Pangulong Gordon B. Hinckley
Sa lahat ng bagay na pinasasalamatan ko . . ., ang isang ito ay tumatayong katangi-tangi. Iyon ay ang buhay na patotoo kay Jesucristo.
Ngayon ay pagkakataon ko na upang magbigay ng ilang pananalita, aking mga kapatid. Ako ay puspos ng pasasalamat ngayong umaga. Nadarama kong lubos akong pinagpala ng Panginoon. Habang tinitingnan ko ang mga mukha ng libu-libong nagtitipon sa bago at magandang gusaling ito, at iniisip din ang daan-daang libu-libong nakikinig sa komperensiyang ito sa buong daigdig, ako ay halos mapuspos ng pasasalamat sa malaking pagkakaisa na namamayani sa atin. Kung ako'y personal na makapangungusap nang ilang sandali, sa palagay ko'y walang ibang tao ang pinagpala nang lubos kaysa akin. Hindi ko maunawaan kung bakit. Lubos kong pinasasalamatan ang ipinapakita ninyong kabutihan at pagmamahal.
Sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng iba ako ay nakapaglakbay nang malayo sa buong mundo para sa interes ng Simbahang ito. Nagkaroon ako ng natatanging mga pagkakataon upang mangusap sa sanlibutan sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng media. Nagpatotoo ako sa malalaking gusali ng bansang ito, mula Madison Square Garden sa New York hanggang sa Astrodome sa Houston. Tinanggap ako ng mga kalalakihan at kababaihang ito na may matataas na posisyon at sila ay nagsalita nang may malaking paggalang hinggil sa ating gawain.
Sa kabilang dako, sa mga panahong ito napag-alaman ko ang mga malupit at mapanlait na paraan ng mga bumabatikos sa atin. Sa palagay ko'y sila ang tinutukoy ng Panginoon nang ipahayag niya:
"Sumpain ang lahat ng yaon na magtataas ng sakong laban sa aking hinirang, wika ng Panginoon, at sumisigaw na sila ay nagkasala kahit na hindi sila nagkasala sa aking harapan, . . . kundi ginawa ang yaong nararapat sa aking mga paningin, at yaong aking iniutos sa kanila.
". . . Yaong mga sumisigaw ng pagkakasala ay ginagawa ito sapagkat sila ay mga tagapaglingkod ng kasalanan, at sila na rin ay mga anak ng pagsuway. . . .
"Sa aba nila. . . .
"Ang kanilang mga buslo ay hindi mapupuno, ang kanilang mga bahay at ang kanilang mga kamalig ay mawawala, at sila na rin ay kasusuklaman ng mga yaong humibok sa kanila" ( D at T 121:1617, 1920).
Ipauubaya natin sa Kanya na mayroong karapatan, na humatol sa kanila na kumakalaban sa Kanyang gawain.
Dadako akong muli sa aking pasasalamat. Salamat, mga kapatid, sa inyong mga panalangin. Salamat sa inyong suporta sa dakilang gawain na sinisikap nating maisakatuparan. Salamat sa inyong pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Nasisiyahan Siya at minamahal kayo. Salamat sa inyong katapatan sa pagsusulong ng malalaking responsibilidad na nasa inyo. Salamat sa inyong nakahandang tugon sa bawat pagtawag sa inyo. Salamat sa pagdadala sa inyong mga anak sa liwanag at katotohanan. Salamat sa inyong matitibay na patotoo na dinadala ninyo sa inyong puso hinggil sa Diyos ang ating Walang Hanggang Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo.
Ako'y lubos na nagpapasalamat sa mga kabataan ng Simbahan. Napakarami ng kasamaan saanmang dako. Ang tukso, sa lahat nitong mapang-akit na impluwensiya, ay nakapalibot sa atin. Nawalan tayo ng ilan sa kanila dahil sa mga nakawawasak na puwersa nito. Nalulungkot tayo para sa lahat ng naligaw ng landas. Inaabot natin sila upang sila'y tulungan, upang sila'y iligtas, subalit sa maraming pagkakataon ang ating pagtulong ay tinatanggihan nang may panlalait. Ang landas na sinusunod ng mga kabataang ito ay nakalulunos. Ito ang daan patungo sa kapahamakan.
Subalit napakarami, daan-daang libu-libo sa ating mga kabataan ang matatapat, na kasing tuwid ng isang palaso at kasing lakas ng malalaking alon ng karagatan sa pagsunod sa daan na kanilang iginuhit sa kanilang sarili. Ito'y landas ng katwiran at kabutihan, landas ng pagtatagumpay. Sila ay gumagawa ng mahahalagang bagay sa kanilang buhay at ang daigdig ay mas bubuti dahil sa kanila.
Ako'y lubos na nagpapasalamat sa kahanga-hangang panahong ito ng kasaysayan kung saan tayo nabubuhay. Wala nang katulad pa ito. Tayo, sa lahat ng tao na nabuhay, ay lubos at labis na pinagpala.
Subalit sa lahat ng bagay na pinasasalamatan ko sa umagang ito, ang isang ito ay tumatayong katangi-tangi. Iyon ay ang buhay na patotoo kay Jesucristo, ang Anak ng Pinakamakapangyarihang Diyos, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Banal.
Sa isang pangyayari sa isang pulong ng mga misyonero sa Europa, isang elder ang nagtaas ng kamay at nagsabing, "Ibigay ninyo sa amin ang inyong patotoo at sabihin ninyo sa amin kung paano kayo nagkaroon nito."
Nadarama kong ako'y nararapat mangusap ng ilang salita ngayong umagang ito tungkol sa paglago ng aking patotoo. Ito'y isang personal na bagay siyempre. Umaasa ako na ito'y inyong mamarapatin.
Ang pinakakauna-unahang pangyayari na naalaala ko sa pagkakaroon ko ng damdaming espirituwal ay noong ako'y mga limang taong gulang pa lamang, napakabata ko pa noon. Ako'y umiiyak sa sakit ng aking tainga. Wala pang gamot na maaaring magamit noon. Iyon ay 85 taon na ang nakalilipas. Naghanda ang aking ina ng isang supot ng asin at inilagay ito sa kalan upang painitan. Marahang ipinatong ng aking ama ang kanyang mga kamay sa aking ulo at ako'y binasbasan, na pinapawi ang sakit at karamdaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na pagkasaserdote at sa pangalan ni Jesucristo. Kinarga niya ako at inilagay ang mainit na supot ng asin sa aking tainga. Napawi at nawala ang sakit. Nakatulog ako sa mainit na yakap ng aking ama. Sa aking pagtulog ang mga salita ng kanyang pagbabasbas ay sumagi sa isip ko. Iyon ang pinaka-una kong alaala tungkol sa pagganap sa karapatan ng pagkasaserdote sa pangalan ng Panginoon.
Noong aking kabataan, ako at ang aking kapatid ay natulog sa malamig na silid isang panahon ng taglamig. Iniisip ng mga tao na makabubuti iyon para sa iyo. Bago kami mahiga sa kama lumuhod kami upang manalangin. Iyon ay pagpapahayag ng simpleng pasasalamat. Tinapos namin ito sa pangalan ni Jesus. Ang titulong Cristo ay hindi gaanong ginagamit sa panahong iyon kapag kami'y nananalangin.
Naalala kong napalundag ako sa aking higaan matapos kong bigkasin ang amen, nagkumot ako hanggang leeg, at iniisip ang aking ginawa sa pakikipag-usap sa aking Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Anak. Wala pa akong malaking kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Subalit mayroong naiwang kapayapaan at katiwasayan sa pakikipag-usap sa kalangitan at sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
Nang magmisyon ako sa British Isles ang patotoong iyon ay mabilis na lumago. Tuwing umaga binabasa naming magkasama ng aking unang kasamang misyonero ang Ebanghelyo ni Juan, na tinatalakay ang bawat talata. Iyon ay kahanga-hanga at nakapagliliwanag na karanasan. Ang kahanga-hangang tipang iyon ay nagsisimula sa pagpapahayag sa kabanalan ng Anak ng Diyos. Sinasaad nito:
"Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.
"Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios.
"Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. . . .
"At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian kaluwalhatiang gaya ng sa bugtong ng Ama,) na puspos ng biyaya at katotohanan" (Juan 1:13, 14).
Noon ay lubos kong inisip ang pagpapahayag na iyon at magmula noon ay labis ko rin itong pinag-isipan. Hindi iyon nag-iwan ng pag-aalinlangan sa magkahiwalay na katauhan ng Ama at ng Anak. Sa Anak ibinigay ng Ama ang malaking responsibilidad ng paglikha ng daigdig, "at anuman ang sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya."
Nakita ko ang maraming hindi maganda sa daigdig na ito. Ang karamihan dito ay gawa ng tao. Subalit sa palagay ko ay nakita ko rin ang mas maraming kagandahan nito. Humahanga ako sa kahanga-hangang gawain ng Tagapaglikha. Kayganda ng mga ito. At ang lahat ng ito ay gawa ng Anak ng Diyos.
"At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin." Siya, ang Anak ng Ama, ay naparito sa lupa. Sumang-ayon Siya na iwanan ang Kanyang maharlikang kaharian sa kaitaasan kung saan Siya namumuno bilang Prinsipe, ang Panganay ng Ama--upang Siya ay magkatawang-tao, upang isilang sa sabsaban, ang pinakahamak sa lahat ng lugar, sa bansang sinasakop at pinamumunuan ng mga senturion ng Roma.
Paano pa Siya higit na nagpakakaba?
Bininyagan Siya ni Juan sa Jordan "(sa) pagganap ng buong katwiran" (tingnan sa Mat.3:15). Ang ministeryo Niya dito sa lupa ay nasundan ng matalinong panunukso ng kaaway. Pinaglabanan Niya ito, sinasabing, "Lumagay ka sa likod ko, Satanas" (tingnan sa Lucas 4:8).
Siya ay pumaroon sa Galilea, Samaria, at Judea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaligtasan, pinapangyaring makakita ang bulag, makalakad ang lumpo, ang patay na muling mabuhay. At upang isakatuparan ang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang pambayad ng kasalanan ng bawat isa sa atin.
Ang patotoong iyon ay yumabong sa aking puso bilang misyonero nang basahin ko ang Bagong Tipan at Ang Aklat ni Mormon, na siyang nagdagdag pa ng patotoo hinggil sa Kanya. Ang kaalamang iyon ay naging pundasyon ng aking buhay, na itinataguyod ng mga panalanging sinagot sa aking pagkabata.
Mula noon ang aking pananampalataya ay lumago pa. Ako'y Kanyang naging Apostol, na itinalaga na gawin ang Kanyang kalooban at ituro ang Kanyang salita. Ako'y Kanyang naging saksi sa sanlibutan. Inuulit ko ang patotoong iyon ng pananampalataya sa inyo at sa lahat ng nakaririnig ng aking tinig ngayong umaga ng Sabbath na ito.
Si Jesus ay aking kaibigan. Walang sinumang nagbigay sa akin ng labis. "Walang may lalong dakilang pagibig kaysa rito, na ibinigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan" (Juan 15 :13). Ibinigay Niya ang kanyang buhay para sa akin. Binuksan Niya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Diyos lamang ang makagagawa nito. Sana ay maging karapat-dapat akong kaibigan sa Kanya.
Siya ay aking huwaran. Ang paraan ng Kanyang pamumuhay, ang Kanyang lubos na mapagbigay na pag-ugali, ang Kanyang pagtulong sa mga nangangailangan, ang Kanyang huling sakripisyo ay tumatayong lahat na halimbawa sa akin. Hindi ko magagawang maabot Siya, subalit sisikapin ko.
Namuno S'ya at landas ay 'tinuro,
Lahat ng bagay ay tungo
Sa liwanag at kawalang-hanggan,
Doon sa l'walhati ng Diyos
("Kay Dakilang Karunungan at Pag-ibig," Mga Himno)
Siya ay aking guro. Walang ibang tinig ang nangusap nang gayon kagandang pananalita nang katulad ng sa Lubos na mga pagpapala:
"At pagkakita sa mga karamihan, ". . . binuka niya ang kaniyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi,
"Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.
"Mapapalad ang nangahahapis: sapagka't sila'y aaliwin.
"Mapapalad ang maaamo: sapagka't mamanahin nila ang lupa.
"Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila'y bubusugin.
"Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't sila'y kahahabagan.
"Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka't makikita nila ang Dios.
"Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila'y tatawaging mga anak ng Dios.
"Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit" (Mat. 5:110).
Walang ibang guro ang nagbigay ng walang katumbas na payo na ibinigay sa mga tao sa bundok.
Siya ay aking tagapagpagaling. Ako ay nakatayong may panggigilalas sa Kanyang mga kahanga-hangang himala. Gayunpaman alam ko na nangyari ang mga ito. Tinatanggap ko ang katotohanan ng mga bagay na ito dahil alam ko na Siya ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Ang mga himala ng Kanyang ministeryo ay nagpapahiwatig ng pagdamay, pag-ibig, at diwa ng paglingap na kahanga-hangang pagmasdan.
Siya ay aking pinuno. Ikinararangal ko ang maging isa sa mahabang hanay ng mga nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanya sa loob ng nagdaang dalawang milenyo mula sa Kanyang pagsilang.
O mga sundalong
Sakop ni Cristo,
Sa digmaa'y sulong!
Lumaban tayo.
Panginoong Cristo
Ang mamumuno,
Sugod sa digmaan,
At h'wag susuko!
("O, Mga Sundalong Sakop ni Cristo Mga Himno)
Siya ay aking Tagapagligtas at aking Manunubos. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang buhay sa pagpapakasakit at di-matatawarang paghihirap, bumaba Siya upang ako'y abutin, ang bawat isa sa atin, at ang lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos, mula sa kailaliman ng walang hanggang kadiliman pagkatapos ng kamatayan. Siya ay naglaan ng mas mainam-- isang kalagayan ng liwanag at pang-unawa, pag-unlad at kagandahan kung saan makatutungo tayo sa landas ng walang hanggang buhay. Ang aking pasasalamat ay walang kinikilalang hangganan. Ang aking pasasalamat sa aking Panginoon ay walang katapusan.
Siya ay aking Diyos at aking Hari. Mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan Siya ang maghahari at mamumuno bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon. Hindi magkakaroon ng katapusan sa Kanyang pamamahala. Walang gabi sa Kanyang kaluwalhatian.
Walang makahahalili sa kanyang lugar. Wala kailanman. Walang bahid-dungis at walang anumang uri ng kamalian, Siya ang Kordero ng Diyos, kung kanino ako ay yuyukod at sa pamamagitan Niya makalalapit ako sa aking Walang Hanggang Ama sa Langit.
Ipinropesiya ni Isaias ang Kanyang pagdating:
"Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat; at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan" (Isa. 9:6).
Yaong nakasama Niya sa Filistia ay nagpatotoo sa Kanyang kabanalan. Taimtim na ipinahayag ng senturion na nakakita sa Kanyang pagkamatay, "Tunay na ito ang Anak ng Dios" (Mateo 27:54).
Nang makita ni Tomas ang Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, ay napabulalas sa pagkamangha ng, "Panginoon ko at Dios ko" (Juan 20:28).
Sa mga dakong ito ng mundo kung kanino Siya nagpakita ay narinig ang tinig ng Ama na nagpakilala sa Kanya: "Masdan, ang Minamahal kong anak, na Siya kong labis na kinalulugdan, sa Kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan" (3 Ne. 11:7).
At ang Propetang si Joseph, na tinutukoy ang dispensasyong ito, ay nagpahayag;
"At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na Siya ay buhay!
"Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama" (D at T 76:2223).
Kung saan idaragdag ko ang aking sariling patotoo na Siya "ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay" at na "sinuman ay di makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan [Niya]" (Juan 14:6).
Hatid ang pasasalamat, at di-nagmamaliw na pagmamahal, pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa Kanyang Banal na pangalan, maging sa pangalan ni Jesucristo, amen.