The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Pananampalataya, Debosyon, at Pasasalamat

Pananampalataya, Debosyon, at Pasasalamat

Elder David B. Haight
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Umaasa ako na tayo ay may mga mapagpasalamat na puso para sa kaalamang mayroon tayo at sa mga patotoong mayroon tayo at para sa mga damdaming mayroon tayo.

Elder David B. Haight

Mahigit na dalawang taon na ang nakalilipas sa isang pulong kung kailan ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang gusaling ito ay itatayo sa taong 2000, bumaling siya sa akin at pagkatapos ay sinabi, "David, inaasahan kong naroon ka."

Pangulo, naririto ako. At umaasa ako na kung sasabihin niya na kailangan pa natin ang isang taon o higit pa o anupaman at na inaasahan niyang naroon ako, umaasa ako na sana nga ay sabihin niya, sapagkat susundin ko ang mga tagubilin niya.

Isang kagalakan ang makasama kayo at saksihan ang kahanga-hanga't makasaysayang pulungang ito. Natutuwa ako sa sinabi ni Pangulong Hinckley hinggil sa walnut kung saan gawa ang pulpitong ito. Ang pulpito ng tabernakulo ay kapwa may pulang ilaw at dilaw na ilaw upang alalayan ang tagapagsalita na malaman kung gaano pa siya katagal na magsasalita. Habang tayo'y tumatanda, hindi na kasing linaw ng dati ang ating paningin. Ang dilaw na ilaw ang liliwanag at kung hindi mo pinansin ayon, magsisimulang kumisap-kisap ang pulang ilaw. Noong unang ikinabit ang ilaw, si Kapatid na Le Grand Richards ay nagsabi, "May naglagay ng katawa-tawang ilaw dito." Sabi pa niya, "Tatakpan ko na lang ng kamay ko." Walang ilaw dito ngayon, kaya't hindi hindi ko alam kung kailan ako matatapos.

Tunay ngang isang kagalakan ang makapiling kayong lahat! Habang minamasdan ko ang napakaraming tagapakinig at pinagninilay ang ating pagsisimula--ang ating napakahamak na pagsisimula--ilarawan lamang natin ang dampa ni Peter Whitmer sa Fayette, New York na gawa sa troso. Naaalala ko na ang sukat niyon ay mga 20 talampakan sa 30 talampakan. May dalawang maliit na silid sa itaas. Doon nakatira ang mag-anak na Peter Whitmer. Walang mga tubo ng gripo sa bahay. Mayroong balon sa labas at pugon para sa pagluluto at pagpapainit, ngunit doon sa hamak na gusaling iyon 170 taon na ang nakalilipas itinatag ang Simbahan. Isipin na lamang natin.

Ang Propetang Joseph ay nakatanggap ng paghahayag na may mga tagubilin hinggil sa pagtatatag ng Simbahan. At sa hamak na dampang iyon, hindi lamang naitatag ang simbahan kundi natapos din ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa isa sa mga silid sa itaas na ipinagamit kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery. At sa maliit na dampang iyon naordena ang mga unang elder ng Simbahan, nang inordenan ni Propetang Joseph si Oliver Cowdery at pagkatapos ay inordenan naman ni Oliver ang Propetang Joseph Smith. At sa munting dampang iyon idinaos ang unang pulong-sakramento matapos maitatag ang Simbahan. Hindi ba't kagila-gilalas. Ang mga kapatid na babae ay nagdala ng tinapay at katas ng ubas para sa unang sakramentong iyon. Yaon ang mga hamak na pagsisimula ng nasasaksihan natin ngayon dito.

Habang tayo ay nakaupo dito at minamasdan ang napakaraming taong naririto, nakapupukaw na pagbulay-bulayin ang ating hinaharap at isipin ang mga hamak sa pagsisimula ng mga tagabunsod. Noong 1820 sa sagradong kagubatan, bilang kasagutan sa mapagkumbabang panalangin ng Propetang Joseph Smith, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak sa 14 na taong batang lalaki, na nagpasimula sa gawaing ito, ang panunumbalik ng ebanghelyo.

Isipin ang taong 1830--ang pulong sa dampang iyon na yari sa troso, na pansamantalang nagsilbing punong-tanggapan ng Simbahan. Isipin ang makasaysayan ngunit makalangit na pulong na iyon sa 20-sa-30-talampakang hangganan ng dampa. Bahagi ng salaysay ang tungkol sa asawa ni Peter Whitmer, si Mary. Mas maagang bumangon si Mary Whitmer nang umaga ng Linggong iyon at naglakad papuntang sala, kung saan natutulog sa sahig ang mga tao na natatakluban ng kumot na yaring-bahay. Dumating sila na lulan ng bagon o karitela o kabayo-- mga kaibigan at mga tao na nakarinig ng mangyayari sa ika-6 ng Abril. Marahil may mga 50 tao ang nagtipon para sa pulong.

Sa napakahamak na pagsisimulang iyan tayo'y nagkatipun-tipon dito ngayon. Nais lamang nating sabihing, "Aleluya! Pasalamatan ang Panginoon para sa lahat ng naganap." Habang ako ay nakatayo rito naiisip ko ang mga salita ng pananampalataya, debosyon, at pasasalamat--ang pananampalataya ng mga tao at ang pananampalatayang ipinakikita natin sa pagpunta rito ngayon; ang debosyon ng mga naunang miyembro at ang debosyon na mayroon tayo; at ang ating mga puso ay puno ng pasasalamat sa naganap at sa magaganap pa.

Lubos akong nagpapasalamat sa pagiging narito ngayon, sa aking kanunu-nunuan, sa aking asawa, si Ruby, sa aming mga anak at lahat ng aming apo. Ang aming mag-anak ay nagsimula ng tradisyon na mula sa araw na ito, saan man kami nakatira, ay tatayo kami sa harap ng telebisyon kung nasa tahanan kami o dumadalo sa bahay-pulungan sa aming purok o Sentro ng Komperensiya at itataas ang aming kanang kamay upang sang-ayunan ang mga pinuno ng simbahan, lalong-lalo na ang ating buhay na propeta. At sa aking isipan, nakikita ko ngayon ang aking sariling angkan sa Brussels, Belgium; sa London; sa Virginia; North Carolina; Texas; at California--itinataas ang kanilang mga kamay nang paparisukat sa araw na ito, pinag-aaralan kung paano gawin ito, natututuhan na mahalaga sa Simbahan na sang-ayunan nila ang mga pinuno.

Ang aking puso ay puno ng pasasalamat sa araw na ito sa mga paghahayag na ibinigay sa Propetang Joseph Smith at sa lahat ng mga ginawa niya upang pasimulan ang Pagpapanumbalik, ang mga paghahayag na kinakailangan para sa pagpapatuloy ng gawaing ito, sa bawat hakbang at taludtod sa taludtod. Pagbulay-bulayin ang kahirapan ng ating pagsisimula--ang napakahamak na pagsisimula--at pagmasdam tayo ngayon.

Tinanggap niya ang paghahayag, ang ngayo'y unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, kung saan ipinangako ng Panginoon na si Joseph Smith at iba pa ay makatatanggap ng kapangyarihan at ng karapatang hanguin ang Simbahan "mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman" (D at T 1:30). Isipin ang nangyari sa ilalim ng binigyang-inspirasyong pamumuno ni Pangulong Hinckley, ang Gusali ni Joseph Smith na mayroon tayo ngayon, ang pagpapanatili ng kahanga-hangang lumang gusaling iyon na dating Hotel Utah at ngayon ay isa nang magandang gusali, nakita natin na iyan ay dulot ng inspirasyong ibinigay kay Pangulong Hinckley. At isipin ang gusaling ito, tulad nang ipinaliwanag niya sa atin, ang tagubiling dumating sa kanya. At kaya sa ating lahat na nagkatipun-tipon ngayon, umaasa ako na tayo ay may mapagpasalamat na puso para sa kaalamang mayroon tayo at para sa mga patotoong mayroon tayo at para sa mga damdaming mayroon tayo, na ito ay simula lamang. Ito ay isang kabanata lamang sa pagsulong ng gawaing ito.

Sa hamak na tagpong iyon sa Fayette, New York, kapag naiisip natin ang naganap noon at ang nagaganap sa ating buhay at sa ating mga ninuno, umaasa ako na lahat tayo ay may gayong pasasalamat at magkakaroon ng hangaring isalin iyon sa ating angkan at ang kaalamang mayroon tayo at ang mga patotoong mayroon tayo na ang gawaing ito ay tototo. Umaasa ako na tayo ay nagpapasalamat sa walang hanggang pagpapalang matatanggap natin habang nanonood tayo at bahagi ng pagsisiwalat ng paglaganap ng templo sa buong daigdig at ng pagpapalang iyon na darating sa mga tao.

Habang nagsasalita rito si Kapatid na Pace kani-kanina lamang tungkol sa mga paghamong mayroon tayo sa Ghana, alam ko na 'yon ay hindi pababayaan. Tumayo ako sa ilalim ng puno sa kampus ng pamantasan doon at itinalaga ang Ghana para sa pangangaral ng ebanghelyo. Si Kapatid na Banyan Danson, na pangalawang pangulo ng pamantasan at miyembro ng Simbahan, ay tumayo doon nang araw na iyon at ipinaliwanag sa mga tao kung paano nakapanirahan ang mga katutubo sa Ghana sa bahaging yaon ng Kanlurang Aprika, at kung gaanong pagpapala ang natamo ng mga tribong iyon ng mga tao. Alam ko na malulutas din ang problema, na ito ay magiging isang maliit na pangyayari lamang sa patuloy na pagsulong ng gawaing ito.

Si Pangulong Hinckley, sa kanyang talumpati kanina, ay nagsalita tungkol sa mga kawing ng kanyang mag-anak, at tanikala ng kanyang mag-anak, at umaasa na siya ay magiging matibay na kawing sa tanikalang iyon at na ang kanyang kawing ay manatiling matibay. Isinalaysay niya ang kanyang pagtatangkang bunutin sa lupa ang tuod ng puno sa kanilang ari-arian at kung paano naputol ang tanikala. Pumunta siya sa tindahan upang subukang makakuha ng isa pang kawing upang maayos ang tanikala nang sa gayon ay mabunot nila sa lupa ang tuod na kanila namang naisagawa. Sinabi niya na naisip niya ang kanyang sariling responsibilidad sa kanyang angkan na manatiling matibay na kawing sa tanikalang iyon (tingnan sa "Keep the Chain Unbroken," Brigham Young Magazine, tagsibol 2000, 6).

Umaasa ako at nananalangin na sa ating sariling mag-anak, lahat tayo, ay magkaroon ng hangaring maging matibay na kawing sa ating sariling tanikala ng mag-anak, sa ating angkan upang ang mga walang hanggang pagpapala na bahagi ng ebanghelyo, ang mga pagpapala ng templo at mga kawalang-hanggan, ay maituturo sa ating mga mag-anak sa paraan na magpapatuloy sila kailanman upang maka-antig pa ng maraming-maraming tao. Tiyakin na ang mga kawing na iyon ay matitibay na nakakabit sa inyong tanikala at na inyong ipapasa ang patotoong mayroon kayo, ang debosyong mayroon kayo para sa mga henerasyong darating. Ang napakalaking bilang ng naririto ngayon ay isang kabanata lamang na magaganap sa pagpapalaganap ng gawaing ito sa buong mundo.

Ang Tagapagligtas, kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ay nagpakita sa tabing-dagat nang si Pedro at ang iba pa ay bumalik mula sa pangingisda. Tinanong Niya sila kung may nahuli silang anumang isda, at nalamang wala. Iniutos Niya sa kanila na ihagis ang kanilang mga lambat sa kabilang panig. Naaalala ninyo nang mabuti ang kuwento.

Binuhat nila ang mga lambat na puno ng isda, at habang nakaupo sila sa tabing-dagat, tinanong ng Tagapagligtas si Pedro, "Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?" itinuturo ang mamahaling isda na nagtatalunan sa lambat. "Iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?"

At sumagot si Pedro, "Oo Panginoon, nalalaman mo na kita'y iniibig."

Pagkatapos ay sinabi Niyang, "Pakanin mo ang aking mga kordero." Pagkatapos ay tinanong Niya si Pedro sa ikalawang pagkakataon at sa pangatlong pagkakataon, at sinabing, "Pakanin mo ang aking mga tupa. . . . Pakanin mo ang aking mga tupa" (tingnan sa Juan 21:15­17).

Nawa'y magkaroon tayo ng gayong patotoo, ng hangarin sa ating puso na turuan ang iba, na ipaliwanag ang pinaniniwalaan natin, mamuhay nang matuwid, na maging halimbawa sa sanlibutan, at magawang ipalaganap ang gawaing ito hindi lamang sa pamamamagitan ng sinasabi natin kundi sa pamamagitan ng ikinikilos natin, ng pamumuhay natin, kung paano natin kinakatawan ang mga Simbahan, at ang uri ng halimbawang ipinakikita natin sa sanlibutan.

Alam kong ang Diyos ay buhay, na Siya ang ating Ama--minamahal Niya tayong lahat--at na si Jesus ang Cristo, ang anak ng Diyos na buhay, at na sila ay tunay at nabubuhay ngayon. Pinatototohanan ko ito, iniiwan sa inyo ang aking pagmamahal at patotoo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy