Pangulong Gordon B. Hinckley
Ang mga pangulo ng istaka ay tinatawag sa gayunding inspirasyon kung saan tinawag ang mga Pangkalahatang Awtoridad. Ipinapanalangin ko ang mga ito, mga minamahal kong kapatid, na ang Espiritu ng Panginoon ay mapasakanila.
Kasiyahan ko ngayon na magbahagi sa inyo ng ilang pananalita. Una, salamat at narito kayo. Hindi ko kailanman nakita ang kagaya nito. Sana ay dinala ko ang aking
binocular upang mamasdan ko kayo na nasa balkonahe. Nakabilang ako ng limang bakanteng upuan sa buong gusaling ito. Kayligaya na maparito ngayon.
Mga kapatid, kamangha-mangha ang pagkasaserdote ng Diyos. Walang maihahambing dito. Ito ay natatanggap sa pamamagitan lamang ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may awtoridad na maggawad nito. Sa dispensasyong ito, ang paggawad na yaon ay nagmula pa kay Juan Bautista at sa mga apostol ng Panginoon, na sina Pedro, Santiago, at Juan. Sila ay pumarito sa lupa at mismong ipinatong ang kanilang mga kamay sa ulo nina Joseph Smith at Oliver Cowdery at sa maririnig na tinig ay binigkas ang mga salita ng paggawad nitong kamangha-manghang kapangyarihan. Mula noon bawat taong nakatanggap nito ay tumanggap nito sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang ring nakatanggap nito sa gayunding paraan na masusundan pabalik sa kauna-unahang paggawad nito.
Ito ay walang kinikilalang uri. Bawat karapat-dapat na tao, anuman ang kanyang nasyonalidad, katutubong pinanggalingan, o anupamang dahilan, ay maaaring matanggap ang pagkasaserdote. Ang kanyang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ang siyang nagiging tiyak na dahilan. Ang paggawad nito ay nakabatay lamang sa pagiging karapat-dapat sa harap ng Panginoon.
Kasama nito ang karapatan at ang awtoridad na mamahala sa Simbahan ni Cristo. Naaalaala ko ang aking mga karanasan noong ako ay miyembro pa ng Kapulungan ng Labindalawa. Dumalo ako sa isang komperensiya ng istaka kung saan ang pangulo ay isang taong mayaman at sagana. Siya ay lubos na matagumpay sa mga pamantayan ng mundo. Nakatira siya sa napakagandang tahanan. Sinalubong niya ako sa paliparan sa isang magarang kotse. Nananghalian kami sa isang primero klaseng restawran. Subalit magka-gayunpaman siya ay mapagkumbaba sa kanyang tungkulin, sabik na matuto at laging handang gawin ang tamang bagay sa pamamahala ng mga gawain ng kanyang istaka.
Pagkatapos ay nagtungo ako sa isa pang komperensiya. Sinalubong ako ng pangulo sa isang kotseng maraming taon na ang napagdaanan. Tumigil kami sa isang maliit na kainan para kumain. Ang kanyang tahanan ay may kainaman--maayos at malinis at tahimik, ngunit walang mamahaling kasangkapan. Siya ay isang karpintero. Wala siya ng mga karangyaan ng mundo. Siya rin, ay isang kahanga-hangang pangulo ng istaka na ginagawa ang kanyang tungkulin sa kahanga-hangang paraan. Siya ay napakahusay sa lahat ng bagay.
Gayon ang kagandahan ng pagkasaserdoteng ito. Ang yaman ay hindi isang dahilan. Ang edukasyon ay hindi isang dahilan. Ang mga parangal ng tao ay hindi dahilan. Ang namamayaning dahilan ay ang pagiging katanggap-tanggap sa Panginoon.
Lahat ng mga Awtoridad na narito ngayong gabi ay makapagpapatotoo na sa pagsasaayos ng mga istaka ay nagkaroon na sila ng mga natatangi at nakapagpapasiglang mga karanasan. Natatandaan ko ang minsang pagkakatalaga na mamahala sa pagpapabago ng isang istaka mga apatnapung taon na ang nakaraan. Ang pangulo ay kamamatay lamang. Hiniling sa akin ng mga Kapatid na magtungo at magsalita sa libing at isaayos ang istaka. Hindi ko pa ito nagawa noon. Bago pa lamang ako bilang Pangkalahatang Awtoridad. Mag-isa lamang akong tutungo rito.
Pagdating ko, dinala ako sa isa pang bayan kung saan dumalo ako sa serbisyo ng libing. Hiniling ko sa lahat ng mga may katungkulan sa istaka at sa mga obispo na manatili pagkatapos ng serbisyo, at ipinahayag na isang pagsasaayos ng istaka ang gaganapin sa kasunod na gabi.
Hiniling ko sa pangulo ng misyon na samahan ako habang kinakapanayam ko ang mga kapatid, na hindi ko kilala. Nagpanayam kami hanggang sa gumabi na. Nadiskubre kong may mga problema sa istaka. May hindi pagkakaisa. Nang matapos na lahat, sinabi ko sa pangulo ng misyon, "Hindi ako nasisiyahan. Wala na bang iba?" Sabi niya, "May alam akong iisang tao na hindi pa natin nakapanayam. Kalilipat lamang niya rito nang ipadala siya rito ng kanyang kumpanya. Ikalawang tagapayo siya sa obispado. Hindi ko siya masyadong kilala. Sa kabilang lungsod siya nakatira."
Sabi ko, "Puntahan natin siya." Sumakay kami sa kotse at nagtungo sa hotel kung saan ako titigil nang gabing iyon. Narito ako ngayon, na matapos kong nakapanayam ang lahat ng mga kapatid na ito at walang napili ni isa na nararamdaman kong karapat-dapat mangulo, at naitakda ang pagsasaayos sa susunod na gabi.
Natagalan bago kami makarating sa hotel. Tinawagan ko ang taong ito, isang inaantok na boses ang sumagot sa telepono. Sinabi kong nais ko siyang makita nang gabing iyon. Nagpaumanhin ako sa pagtawag ko nang napakagabi. Sabi niya, "Kahihiga ko lang sa kama, pero magbibihis ako at pupunta diyan."
Nagtungo siya sa hotel. Ang pag-uusap na nangyari ay kawili-wiling talaga. Siya ay nagtapos sa BYU sa kursong petroleum geology. Nagtatrabaho siya para sa isang malaking kumpanya ng langis. Nakapaglingkod na siya sa ibang lugar sa mga mataas na tungkulin sa Simbahan. Alam niya ang programa ng Simbahan. Nakapagmisyon siya. Alam niya ang ebanghelyo. Matagal na siya sa Simbahan. At ang teritoryong hawak niya bilang empleyado ng kumpanya ng langis ay eksaktong kapareho ng teritoryo ng istaka. Sinabi naming tatawagan namin siya kinaumagahan at pinauwi na ito.
Nagpaalam na rin ang pangulo ng misyon at natulog na ako.
Nang mga alas tres ng kinaumagahan nagising ako. Napuno ng pag-aalinglangan ang aking isipan. Ang taong ito ay halos estranghero sa mga tao sa istaka. Bumangon ako sa kama at lumuhod at nagsumamo sa Panginoon para magabayan. Wala akong narinig na tinig, ngunit may naramdaman akong napakalinaw na impresyon na nagsabi, "Sinabi ko na sa iyo kung sino ang dapat maging pangulo ng istaka. Bakit nagtatanong ka pa rin?"
Nahihiya sa sarili dahil sa muling pag-aabala sa Panginoon, humiga ako at nakatulog. Tinawagan ko ang taong ito nang maaga kinaumagahan at ibinigay sa kanya ang tungkulin na maglingkod bilang pangulo ng istaka. Hiniling ko sa kanya na pumili ng mga tagapayo.
Kinagabihan nang nagtipon ang mga tao para sa pulong, maraming mga hulaan kung sino ang magiging pangulo ng istaka, ngunit walang nakaisip man lamang sa taong ito. Nang ipaalam ko ang kanyang pangalan, nagtinginan ang mga tao para mahiwatigan kung sino siya. Pinaakyat ko siya sa pulpito. Ipinahayag ko ang kanyang mga tagapayo, at pinaakyat din sila sa pulpito.
Kahit na hindi nila siya kilala, sinang-ayunan siya ng mga tao. Nagsimulang umunlad ang istaka. Matagal nang alam ng mga tao na kailangan nila ng sentro ng istaka, ngunit hindi sila magkasundo kung saan. Nagpunyagi siya at sa loob ng 18 buwan ay mayroon na silang bagong sentro ng istakang handa nang maitalaga. Napagkaisa niya ang istaka. Naglakbay siya kung saan-saan, kinikilala ang mga tao, at ipinahihiwatig ang kanyang pagmamahal sa kanila. Ang istakang pagod na ay nabuhayan at talagang nag-alab sa bagong tuklas na kasigasigan. Ngayon nakatayo ito bilang maliwanag na tala sa napakalaking pamilya ng mga tala ng istaka sa Simbahang ito.
Mga kapatid, makapagpapatotoo ako sa inyo na ang paghahayag mula sa Panginoon ay naigagawad sa pagpapangalan ng isang pangulo ng istaka. Minsan na akong nagsalita sa ganitong pagpupulong tungkol sa mga obispo, at ngayong gabi nais kong magsalita tungkol sa mga pangulo ng istaka.
Nagsimula ang tungkulin sa Simbahan noong 1832. Si Joseph Smith, ang Pangulo ng Simbahan ay siya ring pangulo ng istaka. Nang may bagong istakang itinatag sa Missouri noong 1834, ang ganitong pamamaraan ay binago, kung saan ang mga opisyal ay kinuha mula sa kalipunan ng mga pagkasaserdote.
Ito ay isang tungkulin na dumating sa paghahayag. Ang organisasyon ng isang istaka ay paglalarawan ng pagkalikha ng isang pamilya ng mga purok at mga sangay. Ang programa ng Simbahan ay naging masalimuot na, at ang mga hinihingi mula sa mga panguluhan ng istaka ay dumami na. May mga nilikha nang maliliit na istaka. Ngayon ay mayroon tayong 2,550 (dalawang libo, limang daan at limampung) mga istaka sa Simbahan at marami pang nasang- ayunan para maitatag.
Ang pangulo ng istaka ang opisyal na tinawag sa ilalim ng paghahayag upang tumayo sa pagitan ng mga obispo ng mga purok at ng mga Pangkalahatang Awtoridad ng Simbahan. Ang kanya ay isang pinakamahalagang pananagutan. Siya ay sinasanay ng mga Pangkalahatang Awtoridad, at siya naman ang nagsasanay sa mga obispo.
Kawili-wili para sa akin na mayroon tayong 17,789 purok sa Simbahan na mayroong obispo sa bawat isa. Sila ay nakakalat sa balat ng lupa. Ang mga miyembro nila ay nagsasalita ng iba't ibang wika. Gayunpaman sila ay magkakatulad. Maaari kang dumalo sa mga Panlinggong pulong sa Singapore o sa Stockholm at ang serbisyo ay pareho. Isipin na lamang ang pagkalito natin kung susundin ng bawat obispo ang kanyang sariling kagustuhan. Tiyak na babagsak sa madaling panahon ang Simbahan.
Ang pangulo ng istaka ay naglilingkod bilang tagapayo sa mga obispo. Nalalaman ng bawat obispo na kapag may mabigat siyang suliranin may isang laging nakahanda na maaari niyang lapitan upang bahaginan ng kanyang suliranin at makatanggap ng payo.
Nagbibigay siya ng ikalawang sukatan upang makatiyak na ang mga yaong karapat-dapat lamang ang makakapasok sa bahay ng Panginoon. Ang mga obispo ay malapit nang husto sa kanilang mga tao. Nabubuhay silang parang magkakapitbahay. Minsan hindi nila kayang tanggihan ang magbigay ng rekomendasyon kahit na hindi sila gaanong sigurado sa pagiging karapat-dapat ng isang tao. Ngunit ang pangulo ng istaka ay nakikipanayam din. Hanggang sa panahon ni Wilford Woodruff, ang Pangulo ng Simbahan ang pumipirma sa lahat ng rekomendasyon sa templo. Ngunit naging napakabigat ng pangasiwaan, at ibinigay sa mga pangulo ng istaka ang pananagutan. Sila ay nakagawa ng napakalaking bagay sa gawaing ito.
Ang pangulo rin ang nagiging ikalawang hukom sa pag-alam ng pagiging karapat-dapat ng mga yaong hahayo upang kumatawan sa Simbahan sa larangan ng misyon. Kinakapanayam din niya ang kandidato, at kapag nasiyahan lamang siya tungkol sa pagiging karapat-dapat ng tao saka lamang niya lalagdaan ang rekomendasyon. Gayundin siya ay binigyan ng awtoridad na italaga ang mga yaong tinawag sa mga misyon at magbigay ng mga pagpapalaya kapag natapos na nila ang kanilang paglilingkod.
Pinakamahalaga sa lahat, siya ang pangunahing opisyal ng disiplina ng istaka." Ang mga tungkulin ng isang guro sa Pagkasaserdoteng Aaron ay maaaring igawad sa pangulo ng istaka. Siya ang magbabantay sa buong istaka, at kakasama at magpapalakas [sa mga miyembro],
"At tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama;
"At tiyakin na ang simbahan ay madalas na sama-samang nagtitipon, at tiyakin din na lahat ng kasapi ay gumagawa ng kanilang mga tungkulin" (D at T 20:53-55).
Dinadala niya ang napakabigat na pananagutang tiyakin na ang doktrinang itinuturo sa istaka ay napananatiling dalisay at walang-halo. Tungkulin niya na tiyakin na walang maling doktrina na itinuturo ni maling gawain na umiiral. Kung mayroon mang may taglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na nalilihis sa doktrina, o sinuman sa katulad na sitwasyon, siya ang magpapayo sa kanila, at kapag iginiit ng taong iyon ang kanyang maling gawa, kailangang kumilos na ang pangulo. Tatawagin niya ang maysala na humarap sa isang kapulungang pang-disiplina, kung saan maaaring gumawa ng aksiyon upang magtalaga ng isang panahon ng probasyon o tanggalan siya ng karapatan o burahin ang pangalan niya mula sa Simbahan.
Ito ay isang napakahirap at hindi kinagigiliwang gawain, ngunit dapat harapin ito ng pangulo nang walang takot o pagkiling. Lahat ng ito ay ginagawa nang may patnubay ng Espiritu at gaya ng nakalahad sa bahagi 102 ng Doktrina at mga Tipan.
Pagkatapos kailangan niyang gawin ang lahat ng makakaya niya sa pagpupunyagi at pagpapabalik sa tamang panahon ng taong dinisiplina.
Lahat ng ito at marami pa ang sumasaklaw sa kanyang mga tungkulin. Kaya nga, ang kanyang buhay ay dapat maging halimbawa sa harap ng kanyang mga tao.
Kahanga-hangang pulutong ng kalalakihan ang bumubuo sa mga pangulo ng istaka ng Simbahang ito. Pinili sa pamamagitan ng inspirasyon, sila ay lubhang masigasig sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Sila ay mga kalalakihang may kakayahan. Sila ay mga kalalakihang matatas sa mga doktrina at gawain sa Simbahan. Sila ay mga kalalakihang may malaking pananampalataya. Sila ay mga kalalakihan na tinawag ng Panginoon upang mamuno sa mga pook na kanilang nasasakupan.
Sa palagay ko may kaunti akong nalalaman tungkol sa katungkulan ng pangulo ng istaka. Naging pangulo noon ang lolo ko, noong mayroong pa lamang 25 (dalawampu't limang) istaka sa Simbahan. Ang tatay ko ay nangulo nang maraming taon sa pinakamalaking istaka ng Simbahan. Naglingkod ako bilang pangulo ng istaka bago matawag bilang Pangkalahatang Awtoridad. At isa sa aking mga anak ay katatapos pa lamang ng siyam na taong paglilingkod bilang isang pangulo ng istaka. Kinakatawan nito ang apat na henerasyong naglingkod sa ganitong kapasidad.
May buong tiwala ako sa mga kalalakihang nakaupo sa katungkulang ito. Ang kanilang mga tungkulin ay marami, ang kanilang pananagutan ay malawak. Nalalaman nila ang sarili nilang kakulangan, at alam kong nananalangin sila upang mapatnubayan at matulungan. Alam kong pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan upang makahanap ng mga sagot. Alam kong inuuna nila ang gawaing ito sa kanilang buhay. Dahil mayroon kaming gayong tiwala sa kanila, inuudyukan namin ang mga lokal na miyembro na huwag nang maghanap ng mga Pangkalahatang Awtoridad upang magpayo at magbasbas sa kanila. Ang kanilang mga pangulo ng istaka ay tinawag sa gayunding inspirasyon kung saan tinawag ang mga Pangkalahatang Awtoridad.
Ipinananalangin ko ang mga ito, mga minamahal kong kapatid, na ang Espiritu ng Panginoon ay mapasakanila. Idinadalangin ko na sila ay maging inspirado sa kanilang mga salita, sa kanilang mga pag-iisip, sa kanilang mga kilos. Nawa ang kanilang tahanan ay maging mga lugar ng katahimikan at pag-ibig at pagkakaisa kung saan makakukuha sila ng inspirasyon para sa kanilang gawain. Idinadalangin ko na palalakasin at babasbasan nila ang kanilang asawa't mga anak, bilang mga asawa at ama na magiging halimbawa sa lahat ng tao sa kanilang istaka. Nawa'y anuman ang kanilang bokasyon, kanila itong gawin nang may dangal at katapatan, na sila'y maging mga manggagawang karapat-dapat sa kanilang singil. Nawa'y mamuhay sila nang karapat-dapat para sa respeto ng mga yaong hindi lamang natin kasampalataya, ngunit ng iba pa na maaari nilang makasalamuha. At matapos ang kanilang paglilingkod nang ilang taon at pinamunuan ang kanilang mga tao nang may dangal at pagmamahal, darating ang panahon na sila ay hahalinhan. Ang tanging gantimpala nila ay ang pagmamahal ng kanilang mga tao, at ang tiwala ng kanilang mga Kapatid.
Walang ibang katungkulan sa Simbahan na katulad ng katungkulang ito. Ang pangulo ng istaka ay dapat maging sapat na malapit sa mga tao upang makilala sila at mahalin sila. Gayunpaman, kasama ang kanyang mga tagapayo, tumatayo siyang may tamang layo upang makitungo nang walang kinikilingan ayon sa kalooban at pamamaraan ng Panginoon.
Ipinapanalangin ko na ang mga sagana at kahanga-hangang pagpapala ng Panginoon ay maibuhos sa mga masisigasig na kapatid na ito nang sila ay maging mga kalalakihan ng pananampalataya, kalalakihan ng inspiradong paghatol, kalalakihan ng pagtitiis, kalalakihang nagmamahal sa Panginoon at nagmamahal sa Kanyang mga tao. Nawa sila'y lumigaya, at nawa'y masumpungan nila ang kanilang gantimpala sa kasiyahan ng paglilingkod nang mabuti ang aking mapagkumbabang panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.