The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Ang mga Balo ng Sion

Ang mga Balo ng Sion

Elder Earl C. Tingey
Ng Panguluhan ng Pitumpu

Mahal ng Panginoon ang mga balo . . . Dapat [nating] kalingain at tulungan ang mga balo sa ating pamilya, tahanan, purok, at kapitbahayan.

Elder Earl C. Tingey

Pinamagatan ko na "Ang Mga Balo ng Sion" ang aking talumpati. Binibigyang kahulugan ng diksiyunaryo ang salitang balo bilang "isang babae na namatayan ng asawa at . . . hindi na muling nag-asawa pa."1

May ilang mga batang nababalo. Kadalasa'y maagang sumasakabilang buhay ang kanilang asawa. Kapag pinagpala sila ng maliliit na anak, pinapasang mag-isa ng batang balo ang responsibilidad ng pagpapalaki sa kanila. Mayroon siyang tanong na hindi masagot, "Bakit nangyari ito sa akin?" Karaniwang nararanasan ang matinding kalungkutan.

Ang ibang balo ay mas matanda. Ang kanilang mga asawa, pagkaraan ng habang buhay na itinatanging pagsasama, ay pumanaw dahil sa katandaan o karamdaman. Maraming taon ng matatamis na alaala, pinagsaluhang kagalakan sa pagpapalaki ng dakilang pamilya, at sabay na paglilingkod sa Simbahan at komunidad ay napapalitan ng lungkot at damdaming hindi na sila kailangan. Ang tanong na, "Gaano pa katagal ang hihintayin ko bago ko makapiling ang aking asawa sa kawalang hanggan?" ay nananatiling walang kasagutan. Maaari silang magsagawa ng mas maraming gawain sa templo. Kadalasa'y higit na nagiging mahirap ang buhay. Maaaring mahalinhan ng pakikitira sa kapamilya o sa mga tirahan para sa matatanda ang sarili nilang tahanan na puno ng maraming alaala.

Naninibago sa pag-iisa ang ating mga kapatid na babae kapag sila ay nababalo. Nais nilang maging matulungin at mag-ambag sa ikabubuti ng iba. Marami ang may limitasyon dahil sa hindi magandang kalusugan. Nais nilang manatiling tapat upang makasama nila balang araw ang kanilang mga asawa sa kawalang hanggan. Marami silang maituturo sa atin tungkol sa pananampalataya.

Malinaw na malinaw ang doktrina ng Simbahan hinggil sa mga balo.

Sa sinaunang Simbahan, pinagalitan ang mga pinuno sa pagpapabaya sa kanilang mga balo. "Pitong lalake na may mabuting katunayan" ang tinawag upang tumulong.2

Tinagubilinan ni Pablo ang mga Banal na igalang ang mga balo.3 Itinuro niya na ang sinumang "hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, . . . ay tumanggi sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya."4

Habang binubuo ni Brigham Young ang unang paglalakbay ng mga tagabunsod patungong lambak ng Great Salt Lake noong 1847, pinayuhan niya ang mga Banal ng mga sumusunod:

"Bawat samahan ay magdala ng magkasukat na panustos, alinsunod sa pakinabang ng kanilang ari-arian, sa pagsasama sa mga maralita, balo, ulila sa ama, at sa mag-anak ng mga yaong umanib sa hukbo, upang ang mga daing ng mga balo at ng mga ulila sa ama ay hindi makarating sa mga tainga ng Panginoon laban sa mga taong ito."5

Naniniwala ako na ang pagsisikap na ito na tulungan ang mga balo na tumawid sa kapatagan ang isa sa mga pinakamagandang makabagong halimbawa kung paano natin dapat pangalagaan ang mga balo.

Sinasabi ng makabagong paghahayag ang pamamaraan ng Simbahan: "Ang mga babae ay may karapatan sa kanilang mga asawa para sa kanilang ikabubuhay, hanggang sa ang kanilang mga asawa ay kunin. . . .[Ang] anak ay may karapatan sa kanilang mga magulang para sa kanilang ikabubuhay. . . .

"At pagkaraan niyon, sila ay may karapatan sa simbahan."6

Binabanggit pa ng Doktrina at mga Tipan, "At ang kamalig ay pananatilihin sa pamamagitan ng mga paglalaan ng simbahan; at ang mga balo at ulila ay paglalaanan, gayon din ang mga maralita."7

Ang aklat ni Santiago ay naglalaman ng isa sa pinakamagandang paglalarawan ng Simbahan hinggil sa tungkulin natin bilang kapamilya at kaibigan ng mga balo: "Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan."8

Ginamit nang 34 na ulit sa mga banal na kasulatan ang salitang mga balo. Sa 23 sa mga talatang ito, ginamit ang salita patungkol sa mga balo at mga ulila sa ama. Naniniwala ako na mahal ng Panginoon ang mga balo at mga ulila sa ama, o mga ulilang lubos. Batid Niya na kakailanganin nilang higit na umasa sa Kanya kaysa sa iba. Higit na personal at hindi nagmamaliw ang kanilang mga panalangin, higit na tunay ang kanilang paglilingkod sa kapwa, at higit ang kanilang pananampalataya.

Maalamat ang pananampalataya ng mga balo sa banal na kasulatan.

Ipinakita ng balo ng Sarepta ang kanyang pananampalataya nang hainan niya si Propeta Elias ng isang subong tinapay sa halip na gamitin ang huling isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga upang kainin niya at ng kanyang anak bago sila mamatay. Nasusulat sa mga banal na kasulatan, "At siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.

"Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias."9

Sumasagisag marahil sa pagtitiwala ng mga balo sa Panginoon ang pariralang "at siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias."

Nakilala ni Anna, na 84 na taon nang balo at patuloy na naglilingkod sa templo, ang batang si Jesus nang dalhin siya ng kanyang mga magulang sa templo.10

Batid ang matinding pananampalataya ng balo ng Nain, binuhay ni Jesucristo ang patay niyang anak, ang kaisa-isa niyang anak, habang inilalabas sa pasukan ng lungsod upang ilibing.11

Bilang halimbawa ng tunay na diwa ng pagbibigay, ang kuwento hinggil sa lepta ng balo ang pinakadakila magpakailanman sa mga turo ng Tagapagligtas:

"Inihuhulog ng karamihan ang salapi sa kabang-yaman: at maraming mayayaman ang nangaghuhulog ng marami.

"At lumapit ang isang babaing balo, at siya'y naghulog ng dalawang lepta. . . .

"At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang balong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman:

"Sapagka't silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila'y labis; datapwa't siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga'y ang buong kaniyang ikabubuhay."12

Sa inyo na mga kahanga-hangang kapatid na balo, mangyaring malaman ninyo na mahal kayo ng Diyos. Kayo ang mga pinakadakila sa mga pinakadakila. Alam ko ang sinasabi ko. Halos tatlong taon nang balo ang aking sariling ina. Namumuno siya bilang marangal na ina sa pamilya na binubuo ng 247 na katao. Ang ina ng aking maybahay, na 97 taon, ay nananatiling matapat at patuloy na nagtitiis hanggang sa wakas, sa kabila ng humihinang kalusugan. Mga minamahal na kapatid na babae, ang mismong buhay ninyo na halimbawa ng matwid na pamumuhay ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga nakababatang miyembro ng pamilya na gumawa pa ng lalong mas mainam. Patuloy kayong nagtuturo.

Sa isang panahon sa plano ng Diyos para sa inyo, makakapiling ninyo ang inyong mga asawa sa kawalang-hanggan at maglilingkod kayong dalawa, magpakailanman, sa dakilang gawain sa daigdig ng mga espiritu.

Kayong mga batang balo, na may lumalaking responsibilidad sa pamilya, dapat ninyong malaman na batid ng Diyos ang inyong mga pangangailangan at tutulungan Niya kayo. Patuloy na magkaroon ng pananampalataya at mabubuting gawa. Tutulong ang matatapat na kapamilya at miyembro ng Simbahan. Maging handang tumanggap ng tulong mula sa iba kung kinakailangan. Malalaman ng mga anak ninyo na binibigyan ninyo sila ng dobleng pagmamahal. Pinatototohanan ko na masaganang pupunan ng ating Ama sa Langit ng mga walang hanggang pagpapala ang inyong pamilya dahil sa kabutihan ng inyong mga puso.

Sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga balo, batid ng Diyos ang inyong paglilingkod at huhusgahan niya ang inyong mga gawa kung paano ninyo tinulungan ang mga balo. Ibinahagi minsan ni Pangulong James E. Faust sa mga Pangkalahatang Awtoridad ang magandang kuwento kung paano pinakitunguhan ng mga kapitbahay at kaibigan ang mga balo sa isang maliit na sakahan sa gitnang Utah. Bawat isa sa kanila ay maghahalinhinan sa paggamit na gumamit ng tubig sa loob ng maraming oras o minuto upang mapatubigan ang kanilang mga taniman. Nagkasundo silang magtitipid sila sa pagkuha ng tubig upang makakuha ng mas maraming tubig para sa kanilang halamanan ang mga balo.

Napansin ko kamakailan ang limang matandang balo na sakay ng isang simpleng kotse patungo sa isang pulong ng simbahan. Sabay-sabay silang pumasok sa pulong at magkakatabing umupo. Tila nakakakuha sila ng lakas at proteksiyon sa isa't isa. Nadama ko ang kabutihan ng kanilang marangal na buhay habang pinagmamasdan ko ang mabuting pakikitungo nila sa isa't isa sa dapithapon ng kanilang buhay.

Mga kapatid, mahal ng Panginoon ang mga balo. Alam ko na nagmamalasakit ang mga pinuno ng Simbahan sa ikabubuti ng mga balo. Dapat nating kalingain at tulungan bilang mga miyembro ng Simbahan ang mga balo sa ating pamilya, tahanan, purok, at kapitbahayan. Hinihimok ko kayong mga bata pa--mga miyembro ng Primarya, mga kabataan, at mga binata't dalaga, na samantalahin ang pagkakataong tumulong at kumuha ng lakas mula sa mga balo sa inyong komunidad.

Nawa'y maging higit tayong mapagkalinga at maunawain sa mga balo ng Sion ang mapagkumbaba kong dalangin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Merriam-Webster's New Collegiate Dictionary, ika-10 edisyon, s.v. "widow.
2. Tingnan sa Mga Gawa 6:1­3.
3. Tingnan sa I Tim. 5:3.
4. I Kay Tim. 5:8.
5. D at T 136:8.
6. D at T 83:2, 4­5.
7. D at T 83:6.
8. Santiago 1:27.
9. Tingnan sa 1 Hari 17:8­16.
10. Tingnan sa Lucas 2:36­38.
11. Tingnan sa Lucas 7:11­15.
12. Marcos 12:41­44 tingnan din sa Lucas 21:1­4.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy