The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Ang Inyong Walang Hanggang Tahanan

Ang Inyong Walang Hanggang Tahanan

Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Sa makatotohanang pagpapakahulugan, tayo ay mga tagapagtatag ng mga tahanang pangwalang-hanggan. Tayo ay mga baguhan--hindi mga dalubhasang manggagawa. Kailangan natin ang tulong ng Diyos kung nais nating matagumpay na makapagtatag ng tahanan.

Pangulong Thomas S. Monson

Isang araw sa personal na pagministeryo ng Panginoon, isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan "sa isang mataas na bundok . . .

"At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit.

"At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya.

"At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito."1

Ngayon, sa makasaysayang pagdiriwang na ito, nagtitipun-tipon tayo sa maringal na Sentro ng Komperensiyang ito at sa mga pasilidad sa Temple Square at sa buong daigdig.

Napapaluha ang ating mga mata at napupuspos ng pasasalamat ang ating mga puso habang ipinahahayag natin ang damdamin sa pag-uulit ng pamagat ng isang magandang himno, ang "Salamat sa Panginoon."2 Ang pagpapatayo ng gusaling ito ay matagal nang nasa plano. Nangailangan tayo ng higit na malaking gusali upang mabigyang-lugar ang mga dumadalo sa komperensiya at sa iba pang gawain sa buong taon. Ang mga manggagawang may natatanging kasanayan ay gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga puso at kamay upang makapaglaan ng istrukturang karapat-dapat sa Kanyang banal na pagsang-ayon, "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin."3

Nang si Jesus ay magministeryo sa mga tao matagal na panahon na ang nakalipas at sa isang malayong lugar, madalas Siyang nangangaral sa pamamagitan ng mga talinghaga, sa wikang pinakamadaling naiintindihan ng mga tao. Madalas Kaniyang tinutukoy ang pagtatatag ng tahanan na may kaugnayan sa buhay ng mga nakikinig. Hindi ba't Siya ay kadalasang nakikilalang "ang anak ng anluwagi"? Kanyang ipinahayag, "Ang bawa't . . . bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili."4 Pagkaraan Siya ay nagbabala, "Masdan, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos, at hindi isang bahay ng kaguluhan."5

Sa isang paghahayag na ibinigay kay propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong ika-27 ng Disyembre 1832, ipinayo ng Guro, "Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos."6

Saan pa makakasumpong ang sinuman sa atin ng mas naaangkop na balangkas kung saan ay mahusay at maayos niyang maitatayo ang bahay na kanya mismong titirhan sa kawalang-hanggan?

Sa makatotohanang pagpapakahulugan, tayo ay mga tagapagtatag ng mga tahanang pangwalang-hanggan. Tayo ay mga baguhan sa gawain--hindi mga dalubhasang manggagawa. Kailangan natin ang tulong ng Diyos kung nais nating matagumpay na makapagtatag ng tahanan. Ang mga salita ng tagubilin na ibinigay ni Apostol Pablo ay nagbibigay ng kinakailangan nating katiyakan: "Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?"7

Kapag naaalala natin na ang bawat isa sa atin ay literal na espiritung anak na lalaki o babae ng Diyos, hindi magiging mahirap para sa atin na lapitan ang ating Ama sa Langit sa panalangin. Pinahahalagahan niya ang kahalagahan ng materyal na ito na tinatawag nating buhay. "Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos."8 Ang kanyang pahayag ay nakasusumpong ng lugar sa ating kaluluwa at nag-uudyok sa layunin ng ating buhay.

Mayroong isang Guro na gagabay sa ating pagsisikap kung iuukol lamang natin sa Kanya ang ating pananampalataya--maging ang Panginoong Jesucristo. Inaanyayahan Niya tayo: "Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin.

"Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

Sapagkat malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan."9

Sinasabi na si Jesus ay "lumaki sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao."10 Mayroon ba tayong determinasyon na gawin din ang gayon? Isang pangungusap mula sa banal na kasulatan ang naglalaman ng parangal sa ating Panginoon at Tagapagligtas, kung kanino ay sinabi ang ganito, "[Siya ay] naglilibot na gumagawa ng mabuti."11

Si Pablo, sa kanyang liham sa kanyang minamahal na si Timoteo, ay nagbigay ng kaparaanan kung saan mas maging mabuti tayo at, gayundin, naglaan ng tulong sa iba na payapang nag-iisip at isinasatinig ang katanungang, "Paanong magagawa ko, [na masumpungan ang daan] maliban nang may pumatnubay sa aking sinuman?"12

Ang kasagutan, na ibinigay ni Apostol Pablo kay Timoteo ay naglalaan sa bawat isa sa atin ng taimtim na payo. Pakinggan natin ang kanyang matalinong pagpapayo: "Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan."13

Suriin natin ang taimtim na tagubiling ito na, sa katunayan, ay ibinigay sa atin.

Una, maging huwaran sa salita. "Ang inyong mga salita ay mauwi sa pagpapatibay sa isa't isa,"14 wika ng Panginoon.

Naaalala ba natin ang payo ng paboritong himno ng Panlinggong Paaralan?

Marahang salita ay nagpapasaya,
Liwanag ang laging dala.
Tayo nang mag-usap nang marahan,
Kay-inam nitong pakinggan.15

Isaalang-alang ang obserbasyon ni Mary Boyson Wall, na ipinagdiwang ang kanyang ika-105 na kaarawan ilang taon na ang nakaraan. Nagpakasal siya kay Don Harvey Wall sa Templo ng Salt Lake noong 1913. Ipinagdiwang nila ang kanilang ika-81 anibersaryo ng kasal bago namatay si Don sa gulang na 103. Sa artikulo sa Church News sinabi niyang ang marahang pagsasalita sa bawat isa ay nakatulong sa kanilang mag-asawa upang magtagal ang kanilang pagsasama at magkaroon ng mahabang buhay. Sinabi niyang, "Sa palagay ko nakatulong iyon sa amin sapagkat sinikap naming tulungan ang bawat isa at huwag magsalita nang masama sa isa't isa."16

Pangalawa, maging huwaran sa pakikipag-usap. Sa pangkalahatang komperensiya noong Oktubre 1987, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: "Ang pagsasalita nang masama ay dumudungis sa taong nagsasalita nito. Kung nakasanayan ninyo ito, paano ninyo ito susupilin? Magsimula kayo na magpapasyang magbago. At sa susunod na pagkakataon na nahihilig kayong gumamit ng mga salitang alam ninyong mali, huminto lamang. Manahimik, o sabihin ang nais ninyong sabihin sa ibang paraan."17

Sa obserbasyon ni Francois de la Rochefoucauld, "Ang isa sa mga dahilan kung bakit iilang tao lamang ang natagpuang tila matalino at nakasisiyang kausap ay dahil ang halos lahat ay nag-iisip ng nais niyang sabihin, sa halip na sa pagsagot nang malinaw sa sinabi sa kanya."

Pangatlo, maging huwaran sa pag-ibig sa kapwa.

Mula sa Mga Taga Corinto lumabas ang magandang katotohanan, "Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man."18

Nakasisiyang mamasdan ang nakahandang tugon ng Simbahan sa mga napinsala ng kalikasan, katulad ng sa Mozambique, Madagascar, Venezuela, at marami pang pook. Kadalasan tayo ang unang dumarating pagkatapos ng mga gayong pinsala, at nagbibigay ng halos lahat ng tulong. Mayroon ding iba pang samahan na tumutugon din nang bukas-palad.

Ano ang pag-ibig sa kapwa? Si Moroni, sa pagsusulat ng ilan sa mga salita ng kanyang amang si Mormon ay nagtala na: "Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman."19

Ang isang tao na nagpamalas ng pag-ibig sa kapwa sa kanyang buhay ay si Pangulong George Albert Smith. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Simbahan ay naglunsad sa pagtipon ng mga pangginaw na kasuotan upang ipadala sa mga naghihirap na Banal sa Europa. Isinama nina Elder Harold B. Lee at Elder Marion G. Romney si Pangulong George Albert Smith sa Welfare Square sa Lungsod ng Salt Lake upang makita ang resulta nito. Sila ay humanga sa bukas-palad na pagtugon ng mga miyembro ng Simbahan. Minasdan nila si Pangulong Smith na nagmamasid sa mga manggagawa na nagbabalot ng napakaraming donasyong ito ng mga damit at sapatos. Nakita nila ang mga luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Matapos ang ilang sandali, hinubad ni Pangulong George Albert Smith ang kanyang bagong amerikana at sinabing, "Pakipadala niyo na rin ito."

Sinabi ng mga Kapatid sa kanya, "Hindi po, Pangulo, hindi po; huwag po ninyong ipadala iyan; malamig at kailangan po ninyo ang inyong amerikana."

Subalit hindi na ito binawi ni Pangulong Smith; at sa gayon ang kanyang amerikana, kasama ng iba pa, ay ipinadala sa Europa, kung saan ang mga gabi ay mahaba at madilim at kakaunti ang pagkain at kasuotan. Kasunod niyon dumating ang kargamento. Isinatinig ng mga natulungan ang kagalakan at pasasalamat, gayundin sa mga lihim na panalangin.

Pang-apat, maging halimbawa sa espiritu. Isinulat ng may-akda ng awit, "Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; At magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko."20

Nang ako'y labing-pitong taong gulang, umanib ako sa Hukbong-dagat ng Estados Unidos at dumalo sa pangunahing pagsasanay sa hukbong-dagat sa San Diego, California. Sa loob ng unang tatlong linggo, madarama na tila ba ang hukbong-dagat ay nagtatangkang pumatay sa halip na sanayin siya kung paano manatiling buhay.

Nananatili sa alaala ko sa tuwina ang unang Linggo sa San Diego. Ang isang nakatatandang opisyal ay nagsabi sa amin, "Ngayon ang lahat ay magsisimba." Pumila kami ngayon sa lugar ng pinagsasanayan. Sumigaw ang nakatatandang opisyal, "Ang lahat ng katoliko sa inyo--ay magpulong sa Camp Decatur. Handa, sulong! At huwag kayong babalik hanggang alas-3 ng hapon!" Isang malaking grupo ang umalis. Pagkatapos ay sinabi niya, "Ang lahat ng mga Judio--ay magpulong sa Camp Henry. Handa, sulong! At huwag kayong babalik hanggang alas-3 ng hapon!" Isang mas maliit na grupo ang lumakad. Kasunod niyon sinabi niya, "Kayong natitirang Protestante ay magpulong sa mga teatro sa Camp Farragut. Handa, sulong! At huwag kayong babalik hanggang alas-3 ng hapon!"

Biglaang sumagi sa aking isipan ang , Monson, hindi ka Katoliko. Hindi ka Judio. Hindi ka Protestante. Ipinasya kong manatiling matatag na nakatayo. Tila ba daan-daang kalalakihan ang nagmartsa sa paligid ko. Kasunod niyon ay narinig ko ang pinakamatamis na salita na inusal ng nakatatandang opisyal sa aking harapan. Sinabi niya, "At ano ang tawag ninyong mga kalalakihan sa inyong mga sarili?" Ginamit niya ang pangalang maramihan--mga kalalakihan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nalaman kong may nakatayo sa aking likuran sa lugar na iyon ng pagsasanay. Sabay-sabay naming sinabi, "Kami ay mga Mormon." Napakamot siya, isang pagtataka ang mababakas sa kanyang mukha, at sinabing, "Buweno, humayo kayo at maghanap ng lugar na inyong pagtitipunan--at huwag kayong babalik hanggang alas-3 ng hapon." Nagmartsa kami papalayo. Sa pagmamartsa ng mga Banal na ito, ang ritmo ng kanilang mga hakbang ay tumugma sa sumusunod na awit sa Primarya:

Magkalakas ng loob na maging Mormon;

Magkalakas ng loob na tumayong mag-isa.

Magkalakas ng loob na patibayin ang inyong pangako,

At magkalakas ng loob na ipaalam ito.

Panglima, maging halimbawa sa pananampalataya.

Sa pagtukoy sa pananampalataya, ipinahayag ni Pangulong Stephen L. Richards: "Ang pagkilala sa isang kapangyarihan na higit na mataas sa tao ay hindi nakapagpapababa sa anumang paraan sa kanya. Kung, sa kanyang pananampalataya, naniniwala siya na ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng pagpapala at may plano siya sa kanyang buhay, ay mauunawaan niya ang isang mas mataas na patutunguhan at mas dakilang katangian at nahihikayat at napasisigla na magsikap sa buhay na ito . . . Kinakailangan niyang hangarin na maniwala, manalangin--at umasa na siya ay makakasumpong. Walang matapat, may panalanging pagsisikap ang hindi magagantimpalaan--iyon ang pangunahing katangian ng pilosopiya ng pananampalataya."21 Dadalo ang tulong mula sa kaitasan sa mga yaong mapagpakumbabang naghahangad nito.

Isinulat ni Minni Louise Haskins ang alituntuning ito sa isang magandang tula: "Winika ko sa lalaking nakatayo sa pagsisimula ng taon: 'Bigyan mo ako ng tanglaw, nang ako'y pumaroon nang ligtas sa dakong ilang.' At siya ay tumugon: 'Humayo ka sa kadiliman at ipatong ang iyong kamay sa kamay ng Diyos. Na makabubuti sa iyo kaysa isang tanglaw at mas ligtas kaysa kilalang paraan."22

Sa huli, maging halimbawa ng kadalisayan.

"Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

"Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; Na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, At hindi sumumpa na may kabulaanan.

"Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng may katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan."23

Sa obserbasyon ni Pangulong David O. McKay: "Ang kaligtasan ng ating bansa ay nakasalalay sa kadalisayan at kalakasan ng tahanan; at nagpapasalamat ako sa Diyos para sa mga turo ng . . . Simbahan tungkol sa pagbubuo at pagpapalakas ng mga mag-anak, at sa impresyon na ginawa ng mabubuting magulang, na ang tahanan ang dapat na maging pinakabanal na lugar sa daigdig. Ang ating mga tao ay tagapagtatag ng tahanan, at sila ay tinuturuan saanman dako, mula sa pagkabata hanggang sa pagtanda, na ang tahanan ay dapat na panatilihing dalisay at ligtas mula sa mga kasamaan ng daigdig."24

Maraming taon na ang nakalilipas dumalo ako sa isang komperensiya ng istaka sa Star Valley, Wyoming, kung saan muling binuo ang panguluhan ng istaka. Ang hinalinhang pangulo ng istaka, na si E. Francis Winters, ay matapat na naglingkod sa mahabang panahon sa loob ng dalawampu't tatlong taon. Bagamat hindi marangya at likas na mapagpakumbaba, siya ay pinagkukunan sa tuwina ng lakas ng bawat isa sa pook na iyon. Sa araw ng komperensiya ng istaka, ang gusali ay napuno. Tila ba, ang bawat puso ay nagpapahayag ng tahimik na salamat sa inyo sa dakilang pinunong ito na nagbigay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng iba.

Nang ako'y tumayo upang magsalita, naudyukan akong gumawa ng isang bagay na hindi ko pa nagagawa noon, ni nagawa magmula noon. Ipinahayag ko kung gaano katagal namuno si Francis Winters sa istaka; kasunod nito ay hiniling ko sa lahat ng kanyang nabasbasan o napagtibay na bata na tumayo at manatiling tumayo. Pagkatapos hiniling ko sa lahat ng mga taong naordena, naitalaga, personal na napayuhan, o nabasbasan ni Pangulong Winters na tumayo rin. Nakamamangha ang kinalabasan nito. Ang lahat ng nakikinig ay nagsitayo. Dumaloy ang mga luha--mga luha na mas nagpapahiwatig kaysa mga salita ng pasasalamat ng mga nagmamahal na puso. Bumaling ako kina Pangulong Winters at sa asawa nito at sinabing, "Kami ay mga saksi ngayon ng mga pag-uudyok ng Espiritu. Ang malaking pangkat na ito ay nagpapakita hindi lamang ng nadarama ng bawat isa subalit gayundin ng pasasalamat ng Diyos sa buhay na pinabuti." Walang tao sa kongregasyon ng araw na iyon ang makalilimot sa kanyang nadama nang masaksihan namin ang wika ng Espiritu ng Panginoon.

Dito, si Francis Winters, ay "isang halimbawa ng mga mananampalataya, sa salita, sa pakikipag-usap, sa pag-ibig sa kapwa, sa espiritu, sa pananampalataya, sa kadalisayan."25

Sa katotohana'y may katapatan,
Pananampalataya'y ipaglalaban,
Utos ng Diyos
Ay susundin,
Buong puso ang katapatan.26
 
Na magawa ito ng bawat isa sa atin, ang siyang mapagpakumbaba kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Mat.17:1­4.
2. "Thanks Be to God," Elijah, ni Felix Mendelssohn.
3. Mat. 25:21.
4. Mat. 12:25.
5. D at T 132:8.
6. D at T 88:119.
7. I Cor. 3:16.
8. D at T 18:10.
9. Mat. 11:28­30.
10. Lucas 2:52.
11. Mga Gawa 10:38
12. Mga Gawa 8:31.
13. I Tim. 4:12.
14. D at T 136:24.
15. "Tayo Nang Mag-usap Nang Marahan," Mga Himno, teksto ni Joseph L. Townsend.
16. Mula sa Chuch News, ika-21 ng Setyembre 1996.10
17. "Take Not the Name of God in Vain," Ensign, Nob. 1987, 47.
18. I Cor. 13:8.
19. Moro. 7:47.
20. Awit 51:10.
21. Sa Conference Report, Okt. 1937, 35, 38.
22. "The Gate of the Year," The Oxford Dictionary of Quotations, Ikalawang edisyon (1953), 239.
23. Mga Awit 24:3­5.
24. Sa Conference Report, Abr. 1909, 66.
25. I Tim. 4:12.
26. "Tapat sa Pananampalataya," Mga Himno, teksto ni Evan Stephens.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy