Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ipadarama sa inyo ng Tagapagligtas ang pagmamahal na Kanyang nadarama sa mga yaong inyong pinaglilingkuran. Ang tawag ay isang paanyaya na maging katulad Niya.
Daang libong mga tao noong nakaraang taon ang nabinyagan at pinagtibay na miyembro ng Simbahan. Ang bawat isa ay nabigyan ng pagkakataon na matawag upang maglingkod. Para sa kanila at para sa Simbahan, ang karanasang iyon ang siyang huhubog sa hinaharap. Marami sa atin ang nakaalaala ng unang pagkakataon na nagbigay tayo ng talumpati o nangasiwa sa isang pulong o kumatok sa pintuan ng isang tahanan bilang isang pinunong panauhin. Iniisip ko pa lamang ang tungkol dito, bumibilis na ang kabog ng dibdib ko.
Marahil kabibinyag pa lamang ng mga bagong miyembro ng mga ilang araw o linggo bago sila tinawag na maglingkod. Ang ilan sa kanila ay hindi pa kailanman nakakita ng mga taong naglingkod sa gayong tungkulin, na ngayon ay nasa kanila na. Ang hamon ng mga tungkulin na maglingkod ay dumarating lalo na sa mga bagong miyembro. Noong nakaraang taon, tinatayang halos dalawang milyong Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng bagong tungkulin na maging pastol o nabigyan ng ilang mga bagong tupa na pangangalagaan. Kulang kalahati sa mga tinawag ay mga kabataan, ang ilan ay nasa gulang lamang na 12 o 13. Mahigit sa 30,000 misyonero ang natawag at naitalaga sa panahong iyon. Karamihan sa kanila ay wala pang dalawampung taong gulang. Humayo sila nang may sandaling pagsasanay at kaunting karanasan lamang.
Maaaring humula ng pagbagsak ang isang taong maalam sa samahan sa daigdig para sa mabilis na lumalaking simbahan batay sa napakaraming regular na miyembro ng simbahan na kulang sa kasanayan bilang clergy . Maging ang mga yaong natawag ay maaring makadama ng ilang pangamba. Subalit, kapag tiningnan nila sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya ang hamon kung ano talaga ito, humahalili ang pagtitiwala sa takot dahil bumabaling sila sa Diyos.
Ang aking mensahe ay una sa mga yaong katatawag pa lamang na maglingkod sa Simbahan, pagkatapos sa mga yaong tumawag sa kanila, at sa huli sa mga yaong kanilang pinaglilingkuran.
Una, sa mga katatawag pa lamang: Ang pagtitiwala sa sarili ay nakasalalay sa inyong pagtingin sa tungkulin kung ano talaga ito. Ang inyong pagkakatawag na maglingkod ay hindi nagmula sa tao. Ito ay isang pagtitiwala mula sa Diyos. At ang paglilingkod ay hindi lamang upang isakatuparan ang gawain. Anuman ang tawag dito, ang bawat tungkulin ay isang pagkakataon at obligasyon na pangalagaan at palakasin ang mga anak ng ating Ama sa Langit. Ang gawain ng Tagapagligtas ay ang isakatuparan ang kanilang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Tinawag Niya tayo na maglingkod sa iba upang mapalakas natin ang ating sariling pananampalataya gayundin, ang sa kanila. Nalalaman Niya na sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya ay makikilala natin Siya.
Nakita ng isang binigyang-inspirasyong propeta ang paglilingkod bilang paraan upang naisin natin kung ano ang ninanais ng Panginoon. Isinulat niya: "Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?" (Mosias 5:13).
Sapagkat kayo ay tinawag ni Jesucristo sa Kanyang paglilingkod, makasusulong kayo ng nang may malaking pagtitiwala. Una, makatitiyak kayo na kilala Niya kayo at ang inyong kakayahan na humusay. Inihanda Niya kayo. Hihilingin sa inyo ng mga tungkulin na palawakin ang inyong mga kakayahan, kadalasan sa simula at sa tuwina sa panahon na kayo ay gumagawa sa tungkulin, gayunpaman ibibigay Niya sa inyo ang Espiritu Santo na inyong magiging kasama. Ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo ng inyong gagawin kapag ang inyong sariling mga kakayahan at pagsisikap ay hindi sapat (tingnan sa Juan 14:26). Bibigyang inspirasyon kayo ng Espiritu Santo na magpatotoo nang may matibay na pananalig. Ipadarama sa inyo ng Tagapagligtas ang pagmamahal na Kanyang nadarama sa mga yaong inyong pinaglilingkuran. Ang tawag ay isang paanyaya na maging katulad Niya (tingnan sa 3 Ne. 27:27).
Marahil, maitatanong ninyo, "Paano ako higit na makatitiyak ng tagumpay kung titingnan ko ang aking tungkulin sa gayong paraan?" Ang kasagutan ay kung titingnan ito sa gayong banal na paraan higit mong nanaising humingi ng tulong sa nag-iisang pinagmumulan na hindi kailanman nagkukulang.
Kamakailan lamang ay nakita ko ang isang bata pang lalaki na halos mabigla sa bagong tungkulin. Binigyang inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang tagapaglingkod na tawagin siya na maging pangulo nga Istaka. Hindi kailanman naging obispo ang lalaking ito. Hindi pa siya kailanman nakapaglingkod sa panguluhan ng istaka. Maraming kalalakihan sa istaka na may higit na kaalaman at karanasan.
Nakadama siya ng kapakumbabaan ng marinig niya ang tawag. Sinabi ng kanyang lumuluha maybahay sa tagapaglingkod ng Panginoon na siyang tumawag sa Kanya, "Nakatitiyak ba kayo?" Marahang sinabi ng lalake na siya ay maglilingkod. Tumango nang may pagsang-ayon ang kanyang asawa, dumaloy ang mga luha sa pisngi nito. Katulad ng maaari ninyong gawin sa oras na iyon, ninais niya na makausap ang kanyang ama, na nasa malayo. Tinawagan niya ito ng hapong iyon sa telepono. Ang kanyang ama ay isang magsasaka sa buong buhay nito. Pinalaki niya ang bata sa pamamagitan ng paggagatas ng mga baka at hinayaan ang kanyang anak na pagmasdan siyang tumitigil upang makipag-usap sa mga kapitbahay upang kumustahin ang kanilang mga ginagawa. Kinaumagahan, sa kanyang unang talumpati bilang pangulo ng istaka, ganito niya isinalaysay ang pag-uusap nilang mag-ama:
"Marami sa inyo ang nakakikilala sa akin na taong hindi gaanong masalita. Namana ko iyan sa aking ama. Sa pagtawag ko sa kanya kahapon upang ipaalam sa Kanya na ako ay natawag na pangulo ng istaka, ang isa niyang tugon sa akin ay, 'Kung gayon, makabubuting manalangin ka nang husto.' Iyon ang payo niya sa akin. Ano bang mas mainam na payo pa ang maibibigay niya?"
Iyon na ang maaaring pinakamainam na magagawa ng kanyang ama. At nakikita ninyo kung bakit. Ang Panginoon ang tangi niyang pag-asa upang magtagumpay. Dumarating ang karamihan ng tulong sa pamamagitan ng pagtulong ng Espiritu Santo. Hindi magtatagumpay ang mga tagapaglingkod ng Panginoon kung wala ito. Makakasama lamang natin ang Espiritu Santo kung magsusumamo tayo para dito at kung tayo ay karapat-dapat dito. At nangangailangan kapwa ng pananalangin nang husto, pananalangin na may tunay na pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, at sa Espiritu Santo (tingnan sa D at T 90:24; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1).
Upang makasama ang Espiritu Santo, dapat tayong malinis mula sa kasalanan (tingnan sa D at T 50:29). Yaon ay dumarating lamang sa pamamagitan ng sapat na pananampalataya kay Jesucristo upang magsisi at maging karapat-dapat na mapatawad (tingnan sa D at T 3:20). At kasunod niyon kailangan nating lumayo sa kasalanan. Yaon ay nangangailangan ng pananalangin, na kapwa madalas at taimtim (tingnan sa 3 Ne. 18:18).
"Makabubuting manalangin kayo nang husto" ay mabuting payo para sa lahat ng tagapaglingkod ng Panginoon, bago man o matagal na sa Simbahan. Ito ang ginagawa ng kanyang matatalinong tagapaglingkod. Sila ay nananalangin.
Napansin ng mga disipulo ni Jesucristo ang gayon sa Kanya noong Siya ay narito pa sa mundo. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ang Jehova. Gayunpaman, nanalangin pa rin Siya nang madalas sa Kanyang Ama sa Langit na naunawaan ng Kanyang mga disipulo na kailangan nilang matutuhan kung paano manalangin upang sila ay Kanyang maging mga tagapaglingkod. Kaya't kanilang hiniling sa Kanya na turuan sila. Naalaala ninyo ang tala:
"At nangyari, nang siya'y [si Jesus] nananalangin sa isang dako, nang siya'y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad.
"At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo'y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. . . .
"At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka't aming pinatawad naman ang bawa't may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso" (Lucas 11:12, 4; tingnan din sa Mat. 6:913).
Bihira nating gamitin ang gayong eksaktong mga salita kapag tayo ay nananalangin. Gayunpaman, ang mga salita ng panalanging iyon ay perpektong buod ng mga sinasamo ng tagapaglingkod ng Panginoon upang maging karapat-dapat sa ipinangako ng Tagapagligtas sa yaong Kanyang tinawag: "At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo" (D at T 84:88).
Isipin ang gayong panalangin bilang pamantayan ng paglilingkod. Nagsisimula ang panalangin nang may pagpipitagan sa ating Ama sa Langit. Pagkatapos ay binanggit ang Panginoon ang tungkol sa kaharian at pagdating nito. Ang tagapaglingkod na may patotoo na ito ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay nadarama ang kagalakan sa pag-unlad nito at nagnanais na ibigay ang lahat ng kanyang makakaya upang itatag ito.
Ipinamalas mismo ng Tagapagligtas ang pamantayang nakapaloob sa mga sumusunod na salitang ito ng panalangin: "Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa" (Lucas 11:2). Iyan ang Kanyang panalangin ayon sa bigat ng pag-aalay ng Pagbabayad- sala para sa lahat ng sangkatauhan at sa buong daigdig (tingnan sa Mateo 26:42). Ang matapat na tagapaglingkod ay nananalangin na kahit na ang maliit na gawain ay maisakatuparan katulad ng kalooban ng Diyos dito. Makagagawa ng kaibhan na gumawa at manalangin para sa Kanyang tagumpay nang higit kaysa sa sarili nating tagumpay.
Kasunod nito ang Tagapagligtas ay nagtalaga sa atin ng pamantayang ito ng personal na kadalisayan: "At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama" (Lucas 11:4). Ang pagpapalakas na ibibigay natin sa mga yaong pinangangalagaan natin ay nanggagaling mula sa Tagapagligtas. Tayo at sila ay dapat magpatawad upang mapatawad Niya (tingnan sa Mateo 6:14). Tayo at sila ay makakaasa lamang na mananatiling malinis sa pamamagitan ng Kanyang pangangalaga at sa pamamagitan ng pagbabagong ginawa ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating puso. Kailangan natin ang pagbabagong iyon upang makasama sa tuwina ang Espiritu Santo. Ang gayong kaloob ay tila napakataas at napakalayo para sa atin at para sa ating mga pinaglilingkuran. Gayunpaman, isang propeta ng Panginoon na nagngangalang Samuel ang tumawag at nagpahid ng langis sa kabataang nagngangalang Saul. Sa araw ding iyon, ipinangako ni Samuel kay Saul: "At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sasaiyo, at manghuhula kang kasama nila, at ikaw ay magiging ibang lalake" (I Sam. 10:6).
Ang pangakong iyon ay natupad, hindi pagkalipas ng maraming taon o buwan o araw man. Makinig sa ulat sa I Samuel, ang ikasampung kabanata:
"At nangyaring gayon, na nang kaniyang matalikdan na iwan niya si Samuel, ay binigyan siya ng Dios ng ibang puso: at ang lahat na tandang yaon ay nangyari sa araw na yaon.
"At nang sila'y dumating doon sa burol, narito, isang pulutong na mga propeta ay na nasasalubong niya; at ang Espiritu ng Dios ay makapangyarihang suma kaniya, at siya'y nanghula sa gitna nila" (I Sam.10:910).
Maaari kayong magkaroon ng tiwala sa paglilingkod sa Panginoon. Tutulungan kayo ng Tagapagligtas na gawin ang tungkuling Kanyang ipinagagawa sa inyo, ito man ay bilang isang manggagawa sa Simbahan sa loob ng ilang panahon o magpakailanman bilang isang magulang. Makapananalangin kayo na matulungan sapat upang magawa ang gawain at malalaman na ito ay darating.
Ngayon, isang salita sa mga yaong nagpapaabot ng mga tungkuling iyon sa Simbahan. Nang gawin ninyo ito, ipinaabot ninyo ang pagtitiwala ng Panginoon. Gayunpaman, inilalagay Niya rin ang Kanyang pagtitiwala sa inyo. Katulad ng mga yaong miyembro na natawag upang pangalagaan at palakasin ang iba, kayo rin naman ay inilagay sa gayunding obligasyon na pangalagaan at palakasin sila. Kung ipinaabot ninyo ang tungkulin at hindi nagbigay ng pagsasanay o hindi nagbantay upang matiyak na sapat na ang pagsasanay, binigo ninyo sila at ang Panginoon. Kahit na may gayong pagsasanay, ang landas ay magiging mahirap pa rin para sa kanila. Alam ninyo iyan, kung kaya't kailangan ninyong magbantay at makining upang alamin kung kailan sila kailangang palakasin. Magbibigay kayo ng sapat na tulong upang mapalakas ang kanilang pananampalataya na ang Panginoon ay nakaantabay sa kanila at sa mga taong kanilang pinaglilingkuran at magagawa nilang magtiwala sa Kanya. Upang magawa yaon nang mabuti, dapat kayong manalangin nang husto sa inyong sarili, sa patnubay at para sa kanila.
Sa pinakahuli, isang salita sa atin na pinaglilingkuran ng mga katatawag pa lamang. Ang ating pagkakataon at ang ating obligasyon ay katulad din ng sa kanila. Dapat tayong mangalaga at magpalakas. At ang bawat isa sa atin ay halos may walang-katapusang pagkakataon na magagawa ito. Ang bawat pulong na inyong dinadaluhan, bawat klase, bawat gawain ay magkakaroon ng isang tao na gumagawa ng isang bagay na sa kanila ay hangganan ng kanilang mga kakayahan, o marahil lampas nang kaunti. Dinadala ng karamihan sa atin sa mga gayong sitwasyon ang natutuhan nating mga pag-uugali sa daigdig, kung saan madali nating napapansin ang mababang uri ng paglilingkod. Napakadaling isiping, Sa tunay na Simbahan ng Panginoon, ang pamantayan ng ating pagganap ay nararapat na mas mataas kaysa riyan.
Mayroong mahigit sa isang paraan upang matulungan ang Panginoon na maiangat sila sa pamantayang iyon. Ang isa ay magpahayag o magpakita ng pagkayamot. Ako ay nakinabang sa ibang paraan, ang mas mainam na paraan. Alam ko kapag ako'y hindi gaanong mahusay kapag ako'y nagsasalita o nagtuturo o namumuno sa pulong. Natutukoy ng karamihan ng mga tao kapag sila'y nagkukulangan. Natutukoy ko kapag hindi ako gaanong mahusay dahil nang igala ko ang aking paningin nakita ko ang isa sa naroroon na tila hindi nakikinig sa akin, na ang mga mata ay nakapikit. At pagkatapos ay iminulat nila ang kanilang mga mata at ngumiti sa akin, na may tinging nakapagpapalakas ng loob. Iyon ay tingin na maliwanag na nagsasabi na tila ba nangungusap sila sa akin, Alam kong tutulungan ka at papag-iibayuhin ng Panginoon ang iyong mga kakayahan. Ako ay nananalangin para sa iyo. Napagdaanan ko ang mga tagpo kung saan maraming taong nakikinig sa akin na ginagawa ang gayon. At ako ay natulungan lampas sa mga nalalaman kong mga kakayahan ko, o kahit sa aking mga inaakalang kakayahan. Makapaglilingkod kayo sa gayong paraan kapag nakikita ninyo ang mga tao na naghihirapan sa kanilang paglilingkod. Nangangailangan ito ng panalangin nang husto, gayunpaman makapangangalaga kayo at makapagpapalakas kayo, kahit na ang inyong tungkulin lamang sa Simbahan sa panahong iyon ay ang maging tagasunod ni Jesucristo at ang inyong kasangkapan lamang ay manalangin at ngumiti at magpalakas ng loob.
May himalang nagaganap sa Simbahan. Nakita ko ito sa paglalakbay ko pabalik sa mga bansa matapos ang pagkawala sa maikling panahon lamang. Ang mga miyembro at ang mga pinuno ay nabago. Katulad ng ipinangako ni Alma, ang kanilang mga kaluluwa ay napakalaki at ang kanilang pang-unawa ay lumilinaw at ang kanilang isipan ay lumalawak (tingnan sa Alma 32:28, 34). Pinaglingkuran nila ang isa't-isa sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ipinadala sa akin ang Espiritu Santo upang makasama bilang tugon sa taimtim na panalangin. Ang kanilang pangangalaga at pagpapatotoo at pagmamahal at pagtulong sa isa't-isa ang nagbibigay daan sa Panginoon upang ipagkaloob ang himala ng paglaki ng puso at mga kakayahan ng mga mapagkumbabang anak na lalaki at babae ng Diyos.
Alam ko na buhay ang Diyos Ama. Naririnig at sinasagot Niya ang ating mga panalangin. Nagpapatotoo ako na tinawag ng Kanyang pinakamamahal na anak, na si Jesucristo, si Gordon B. Hinckley bilang Kanyang propeta at pangulo. Pinatototohanan ko, sa pamamagitan ng Kanyang mga binigyang-karapatang tagapaglingkod, na tinawag tayo ng Guro at na tayo ay Kanyang itinataguyod at binabago sa Kanyang paglilingkod, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.