Pangulong James E. Faust
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ang Pagwawagi sa sarili . . . ang pinakamatinding pagsubok ng ating pagkao.
Mga kapatid, bahagi tayo ngayong gabi ng makasaysayang pangyayari. Nagtitipun-tipon tayo sa pinakamalaking idinaos na pulong ng pagkasaserdote sa anumang dispensasyon. Nagagalak kami sa pakikibahagi ng lahat ng nasa labas ng malaking Sentro ng Komperensiya na ito na daan-daang libo ang bilang. Isang dakilang sandali sa kasaysayan ng sangkatauhan ang pagpupulong sa kauna-unahang pagkakataon sa bago at malaking gusaling ito. Utang natin ito sa Panginoon na nagbigay ng inspirasyon kay Pangulong Gordon B. Hinckley upang magkaroon ng pangitain bilang propeta na simulan at tapusin ang pagtatayo nito. Pinasasalamatan natin sina Obispo H. David Burton, Obispo Richard C. Edgley, Obispo Keith McMullin at lahat ng may kinalaman sa pagtatayo nito. Ngayong mayroon na tayo nito, kailangang gamitin natin ito upang palakasin ang pananampalataya ng ating mga tao.
Ngayong gabi, mga kapatid, nais kong higit na malawak na talakayin ang tungkol sa kapangyarihan ng pagwawagi sa sarili. Mahalaga ang pagwawagi sa sarili upang magamit ang kapangyarihan ng pagkasaserdote ng Diyos. Ito ay dahil sa maaari lamang gamitin sa kabutihan ang dakilang banal na pagkasaserdote. Nangangailangan ng determinasyon sa sarili at lakas ng pagkatao ang pagwawagi sa sarili. Pinalalago nito sa kahanga-hangang paraan ang mga sarili nating kaloob at talino. Ito ang kapangyarihan ng pagiging marangal na lalaki.
Lahat ng tao, lalo na ang mga maytaglay ng pagkasaserdote, ay may hamon na supilin ang kanilang kaisipan, gusto, pananalita, pag-uugali, at ninanais. Maaaring isa rito ang pagiging mainitin ang ulo. Noong bata ako, pula ang buhok ko. Kung minsa'y inaakusahan ako ng nanay ko ng pagkakaroon ng nag-aapoy na ulo. Tinatawag nila akong "Pula." Ang mga salitang iyon ay nakapagpapainit ng ulo. Sa tingin ko'y natutuhan ko na itong supilin. Hindi lamang ang mga may kulay pulang buhok ang kailangang matutong sumupil sa mahirap tantiyahing ugali. Kailangan ng lakas ng loob upang hindi masapawan ng mga pagkainis ang ating mga damdamin.
Iniulat kamakailan ng isang lokal na pahayagan ang palatandaan ng lumalalang trapiko sa ating mga lansangan: "Ito ang karaniwang makikita sa mga oras ng mabigat na daloy ng trapiko: pagbusina, pagtutok, mga pangit na senyas. Dumarami maging ang mga dagliang karahasan sa ating pagmamaneho." Kung minsa'y umiinit ang mga ulo, at tinatawag natin ito na "pagiging mainit sa pagmamaneho." Madalas kong iniisip kung bakit nagbabago ang ugali ng ibang tao kapag hawak na nila ang manibela ng kanilang sasakyan, habang napapalibutan ng salamin at bakal. Sa ilang paraan, tila nagbibigay-katwiran ito sa kanilang magagaspang na asal. Ang pagiging mainit sa pagmamaneho ay hindi sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko kundi ito'y dahil sa ugali. Habang nagiging mainipin at lubhang mapusok ang ilang nagmamaneho, maaaring mawalan sila ng kontrol at maging sanhi ng malalang pinsala o maging kamatayan sa iba na nasa daan.
Isang hamon sa lahat ang pagwawagi sa sarili. Tanging tayo ang makapipigil sa ating mga gusto at silakbo ng damdamin. Hindi maaaring bilhin ng salapi o katanyagan ang pagwawagi sa sarili. Ito ang pinakamatinding pagsubok ng ating pagkatao. Nangangailangan ito ng pag-ahon mula sa malalalim na balon at pagsisikap na marating ang matatarik na bundok ng ating buhay.
Natututo tayo ng maraming bagay tungkol sa pagwawagi sa sarili bilang mga full-time na misyonero. Natututo tayong bumangon sa oras na dapat tayong bumangon, gumawa sa oras na dapat tayong gumawa, at matulog sa oras na dapat tayong matulog. Karaniwang hinahangaan at iginagalang ang mga full-time na misyonero bagamat hindi gaanong tinatanggap ang kanilang mensahe sa paraang nais natin. Nakakasalamuha ng Unang Panguluhan at iba pang Pangkalahatang Awtoridad ang maraming pinuno ng mga estado, embahador, at ministro sa lahat ng dako ng mundo. Kadalasan, kapag napag-uusapan, nagsasalita nang may paghanga at paggalang ang mga makapangyarihan at maimpluwensiyang taong ito sa mga misyonerong nakita nila sa kanilang bayan.
Ang mga batang elder natin ay mga halimbawa ng pagiging tunay na lalaki. Kapag umuwi na sila, pinipintasan ang ilan na nagpapakabanal sa pagpapanatili ng disenteng anyo, at pagpapanatiling malinis at maayos ang buhok. Hindi ko maunawaan kung bakit itinuturing na nagpapakabanal ang isang umuwi nang misyonero kung sinisikap niyang ipamuhay ang mga pamantayan at alituntuning natutuhan niya bilang kinatawan ng Panginoon sa mga taong pinaglingkuran niya. Hindi inaasahan siyempre na laging magsusuot ng puting polo at kurbata ang mga umuwi nang misyonero. Subalit ang pagsusuot ng hindi maayos na damit at pagpapaayos ng kakaibang estilo ng buhok upang magmukhang nakauso ay hindi angkop sa mga maytaglay ng dakilang tungkulin ng pagkasaserdote. Ang mga umuwi nang misyonero ay mga halimbawa sa mga kabataang lalaki ng pagkasaserdoteng Aaron, na magiging mga misyonero sa hinaharap. Madalas na mas malakas at mapanghimok ang mga nakikita ng mga pagkasaserdoteng Aaron kaysa sa sinasabi sa kanila.
Madalas tinatangka ng mga kalalakihan at kababaihan na mapansin at matanggap ng grupo na ninanais nilang tumanggap sa kanila. Maaaring maging sanhi ang gayong mga pamimilit ng mga kaibigan upang makagawa sila ng mga bagay na hindi nila dapat gawin. Ito ay pagkilos dahil sa kahinaan, hindi dahil sa lakas. Ipinangangako sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ni Moroni: "At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila."1
Sa pinakasimpleng pananalita, ang pagwawagi sa sarili ay ang paggawa ng mga bagay na dapat nating gawin at hindi paggawa ng mga bagay na hindi dapat gawin. Nangangailangan ito ng lakas, matatag na kalooban, at katapatan. Habang ang daloy ng mga kaalaman sa Internet ay patuloy na sumisikip, dapat na higit tayong umasa sa ating sariling kakayahang makilala ang mali at tama upang mahiwalay ang mabuti mula sa masama. Bagama't kahanga-hanga sa maraming paraan, may mga bagay na maaaring bumihag sa ating atensiyon sa paggamit ng Internet. Tinutukoy ko lalo na ang paggugol ng walang katapusang oras sa mga pakikipag- usap o pagtingin sa malalaswang site sa Internet.
Babaling ako ngayon sa pagwawagi sa mga sarili nating iniisip. Sa bahaging ito, ang konsiyensiya ang tanging makapaghuhudyat na tulad sa isang referee kapag may masama tayong ginagawa. Kapag hindi napigil, maaari tayong mag-isip ng kung anu-ano. Ang ating mga isipan ay bahagi natin na sadyang nangangailangan ng disiplina at pagpipigil. Naniniwala ako na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang pinakamabisang panlinis sa marurumi o hindi mapigilang kaisipan. Sa mga karapat-dapat at matwid, matutulungan ng kabanalan ng templo ang ating kaisipan laban sa mga makamundong bagay.
Noong nakikilahok ako sa palakasan at naglilingkod sa militar, nakarinig ako ng mga pananalita na nakahihiyang marinig. Kung, tulad ng sinabi ni Samuel Johnson, "ang salita ang damit ng kaisipan,"2 kung gayon ang mga salitang naririnig natin sa telebisyon, sine, at maging sa ating mga paaralan ay masamang paglalahad ng kasalukuyan nating pag-iisip. Nag-aalala ako sa mga kabataang nagiging manhid habang patuloy nilang naririnig o ginagamit ang masasamang salitang ito. Naniniwala ako na hindi magaspang manalita ang isang kabataang lalaki na may mabuting asal. Hindi kailanman gumagamit ng masasamang salita o mahahalay na senyas ang mga nagtataglay ng banal na pagkasaserdote ng Diyos.
Tatalakayin ko na ngayon ang pangangailangan ng lubos na pagsupil sa lahat ng mga pisikal na hilig. Maaari rin itong tawagin na "tinik sa laman."3 Nagbibigay ng mahalagang pakahulugan hinggil sa pagpipigil sa sarili si Harry Emerson Fosdick: "Ang pagkakait sa sarili . . . ay hindi ang negatibo, nagbabawal na bagay na madalas na nagpapailing sa atin. Sa isang dako ay wala talagang pagkakait sa sarili, sapagkat ang tinatawag nating gayon ay ang halagang katumbas ng mga bagay na ninanais ng puso natin."4
Ang pagiging dalisay ang isa sa matibay na pundasyon ng personal na lakas. Naipadama ito ni Alfred Lord Tennyson nang isulat niya, "Ang lakas ko'y sinlakas ng sampu,/ Dahil dalisay ang aking puso."5 Buong-puso ko kayong hinihimok mga kabataang lalaki na huwag magdala sa inyong kasal ng kasalanang hindi pa ninyo napagsisisihan. Maaaring hindi ninyo ito kailanman malilimutan. Nanaisin ninyong magpatuloy sa buhay na may lakas na nagmumula sa malinis na konsiyensiya, na magpapahintulot sa inyo balang araw na tumayo sa harap ng inyong Lumikha at magsalita na, "Dalisay ang aking kaluluwa." Hindi naninikil ang pagkakait sa sarili. Ito'y nakapagpapalaya. Ito ang daan tungo sa kalayaan. Ito ay lakas. Ito ay mahalagang elemento ng pagiging dalisay. Ipinahayag na mabuti ito ni Shakespeare sa kanyang tauhan sa dula na si Hamlet:
Magtimpi ka ngayong gabi;
At higit na magiging madali ang pagtitimpi sa susunod
At sa susunod na pagtitimpi, ay lalo pang magiging madali;
Sapagkat mababago mo ang iyong kakayahan sa pagkilos nang maayos,
At sa huli'y mapaglalabanan o ganap na mapalalayas mo ang diyablo
Nang may kahanga-hangang lakas.
6
Si Heber J. Grant ang unang Pangulo ng Simbahan na nakilala ko. Napakagaling niyang tao. Hinahangaan namin siya dahil bahagi ng kanyang kalakasan ang kanyang matinding pagnanais na magwagi sa sarili. Namatay ang kanyang ama noong siya ay isang taong gulang pa lamang at nagsikap ang kanyang balong ina na palakihin siya. Naging matapat si Pangulong Grant sa pagtulong at pangangalaga sa kanyang ina.
"Noong nagbibinata siya at nais sumali sa koponan ng baseball, . . . pinagtawanan siya ng ibang bata at tinatawag siya na lampa dahil hindi niya maibato ang bola sa pagitan ng mga base. Labis siyang tinukso ng kanyang mga ka-grupo kung kaya . . . itinanim . . . niya sa isip niya na makakasama siya sa koponan na magwawagi ng kampeonato sa Teritoryo ng Utah. Bumili siya ng bola ng baseball at nag-ensayo ng maraming oras ng pagpukol ng bola sa lumang kamalig ng kanilang kapitbahay. Madalas na sumakit nang husto ang kanyang braso kaya halos hindi siya makatulog sa gabi. Patuloy ang kanyang pag-eensayo at paghusay at pagsulong mula sa isang koponan patungo sa isa pang koponan hanggang sa magtagumpay siya sa paglalaro sa koponan na nanalo ng kampeonato ng teritoryo!"7
Isa pang halimbawa ng kanyang pagwawagi sa sarili ang determinasyon niya na maging mahusay na tagasulat. Napakapangit ng sulat niya kaya nang makita ito ng dalawa niyang kaibigan, sinabi ng isa, "Mukhang kinahig ng manok ang sulat na iyan." "Hindi," sabi ng isa, "Mukhang tinamaan ng kidlat ang bote ng tinta." Nasaktan siyempre ang batang si Heber Grant. Binatilyo pa siya noong nagtrabaho siya bilang klerk sa tanggapan ng H.R. Mann and Co.," inalok siya ng katumbas sa tatlong beses na halaga ng kanyang sahod upang magtungo sa San Francisco bilang tagasulat. Kinalaunan ay naging guro siya ng pagsusulat at pag-iingat ng talaan sa Pamantasan ng Utah. Sa katunayan, sa sulat kamay na ginawa niya bago siya naging labimpitong taong gulang, nanalo siya ng unang gantimpala sa isang paligsahan ng pagandahan ng sulat sa buong teritoryo laban sa apat na propesyonal na tagasulat.8
Isa pang hamon kay Pangulong Grant ang pag-awit. Noong bata pa siya, hindi siya makakanta sa tono. Noong sampung taong gulang siya, sinubukan siyang turuan ng pinakasimpleng awitin ng isang guro sa musika at sa huli'y sumuko sa kawalan ng pag-asa. Sa gulang na 26, noong siya ay Apostol, tinanong niya si Propesor Sims kung maaari siyang turuan nito na umawit. Matapos siyang pakinggan, sumagot si Propesor Sims, "Oo, matututo kang umawit, subalit gusto kong nasa layo ako na 64 na kilometro habang ginagawa mo ito." Lalo lamang naging hamon ito na mas pagbutihan niya ang pag-awit.9
Sinabi noon ni Pangulong Grant, "Inensayo kong awitin ang isang 'Himno'10 sa loob ng tatlo at apat na raang beses, at apat lang ang linya nito, at hindi ko pa rin ito maawit."11 Iniulat na sa isang paglalakbay patungong Arizona kasama sina Elder Rudger Clawson at Elder J. Golden Kimball, "tinanong sila [ni Pangulong Grant] kung maaari siyang umawit ng isandaang awitin habang naglalakbay. Inakala nilang nagbibiro siya at sinabi, 'Sige.' Pagkatapos ng unang apatnapu, tiniyak nila sa kanya na magkakaroon sila ng nerbiyos kapag inawit pa niya ang natitirang animnapu. Inawit niya ang natitirang animnapu."12
Sa pamamagitan ng buong buhay na pag-eensayo, medyo humusay siya sa pag-awit ngunit hindi kasinghusay marahil sa paglalaro ng baseball at pagsulat, na kung saan siya naging dalubhasa. May paboritong kasabihan mula kay Ralph Waldo Emerson si Pangulong Grant na kanyang isinabuhay: "Ang bagay na palagi nating ginagawa ay nagiging madali sa atin; hindi dahil sa nagbago ang uri ng gawain, kundi naragdagan ang ating kakayahan na gawin ito."
Bilang mga maytaglay ng pagkasaserdote, hindi tayo dapat maghanap ng mga dahilan kapag nawawala ang ating pagpipigil sa sarili. Kahit na puno ng paghamon ang ating kalagayan, maaari pa rin nating matamo ang pagwawagi sa sarili. Maraming pagpapala ng personal na kaligayahan ang matatamo sa paggawa nito. Ang pagwawagi sa sarili ay may kaugnayan sa espirituwalidad, na siyang mahalagang adhikain ng buhay. Tulad ng sinabi ni Pangulong David O. McKay: "Ang espirituwalidad ay ang matapat na paghahangad ng pagwawagi sa sarili, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Hinihimok ng espirituwalidad ang isang tao na paglabanan ang mga pagsubok at naising magkaroon ng higit pang lakas. Ang madamang lumalakas ang kakayahan ng isang tao at pinalalaki ng katotohanan ang kanyang kaluluwa ang isa sa pinakadakilang karanasan sa buhay."13 Na wala nang lunas na lumpo, buong tapang na di inalintana ni William Ernest Henley ang panlabas niyang pisikal na kalagayan upang magwagi sa kanyang puso at isipan nang isulat niya ang "Invictus":
Sa gabing madilim na bumabalot sa akin,
Kasing dilim ng hukay saan man bumaling,
Pinasasalamatan ko ang sinumang diyos
Sa kaluluwa kong di magagapi.
Puspos ng mapait na kalagayan,
Hindi ako tumalikod o nagtanong kailanman:
Sa kabila ng mga pagsubok,
Maaaring ako'y duguan, ngunit hindi talunan.
Hindi mahalaga kung gaano kakipot ang daanan,
Kung gaano karami ang paratang,
Ako ang gumagawa ng aking kapalaran:
Ako ang may hawak ng aking patutunguhan.14
Mga kapatid, buong-puso at kaluluwa kong pinapatotohanan na matatamo natin ang mga pagpapala ng ating Ama sa Langit na inilaan niya sa kanyang matatapat na anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagwawagi sa sarili. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Eter 12:27.
2. The Oxford Dictionary of Quotations, ika-4 na edisyon, isinaayos ni Angela Partington, 368.
3. 2 Cor.12:7.
4. The Meaning of Service (1920), 83.
5. Oxford Dictionary of Quotations, 689.
6. Hamlet, 3.4.16671.
7. Roderik L. Cameron, Tenacity, Brigham Young University Speeches of the Year ( ika-1 ng Dis. 1964), 3.
8. David C. Call, Success--Spiritual and Temporal, Brigham Young University Speeches of the Year (ika-30 ng Nob. 1965), 6.
9. Tingnan sa Cameron, Tenacity, 2.
10. "Ating Purihin ang Ama," Mga Himno.
11. Sa Conference Report, Abr. 1900, 61.
12. Cameron. Tenacity, 3
13. Gospel Ideals, (1953), 390.
14. Invictus. Sa Mem. R.T.H.B., sinipi sa The Oxford Dictionary of Quotations, 332.