The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Paggalang sa Pagkasaserdote

Paggalang sa Pagkasaserdote

Obispo H. David Burton
Namumunong Obispado

Ang pagkasaserdote ay hindi isang bagay na hinuhubad natin mula Lunes hanggang Sabado at isinusuot muli tuwing Linggo. Ito ay 24-7 pribilehiyo at pagpapala--iyan ay, 24 na oras isang araw, 7 araw isang linggo.

Obispo H. David Burton

Magandang gabi, mga kapatid. Sa loob ng maraming buwan nag-alala tayo tungkol sa pagiging handa ng gusaling ito para sa pangkalahatang komperensiya. Isang himala ang naisagawa--himala na naging posible dahil ang mga propesyonal, mga ordinaryong kalalakihan at kababaihan, . . . ay nagpakita ng pambihirang debosyon, sakripisyo at inspirasyon na lampas sa karaniwang inaasahan sa mga mangggawa. Inaalay ko ang aking taimtim na pagpapahalaga at pasasalamat sa aking mga tagapayo at sa lahat ng tao na nagbahagi ng talento sa proyektong ito.

Maraming beses na akong nagtungo sa gusaling ito noong ito'y kasalukuyang itinatayo: gayunpaman habang tinitingnan ko ito ngayong gabi na puno ng mga maytaglay ng pagkasaserdote, ako'y namamangha sa laki at ganda nito. Para sa inyo na mga sumusubaybay sa internasyonal na soccer [football], ang layo mula sa kinatatayuan ko hanggang sa huling hilera ng palko ay mga tatlong kapat ng haba ng isang palaruan. Ang ganoong layo ay katumbas ng tatlong laruan ng basketbol na inilagay nang puno't dulo o halos apat na laruan ng tenis na itinayo sa ganoon ding paraan. Ang isang manlalaro ng golf marahil ay pipili ng nine iron sa paghahangad na tamaan ang bola lampas hanggang sa huling hilera ng palko at ang pandaigdigang mananakbo ng maliliit na distansiya ay matatakbo ang layong iyon sa loob ng mga siyam na segundo. Tulad na nga ng salitang madalas kong marinig, totoong ito'y pambihira!

May mga pagkakataong nasisiyahan ako na makilahok o manood ng mga kaganapang pampalakasan. Paminsan-minsan ipinahihiwatig ng aking asawa na tila nadadalas ang pakikilahok at panonood ko. Sa karamihan sa mga palakasan, kung inilalagay ng kalahok o tagasanay ang nakaunat niyang mga daliri nang patayo sa palad ng isa niyang kamay, iyon ay palatandaan para sa "time out." Pansamantalang inihihinto ang paligsahan habang nagtatalakayan ang mga tagasanay at manlalaro ng istratehiya. Ang salitang "time out" ay ginagamit din ng ilang magulang upang ilarawan sa kanilang mga anak ang kalagayang pupuntahan nila kung patuloy silang susuway sa mga nais ng kanilang mga magulang. Ang "time out" ay nagbibigay ng pagkakataon sa tao na pag-isipan ang kanilang pag-uugali.

Mga kasamahan ko sa Pagkasaserdoteng Aaron, ilagay natin ang ating sarili sa "time out" sa gabing ito upang talakayin ang ilang isyu sa pagkasaserdote.

Ilang linggo na ang nakalilipas, nakipag-usap ako sa aking 16 na taong gulang na apong babae. Tinanong ko kung ano ang sasabihin niya sa mga kabataang lalaki ng Pagkasaserdoteng Aaron kung makapagsasalita siya sa kanila. Sinabi niya, "Lolo, sasabihin ko sa kanila na magpakita ng paggalang sa pagkasaserdote at maging mga maytaglay ng pagkasaserdote sa loob ng pitong araw sa isang linggo sa halip na sa araw lamang ng Linggo. Ang ilan sa mga kalalakihan ay hindi nagpapakita ng paggalang para sa pagkasaserdote dahil nagsasalita sila ng kalapastangan; ang ilan ay sangkot sa pornograpiya; at ang iba ay nagdodroga." Natitiyak ko, mga bata kong kapatid, na sasang-ayon kayo na ang kalapastanganan, pornograpiya, at droga ay hindi dapat maging bahagi ng buhay ng isang nagtataglay ng pagkasaserdote.

Ang pagkasaserdote ay hindi isang bagay na hinuhubad natin mula Lunes hanggang Sabado at isinusuot muli tuwing Linggo. Ito ay 24-7 pribilehiyo at pagpapala--iyan ay, 24 na oras isang araw, 7 araw isang linggo.

Ang lapastangan at magaspang na pananalita ay nagiging palasak na lang at tinatanggap na ng marami bilang karaniwang bahagi ng kanilang pananalita. Tila pinalabo na ang ating kaalaman sa kung ano ang tama at mali ng patuloy na pagdaluyong ng kalapastanganan at kagaspangan sa pananalita. Ito ay laganap na sa ating musika, mga paaralan, palakasan, "shopping mall," at sa ating pinagtatrabahuhan. Karamihan sa pang-araw-araw na pag-uusap ay ginagamitan ng magagaspang na pananalita at walang pakundangang pagpapahayag, sapagkat minsan ay inaakala ang mga ito na katawa-tawa.

Kamakailan lamang ay nasa department store ako at nagsusukat ng sapatos. Apat na kabataang lalaki ang naghahanap ng sapatos na tinawag nilang sapatos ng misyonero. Malinaw na dalawa sa mga kabataang ito ay nakatanggap na ng tawag sa misyon at naroon upang humanap ng sapatos na bagay sa maglilingkod sa misyon. Nagulat ako na mapakinggan ang maraming magaspang na salita at ilang walang pakundangang pananalita na tila ba likas na sa kanilang dila. Nang mapansin nila na may iba pang tao na naroon, narinig ko ang isa na nagsabing, "Oy, sandali, huminto na nga tayo sa ganyang usapan," habang itinuturo ng kanyang ulo ang kinaroroonan ko.

Sinabi ni Pangulong Hinckley, "Ang pag-uusap ay pangunahing sangkap ng pakikipag-ugnayan sa iba. Maaari itong maging masaya. Maaari itong maging magaan. Maaari itong maging masidhi. Maaari itong maging katuwa-tuwa. Ngunit hindi ito dapat maging magaspang, o nakasasakit, o mahalay kung ang isa man ay totoong nananampalataya kay Cristo" (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 494). Ang lapastangang pananalita at ang pagkasaserdote ay hindi magkabagay. Ni ang lapastanganang pananalita ay hindi bagay sa misyonerong paglilingkod. Ang lapastangan at magaspang na pananalita, kung bahagi man ito ng ating pakikipag-usap, ay kailangang alisin na mula sa ating bokabularyo. Ang pag-uusap ay isa sa mga bintana ng ating kaluluwa.

Sa oras ng ating "time out" pag-usapan natin ang tungkol sa pornograpiya. Nitong mga nakaraang taon, tila isang di-mapigil na apoy ang paglaganap ng pornograpiya. Araw-araw tayong nakalantad dito. Ang pornograpiya ay nakahuhumaling ding gaya ng marami pang bagay na hindi mo man lang pagtatangkaang ilagay sa iyong katawan. Tunay na lubos na mapangwasak ang mga bunga ng pornograpiya. Ilagay sa inyong isipan na hindi nais ni Satanas na maging masaya o matagumpay tayo sa ating tungkulin sa Pagkasaserdoteng Aaron. Huwag kayong magkakamali, nais niya na maging malungkot tayo. Ang layunin niya ay bihagin ang ating mga puso sa pamamagitan ng pag-uudyok sa atin na makisali sa nakapangingilabot na bagay na tulad ng pornograpiya. Layuan ito. Disiplinahin natin ang sarili na iwasan ang mga aklat, magasin, musika, larawan, video, DVD, pelikula, Internet, programa sa telebisyon--lahat ng anumang naglalaman ng pornograpiya o mahalay na materyal. Ang pornograpiya at pagkasaserdote ay hindi magkabagay. Igalang ang pagkasaserdote; tumawag ng permanenteng "time out" sa anumang impluwensiya ng pornograpiya.

Ipinaaalaala sa atin ni Pangulong Hinckley na "ang makabagong nagpapahirap na bawal na gamot ay naging isa nang salot sa daigdig. . . . Sa karamihan ng kaso, kasunod nito ang mahabang panahong nagugugol sa kalungkutan at sakit at pagsisisi. Hindi katulad ng mga sinaunang salot, kung alin walang natutukoy na panlaban, ang panlaban ay malinaw at masasabing madali sa kaso ng bawat na gamot. Nakasalalay ito sa simpleng pag-iwas na hawakan ang mga ito" ("The Scourge of Illicit Drugs", sa Speaking Out on Moral Issues, [1992], 127). Hindi natin ilalagay ang ating buhay sa panganib sa paglalaro sa isang makamandag na ahas. Ang bawal na gamot ay mapanganib na tulad ng nakamamatay na kamandag ng ahas.

Ang aming anak na lalaki ay umuwi kamakailan sa kanyang tahanan na nasumpungan ang kanyang anak na lalaki na nakaupo sa hapag-kainan na nakapangalumbaba. Isa pang anak ang malungkot na nakaupo sa sala at nakatitig sa bintana. Wala roon ang kanilang ina. Tinanong ng aking anak ang mga bata kung saan ito naroon. Itinuro nila ang banyo. Marahan siyang kumatok at nagtanong, "Mahal, nariyan ka ba?" Sumagot ito, "Binigyan ko lang ng 'time out' ang sarili ko," Nangangailangan din ang matatanda ng "time out" sa tuwina.

Mga maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, maaari bang samahan ninyo kami sa mga natitirang sandali pa ng "time out"? Sa panahon ng araw-araw na pakikibaka, madaling mawala ang pokus natin sa ating ministeryo bilang ama at maytaglay ng pagkasaserdote. Kung hindi tayo maingat, ang ating mga hanapbuhay, gawi, libangan, at marahil maging ang mga paglilingkod natin sa Simbahan ay magkakaroon ng di-magandang epekto sa ating tungkulin bilang ama at asawa.

Si Pangulong Howard W. Hunter ay nagkaroon lamang ng isang pagkakataon na magsalita sa pangkalahatang pulong ng pagkasaserdote noong siya ay Pangulo ng Simbahan. Noong panahong iyo ng Oktubre ng 1994, pinamagatan ni Pangulong Hunter ang kanyang talumpati ng, "Ang Pagiging Mabuting Asawa at Ama." Sa lubos na pinaghandaang talumpating iyon, isa-isa niyang binalangkas ang mga pamantayan at inaasahan sa lahat ng nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec. Iminumungkahi ko na repasuhin ninyo ang buong talumpati. Ngayong gabi, magbabanggit lamang ako ng dalawa. Sinabi ni Pangulong Hunter: "Ang isang lalaking nagtataglay ng pagkasaserdote, ay itinuturing ang mag-anak na inordena ng Diyos. Ang pamumuno sa inyong mag-anak ay siyang pinakamahalaga at sagradong responsibilidad. Ang mag-anak ang pinakamahalagang yunit sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan at, bilang gayon, pinangingibabawan ang iba pang interes sa buhay" (sa General Conference Report, Okt. 1994, 68; o Ensign, Nob. 1994, 50).

Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, "Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na magagawa natin ay sa loob mismo ng ating sariling tahanan" (Stand Ye in Holy Places [1974], 255). Kailangang matapat nating suriin at arukin ang kaibuturan ng ating kaluluwa. Ginagawa ba natin ang lahat ng dapat nating gawin upang bigyan ng tagubilin ng ebanghelyo at pamamahala ang ating mag-anak, o ipinauubaya na lamang natin ang responsibilidad na iyan sa iba? Ang pamumuno sa mag-anak ay kadalasang humihingi sa atin ng muling pagsasaayos ng mga priyoridad natin upang mahanap ang kinakailangang panahon. Ang kapaki-pakinabang at dami ng oras ay mahalaga.

Ipinaalaala rin sa atin ni Pangulong Hunter, "Ang isang lalaking nagtataglay ng pagkasaserdote ay umaakay sa kanyang mag-anak na makibahagi sa Simbahan upang malaman nila ang ebanghelyo at mapasailalim ng pangangalaga ng mga tipan at ordenansa" (sa General Conference Report, Okt., 1994, 69; o Ensign, Nob. 1994, 51). Upang maisagawa natin ang tungkuling ito ng pagkasaserdote, kailangang tiyakin natin na nasa ayos ang ating buhay. Ang pagpapaimbabaw ay hindi kailanman nagbunga ng mabuti noon at hindi rin magbubunga ngayon. Tayo ay inaatasang mamuno sa kabutihan at hikayatin ang ating mga mag-anak na sundan ang ating mga halimbawa. Mamuno sa gabing pantahanan ng mag-anak. Mamuno sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Magbigay ng mga pagbabasbas ng pagkasaserdote. Mamuno sa panalangin na pansarili at pangmag-anak. Sinabi ni Pangulong Monson, "Tandaan na ang isang lalaki kailanman ay higit na mataas kung siya ay nakaluhod" (sa Conference Report, Abr. 1964, 130).

Ang isang "time out" ay karaniwang magtatapos sa maikli't masiglang pag-uusap. Mga kapatid, makapananaig tayo at sa huli ay magtatagumpay sa labanan. Maigagalang at mapagpipitaganan natin ang pagkasaserdote sa pitong araw-isang linggo-dalawampu't-apat na oras isang araw. Maiaalis natin ang pananalitang may kalapastanganan, pornograpiya, at droga sa ating buhay pati na rin ang iba pang gawaing walang kabuluhan at marumi. Mabibigyan natin ang ating mag-anak ng pamumuno ng pagkasaserdote at espirituwal na patnubay na kailangan nila. Magagawa natin ito at higit pa kung lalapit tayo sa Tagapagligtas, igagalang ang banal na pagkasaserdoteng tinataglay natin, at magiging matapat sa mga tipang ginawa natin.

Nagpapatotoo ako na tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon. Siya ang ating Tagapagligtas. Siya ang ating Manunubos. Siya ay nagbayad-sala sa ating mga kasalanan. Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya ay buhay. Minamahal Niya tayo nang walang pasubali. Tayo ay nagtataglay ng Kanyang pagkasaserdote. Minamahal ko si Pangulong Hinckley, ang kanyang mga tagapayo, ang Labindalawa, ang aking kapwa Pangkalahatang Awtoridad, at ako ay nagpapatotoo sa kanilang kabutihan, sa kanilang kadakilaan at sa kanilang karapatan. Minamahal ko kayo aking mga kapwa maytaglay ng pagkasaserdote, at nananalangin para sa ating tagumpay. Sa banal na pangalan ni Jesuscristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy