The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Tayo ay mga Tagalikha

Tayo ay mga Tagalikha

Mary Ellen Smoot
Pangkalahatang Pangulo ng Samahang Damayan

Lumikha ng mga tahanang puspos ng pag-ibig at kapayapaan. Lumikha ng mga paraan upang mapagaan ang pagdurusa. Lumikha ng matitibay na patotoo ng mga walang hanggang katotohanan sa ating mga sarili at sa iba.

 Mary Ellen Smoot

Tayong lahat ay mga tagalikha. Lumalakad tayo sa isang tulay ng panahon na tumatawid sa tarangkahan ng isang bagong milenyo. Ito ay isang kapana-panabik at mahalagang panahon. Ito ang mga araw na nakinita ng mga propeta. Ito ay isang panahon ng pananampalataya, panahon ng pagkakataon, at panahon ng pagkamangha.

Namamangha ako tuwing iniisip ko ang daigdig na ito na napakayaman sa kagandahan, napakaganap sa kapakinabangan. Ang daigdig na ito ay nilikha ni Jesucristo sa ilalim ng pamamahala ng ating Ama sa Langit. Ang paglikha ay isa sa mga katangiang naglalarawan sa Diyos. Kumukuha siya ng bagay na walang anyo at walang laman at hinuhubog ito na maging mga bituin, mga planeta, at mga pamilya ng araw. "Mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang,"1 ang sabi Niya sa atin.

Mga kapatid, tayo ay mga anak ng Diyos. Hindi ba nararapat lamang na gawin din natin ang mga gawain ng ating Ama? Hindi ba nararapat lamang na tayo'y maging mga tagalikha rin?

Maaaring sabihin ninyo, "Hindi ako malikhain." Naririto ako upang sabihin sa inyo na kayo ay malikhain. Kayo ay mga tagalikha. Nakapagpangiti na ba kayo ng sanggol? Nakapagturo na ba kayo sa isang tao na magpatawad? Nakatulong na ba kayo sa isang tao na matutong magbasa? Nakapaghanda ng gabing gantahanan ng mag-anak? Nakapagbuo ng muling pagtitipon ng mag- anak? Marahil ay napukaw kayong gawin ang isang bagay para sa taong inyong dinadalaw upang turuan o tinuturuan sa tahanan na nakagawa ng malaking kaibahan sa kanilang buhay. Kung nagawa na ninyo ang ilan sa mga bagay na ito, naging malikhain na kayo.

Ang mga materyal ng paglikha ay nasa ating paligid. Itinuro ni Pangulong David O. McKay: "Tayo ay mga manlililok ng buhay, na may mga hindi pa naiukit na mga kaluluwa. Bawat isa sa atin ay lumililok ng kaluluwa.."2

Naniniwala ako na lumililok tayo ng mga kaluluwa--ng ating sarili at ng iba--araw-araw. Pagpasiyahan natin ngayon na gawing dalisay at malinis ang mga kaluluwang iyon. Lumikha ng mga tahanang puspos ng pag-ibig at kapayapaan. Lumikha ng mga paraan upang mapagaan ang pagdurusa. Lumikha ng matitibay na patotoo ng mga walang hanggang katotohanan sa ating mga sarili at sa iba.

Kamakailan, dumalaw ako sa mag-anak ng isang batang ina na namatay habang isinisilang ang kanyang ikalimang anak. Inasahan ko ang pagdadalamhati, ngunit ang nakita ko ay pag-asa at determinasyon. Iniingatan ng kanyang asawa ang pinagsamahan nilang dalawa. Nauunawaan ng kanilang mga anak ang plano ng kaligtasan at nalalaman na makasasama nilang muli ang kanilang ina, magpakailanman. Hindi siya kailanman nawalan ng oras para sa mga pinakamamahal niya sa buhay. Sa kanyang batang edad, ang kapatid na ito ay nakapaglingkod na bilang pangulo ng Samahang Damayan, laging inuuna ang kanyang pamilya at ang pagiging asawa at ina.

Nang makausap ko ang ina ng yumaong babae, nabanggit niya na ang kanyang pinakamataas na naisin ay ang mapalaki ang kanyang mga anak na babae na maging mabubuting ina. Bagamat namatay ang kanyang anak sa murang edad, ang anak na ito ay nakalikha ng huwaran ng pamumuhay ng ebanghelyo sa kanilang tahanan.

Ang inyong pangkalahatang panguluhan ng Samahang Damayan, sa ilalim ng pamamahala ng ating mga pinunong pagkasaserdote, ay sama-samang lumikha ng pagpapahayag para sa ating mga kapatid ng Samahang Damayan sa buong mundo. Ang pagpapahayag ay nagpapaalala sa atin kung sino tayo, at ang gabi ng Pagpapayaman ng Tahanan, Mag-anak at Sarili ay inilaan upang paunlarin ang mga kasanayang ito.

Nalalaman ba natin ang mga pagkakataon sa paglikha na nasa ating buhay? Pinahahalagahan ba natin ang mga kaloob, talino, at piling espiritu na ibinigay ng Diyos sa atin? Ibinabahagi ba natin ang mga nalilikha ng ating puso, isip, at kamay sa iba?

Isa pang ina at tagapayo sa Samahang Damayan ng istaka, na bagamat nalagay sa panganib ang kanyang kalusugan, ang lumikha ng di pangkaraniwang proyektong paglilingkod sa kanyang istaka. Sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin, may mga himalang naganap, at ang mga kapatid na babae sa isang istaka ay lumikha ng isang kakaibang bagay para sa ibang nilalamig, nagugutom, at may karamdaman.

Sino ang nakaaalam kung gaano karaming buhay ang napagpala dahil isang babae ang hindi pumayag na malugmok ang sarili sa kanyang mga paghihirap, at sa halip ay lumikha ng pagkakataon upang maglingkod, isang dambana sa pagiging madamayin at kadakilaan ng espiritu ng tao.

Ang kuwentong ito ay muli at muling isinasagawa ng libo-libong matatapat na miyembro bawat taon. Noong Hulyo ng nakaraang taon, nagpamahagi ng liham ang Namumunong Obispado na nagmumungkahing sinumang nais tumulong upang maibsan ang paghihirap ng mga nasalanta sa Kosovo ay maaaring gumawa ng kubrekama at ipadala ang mga ito sa Sentrong Pantao ng mga Banal sa mga Huling Araw [Latter-Day Saint Humanitarian Center] para maipamahagi. Ang hangarin natin ay makapag-ipon at makapagpadala ng 30,000 kubrekama.

Tumanggap tayo ng mahigit 125,000 kubrekama. Ang mga kubrekamang ito ay naipadala hindi lamang sa mga naghihirap sa Kosovo, kundi pati sa mga biktima ng kalamidad sa Turkey, Venezuela, Mexico, at iba pang bansa, kabilang ang Mozambique at Zimbabwe.

Nitong nakaraang taon nagkaroon ako ng pribilehiyong makapaglakbay sa Kosovo kung saan ako mismo ang nagkumot ng karamihan sa mga kubrekamang ito sa mga sanggol at sa mga nagpapasalamat at lumuluhang kababaihan. Nakita namin na dahil sa dakilang samahang ito ay malinaw tayong makalilikha sa ating sariling tahanan ng pagkakataong maturuan ang mga mag- anak, kaibigan, at kapitbahay na maglingkod, at tumulong sa iba sa buong daigdig. Sa ngalan ng Samahang Damayan at mga serbisyong pantao ng Simbahan, maaari tayong maging tagalikha. Hindi ba't nakatutuwa iyan?

Kailangang sabihin natin sa ating sarili, Ano ang lilikhain ko sa aking buhay? Sa mga sandali ng aking buhay? Sa aking hinaharap?

Una, magtungo kung saan itinatagubilin ng Espiritu. Maging tahimik at makinig. Gagabayan kayo ng inyong Ama sa Langit habang lumalapit kayo sa Kanya. Pag-aralan at pagnilay-nilayin ninyo ang banal na salita ng mga propeta kapwa sinauna at makabago at ang Espiritu ay makikipag-usap sa inyo. Maging mapagtiis, humiling nang may pananampalataya, at makatatanggap kayo ng paggabay sa inyong mga malikhaing pagsisikap.

Pangalawa, huwag kayong manghina sa takot na magkamali, ibaon ninyo ang inyong mga kamay sa luwad ng inyong buhay at magsimulang humubog. Natutuwa ako kung paano tumalima si Rebeca ng sinauna sa tagapaglingkod ni Abraham na dumating upang humanap ng mapapangasawa ni Isaac. Simple at diretso ang kanyang sagot, "Sasama ako,"3 ang sabi niya.

Maaari sanang tumanggi si Rebeca. Maaari niyang sabihin sa tagapaglingkod na maghintay hanggang makapagdaos siya ng pagtitipon bago umalis, magkaroon ng mga bagong damit, hanggang mabawasan siya ng timbang o, hanggang sa gumanda ang panahon. Maaari niyang sabihin na, "Ano ang problema kay Isaac at hindi siya makahanap ng asawa sa buong Canaan?" Ngunit hindi niya ito ginawa. Tumalima siya, at dapat ganoon din tayo.

Ang panahon ng pagpapaliban ay tapos na. Magsimula! Huwag matakot. Gawin ang abot ng makakaya ninyo. Oo nga't makagagawa kayo ng mga kamalian. Lahat ay ganoon. Matuto mula sa mga ito at sumulong.

Pangatlo, tulungan ang iba. Bawat tao sa mundong ito ay naiiba. May iba't iba tayong interes, kakayahan, at kasanayan. Iba-iba ang ating antas sa pisikal, espirituwal, at emosyonal.

Sa huli, magalak. Ang paglikha ay hindi nakababagot na gawain. Ang paglikha ay dumadaloy mula sa pagmamahal. Kapag ginagawa natin ang nais nating gawin, nasisiyahan tayo sa paglalakbay natin.

Kung hindi kayo masaya, kung nakadarama kayo ng pagod, nababalisa, o nawawalan ng pag-asa, maaari bang hilingin ko sa inyo na subukang gumawa ng isang bagay? Sa halip na pagtuunan ang inyong mga suliranin, ituon ang inyong pansin sa paglikha ng isang pambihirang bagay, na may walang hanggang kahalagahang maglingkod. Pangalagaan ang patotoo, palakasin ang ugnayan, sumulat ng kasaysayan ng mag-anak, magtungo sa templo.

Basahin ang pagpapahayag ukol sa mag-anak, at ang pagpapahayag ng Samahang Damayan; ipangako sa sarili na ipamuhay ang mga alituntuning iyon at magdiwang.

Tayo ay mga masayahing tao. Tayo ay mga kalahok, na lumalakad patawid sa tulay ng panahon sa isa sa mga pinakadakilang sandali sa kasaysayan ng daigdig na ito. "Hindi ito panahon para sa mga paang hinihila o mga nakalaglag na balikat," payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley. "Huminto kayo sa paghahanap ng mga unos at ganap na tamasahin ang sikat ng araw."4

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, pinananalangin ko na gagawin natin ang mga gawain ng ating Ama at lilikha pa ng mas magagandang bagay sa ating buhay. Anuman ang ating kalagayan, maaari tayong manalangin tulad ni Isaias: "Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay."5 Nawa ang ating gawain at kaluwalhatian ay maging tulad ng sa Kanya, ang aking mapagkumbabang panalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Moises 1:33
2. David O McKay, Apostle to the World, ni Francis M. Gibbons (1986), 228.
3. Gen.24:58.
4. Standing for Something: Ten Neglected Virtues That will Heal Our Hearts and Homes (2000), 101.
5. Isaias 64:8.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy