The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Mga Dilang Kawangis ng Apoy

Mga Dilang Kawangis ng Apoy

Pangulong Boyd K. Packer
Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Sa bawat wika. Ang Espiritu ng Diyos--ang Espiritu Santo--ang gumagabay, o maaaring gumabay, sa bawat miyembro ng Simbahan.

Pangulong Boyd K. Packer

Sa palagay ba ninyo ay posible para sa ating mga natawag na magsalita na ilayo ang pansin mula sa kahanga-hangang gusaling ito nang sapat upang maituon sa layunin kung saan ito ay itinayo?

Marahil magagawa ito sa pamamagitan ng isang talinghaga at isang tula.

Ang talinghaga: Isang mangangalakal na naghahanap ng mga mamahaling alahas ang nakatagpo sa wakas ng perpektong perlas. Inatasan niya ang pinakamagaling na alaherong mag-ukit ng isang napakagandang kahon ng alahas at ligiran ang loob nito ng asul na pelus (velvet). Inilagay niya ang kanyang mahalagang perlas kung saan makikita ito ng ibang tao upang makibahagi ang iba sa kanyang kayamanan. Pinanood niya nang nagdatingan ang mga tao upang masdan ito. Hindi nagtagal ay malungkot siyang tumalikod. Ang kahon ang kanilang hinangaan, hindi ang perlas.

Ang tula:
 
Tayo'y bulag, hanggang sa matanto
Na sa [pangkalahatang] plano
Walang saysay ang paglikha kundi
Malikha ang tao.
Bakit itatayo itong mga gusali
Kung tao'y di susulong?
Walang saysay itayo ang mundo,
Kung tagapagtayo'y di uusbong.1
 
Sa pag-iisip sa tagapagtayo, magsimula tayo sa kabilang panig ng mundo at dalawang libong taon ang nakaraan sa ilog Jordan kasama si Juan Bautista. Nangaral siya, "Binabautismuhan ko kayo sa tubig sa pagsisisi; datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kaysa akin, . . . siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo, at sa apoy."2

"Nang magkagayo'y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya'y bautismuhan niya."3

"[Nang umahon si Jesus] . . . sa tubig . . . nangabuksan sa kanya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos [ang Espiritu Santo] na bumababang tulad ng isang kalapati, at lumalapag sa kaniya:

"At narito, ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong anak, na siya kong lubos na kinalulugdan."4

Pagkaraan ay nagtungo si Jesus sa ilang; dumating si Lucifer upang tuksuhin siya.5 Inilihis ni Jesus ang bawat tukso sa pamamagitan ng banal na kasulatan.

"Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao."6

"Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios."7

"Nasusulat, sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran."8

Pag-isipan ninyo ito nang mabuti. Nang makaharap ang Kapahamakan mismo, ang Panginoon ay bumaling sa mga banal na kasulatan bilang pagsanggalang.

Pumili si Jesus mula sa Kanyang mga disipulo ng 12 na Kanyang inordenan bilang mga Apostol: sina Pablo, Santiago, at Juan; Andres, Felipe, Bartolome, Tomas, Mateo, Simon, Santiago, Tadeo, at Judas. Sila ay mga karaniwang tao na inilarawan ng mga Fariseo bilang "walang pinag-aralan at mga mangmang."9

Sumunod sa Kanya ang Labindalawa. Tinuruan Niya sila.

Inutusan Niya silang turuan ang lahat ng bansa, binyagan ang sinumang maniniwala.10

Bago Siya umalis, ipinangako Niya na ang, "Mang-aaliw, samakatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat ng sa inyo'y aking sinabi."11

Si Jesucristo ay ipinako sa krus. Sa pangatlong araw Siya ay bumangon mula sa libingan. Nagbigay pa siya ng karagdagang tagubilin sa Kanyang mga Apostol; at pagkatapos, bago Siya umakyat, sinabi Niya, "Narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng Aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan [Jerusalem], hanggang sa kayo'y [mapagkalooban] ng kapangyarihang galing sa itaas."12

Ang kapangyarihan ay hindi kaagad na dumating. Sa araw ng Pentecostes, nangagkatipon ang Labindalawa sa isang bahay:

"Biglang dumating ang isang ugong . . . ng isang humahagibis na hanging malakas, . . .

"At sa kanila'y may nagpakitang mga dilang kawangis ng apoy, at dumapo sa bawat isa sa kanila.

"At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo."13

Sa gayon nabigyang kapangyarihan ang Labindalawa.

Nang magsalita sila nang araw na iyon, nanggilalas ang mga tao sapagkat bawat isa ay narinig ito sa kanilang sariling wika--18 iba't ibang wika.14

Nagsimulang maghandang binyagan ng mga Apostol ang lahat ng maniniwala sa kanilang mga salita. Ngunit ang pagbibinyag sa pagsisisi ay hindi sapat.15

Nakatagpo si Pablo ng 12 tao na nabinyagan na ni Juan Bautista at tinanong sila, "Tinanggap baga ninyo ang Espiritu Santo . . . ? [Tumugon sila], Hindi man lamang namin narinig na may ibinigay na Espiritu Santo."16

"[Pagkaraan] sila nga ay nabaustismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus,"17 at "ipinatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, [at] bumaba sa kanila ang Espiritu Santo."18

Naitalaga ang huwaran, gaya nang sa simula pa lang.19 Ang pagpasok sa Simbahan ni Jesucristo ay sa pamamagitan ng "pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan."20 Pagkatapos, sa hiwalay na ordenansa, ang di-mababayarang kaloob na Espiritu Santo ay iginagawad "sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangarala ang ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa."21

Sa kabila ng pagsalungat, naitatag ng Labindalawa ang Simbahan ni Jesucristo; at sa kabila ng pagsalungat, lumago ito.

Ngunit sa pagdaraan ng mga siglo, ang ningas ay umandap at dumilim. Nabago o napabayaan ang mga ordenansa. Naputol ang linya, at ang karapatang igawad ang Espiritu Santo bilang kaloob ay nawala. Ang Madidilim na Panahon ng pagtalikod sa katotohanan ay namayani sa daigdig.

Ngunit lagi na, gaya nang sa simula pa lamang, ang Espiritu ng Diyos ay pumupukaw sa mga karapat-dapat na kaluluwa.22

Malaki ang utang na loob natin sa mga tumutol at nagpabago na nag-ingat sa mga banal na kasulatan at isinalin ang mga ito. Alam nila na mayroong nawala. Sinikap nilang panatilihing buhay ang ningas sa abot ng kanilang makakaya. Marami sa kanila ang martir. Ngunit ang pagtutol ay hindi sapat; ni hindi magagawang maibalik ng mga nagpapabago ang nawala.

Samantala, dumami nang dumami ang iba't ibang simbahan.

Nang handa na ang lahat, ang Diyos Ama at Anak ay nagpakita sa batang si Joseph sa Kagubatan, at ang mga salitang binanggit sa ilog ng Jordan ay narinig muli, "Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!"23

Si Joseph Smith ay naging kasangkapan ng Pagpapanumbalik.

Ipinanumbalik ni Juan Bautista ang "Pagkasaserdote ni Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan."24

Ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang tungkulin ng Apostol kaakibat ang nakatataas na pagkasaserdote. Kasama nito ang karapatang igawad ang makalangit na kaloob na Espiritu Santo.25

Noong ika-6 ng Abril, 1830, itinatag ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naghanda na sa pagtuturo at pagbibinyag ang mga Kapatid na Lalaki. Pagkalipas ng siyam na buwan dumating ang pagwawasto, isang paghahayag:

"Ikaw ay nagbinyag sa pamamagitan ng tubig tungo sa pagsisisi, subalit hindi nila natanggap ang Espiritu Santo;

"Subalit ngayon binibigyan kita ng kautusan, na ikaw ay magbibinyag sa pamamagitan ng tubig, at tatanggapin nila ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, maging katulad ng mga apostol nong sinauna."26

Pagkaraan ng isang buwan, inulit ang kautusang iyon: "Kasindami ng iyong bibinyagan sa tubig, iyong ipapatong ang iyong mga kamay, at kanilang matatanggap ang kaloob na Espiritu Santo."27

Ang kaloob ay para sa lahat ng magsisisi at nabinyagan--kapwa mga batang lalaki at babae, kababaihan at kalalakihan man.

Nabubuhay tayo sa balisang panahon--napakabalisang panahon. Umaasa tayo, nananalangin tayo, para sa mas magagandang araw. Ngunit hindi ganoon iyon. Gayon ang pahayag sa atin ng mga propesiya. Hindi tayo maaaring maligtas bilang lipi, bilang mag-anak, o bilang indibidwal mula sa mga darating na pagsubok. Wala isa mang makaliligtas sa mga pagsubok na karaniwan sa tahanan at mag-anak, trabaho, kabiguan, dalamhati, kalusugan, pagtanda, kalaunang kamatayan.

Ano ngayon ang gagawin natin? Iyan din ang tanong sa Labindalawa sa araw ng Pentecostes. Sumagot si Pedro, "Mangagsisi kayo at mangagbautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob na Espiritu Santo."28

Sinabi niya sa kanila, "Sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo."29

Ang gayon ding katanungan-- "Ano ang gagawin namin?"--ay itinanong sa propetang si Nephi. Ibinigay ang gayon ding sagot na ibinigay ni Pedro, "Taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag . . . , at pagkatapos darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo."30

"Hindi ba ninyo natatandaan na sinabi ko sa inyo na makaraan ninyong matanggap ang Espiritu Santo na kayo ay makapagsasalita sa wika ng mga anghel? . . .

"Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa't nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid, sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.

"Samakatwid, ngayon matapos kong sabihin ang mga salitang ito, kung hindi ninyo nauunawaan ang mga ito, iyan ay dahil sa hindi kayo humihingi, ni kayo ay kumakatok; kaya nga, hindi kayo nadadala sa liwanag, kundi tiyak na masasawi sa kadiliman.

"Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin."31

Hindi tayo dapat mabuhay nang may takot sa hinaharap. Napakaraming dahilan upang magalak tayo at kakaunti ang dahilan upang matakot. Kung susunod tayo sa mga inspirasyong ibinibigay ng Epiritu, maliligtas tayo anuman ang mangyari. Ituturo sa atin ang kailangang gawin.

Ipinangako ni Cristo na "ang Ama [ay magpapadala] ng ibang Mang-aaliw, . . .

"Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng Katotohanan, na hindi matatanggap ng sanglibutan, sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y kilala ninyo sapagka't siya'y tumatahan sa inyo at sasa inyo."32

Napakarami sa atin ang katulad ng mga taong sinabi ng Panginoon na "[lumapit] na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, . . . [at] sa panahon ng kanilang pagbabalik-loob, ay nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito."33

Isipin ninyo iyon: "At hindi nila nalalaman ito." Pangkaraniwan sa isang tao ang matanggap na ang kaloob nang hindi talaga nalalaman ito.

Nababahala ako na ang makalangit na kaloob na ito ay pinalalabo ng mga programa at gawain at iskedyul at napakaraming pulong. Napakaraming lugar na pupuntahan, napakaraming bagay na ginagawa sa maingay na daigdig na ito. Maaaring maging masyado tayong abala para mabigyang pansin pa ang mga insppirasyon ng Espiritu.

Ang tinig ng Espiritu ay marahan at banayad na tinig--isang tinig na nadarama imbes na naririnig. Ito ay espirituwal na tinig na pumapasok sa isipan bilang isang kaisipang naitatanim sa inyong puso.

Sa buong daigdig ang mga pangkaraniwang kalalakihan, kababaihan, at mga bata, na hindi ganap na namamalayan na sila ay may kaloob, ay nagpapala sa kanilang mag-anak, nagtuturo, nangangaral, at nagmiministeryo sa pamamagitan ng Espiritung nasasaloob nila.

Sa bawat wika, ang Espiritu ng Diyos--ang Espiritu Santo--ay gumagabay, o maaaring gumabay, sa bawat miyembro ng Simbahan. Ang lahat ay inaanyayahang lumapit at magsisi at magpabinyag at tumaggap ng sagradong kaloob na ito.

Sa kabila ng pagsalungat, ang Simbahan ay lalago; at sa kabila ng pagtuligsa, ito ay lalaki.

Si Joseph Smith ay tinanong, "Paano naiiba ang inyong relihiyon sa ibang mga relihiyon?" Tumugon siya, "Lahat ng iba pang pagsasaalang-alang ay nasasaklaw sa kaloob na Espiritu Santo."34

Ito ay iminumulat sa panalangin at pinaglilinang "sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo."35

Maaari itong masakal sa pamamagitan ng paglabag at pagpapabaya.

Sa pinakamadaling panahon na malaman natin na ang manunukso -- ang kaaway -- ay ginagamit ang gayon ding mga daluyan ng isipan at puso upang udyukin tayo sa kasamaan, sa katamaran, sa pagtatalo, maging sa mga gawain ng kadiliman. Maaari niyang mapangibabawan ang ating isipan at akayin tayo sa kapahamakan.

Ngunit ang bawat isa sa atin ay may kalayaang pumili; kailanman at laging liwanag ang nananaig sa kadiliman.

Ang pagkasaserdote ay itinatag uypang makatiyak ng walang-putol na linya ng awtoridad na magbinyag at magkaloob ng Espiritu Santo. Laging nasa malapit ay mga pinuno at mga guro na tinawag at itinalaga upang magturo at iwasto tayo. Maaari nating matutuhang ihiwalay ang mga pag-uudyok mula sa mga tukso at sundin ang inspirasyon ng Espiritu Santo.

Ito ay isang maluwalhatng panahon upang mabuhay! Anumang mga pagsubok ang naghihintay sa atin, maaari nating mahanap ang kasagutan sa tanong na iyon, "Ano ang gagawin natin?" Tayo, at yaong mga minamahal natin, ay magagabayan at mawawasto at mapangangalagaan, at tayo ay aaliwin.

Sinabi Niya: "Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man."36

Kasingtiyak ng pagkaalam kong narito ako at nariyan kayo, alam kong si Jesus ay ang Cristo. Siya ay buhay! Alam ko na ang kaloob na Espiritu Santo, isang sagradong espirituwal na kapangyarihan, ay maaaring maging palagiang kasama ng bawat kaluluwang tatanggap nito. Ipinananalangin ko na ang saksi ng Espiritu Santo ay papagtitibayin ang patotoong ito sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Edwin Markham, "Man-Making," sa Masterpieces of Religious Verse, patnugot James Dalton Morrison (1948), 419.
2. Mat. 3:11.
3. Mat. 3:13.
4. Mat 3:16­17.
5. Tingnan sa Mat. 4:1­11.
6. Mat. 4:4.
7. Mat 4:7.
8. Mat 4:10.
9. Mga Gawa 4:13.
10. Tingnan sa Mat. 28:19.
11. Juan 14:26.
12. Lucas 24:49.
13. Mga Gawa 2:2­4.
14. Tingnan sa Mga Gawa 2:7­11.
15. Tingnan sa Mga Gawa 2:38.
16. Mga Gawa 19:2; see also Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith (1976), 263, 336.
17. Mga Gawa 19:5.
18. Mga Gawa 19:6.
19. Tingnan sa Moises 6:65­66.
20. S ng P 1:4.
21. S ng P 1:5.
22. Tingnan sa 1 Ne. 10:17­19.
23. JS--K 1:17.
24. D at T 13:1.
25. Tingnan sa D at T 27:12­13.
26. D at T 35:5­6.
27. D at T 32:23.
28. Mga Gawa 2:38.
29. Mga Gawa 2:39.
30. 2 Ne. 31:13.
31. 2 Ne. 32:2­5.
32. Juan 14:16­17.
33. 3 Ne. 9:20; idinagdag ang pagbibigay-diin.
34. History of the Church, 4:42.
35. S ng P 1:3.
36. Juan 14:27.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy