The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Ang Inyong Personal na Patotoo

Ang Inyong Personal na Patotoo

Elder Angel Abrea
Ng Pitumpu

May kapangyarihan ang Espiritu Santo na magbigay ng liwanag at pang-unawa sa ating buhay, subalit kailangang gawin natin ang nararapat upang mahanap at matamo ang Kanyang pakikisama.

Elder Angel Abrea

Nais kong magkaroon ng kunwaring pakikipag-usap sa mga may taglay ng pagkasaserdote tungkol sa personal na patotoo. Ako'y naniniwala na matutulungan ako ng pangkaraniwang paraang ito na maiparating ang aking mensahe. Para sa layunin ng ating talakayan, gagamitin ko ang mga pangalan ng aking mga apong lalaki; mangyaring isipin na ang mga pangalang ito ay sa inyo at na ako'y tuwirang nagsasalita sa bawa't isa sa inyong mga kabataang lalaki.

Mahal kong James, noong ika'y bata pa nagbahagi ka ng iyong patotoo at sinabing "Alam kong totoo ang ebanghelyo. Alam kong si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Alam ko na totoong propeta si Joseph Smith."Nalaman mo ang mga bagay na iyon dahil sinabi iyon ng iba sa iyo. Dahil sa pagtitiwala mo sa iyong mga magulang, obispo, at sa iba ay hindi mo kailanman pinag-alinlanganan ang kaalamang iyon. Subalit ngayon, habang higit kang mag-isang nakauunawa, nakababatid, at nakakikita ng lahat ng bagay na pabagu-bago na inilalahad sa iyo ng napakatindi at magandang buhay na ito, kadalasa'y nalalaman mo na hindi lahat ng tao ay may magkakatulad na patotoo o ng "kapayapaan ng Diyos, na di masayod ng pag-iisip" (Mga Taga Filipos 4:7).

Marahil, Jonathan, nalaman mo na, na mayroong matatanda na may pag-aalinlangan at hindi magsasabi sa iyo hinggil sa magagandang konsepto ng Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at buhay na walang hanggan. Sa halip, sasabihin nila sa iyo na "Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas" (2 Ne. 28:7). Nakikita mo ang iba na nangangapa at nagsisikap umunawa, naghahanap ng mga sagot na hindi nila makita. Gayunpaman, sisikapin pa rin nilang ipakita sa iyo ang kanilang kaalaman hinggil sa bagay na wala sa kanila. Sasabihin maging ng ilan, "Siguro totoo ang mga bagay na ito, o siguro hindi. Ang pinakamahusay na magagawa natin ay mamuhay sa paraang inaakala nating tama, at kung mayroong buhay pagkatapos nito ay titingnan natin kung anong mangyayari."

Ngayon, Andrew, nauunawaan ko ang maaaring iniisip at nadarama mo sa iyong puso at isipan. Nauunawaan ko na kapag nakikinig ka sa iba't ibang mensaheng ito maaaring itanong mo sa iyong sarili kung alin ang tama at alin ang mali.

Natitiyak ko maraming tanong na ang pumasok sa iyong isipan. Ang totoo niya'y hindi ka isusumpa sa pagtataka o pagtatanong kung hahanapin mo nang matapat ang sagot. Binigyan tayo ng kakayahang mag-isip upang gamitin. Ang pananampalatayang batay sa pansariling panalangin, pag-aaral, at pagsunod ay higit na nagtatagal kaysa sa bulag na pananampalataya; higit na nakapagdudulot ng gantimpala, at tiyak na mas matibay.

At ikaw, Paul, naaalaala mo ba nang sabihin ng Tagapagligtas, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit. Sinuman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit"? (Mateo 18:3­4). Natutulungan tayo ng pananatiling mapagpakumbaba at pagiging madaling turuan ng isang bata, subalit kailangang tiyakin natin na patuloy tayong lumalago at huwag makuntento sa kakaunting kaalaman o pang-unawa sa ebanghelyo na mayroon ang isang bata. Alalahanin mo, Pablo, ang sinabi ng kapangalan mong Apostol sa mga taga Corinto: "Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pag-iisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pag-iisip kayo'y mangagpakatao" (1 Cor. 14:20).

Ngayon, mahal kong Russell, itatanong mo sa iyong sarili, "Kung gayon, kailangan ko bang hanapin mismo ang sagot? Kahit sino ba'y maaaring magkaroon ng ganitong patotoo? Kaloob lamang ba ito sa iilan? Ang mga nagsasabi bang talagang alam nila ay inaakala lamang na alam nila o napaniwala nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng isang panlilinlang sa isipan?"

Bilang sagot sa iyong mga tanong, at upang higit na ipaliwanag ang mga bagay na ito, hayaan mong sabihin ko sa iyo na sinabi ni Elder John A. Widtsoe na ang mga yaong may tunay na patotoo sa ebanghelyo ay may "pinakamataas na uri ng kaalaman. Dumarating ito bilang paghahayag kapag nalaman at sinunod ang katotohanan. . . . Ito talaga ang pinakamahalagang pag-aari ng tao" ("What Does It Mean to Have a Testimony?" Improvement Era, Mayo 1945, 273; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nauunawaan mo na ba na ang isang patotoo ay inilarawan bilang pinakamataas na uri ng kaalaman at "pinakamahalagang pag-aari ng tao" at na sa Doktrina at mga Tipan ay binabanggit ito ng Tagapagligtas bilang kaalamang "mananahanan sa iyong puso"? (D at T 8:2).

Maaaring mahirap maunawaan ito sa iyong edad, subalit ang ating patotoo ay isang bagay na dadalhin natin sa kabilang buhay. Iiwanan natin ang lahat ng ating pag-aari sa lupa, subalit ang kaalamang iyon, ang matibay na pananalig na iyon, ay mananatili sa atin. Isipin mo si Joseph Smith: hindi nakukuha ng mga taong pumaslang sa kanya ang pinakamahalaga niyang pag-aari--ang kanyang patotoo. Taglay ni Propetang Joseph ang mahalagang pag-aaring iyon hanggang sa tabing ng kamatayan patungo sa kawalang hanggan kung saan ipinangako sa kanya ng Panginoon ang "isang trono para sa iyo sa kaharian ng aking Ama" (D at Tipan 132:49). Subalit ang patotoo ring iyon, pati na ang "katanyagan at pangalan na hindi maaaring mapatay" (D at T 135:3), ay nananatiling kasama natin. Naririnig natin ang umaalingawngaw na patunay ng Propeta ng Diyos na nagpapatotoo "Na [si Cristo] ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama" (D at T 76:22­23).

Mahal kong Matthew, ngayong nakita mo na ang walang hanggang katangian ng isang patotoo, maaari na tayong magpatuloy sa ating pag-uusap, na nagpapakitang maaari kang magkaroon ng sarili mong patotoo kung gagawin mo ang kinakailangan upang matamo ito.

Sa isa sa mahihirap na panahong naranasan ng matapat at may dedikasyon na batang si Nephi sa kanyang mga suwail na kapatid, ipinaalaala niya sa kanila ang sumusunod na gabay sa pagtatamo ng patotoo. Ipinahayag ng Panginoon, "Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito" (1 Ne. 15:11). Ngayon ay maaari nating repasuhin ang mga hakbang na inilarawan ni Nephi.

Una, huwag patigasin ang inyong puso. Maghangad na makaalam. Sa madaling salita, magkaroon ng matindi, marubdob na pagnanais na makaalam. Magbigay-puwang na ang binhi ay maitanim sa iyong puso, at kung gagawin mo ito, alam mo ba kung ano ang pangako? Sinasabi sa atin ni Alma, "Siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay . . . na malaman ang hiwaga ng Diyos" (Alma 12:10).

Pangalawa, magtanong nang may pananampalataya. Sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan, napansin n'yo ba kung ilang ulit sinasamahan ng pariralang "naniniwalang makatatanggap kayo" ang kautusang manalangin at magtanong? Sa proseso ng paghingi ng kaalaman, dapat tayong manampalataya--maniwala bago makatanggap. Upang ilarawan ang bahaging ito ng ating pag-uusap, binibigyan tayo ng magandang halimbawa ni Alma nang ipaliwanag niya kung paano niya natamo ang kanyang patotoo:

"Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin" (Alma 5:46).

Pangatlo, sundin ang mga kautusan. Sa palagay ko binibigyang-diin ng mga salita sa Aklat ni Mormon ang mga pagpapala na maaari nating matamo kapag gumagawa tayo ng mabubuti. Ipinahayag ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, "Kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin" (Mosias 4:10). At sinabi ng dakilang misyonerong si Ammon, "Oo, siya na nagsisisi at pinaiiral ang pananampalataya, at gumagawa ng mabubuting gawa, at patuloy na nananalangin nang walang hinto--sa kanya ay ipagkakaloob na malaman ang mga hiwaga ng Diyos" (Alma 26:22).

Ngayon, Cole, nasuri na natin ang iba't ibang hakbang na dapat nating sundin sa paghahanap natin ng patotoo. Subalit mayroon pang pinakamahalagang tulong na maaari nating gamitin upang magkaroon tayo ng katibayan at katiyakan, at ito'y karapatan mo kapag namumuhay ka nang matwid upang matanggap ang pakikisama ng Espiritu Santo. Alalahanin ang pangako sa Moroni: "At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay" (Moro. 10:5). Pansinin na sinabi kong matanggap ang pakikisama ng Espiritu Santo. May kapangyarihan ang Espiritu Santo na magbigay ng liwanag at pang-unawa sa ating buhay, subalit kailangang gawin natin ang nararapat upang mahanap at matamo ang Kanyang pakikisama.

Isinulat noon ni Elder Marion G. Romney, "Tungkulin ng Espiritu Santo na ihayag ang katotohanan ng kalangitan sa mga karapat-dapat makatanggap nito. Lahat tayo, kung hahangarin natin, ay maaaring maging karapat-dapat. Gayunman, kailangang palagi nating tandaan, hindi siya mamamalagi sa maruming kapaligiran. Sanay siya sa piling ng Diyos, sapagkat kasamahan siya ng Ama at ng Anak. Nang tanggapin natin ang kaloob na Espiritu Santo, inutusan tayong tanggapin siya; hindi siya ang inuutusang pumunta sa atin. Subalit kung, buong puso natin, ay tunay natin siyang hahanapin, sasama siya sa atin at gagabayan niya tayo sa paggawa ng mga pasiya sa lahat ng suliranin sa ating buhay" ("Revelation in Our Personal Affairs," Relief Society Magazine, Okt. 1955, 647). Ibinibigay sa atin ang Espiritu Santo bilang saksi sa Ama at sa Anak; na si Jesucristo ang ating Manunubos; na mayroong propeta sa daigdig na namumuno sa tunay na Simbahan na nagtataglay ng pangalan ng Tagapagligtas, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; at lahat ng gawain at pangako ng Diyos ay matutupad sa Kanyang panahon at sa Kanyang sariling paraan.

At ngayon pinakabunso kong apo, Tate, maaari nating wakasan ang pag-uusap na ito sa pagbanggit kung ano ang patotoo. Marahil ang pinakamahusay na pakahulugan nito ay ang pagtingin kung ano ang sinasagisag ng patotoo sa ating buhay. Ito ay ang pagsasabing, "Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko" (1 Ne. 3:7), at ang pagkilos batay sa kaalamang ito. Ito ang pagkakaroon ng kapayapaang nagmumula sa kaalamang nagawa na ang lahat, na lahat ng talino ay nagamit na sa abot ng makakaya. Ito ay ang pagsunod sa utos ng Panginoon kay Josue: "Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka't ang Panginoon mong Diyos ay sumasa iyo saan ka man pumaroon" (Josue 1:9). At ito ay ang, "maging mapagtiis sa mga pagdurusa" (D at T 31:9). Ito ay ang hindi pagsuko, kundi pagtayo bilang isang halimbawa sa iba. Ito ay ang pagiging laging "handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa iyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa iyo, ngunit sa kaamuan at takot" (1 Pedro 3:15). Ito ay ang pagpapahayag ng Kanyang angkan: "Si Jesucristo [ay] ang Anak ng Diyos, ang Ama ng Langit at lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa simula" (Mosias 3:8). Oo, ang mga ito at maraming iba pang katangian at asal ang nagpapakita ng patotoo. At ito ang patotoo ko sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy