Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Bawat isa sa atin ay tunay na kailangang tulungan ang bawat anak na babae ng Diyos na maunawaan ang mga banal na katangiang ibinigay ng Ama sa Langit sa kanya.
May isang titulo na bihirang gamitin ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa, isinasaalang-alang na ito ay lubhang banal--iyon ay ang titulong Apostol. Sa gayong papel ako lumalapit sa inyo mga minamahal kong kapatid sa pagkasaserdote.
Mangungusap ako tungkol sa kabanalan ng kababaihan. Napakahusay na hinayag ni Pangulong Hinckley ang paulit-ulit na paghimok ng Panginoon na sabihin ng Kanyang mga tagapaglingkod hinggil sa Kanyang mga pinakamamahal na anak na babae:
"Ang babae ang pinakadakilang nilikha ng Diyos. Matapos lalangin ang mundo, matapos mahiwalay ang umaga sa gabi, matapos mahati ang mga tubig sa lupa, matapos lalangin ang mga halaman at hayop at matapos ilagay ang lalaki sa lupa, ay saka pa lamang nilikha ang babae; at pagkatapos niyon, ipinahayag na ang gawain ay tapos na at iyon ay maganda.
"Sa lahat ng nilikha ng Maykapal, wala nang mas maganda, walang mas nakapagbibigay-inspirasyon kaysa sa marikit na anak na babae ng Diyos na lumalakad sa kabutihan, na nauunawaan kung bakit dapat niyang gawin iyon, na iginagalang ang kanyang katawan bilang isang bagay na banal, na pinagyayaman ang kanyang isipan at sa tuwina ay pinalalawak ang kanyang pang-unawa, na nangangalaga sa kanyang espiritu sa walang hanggang katotohanan."1
Pagkatapos ay nagbabala sa atin si Pangulong Hinckley; "Papanagutin tayo ng Diyos kapag pinabayaan natin ang Kanyang mga anak na babae."2
Napakarami sa ating mga kapatid na babae ang nalulungkot, napanghihinaan ng loob, at nawawalan ng pananalig. Ang iba ay nasasangkot sa mabibigat na suliranin dahil sa mga pagpiling kanilang ginawa. Si Satanas ay nagpakawala na ng nakatutuksong plano upang pahinain at wasakin ang likas na kabanalan ng kababaihan, upang linlangin ang mga anak na babae ng Diyos at ilayo sila mula sa kanilang banal na tadhana. Alam na alam niya na ang kababaihan ang maawain, mapagpasakit, at mapagmahal na kapangyarihang nagbibigkis sa mag-anak ng sangkatauhan. Nais niyang ituon lamang nila ang kanilang interes sa kanilang pisikal na anyo at alisin sa kanila ang kanilang nagdadakilang papel bilang asawa at ina. Pinaniniwala niya ang marami sa kasinungalingan na wala silang halaga sa kaharian ng Diyos. Ang kasinungalingang ito ay nakaakay sa ilan na ipagpalit ang pagkababae nilang bigay ng Diyos para sa lapastanganan ng lalaki.
Tumimo sa aking isipan ang lumalaking tagumpay ni Lucifer nang sa Lungsod ng Salt Lake ay lumiko ako sa harap ng isang maliit na pik-ap na puno ng kaakit-akit na kabataang babae. Inilihis nila ang kanilang sasakyan na muntik nang bumangga sa aking kotse. Ipinakita ng mga babae ang kanilang pagkainis sa pagmumura at malalaswang pagkumpas. Sila ay nakasuot karamihan ng panlalaking damit, bagamat ang ilan ay may mahahalay na damit na halos wala nang maitago. Ako'y labis na nalungkot. Sila ay mga anak ng Diyos. Nagpasiya ako na kung ako ay magkakaroon ng pagkakataon hihingin ko ang tulong ng mga matwid na pagkasaserdote ng Diyos upang tulungan ang mga kabataang ito na naliligaw ng landas. Mga kapatid, kaya natin at kailangan natin silang tulungan. Natatakot akong baka ang kanilang kinasadlakang sitwasyon ay bunga ng ating pagpapabaya o maling gawain. Bilang asawa, ama, anak o kapatid na lalaking may pagkasaserdote, bawat isa sa atin ay tunay na kailangang tulungan ang bawat anak na babae ng Diyos na maunawaan ang mga banal na katangiang ibinigay ng Ama sa Langit sa kanya. Marami ang nadadaya mula sa masagana, puspos na buhay, at sa mga biyayang nais igawad sa kanila ng Diyos. Maaari bang tulungan ninyo silang maunawaan kung ano ang nawawala sa kanila habang sila ay inaakay na tila inosente, bulag na tupa ng mga yaong, para sa pansariling kapakanan at pangangatwiran, ay nanakawan sila ng kanilang di-matutumbasang pagkababae? Sapagkat likas sa kanila ang magbigay at magpasaya sa iba, maraming kababaihan ang hindi nakauunawa ng kanilang tunay na halaga. Ang pagkawalang iyon ang magpapadali sa kanilang matukso ng mga yaong manghihikayat na ang kanilang pangunahing papel ay ang maging pisikal na kaakit-akit.
Napakarami sa ating mga kabataang babae ang isinakripisyo ang kaloob ng Diyos na pagkababae, espirituwalidad, at magiliw na pagmamalasakit sa iba, sa altar ng tanyag at makamundong pagkilala. Mga kabataang lalaki, ipaalam ninyo sa kanila na hindi kayo hahanap ng walang hanggang kasama sa mga yaong nadaig ng mga makamundong uso. Marami ang nagdadamit at kumikilos nang mahalay dahil sinabihan silang gayon ang gusto ninyo. Sa maingat na paraan ipaalam kung gaano nakawawala ng gana ang mga malalaswang suot para sa inyong isang karapat-dapat na lalaki, at kung gaano nito naaantig ang mga di kanais-nais na damdamin sa nakikita ninyo laban sa inyong kalooban.
Ang mga kabataang babaeng sumusunod sa disenteng pamantayan ng pananamit at nagpapakita ng mga katangian ng isang tapat na Banal sa mga Huling Araw ay madalas pintasan dahil wala sila "sa uso." Palakasin ang loob nila sa pamamagitan ng pasasalamat sa kanilang magandang halimbawa. Pasalamatan sila sa paggawa ng nakalulugod sa Panginoon, na pagdating ng araw ay magpapala sa kanilang asawa at mga anak. Marami nang kabataang babae ang napabalik sa kabutihan dahil sa halimbawa at mapang-unawang suporta ng isang mabait na may taglay ng pagkasaserdote. Marahil matatalakay ninyo nang tuwiran ang mga alalahanin sa isang angkop na lugar tulad ng Panlinggong Paaralan o klase sa seminary. Maaari n'yo bang simulan ang isang pansariling kampanya para tulungan ang mga kabataang babae na maunawaan kung gaano sila kahalaga sa Diyos at kaakit-akit sa inyo habang pinauunlad nila ang mga pambabae nilang ugali at ang mga makalangit na katangian ng kababaihan? Maaari pa ninyong matulungang mahubog ang pagkatao at pagmamahal ng inyong magiging walang hanggang kasama.
Bilang kapatid na lalaki, magkakaroon ka ng malakas na positibong impluwensya sa buhay ng iyong kapatid na babae. Purihin siya kapag sadyang nakasisiya ang ayos niya. Maaaring mas makinig siya sa iyo kaysa sa inyong magulang kapag iminungkahi mong magsuot siya ng disenteng pananamit. Ang mga simpleng pagmamagandang-loob tulad ng pagbubukas ng pinto at paghubog ng pagpapahalaga sa sarili ay makapagpapalakas ng loob niya upang kanyang malaman ang kanyang tunay na halaga.
Maging matalinong ama na nagbibigay ng atensyon sa bawat anak na babae. Magdudulot ito ng kagalakan sa iyo at kasiyahan sa Kanya. Kapag nadarama ng anak na babae ang pagmamahal at pagsang-ayon ng kanyang ama, hindi siya maghahanap ng atensyon sa di-angkop na paraan. Bilang ama, kilalanin ang mabuti niyang asal. Makinig sa kanya at purihin siya sa kanyang mga lakas. Labis mong mapagyayaman ang kanyang buhay. Tutularan niya ang pag-uugaling kanyang nakikita. Ipakita mo sa kanya ma tinatrato mo ang iyong asawa at ang ibang kababaihan nang may pagpapahalaga at tunay na paggalang.
Mga obispo, hikayatin ang bawat kabataang babae na pag-isipan ang nakapupukaw na komperensiya noong Sabado sa pulong ng mga Kabataang Babae. Magbibigay ito sa kanya ng pananaw kung sino siya at tutulungan siya nito sa pagtupad ng kanyang banal na tadhana. Matutulungan siya nito na makita kung gaano kahalaga ang manatiling matatag laban sa mga mapanirang alon ng mundo at ipahayag ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo.
Mga kapatid, habang iginagalang natin ang kababaihan, mahihikayat ang bawat anak na babae ng Diyos na gayundin ang gawin.
Ngayon, magsasalita ako hinggil sa isang bagay na siyang napakabanal. Nang tayo'y lalangin, inilagay ng Ama sa Langit sa mga bahagi ng ating katawan, ang kakayahang mag-antig ng masisidhing damdamin. Sa loob ng tipan ng kasal, kapag ginagamit nang angkop sa paraang tanggap ng mag-asawa at ng Panginoon, ang damdaming ito ay nagbubukas ng pinto para makaparito sa mundo ang mga bata. Ang gayong sagradong pagpapahayag ng pag-ibig ay mahalagang bahagi ng tipan ng kasal. Pinahihintulutan nitong maging malapit ang mag-asawa sa isa't isa sa pamamagitan ng maganda at angkop na pagpapakita ng mga damdaming ito sa pagitan ng mag-asawa. May mga pagkakataon, mga kapatid na lalaki, na kailangan ninyong pigilin ang mga damdaming iyon. May mga pagkakataon na kailangan ninyong ipahayag nang lubos ang mga damdaming iyon. Hayaan ninyong patnubayan kayo ng Panginoon sa mga paraang magpapayabong sa inyong buhay mag-asawa.
May mga kalalakihan, at sa kasamaang palad ilang kababaihan, na sinusubok antigin ang mga damdaming iyon sa pamamamgitan ng mga impluwensyang hindi sakop ng tipan ng kasal. May malaking pagkakaiba ang pag-ibig at kahalayan. Ang dalisay na pag-ibig ay nagdadala ng ligaya at nagbubunga ng tiwala. Ito ay saligan ng walang hanggang kaligayahan. Wawasakin naman ng kahalayan ang yaong nagpapasigla at maganda. Ang lalaki ay hindi dapat magkaroon ng mga planong lihim sa kanyang asawa. Ang pagbabahagi ng lahat tungkol sa sariling buhay ng bawat isa ay malakas na segurong espirituwal. Sa inyong paglalakbay, magdala ng larawan ng inyong maybahay. Ilagay ito sa inyong harapan. Isipin kung gaano kayo minamahal at pinagkakatiwalaan at di kayo matutuksong mag-isip ng masama o labagin ang inyong mga tipan.
Isa sa mga lubos na nakasusumpang impluwensya sa lupa, na nakapagdulot na ng di-masukat na lungkot, dusa, pasakit, at wasak na kasal ay ang pagsalakay ng pornograpiya sa lahat ng masama, mapangain, mapanira nitong anyo. Maging ito man ay sa lathalain, mga pelikula, telebisyon, sa malalaswang salita, sa telepono, o sa kumukurap na screen ng kompyuter, ang pornograpiya ay lubos na nakagugumon at lubhang nakasisira. Ang mabisang kasangkapang ito ni Lucifer ay nakasasama sa isip, puso, at sa kaluluwa ng sinumang gagamit nito. Lahat ng mga nahuli sa mapang-akit, nakahahalinang sapot nito, at nanatili roon, ay magugumon sa imoral, mapanirang impluwensya nito. Sa marami, ang pagkagumong iyon ay di madadaig nang walang tulong. Ang kalunos-lunos na sinusundang hakbang ay napakalubhang pamilyar. Ito ay nagsisiumula sa pagkamausisa na pinaniningas ng pagpapasigla nito at pinangangatwiranan ng maling batayan na kapag ginagawa nang lihim, ay hindi ito nakapipinsala sa iba. Na pinapayapa ng kasinungalingang ito, ang pag-eeksperimento ay mas lumalalim, nang may mas masidhing pagpapasigla, hanggang sa ang sapot ay magsara at isang matinding imoral, nakagugumon na gawi ang nabubuo.
Paanong hindi maisip ng isang lalaki, laluna't may taglay na pagkasaserdote, ang emosyonal at espirituwal na sakit na idudulot sa mga kababaihan, lalo na sa asawa, ng mga nakasusuklam na gawaing ito. Ang pakikilahok sa pornograpiya sa anumang lantad na anyo nito, ay nagpapakita ng di-mapigil na kasakiman.
Malinaw na inihayag ng inspiradong si Nephi, "At gagawin [ng diyablong] payapa. . ., at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan . . . at sa gayon [kanyang] lilinlangin ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impyerno."3
Mga pangulo ng istaka at mga obispo magbabala hinggil sa kasamaang ito, at anyayahan ang mga yaong nabihag nito na lumapit sa inyo upang matulungan.
Sa bawat maytaglay ng Pagkasaserdoteng Aaron at Melquisedec, taimtim kong ipinahahayag bilang tagapaglingkod ni Jesucristo, na sa kabila ng itinuturo ng mundo, ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay napakabigat na kasalanan. Para sa inyong sariling kapakanan at sa pagpapala ng Kanyang mga anak na babae, maging malinis kayo. Kung mayroong kahit kaunting pagkahilig sa imoralidad, iwaksi ito sa inyong buhay. Kung may nagawang paglabag, kausapin ang inyong obispo o pangulo ng istaka at linisin ang inyong buhay. Gawin itong dalisay at matwid. Taglay ninyo ang pagkasaserdote ng Diyos. Pinatototohanan kong tutulungan kayo ng Manunubos. Kung hahangarin ninyo ito, aakayin Niya kayo sa gayong tulong upang sa pamamagitan ng lubos na pagsisisi, mapapatawad kayo ng Panginoon.
Alam ko kung paano ang magmahal ng anak na babae ng Diyos na siyang may dangal at katapatang naglingkod nang may buong kariktan ng kanyang matwid na pagkakababae. Bilang asawa, sabihin sa tuwina sa inyong maybahay kung gaano mo siya kamahal. Magdudulot ito ong labis na kaligayahan sa kanya. Bilang anak na lalaki, sabihin sa iyong ina kung gaano mo siya kamahal. Magdudulot ito ng labis na kagalakan sa kanya. Magpasalamat tayo sa ating Ama sa Langit dahil sa Kanyang mga minamahal na anak na babae. Tulungan natin sila hanggang sa abot ng ating makakaya. Hikayatin natin ang bawat babae na nag-aalinlangan sa kahalagahan niya na lumapit sa kanyang Ama sa Langit at sa Kanyang Maluwalhating Anak para sa pagpapatibay mula sa langit ng kanyang napakalaking kahalagahan bilang indibiduwal. Pinatototohanan ko na habang pinagsisikapang matamo ito ng bawat babae sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod, patuloy siyang susubaybayan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Aakayin siya ng patnubay na ito sa kanyang katuparan, kapayapaan, at lubos na kagalakan sa pamamagitan ng masigasig niyang pagtupad ng kanyang banal at sagradong pagkababae. Alam kong gagawin ito ng Tagapagligtas. Nagpapatotoo ako na Siya ay buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
Ang nakasulat na tekstong ito ay kinapapalooban ng mga bahagi na hindi naipahayag dahil sa kakulangan ng oras.
1. "Ang Pananagutan Natin sa Ating mga Kabataang Babae," Ensign, Set. 1988, 11.
2. Ensign, Set. 1988, 11.
3. 2 Ne. 28: 21.