Elder Joseph B. Wirthlin
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Sa sarili nating mga unos sa buhay ang Tagapagligtas ang Siya nating aliw at kanlungan. Kung naghahangad tayo ng kapayapaan, kailangang lumapit tayo sa Kanya.
Mapalad akong makasama kayo sa makasaysayang pagkakataong ito. Para sa akin, ang maringal na Sentro ng Komperensiyang ito na may mga pader na gawa mula sa matibay na granito ay sagisag ng isang dakilang gawain sa mga huling araw--ang bato na nakita ni Daniel na, "natibag sa bundok, hindi ng mga kamay"
1 upang tumayo magpakailanman bilang kaharian ng Diyos. Kayo man ay narito nang personal o nakikibahagi sa iba't ibang lugar, pinararangalan ko kayo sa inyong pagpili na maging bahagi ng makasaysayang pangkalahatang komperensiyang ito at nananalangin na pagpalain kayo ng Panginoon sa inyong katapatan.
Mahigit na 60 taon na ang nakararaan, naglingkod ako bilang misyonero sa Austria at Switzerland. Iyon ay malaking hamon ngunit napakagandang panahon. Natutuhan kong mahalin ang mga tao sa bahaging iyon ng daigdig at nakadama ako ng pag-aatubiling iwanan sila. Ngunit ang panahon ng aking paglilingkod ay nagtapos noong mga huling araw ng Agosto 1939 at naghanda na akong bumiyahe sa barko pauwi.
Matapos ang mahabang paglalakbay patawid sa Karagatang Atlantiko, na mapanganib noong panahong iyon dahil sa digmaan, nagalak ako nang makita ko ang kamangha-manghang simbolo ng kalayaan at demokrasya, ang Statue of Liberty. Hindi ko maipahayag sa inyo ang kaluwagan ng aking loob, nang sa wakas ay marating namin ang isang ligtas na daungan.
Naisip kong parang may nadama ako na naramdaman ng mga disipulo ni Jesucristo noong araw na iyon nang sila ay kasa-kasama ng Tagapagligtas. Naglayag sila sa Dagat Galilea. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na napagod si Jesus, at bumalik Siya sa barko at nakatulog sa unan.2 Hindi nagtagal, nagdilim ang mga kalangitan, at "bumangon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa't inaapawan ang daong ng mga alon."3 Rumagasa ang unos. Nagulantang ang mga disipulo. Tila babaligtad ang barko subalit natutulog pa rin ang Tagapagligtas. Sa huli, hindi na sila makapaghintay at ginising nila si Jesus. Halos maririnig mo ang takot at kawalang-pag-asa sa kanilang mga tinig habang nagsusumamo sila sa kanilang Guro, "Wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?"4
Marami ngayon ang nababagabag at nababalisa; marami ang nakadarama na, anumang oras, ang mga barko ng kanilang buhay ay babaligtad o lulubog. Kayong mga naghahanap ng ligtas na daungan ang nais kong hatiran ng aking mensahe ngayon, kayo na ang mga puso ay nagdurusa, kayo na mga nababahala at natatakot, kayo na nagpapasan ng dalamhati o mga pasanin ng kasalanan, kayo na nakadarama na wala ni isa mang nakikinig sa inyong mga hinaing, kayo na ang mga puso ay nagsusumamo, "Guro, wala bagang anoman sa inyo na mapahamak ako?" Sa inyo inaalay ko ang ilang salita ng kapanatagan at pagpapayo.
Maging panatag na mayroong ligtas na daungan. Makahahanap kayo ng kapayapaan sa kabila ng mga bagyong nagbabanta sa inyo. Ang inyong Ama sa Langit--na nakaaalam maging kung kailan mahuhulog ang isang maya--ay nakaaalam ng inyong pagdadalamhati at pagdurusa. Minamahal Niya kayo at ninanais ang pinakamainam para sa inyo. Huwag ninyong pag-alinlanganan ito kailanman. Bagamat hinahayaan niya tayong gumawa ng mga pagpili na maaaring hindi laging para sa ating kapakanan o sa iba, at bagamat hindi Siya laging namamagitan sa takbo ng mga pangyayari, ipinangako Niya sa matatapat ang kapayapaan maging sa kanilang mga pagsubok at paghihirap.
Sinabi ng propetang si Alma sa atin; "At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao."5
Inaaliw tayo ni Jesus nang sabihin niyang: "Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo: ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo; hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man."6
Lumapit sa Panginoong Jesucristo. May natatanging pagmamahal Siya sa mga nagdurusa. Siya ay Anak ng Diyos, isang walang hanggang hari. Sa Kanyang ministeryo sa lupa, minahal Niya at binasbasan sila.
Sa mabababa ang loob at bigo, ang bawat salita Niya ay may pagkahabag at panghihikayat. Sa mga may karamdaman, nagdala Siya ng nakapagpapagaling na balsamo. Yaong mga umaasam ng pag-asa, naghahangad ng haplos ng pangangalaga, ay natanggap ito mula sa kamay ng Hari ng mga Hari, ang Maylikha ng karagatan, lupa, at langit.
Ngayon si Jesucristo ay nakatayo sa kanang kamay ng ating Ama sa Langit. Sa palagay ba ninyo hindi na Siya gaanong nagbibigay ngayon ng tulong o kaaliwan sa mga naghihirap, sa mga may karamdaman, o sa mga nagsusumamo ng tulong mula sa Ama?
Lakasan ang inyong loob. Ang Tao ng Galilea, ang Maylikha, ang Anak ng Buhay na Diyos ay hindi malilimutan ni pababayaan ang mga taong malapit ang puso sa Kanya. Pinatototohanan ko na ang Tao na nagdusa para sa sanlibutan, na itinalaga ang Kanyang buhay sa pagpapagaling ng mga may karamdaman at pag-aliw sa mga nanlulupaypay ay nakaaalam ng inyong mga pagdurusa, alinlangan, at sakit ng damdamin.
"Kung gayon," ang itatanong ng daigdig, "Bakit natutulog Siya nang rumaragasa sa magkabilang panig ko ang bagyo? Bakit hindi Niya pinatitila ang bagyo, o bakit Niya ako hinahayaang magdusa?"
Maaaring matagpuan ninyo ang kasagutan sa isang paru-paro. Mahigpit na nakabalot sa kanyang bahay-uod, ang nabubuong chrysalis ay dapat magpunyagi nang husto upang makawala sa kanyang pagkakakulong. Maaaring isipin ng paru-paro, Bakit kailangan kong magdusa? Bakit hindi na lang ako maging paru-paro sa isang kisap- mata?
Ang gayong mga kaisipan ay salungat sa layunin ng Maylikha. Ang pagpupunyaging makawala sa bahay-uod ay nagpapalakas sa paru-paro upang ito ay makalipad. Kung wala ang paghihirap na iyon, hindi kailanman magkakaroon ng lakas ang paru-paro upang makamit nito ang kanyang patutunguhan. Hindi kailanman mabubuo ang lakas na maging isang hindi pangkaraniwang nilalang.
Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust na "sa bawat buhay dumarating ang masakit, at nakapanlulumong araw ng paghihirap at pasakit. Tila ba mayroong labis na dalamhati, kalungkutan, at kadalasan at pagkabigo para sa lahat, kabilang na ang mga naghahangad na gumawa ng mabuti at maging matapat."7 At pagkatapos ay iminungkahi niya na ang paghihirap na nararanasan natin ay nagpapahintulot sa ating mga kaluluwa na maging tila luwad sa mga kamay ng Guro. Ang mga pagsubok at paghihirap, itinuro ni Pangulong Faust, "ay magiging paghahanda sa pagiging bagong silang na muli."8
Ang paghihirap ay nakapagpapalakas at nakapagpapadalisay sa atin. Tulad ng sa paru-paro, ang paghihirap ay kailangan upang bumuo ng katangian sa tao. Maging tayo man ay tawaging maglayag sa maligalig na karagatan, kailangang kilalanin natin ang nagagawa ng paghihirap sa paghubog ng ating banal na potensiyal.
Kung malalampasan lamang natin ng tingin ang ating kasalukuyang paghihirap at ituturing ang ating mga pakikibaka bilang pansamantalang chrysalis. Kung mayroon lamang tayong pananampalataya at paniniwala sa ating Ama sa Langit upang makita kung paanong, pagkatapos ng maikling panahon, ay makararaos tayo mula sa ating mga pagsubok nang mas dalisay at maluwalhati.
Sinong magulang ang magsasabi sa anak, "Ang pag-aaral lumakad ay isang lubhang masakit at mahirap na karanasan, madadapa ka, malamang na masaktan mo ang sarili mo, maraming beses kang iiyak kapag nahulog ka. Pag-iingatan kitang mahirapan?" Naobserbahan ko ang pinakabunso naming apo, si Seth, noong nag-aaral pa lamang siyang lumakad. Sa prosesong ito ng pagtatamo ng karanasan, lumalakad na siya ngayon nang may tiwala sa sarili. Dapat ba na sinabi ko sa kanya, "Dahil sa pagmamahal ko sa iyo, ililigtas kita mula rito?" Kung ginawa ko ito dahil hindi ko matiis na makita siya na madapa nang ilang beses hindi siguro siya natutong maglakad. Hindi angkop iyon para sa isang mapagmahal na magulang o lolo o lola.
Ang bata, kung siya ay matututong lumakad, ay dapat dumaan sa nakadadapa at kadalasan ay masakit na proseso ng pagkatuto. Hinikayat namin si Seth na matuto mula sa kanyang karanasan. Oo, kahit na alam naming magiging mahirap ang proseso, alam namin na ang kalayaan at kagalakan sa paglalakad ay mahihigitan ang anumang pansamantalang sakit o hirap.
Mga kapatid, ano ang mortalidad kung hindi isang mahabang proseso na tulad ng pag-aaral lumakad? Kailangang matuto tayong lumakad sa mga pamamaraan ng Panginoon.
Kayo ay mas malakas nang higit sa inaakala ninyo. Ang inyong Ama sa Langit, ang Panginoon at Maestro ng kalawakan, ang inyong Manlilikha. Kapag iniisip ko ito, nag-uumapaw sa galak ang aking puso. Ang ating mga espiritu ay walang hanggan at ang mga espiritung walang hanggan ay may di-masusukat na kakayahan!
Hindi nais ng Ama sa Langit na matakot tayo. Hindi Niya nais na manatili tayo sa ating kalungkutan. Inaasahan Niyang maghanda tayo sa pakikibaka, magpunyagi at pagwagian ang ating mga hamon.
Ang ganyang uri ng espiritu--ang ganyang pinagsamang pananampalataya at pagpupunyagi-- ang damdamin na dapat nating pagsumikapang makamit sa paghahanap ng ligtas na daungan sa ating sariling buhay.
Mga kapatid, hindi kayo nag-iisa. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, milyun-milyong tao ang nakatayo sa tabi ninyo. Yaong mga sumusunod sa mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas ay "nahahandang magpasan ng pasanin ng isa't isa, nang ang mga yaon ay gumaan. Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw."9
Ang katanungan ni Cain sa Panginoon na, "Ako ba ay tagapagbantay ng aking kapatid?"10 ay sinagot na ng mga propeta sa mga huling araw na ito. "Oo, tayo ay tagapagbantay ng ating mga kapatid," ang sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. Kapag sama-sama tayong gumagawa upang tulungan ang mga nangangailangan, "tinatanggal natin ang kahinaan ng isang tao na tumatayong nag-iisa at ipinapalit ang lakas ng marami na sama-samang naglilingkod. Bagamat hindi natin marahil magagawa ang lahat, may magagawa tayo at dapat na may gawin tayo."11
Ang mga obispo, tagapagturo ng tahanan, tagapagturong dumadalaw at mga miyembro ng mga korum ng pagkasaserdote at mga Samahang Damayan at iba pang mga pantulong na samahan ay handang tumulong. Ang mga turo ng Tagapagligtas at ang Simbahan ang bumubuo ng pinakaligtas nating daungan--oo, ang pinakaligtas na "kanlungan mula sa bagyo."12
Siyempre, hindi dapat lutasin para sa inyo ng inyong mga kapatid sa Simbahan ang mga problema ninyo. Naging karanasan ko na kapag ginagawa ninyo para sa iba ang magagawa at dapat gawin ng iba para sa kanilang sarili, lalo natin silang pinahihina sa halip na pinalalakas. Ngunit ang inyong mga kapatid ay paroroon sa inyong tabi upang palakasin kayo, hikayatin kayo, at tulungan kayo.
Habang pinaglalabanan ninyo ang mga paghihirap sa inyong buhay, higit kayong lalakas. Sa gayon higit na makakaya ninyong tumulong sa iba--yaong mga nagpupunyagi rin sa kanilang sarili na makahanap ng ligtas na daungan mula sa mga bagyong rumaragasa sa kanila.
Kapag nakadarama kayo ng hagupit ng mga unos sa inyong buhay at kapag tumataas ang mga alon at umuugong ang mga hangin, sa mga pagkakataong iyon likas lamang para sa inyo ang bumulalas ng, "Guro, wala bagang anuman sa inyo na mapahamak ako?" Kapag dumarating ang mga pagkakataong ito gunitain ninyo ang araw na iyon nang magising ang Tagapagligtas sa nagngangalit na daong, bumangon at pinagsabihan ang bagyo. "Pumayapa, tumahimik ka,"13 ang sabi Niya.
May mga pagkakataong natutukso tayong mag-isip na kinalilimutan tayo ng Tagapagligtas sa ating mga pagsubok. Sa katunayan, ang kabaligtaran nito ang totoo; tayo ang kinakailangan na gumising sa ating mga puso sa Kanyang mga turo.
Gamitin ninyo ang inyong katalinuhan, inyong lakas, inyong kakayahan na lutasin ang inyong mga suliranin. Gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo at ipaubaya ang iba sa Panginoon. Si Pangulong Howard W. Hunter ay nagsabi: "Kung ang buhay at pananampalataya natin ay nakasentro kay Jesucristo at sa kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, walang bagay na mananatiling mali. Sa kabilang banda, kung ang buhay natin ay hindi nakasentro sa Tagapagligtas at sa kanyang mga turo, walang tagumpay na mananatiling tama."14
Ang pamumuhay sa ebanghelyo ay hindi nangangahulugan na ang mga unos ng buhay ay lalampas sa atin kundi higit na handa nating mahaharap ang mga ito nang may kapanatagan at kapayapaan. " Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya," ang payo ng Panginoon, "at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid."15
Lumapit sa Panginoong Jesucristo. Magalak. Manampalataya. Huwag mag-alinlangan. Papayapa rin ang mga bagyo balang-araw. Ang ating minamahal na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley, ay nagsabi: "Wala tayong dapat ikatakot. Ang Diyos ang nasa unahan . . . [at] magbubuhos Siya ng mga pagpapala sa mga yaong sumusunod sa Kanyang mga kautusan."16
Sa sarili nating mga unos sa buhay ang Tagapagligtas ang siya nating aliw at kanlungan. Kung naghahangad tayo ng kapayapaan, kailangang lumapit tayo sa Kanya. Siya mismo ang nagbanggit ng walang hanggang katotohanang ito nang sabihin Niyang, "Malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan."17 Kapag ang ating mga kaluluwa ay nakadaong sa ligtas na kanlungan ng Tagapagligtas, maipahahayag natin tulad ni Pablo: "Sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma'y hindi nangaghihinagpis, nangatitilihan, gayon ma'y hindi nangawawalan ng pag-asa; pinaguusig, gayon ma'y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma'y hindi nangasisira."18
Ang Propetang Joseph Smith, na lubos na nakaaalam ng tungkol sa mga unos ng buhay, sa isa sa kanyang pinakamadilim na sandali, ay tumawag sa pagdadalamhati: "[Aking] Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?"19 Kahit na dumaing siya, ang mapayapang pag-aliw ng Panginoon ay dumating sa kanya: "Kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang muli, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway."20
Ang ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng daungang iyon na may kaligtasan at katiyakan na pangmatagalan. Ang buhay na propeta at ang mga apostol ngayon ay nagsisilbing mga parola sa panahon ng bagyo. Magtungo tayo sa liwanag ng naipanumbalik na ebanghelyo at ng mga binigyang-inspirasyong turo ng mga taong kumakatawan sa Panginoon sa ibabaw ng mundo.
Ibinabahagi ko ang aking taimtim na patotoo na si Jesus ang buhay na Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pinamumunuan at pinangangasiwaan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng ating propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley. Kung mamumuhay tayo ayon sa mga turo ng Tagapagligtas, may katiyakang makahahanap tayo ng ligtas na daungan sa buhay na ito at sa mga darating na kawalang-hanggan. Pinatotohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Dan. 2:45.
2. Tingnan sa Marcos 4:38.
3. Mat. 8:24.
4. Marcos 4:38.
5. Alma 7:11.
6. Juan 14:27.
7. "The Refiner's Fire," Ensign, Mayo 1979, 53.
8. Ensign, Mayo 1979, 54.
9. Mosias 18:89.
10. Moises 5:34.
11. "Our Brothers' Keepers," Ensign, Hunyo 1998, 33, 38.
12. D at T 115:6.
13. Marcos 4:39.
14. The Teachings of Howard W. Hunter, inayos ni Clyde J. Williams (1997), 40.
15. D at T 90:24.
16. "This Is the Work of the Master," Ensign, Mayo 1995, 71.
17. Mat.11:30.
18. 2 Cor. 4:89.
19. D at T 121:1.
20. D at T 121:78.