Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ating isaalang-alang ang mga tungkulin, ating pag-isipan ang mga responsibilidad, ating alamin ang mga tungkulin, at ating sundin si Jesucristo ang ating Panginoon.
Isa sa aking pinakamalinaw na alaala ay ang pagdalo sa pulong ng pagkasaserdote bilang diyakonong bagong ordena at ang pag-awit ng pambungad na himno, "Halina, kayong lahat na anak ng Diyos na tumanggap ng pagkasaserdote."
1 Ngayong gabi, sa maraming nakikinig sa kahanga-hangang Sentro ng Komperensiya na ito at sa mga kapilya sa buong mundo, inuulit ko ang diwa ng natatanging himnong iyon at sinasabi sa inyo,
Halina, kayong lahat na anak ng Diyos na tumanggap ng pagkasaserdote, ating isaalang-alang ang mga tungkulin, ating pag-isipan ang mga responsibilidad, ating alamin ang mga tungkulin, at ating sundin si Jesucristo ang ating Panginoon.
Bagama't iba-iba ang ating edad, kaugalian o nasyonalidad, nagkakaisa tayo sa ating mga tungkuling pagkasaserdote.
Bilang mga nagtataglay ng pagkasaserdote, inilagay tayo sa lupa sa panahong may mga kaguluhan. Naninirahan tayo sa masalimuot na daigdig, na may labanang nagaganap saanmang dako. Sinisira ng mga sabuwatan sa politika ang katatagan ng mga bansa, dinadakma ng mga maniniil ang kapangyarihan, at ang mga pangkat ng lipunan ay tila walang-hanggang inaapi, na pinagkaitan ng pagkakataon, at iniwang may kabiguan.
Tayo na inordenahan sa pagkasaserdote ng Diyos ay maaaring makagawa ng kaibhan. Kapag karapat- dapat tayo sa tulong ng Panginoon, makapagpapalakas tayo ng mga batang lalaki. Makapagpapabuti tayo ng mga tao. Makapagsasagawa tayo ng mga himala sa Kanyang banal na paglilingkod. Walang hangganan ang ating mga pagkakataon.
Bagama't tila napakalaki ng gawain, pinalalakas tayo ng katotohanang ito: "Ang pinakamalakas na kapangyarihan sa daigdig ngayon ay ang kapangyarihan ng Diyos na gumagawa sa pamamagitan ng tao." Kapag tayo ay inutusan ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Gayunman, ang makalangit na tulong na iyon ay nababatay sa ating pagiging karapat-dapat. Upang ligtas na makapaglayag sa karagatan ng buhay, upang makapagsagawa ng pagsagip sa tao, kailangan natin ang tulong ng walang hanggang mandaragat--maging ang dakilang Jehova. Iniaabot natin ang ating mga kamay, humihiling tayo sa itaas, upang makatanggap ng tulong mula sa langit.
Malinis ba ang mga kamay na iniaabot natin? Dalisay ba ang mga humihiling nating puso? Sa pagbabalik-tanaw sa mga pahina ng kasaysayan, isang aral hinggil sa pagiging karapat-dapat ang masusumpungan sa mga salita ng naghihingalong Haring Darius. "Si Darius, sa pamamagitan ng mga tamang pamamaraan, ay kinilala bilang tunay na Hari ng Egipto. Ang kanyang katunggali, si [Dakilang] Alexander, ay ipinahayag na tunay na Anak ni Ammon--siya ay isa ring Faraon. Nang makita ni Alexander ang talunang si Darius na nasa bingit ng kamatayan ay, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito upang pagalingin ito, inutusan niya ito na bumangon at ipagpatuloy ang kanyang kapangyarihan bilang hari, . . . na winakasan ng . . . 'Isinusumpa ko sa iyo, Darius, sa lahat ng diyos, na ginagawa ko ito nang tunay at walang pagkukunwari . . .' Sumagot [si Darius] nang may kaunting galit: 'Alexander, . . . sa palagay mo kaya'y maaantig mo ang langit sa mga kamay mong iyan?'"2
Isang nakapagbibigay inspirasyong aral ang matututuhan mula sa artikulong "View Point" kamakailan sa Church News. Hayaan ninyong banggitin ko ito:
"Maaaring tila kataka-taka para sa iba na makakita ng mga barko na nagmula sa iba't ibang bansa na nagsasakay at nagbababa ng mga bagahe sa mga daungan ng Portland, Oregon. Ang lungsod na iyan ay 100 milya ang layo sa dagat. Ang pagpunta roon ay mahirap, at madalas kailangang dumaan sa maalong tubig sa lagusan na pumapalibot sa ilog Columbia, at kailangan din ng mahabang paglalakbay patungo sa mga ilog ng Columbia at Willamette.
"Subalit gustung-gusto ng mga kapitan ng barko na dumaong sa Portland. Alam nila na habang naglalayag ang kanilang mga barko sa karagatan, isang uri ng dikya sa dagat na tinatawag na barnacle ang kumakapit sa ilalim ng barko at nananatili rito nang habang panahon, na pinaliligiran ang kanyang sarili ng malabatong balat. Habang parami nang parami ang kumakapit na barnacle, pinabibigat nito ang barko, pinababagal, pinahihina.
"Paminsan-minsan ay kailangang iahon sa takdang panahon ang barko, kung saan sinisinsil o kinakayod nang mabuti ang mga barnacle. Ito'y isang mahirap, magastos na paraan kung saan hindi magagamit nang ilang araw ang barko.
"Subalit hindi mangyayari ito kapag naidaong ng kapitan ang kanyang barko sa Portland. Hindi maaaring mabuhay sa tabang ang mga barnacle. Sa maganda, sariwang tubig ng Willamette o Columbia, ang mga barnacle ay nangamamatay at ang ilan naman ay kusang natanggal samantalang ang mga natitirang barnacle ay madaling naaalis sa gayon, muling naglalayag ang barko na magaan at maluwag.
"Ang mga kasalanan ay tulad ng mga barnacle na iyon. Halos walang sinuman ang dumaraan sa buhay na hindi kinakapitan nito. Pinabibigat, pinababagal, pinahihina nito ang ating buhay. Kapag hindi nakapagsisi at nagpatung-patong ang kasalanan, sa huli'y maaari tayong palubugin ng mga ito.
"Sa Kanyang walang hanggang pagmamahal at awa, naglaan ng daungan ang ating Panginoon kung saan, sa pamamagitan ng pagsisisi, natatanggal at nalilimutan ang ating mga barnacle. Dahil gumaan at bumuti muli ang ating kaluluwa, mas mabisa tayong makapagpapatuloy sa ating gawain at sa Kanyang gawain."3
Sumasagisag sa isang napakalakas na hukbo ng kabutihan ang pagkasaserdote--maging isang maharlikang hukbo. Pinamumunuan tayo ng propeta ng Diyos, maging si Pangulong Gordon B. Hinckley. Ang pinakamataas na nagbibigay ng utos ay ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Malinaw ang mga utos sa atin. Ang mga ito'y buo. Inilalarawan ni Mateo ang hamon sa atin sa mga salitang ito mula sa Guro:
"Magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
"Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan."4
"At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon."5
Ang tawag na maglingkod noon pa man ay bahagi na ng gawain ng Panginoon. Bihirang dumating ito sa maginhawang panahon. Nag-uudyok ito ng pagpapakumbaba; nag-aanyaya ng panalangin; at nag-papasigla ng pangakong maglingkod. Sa Kirtland--dumating ang tawag. Sumunod ang mga paghahayag. Sa Missouri--dumating ang tawag. Nanaig ang pag-uusig. Sa Nauvoo--dumating ang tawag. Namatay ang mga propeta. Sa lambak ng Great Salt Lake--dumating ang tawag. Nagsimula ang paghihirap.
Ang mahabang paglalakbay na iyon, na ginawa sa ilalim ng mga napakahirap na kalagayan, ay isang pagsubok sa pananampalataya. Subalit ang pananampalataya na idinarang sa apoy ng mga pagsubok at ng mga luha ay kakikitaan ng pagtitiwala at patotoo. Tanging ang Diyos ang makabibilang sa sakripisyo; tanging Siya ang makasusukat ng pighati; tanging Siya ang nakababatid ng puso ng mga naglilingkod sa Kanya--noon at ngayon.
Ang mga aral ng nakaraan ay makapagpapabalik sa ating mga alaala, makaaantig sa ating buhay, at makagagabay sa ating mga kilos. Napahihinto tayo at naaalaala ang pangakong iyon mula sa langit: "Dahil dito . . . kayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon; at anuman ang inyong gagawin alinsunod sa kalooban ng Panginoon ay gawain ng Panginoon."6
Marami sa mga nakikinig ang maytaglay ng Pagkasaserdoteng Aaron--maging mga diyakono, guro, at saserdote. Mga kabataan, may mga aral sa buhay na natututuhan mula sa inyong mga magulang, samantalang ang iba ay natututuhan ninyo sa paaralan o sa simbahan. Gayunman, may mga pagkakataon na alam ninyo na ang ating Ama sa Langit ang nagtuturo at kayo ang Kanyang mag-aaral. Ang mga iniisip natin, ang mga nadarama natin--maging ang mga ginawa natin noong tayo ay maliit na bata pa--ay makakaapekto sa ating buhay magpakailanman.
Noong ako ay diyakono, gustung-gusto ko ang baseball. Sa katunayan, gustung-gusto ko pa rin ito. Mayroon akong glab na may nakaukit na pangalang Mel Ott. Siya ang pinakamahusay na manlalaro noong kapanahunan ko. Ako at ang aking mga kaibigan ay naglalaro ng baseball sa isang maliit na daanan sa likod ng aming mga bahay. Masikip subalit mapagtitiyagaan ang aming pinaglalaruan basta't pagpukol mo ng bola ay diretso sa sentro. Gayunman, kapag pumaling ang iyong pukol sa gawing kanan, may nag-aabang na panganib. Doon nakatira si Gng. Shinas na nanonood mula sa bintana ng kanilang kusina; at kapag gumulong sa balkonahe niya ang bola, kaagad na kinukuha ito ng kanyang malaking aso at ibinibigay sa kanya pagbukas ng pintuan. Bumabalik sa loob ng bahay si Gng. Shinas at idinaragdag ang bola sa maraming nauna na niyang nakuha. Siya ang aming kontrabida, tagasira ng aming kasiyahan--maging ang kamandag sa aming buhay. Wala ni isa sa amin ang may masasabing maganda tungkol kay Gng. Shinas, subalit marami kaming pintas sa kanya. Wala ni isa sa amin ang nakikipag-usap sa kanya, at hindi siya kailanman nakikipag-usap sa amin. Pinahihirapan siyang maglakad ng kanyang naninigas na paa at maaaring nagdulot ito sa kanya ng matinding sakit. Wala silang anak ng kanyang asawa, namumuhay nang sila-sila, at bihirang lumabas ng kanilang tahanan.
Nagpatuloy sa loob ng ilang panahon ang away namin na iyon--marahil ay dalawang taon--at pagkatapos ay himalang nalusaw ang yelo ng taglamig at nagdulot ng mabuting pakiramdam sa hindi namin pagpapansinan.
Isang gabi habang ginagawa ko ang araw-araw kong trabaho na pagdidilig ng aming damuhan sa harap ng aming bahay, na tangan ang pandilig dahil iyon ang estilo noong panahon namin, napansin ko na tuyo at nagsisimulang malanta ang damuhan ni Gng. Shinas. Hindi ko talaga alam kung ano ang pumasok sa isipan ko, mga kapatid, subalit nagpatuloy ako ng ilan pang minuto, at sa pamamagitan ng pandilig namin ay diniligan ko ang kanilang damuhan. Patuloy kong ginagawa ito sa buong tag-araw, at nang dumating ang taglagas, diniligan ko at inalis ang mga nahulog na dahon sa kanilang damuhan tulad ng ginawa ko sa amin at inipon ang mga dahon sa gilid ng daan upang mahakot. Hindi ko nakita si Gng. Shinas buong tag-araw. Matagal na naming inihinto ang paglalaro ng baseball sa daanan. Naubusan na kami ng bola at wala na kaming pera na pambili ng bago.
Isang gabi, bumukas ang pinto sa harap ng bahay ni Gng. Shinas, at sinenyasan niya na talunin ko ang mababang bakod at pumunta sa kanilang balkonahe. Ginawa ko ito, at habang papalapit ako sa kanya, pinapasok niya ako sa kanilang sala, kung saan ako pinaupo sa malambot na upuan. Binigyan niya ako ng biskwit at gatas. Pagkatapos ay pumunta siya sa kusina at bumalik dala ang isang malaking kahon na puno ng bola ng baseball at softball, na nagpapakita ng ilang panahon ng kanyang pagkuha nito. Ibinigay niya sa akin ang kahong puno ng bola. Gayunman, ang kayamanan ay hindi matatagpuan sa regalo kundi sa kanyang mga sinabi. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita kong ngumiti si Gng. Shinas, at sinabi niya, "Tommy, sa iyo na lang ang mga bolang ito, at pinasasalamatan kita sa kabaitan mo sa akin." Pinasalamatan ko rin siya at lumisan sa kanyang tahanan na higit na mabuting bata kaysa noong pumasok ako. Hindi na kami magkaaway. Magkaibigan na kami ngayon. Nagtagumpay na naman ang Ginintuang Aral.
Mga ama, obispo, tagapayo ng korum--tungkulin ninyo na ihanda ang salinlahing ito ng mga misyonero, na itanim sa puso ng mga diyakono, guro, at saserdoteng ito hindi lamang ang pagkabatid nila sa kanilang obligasyon na maglingkod, kundi maging ang pananaw sa mga pagkakataon at pagpapala na naghihintay sa kanila sa pagmimisyon. Mahirap ang gawain, walang hanggan ang pagtimo. Hindi ito panahon ng mga "pangtag-araw na sundalo" sa hukbo ng Panginoon.
Ang bawat misyonero na pumupunta bilang tugon sa isang sagradong tawag ay nagiging tagapaglingkod ng Panginoon, kung kaninong gawain talaga ito. Huwag matakot, mga kabataang lalaki, sapagkat sasamahan Niya kayo. Hindi Siya kailanman pumapalya. Ipinangako Niya, "Ako ay Magpapauna sa inyong harapan: Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo."7
Mga kapatid, hindi natin malalaman kailanman kung kailan tayo magkakaroon ng pagkakataon na tumulong. Walang pangalan ang daan patungong Jerico na tinatahak ng bawat isa sa atin, at maaaring hindi natin kilala ang pagod na manlalakbay na nangangailangan ng ating tulong. Sa kabuuan, madalas na hindi nagpapahayag ng kanyang damdamin ang tumatanggap ng kabutihan, at dahil dito'y napagkakaitan tayo na makasulyap ng kadakilaan at kabutihan na nakapag-uudyok sa atin na humayo at gawin din ang gayon.
Dalawang libo na ang nakalilipas, umupo sa tabi ng isang balon sa Samaria si Jesus ng Nasaret at nakipag-usap sa isang babae na pumunta roon:
"Sinabi [ni Jesus] sa kanya, Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw:
"Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailanman; ngunit ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan."8
May nag-aakala ba na napakahina niya upang baguhin ang patuloy at pabulusok na landas ng kanyang buhay, o may mga yaong nabigong magpasya na gumawa nang mas mabuti dahil sa pinakamatinding takot na iyon, ang takot na mabigo, wala nang makapagbibigay pa ng magandang katiyakan kundi ang mga salita ng Panginoon: "Ang aking biyaya," ang wika Niya,"ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila."9
Sa pamamagitan ng taimtim na panalangin, masusing paghahanda, at matapat na paglilingkod, maaari tayong magtagumpay sa ating mga sagradong tungkulin.
Alalahanin kung paano naglayag ang mga kapitan ng barko na puno ng barnacle patungo sa tubig tabang ng ilog Columbia at Willamette upang mawala ang mga hadlang na ito sa kanilang pag- usad? Tanggalin natin sa ating sariling buhay at sa ating paglilingkod sa gawain ng Panginoon ang mga barnacle ng pag-aalinlangan, katamaran, takot at kasalanan sa paglalayag sa mga buhay na tubig ng ebanghelyo ni Jesucristo. Alam natin ang mga pangalan nito: pananampalataya, panalangin, pag-ibig sa kapwa, pagsunod, at pagmamahal--ang ilan sa kanila. Ang parola ng Panginoong Jesucristo ang gabay sa daan. Ang liwanag Niya ang gagabay sa ating daan tungo sa kaluwalhatiang selestiyal.
Nawa'y maging matatalino tayong mandaragat habang tayo'y sumusulong sa gayong paglalayag. Maging mga dalisay na sisidlan tayo sa Panginoon. Kilalanin at tumugon tayo sa pangangailangan ng balo; sa pag-iyak ng bata; sa kalagayan ng mga walang trabaho; sa pasanin ng mga maysakit, mga nakaratay, mga matatanda, mga mahihirap, mga nagugutom, mga lumpo, at ng mga limot na. Naaalaala sila ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Minamahal na Anak na si Jesucristo. Nawa'y sundan natin ang Kanilang mga dakilang halimbawa. Sa gayo'y mapagasaatin ang makalangit na kapayapaan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. "Mga Anak ng Diyos", Mga Himno, no. 322 titik ni Thomas Davenport.
2. Binanggit sa Hugh Nibley, Abraham in Egypt (1981), 192.
3. "Harbor of Forgiveness," Church News, ika-30 ng Ene., 1988, 16.
4. Mat. 28:1920.
5. Mar. 16:20.
6. D at T 64:29.
7. D at T 84:88.
8. Juan 4:1314.
9. Eter 12:27.