pagkakataon na ang tangi lamang nating inaasahang maisasagawa ay ang tulungan ang mga hindi miyembro ng Simbahan na mas maunawaan ang ating mga saligan ng pananampalataya. Maraming tao ang di-gaanong nakakikilala sa atin, na mausisa at nagtataka tungkol sa atin subalit hindi pa handang baguhin ang kanilang uri ng pamumuhay o gumawa ng mga pangakong walang hanggan. Kailangan nating maging handa upang turuan sila sa paraang kanilang mauunawaan at mapahahalagahan, kahit na hindi pa sila handang tumugon sa mga espiritwal na pag-uudyok at tanggapin ang ebanghelyo sa kanilang buhay.

Halimbawa, naranasan ko na kapag ginagabayan ng Espiritu ang ating miyembro at misyonero, ang ating pakikipag-usap sa mga kaibigan at kasama na hindi Banal sa mga Huling Araw ay maayos at natural hinggil sa paksa ng pagiging ama ng Diyos at pagiging magkakapatid ng tao. Lahat tayo, anuman ang lahi, kulay, o pinaniniwalaan, ay kabilang sa mag-anak ang ating Ama sa Langit. Karamihan sa mga tao ay may ganitong paniniwala. Ang ating pagkaunawa at kaalaman sa saligang katotohanang ito ay ay magpipilit sa atin na mahalin ang lahat ng anak ng Diyos bilang mga kapatid natin at ipaliwanag sa kanila na namuhay tayong lahat bago ang buhay na ito bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit. Doon ay natutuhan natin at tinanggap ang Kanyang plano para sa atin na pumarito sa mundo upang magkatawang-tao at dumaan sa pagsubok. Ang ating lubos na paggalang sa sangkatauhan ay napalalaki ng ating pagkaunawa sa ating kaugnayan sa isa't isa sa ating buhay bago pa ang buhay na ito.

Ang pagkaunawang ito sa gayon ay nagpapaliwanag nang walang pagbabanta sa ating paniniwala sa walang hanggang kaugnayan natin kay Jesucristo at sa ating taimtim na pangako sa Kanya. Ang ating pag-asa at pananampalataya ay nakaugat at patuloy Niyang pinamumunuan at ginagabayan ang Kanyang Simbahan at ang Kanyang tao. Nagagalak tayo sa kaalaman sa buhay na Cristo, at kinikilala natin nang may pagpipitagan ang mga himala na patuloy Niyang ginagawa ngayon sa buhay ng mga nananampalataya sa Kanya. Siya ang ulo ng Simbahan, na nagtataglay ng Kanyang pangalan. Siya ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Sa pamamagitan Niya sumasamba at nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit. Labis-labis tayong nagpapasalamat sa mahalaga at kahanga-hangang kapangyarihan ng Kanyang pagbabayad-sala sa buhay ng bawat isa sa atin.

Sapagkat mahal natin ang Panginoon, dapat tayong maging espiritwal na sensitibo sa mga sandaling maibabahagi sa iba ang malalakas at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Marahil mas mahalaga, gayunpaman, na hangarin natin sa lahat ng panahon na dalisayin ang ating sarili at mamuhay nang karapat-dapat upang ang liwanag ni Cristo ay magmula sa atin sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Ang ating pang-araw-araw na pamumuhay ay nararapat na mapanatiling hindi nagbabagong patotoo sa ating pananampalataya kay Cristo. Sa mga salita ni Apostol Pablo: "Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan" (1 Tim. 4:12).

Kapag naunawaan na ang mahalagang alituntuning ito, maipaliliwanag at mapalalawak natin ang pang-unawa ng mga anak ng ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila kung paano itinatag at binuo ni Jesus sa kanyang sarili ang Kanyang Simbahan sa kalagitnaan ng panahon sa pagbibigay ng "iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro;

"Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo" (Ef. 4:11­12).

Mula roon ay matutulungan natin ang ating mga kaibigan at kapitbahay na maunawaan ang Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan, o pag-alis sa orihinal na Simbahan na itinatag ng Panginoon, na iprinopesiya sa kabilang dako ng mga tumulong na maitatag ang Simbahan. Isinulat ni Pablo sa mga Cristianong Taga-Tesalonica na sabik na hinihintay ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas na "sapagkat ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas" (II Mga Taga Tesalonica 2:3). Binalaan din niya si Timoteo na "sapagkat darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi . . . ihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga" (2 Kay Timoteo 4:3­4). At pinalagay na ni Pedro ang pagtalikod sa katotohanan nang siya ay mangusap tungkol sa "mga panahon ng pagpapanariwa" na darating bago muling gagawin ng Diyos na "suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus:

"Na siya'y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una" (Mga Gawa 3:19­21).

Nakikita ba ninyo kung gaano kalikas at kadali na magbigay-daan ang isang alituntunin ng Pagpapanumbalik sa susunod ? Ang propesiya ni Pedro ay halos nagsusumamo ng talakayan ng panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. At ito naman ay nangangailangan ng pagpapaliwanag hinggil sa pagdating ng Aklat ni Mormon at sa panunumbalik ng banal na pagkasaserdote sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Mula rito likas nang maibabahagi ang alituntunin ng patuloy na paghahayag at ng samahan, mga doktrina, at programa ng Simbahan.

Mga kapatid, umaasa ang Panginoon na gagawa tayo ng mahahalagang bagay. Naniniwala ako na inaasahan tayo na palakasin ang ating sariling pananampalataya, iwaksi ang anumang damdamin ng kawalan ng pagpapahalaga, at pagtibayin muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang ating pangako at pasidhiin ang ating paglilingkod sa Panginoon. Pagkatapos, kapag hinangad natin na palinawin ang pang-unawa ng isang tao tungkol sa Simbahan, ang ating buhay--na maayos at matapat na naipamuhay--ay magsisilbing mikroskopyo kung saan masusuri ng iba ang kinalabasan ng pamumuhay sa ebanghelyo. Sa ilalim ng liwanag ng ating mabuting halimbawa, mapalalawak ng espiritu ang pang-unawa tungkol sa Simbahan at sa misyon nito sa lahat ng makauugnayan natin.

Hindi tayo dapat humingi ng paumanhin sa ating mga pinaniniwalaan ni umurong sa mga bagay na alam nating totoo. Gayunpaman maibabahagi natin ito sa diwa ng mapagmahal na pag-unawa--nang matapang at may pagtitiwala at nang may mga matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos--nang hindi pinipilit ang ating mga tagapakinig o maramdamang nabigo tayo sa ating tungkulin kung hindi nila kaagad tinanggap ang ating pinaniniwalaan.

Kapag kasama natin ang Espiritu Santo, makagagawa tayo ng mga simpleng bagay na tutulong na mas maipaunawa ang ebanghelyo sa buhay ng mga miyembro di-gaanong aktibo sa Simbahan gayundin sa mga hindi natin kasampalataya. Hindi nangangailangan pa ng bagong programa upang magawa ito. Hindi na natin kailangan pa ng hanbuk o tungkulin o pagsasanay. Ang tanging kinakailangan lamang ay ang matutuhan ng mabubuting miyembro ng Simbahan na umasa sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at, sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, abutin at haplusin ang buhay ng mga anak ng ating Ama. Wala nang mas dakilang paglilingkod ang maibibigay natin maliban sa pagbabahagi ng ating personal na mga patotoo sa mga nagkukulang ng pang-unawa sa pinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Kaya, mga kapatid, "kumusta na?" Handa na ba tayong gumawa ng mahahalagang bagay? Mapagpapasyahan ba nga bawat isa sa atin ngayon na dagdagan ang ating personal na espirituwal na paghahanda sa pamamagitan ng paghahangad ng patnubay ng Espiritu Santo at pagkatapos, sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan bilang ating kasama, ay higit na pagpalain ang mga anak ng ating Ama ng pang-unawa at kaalaman na totoo ang Simbahan?

Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay buhay at pagpapalain Niya ang bawat isa sa atin kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang isulong ang dakilang gawaing ito ng Kanyang Simbahan. Nawa'y mapagpasyahan ng bawat isa sa atin na gumawa ng bagay na higit pa ngayong pagpasok ng bagong milenyo ay ang aking dasal, na mapagpakumbaba kung iniaalay sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy