The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Malugod sa mga Bagay na Iniukol sa Atin

Malugod sa mga Bagay na Iniukol sa Atin

Elder Neal A. Maxwell
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang mga kinakailangang kahulugan ng buhay ay kaakibat ng mga kalagayang iniukol sa atin. . . . Ang mga pagtalima natin ang siyang mahalaga. Tinatanggap ng bawat tao ang uri ng mga pagsubok na kailangan niya at nararapat sa kanya!

Elder Neal A. Maxwell

Sa inyong lahat, mga kapatid, nagpapasalamat ako kay Pangulong Hinckley sa kanyang walang kapagurang paghubog ng hinaharap ng Simbahan, isa na rito ang masagisag na Sentro ng Komperensiyang ito.

Sa iilang salita lamang, may mahahalagang kaalamang dumarating sa mga nagbalik-loob sa pamamagitan ni Alma: "Sapagkat nararapat akong malugod sa mga bagay na iniukol sa akin ng Panginoon" (Alma 29:3). Ilang talata bago ito, ninais ni Alma na maging "pakakak ng Diyos," upang kanyang "mayanig ang mundo" (Alma 29:1). Ngunit hindi dahil sa kayabangan; sa katunayan, nais ipahayag ni Alma ang pagsisisi at ang plano ng pagtubos sa buong sangkatauhan, upang mapawi na ang kalungkutan ng tao (tingnan sa Alma 29:2.) Subalit, nakalagak ang pagkalugod ni Alma sa katotohanang maggagawad sa atin ang Diyos sa katapusan alinsunod sa ating mga naisin (tingnan sa Alma 29:4). Ano pa ang higit na makatarungan kaysa rito?

Sa gayong pagkalugod sa kanyang tungkulin, mapagkumbabang inasam ni Alma na maging kasangkapan sa pagtulong na maligtas ang ilang kaluluwa (tingnan sa Alma 29:9). Ang makahulugan at espirituwal na paglalakbay, sa gayon, ay ipinakita sa anim lamang na talatang tila pakikipag-usap sa sarili.

Ang gayon ding pagkalugod ay naghihintay sa atin, kung ang sarili nating mga naisin ay maiaayon sa mga iginawad sa atin ng Diyos.

Kabilang sa mga bagay na iniuukol sa ilan, halimbawa, ay ang napakaliit na pagkakataong umunlad dahil sa kahirapan: "At ang mga tao ay nagsimulang makilala sa pamamagitan ng mga katayuan sa buhay, alinsunod sa kanilang yaman at sa kanilang mga pagkakataon sa karunungan; oo, ang iba ay mangmang dahil sa kanilang kahirapan, at ang iba ay nakatanggap ng malawak na karunungan dahil sa kanilang kayamanan" (3 Ne. 6:12).

Higit pa rito, ang masasamang balangkas ng lipunan ng tao ay kinabilangan na ng lubhang kalunos-lunos na mga hadlang tulad ng pang-aalipin at kampo ng mga bihag.

Gayunpaman, ating gawin ang kaya natin sa loob ng iniukol sa ating "lupain," habang ginagamit din ang anumang paghatak mayroon na sa mga hadlang sa atin. Gaano man ang itinakda sa atin, makahahanap tayo ng espirituwal na kasiyahan. Inilarawan ito ni Pablo bilang "kabanalan na may kasiyahan," tinutukoy ang sapat na pagkakaroon ng mga kinakailangang katangian gaya ng pagmamahal, pag-asa, kababaang-loob, pagtitiis, at pagpapakumbaba (1 Tim. 6:6).

Ngunit may iba pang nakatakdang limitasyon sa buhay. Halimbawa, ang iba'y binigyan ng mga limitasyong may kaugnayan sa karamdaman, sa katawan o isipan. Nariyan ang mga wala pang asawa bagamat hindi nila kagustuhan, o mga magulang na naghahangad magkaanak ngunit hindi nabibiyayaan. Ang iba ay patuloy na humaharap sa mga paghamon tulad ng di pagkakasundo ng mga mahal sa buhay, kabilang ang mga anak na "nagbago sa kanilang sarili," na ayaw tumanggap ng payo ng magulang (3 Ne. 1:29). Sa gayong pamilyar na situwasyon, sadyang napakaraming makikirot at araw-araw na pagpapaalaala.

Ang pagiging malugod ay nangangahulugan ng pagtanggap nang walang pagkaawa sa sarili. Ang pagkakaroon ng mga kakulangan, sa kabilang banda, ay maaaring maging tulad ng mga hukay na nagbibigay-puwang para makapagpaunlad ng mga lubos na pinalagong kaluluwa.

Ang ilan ay sumasailalim sa nakapapasong pagbabago na biglang dumaraan sa karaniwang daloy ng buhay. Ang ilan ay may mga pasakit at pagsubok na daraanan habang ang iba ay may mga kalagayang dapat nilang tanggapin. "Tinanggap" ni Pablo ang kanyang "tinik sa laman" (2 Cor. 12:7).

Sapat nang sabihin, na ang gayong mga kalagayang mortal ay mababago sa darating na daigdig ng kawalang-kamatayan. Maliban lamang sa mga kasalanang hindi pinagsisihan na magpapasiya ng ating kalagayan sa darating na daigdig.

Samakatwid ang pagpapaunlad ng higit na pagkalugod sa loob ng ating mga umiiral na limitasyon at pagkakataon ay isa sa ating mga hamon. Sa pagkabigo rito, maaaring madama nating kulang ang ating kabuluhan, kulang ang ating sigasig, at kulang ang pagpapahalaga sa atin--samantalang, kakatwa mang sabihin, sa mga ibinigay sa atin, ay maraming pagkakataong maglingkod ang hindi natin nagamit. Samakatuwid, ni hindi rin tayo dapat maghangad ng ilang bagay na hindi sakop ng mga ibinigay ng Panginoon, gaya ng makapangyarihang tinig ng anghel, dahil napakaraming dapat gawin sa sakop ng mga bagay na iniukol sa atin (tingnan sa Alma 29:3­4). Higit pa rito, iba-iba man ang ibinigay na kalagayan sa atin, masusunod pa rin natin ang mga kautusan ng Diyos!

Samantala, nagsisilbi tayo bilang mga gamit sa laboratoryo ng isa't isa sa natatanging bahagi ng sangkatauhan na siyang "iniukol sa [atin]." Maaaring mabawasan o madagdagan ang bahaging ito, ngunit, ang pinakamahalaga ay kung ano tayo at ang ginagawa natin sa loob ng iba't ibang pagkakataong iyon at sa partikular na "gawain kung saan [tayo] tinawag" (Alma 29:6).

Sa gayon "ang banal na kasalukuyan" ay naglalaman ng kaukulang lupain para sa pagiging disipulo natin. Hindi natin kailangang makuha ang pinakamainam na oras o pinakamaraming manonood upang isagawa ang ating sariling kaligtasan!

Sa isang banda naman, hinggil sa pagpapabuti ng ating ugali, napakahalagang malaman na walang hangganang hindi natin matatawid, at walang kakulangan sa mga papeles para sa mga taong nais makipagsapalaran!

Ang unti-unting pagpapakabuti, kung gayon, ang paraan natin ngayon, at malinaw na kinakailangan nito ang patnubay ng matiyagang pagtitiis ng Panginoon, habang nagpupunyagi tayong matutuhan ang mga kinakailangang aralin.

Si Maria, matapos masabihan ng ilang kamangha-manghang bagay tungkol sa kanyang sarili at sa mangyayari, gayon pa man ay "iningatan ang lahat ng mga bagay na ito, at pinagbulay-bulay sa kanyang puso" (Lucas 2:19). Ang pagbubulay-bulay ay kadalasang nauuna sa pagkalugod.

Ang pagganap ang siyang mahalaga, hindi ang sukat ng entablado. Ang Dagat ng Galilea, na 21 kilometro sa 11 kilometro lamang, gayon pa man ay sapat ang laki upang mabigyan ang mga disipulo ng napakahalagang karanasan hinggil sa pananampalataya at paglalakad sa tubig (tingnan sa Mat.14:22­33). Ang hangin ay malakas at nakatatakot! Ganoon pa man, ihambing ninyo ang sukat ng mga alon sa Galilea sa tagal ng bagyong naranasan nina Nephi sa malawak na karagatan! (tingnan sa 1 Ne. 18:13­21). Subalit ang dalawang yugtong ito ay nagbigay ng karanasang may aral. Siyempre, kailangan maingat ako sa mga paghahambing na kinapapalooban ng dami ng tubig, sapagkat alam kong si Noe ay nanonood!

Samakatwid ang hindi gaanong madudulang yugto, gaya ng mabubuting tao na hindi gaanong napapansin ay "hindi nakabababa ng kapakinabangan" upang matapos ang gawain (Alma 48:19).

Sa mas malawak na pananaw, halimbawa, inakala ni Propetang Mormon sa umpisa na nalulungkot ang kanyang mga tao tungo sa pagsisisi (tingnan sa Morm. 2:12­13). Subalit nahiwatigan niya kalaunan na yaon ay ang "kalungkutan ng mga isinumpa," na nag-iiwan sa kanila sa kawalan. Ihambing ang yugtong ito sa mag-isang pagpupunyagi ng alibughang anak na makapagsisi; sapagkat tunay ang kanyang pagsisisi, totoong "siya'y nakapag-isip" (Lucas 15:17). Minsan natututo tayo "sa malungkot na karanasan", ngunit kung minsan ay hindi! (D at T 121:39).

Ang mga kinakailangang kahulugan ng buhay ay kaakibat ng mga kalagayang iniukol sa atin, at tayo ay gumagawa ng mga pagpili na may walang hanggang kahihinatnan sa mga kalagayang ito. Ang mga pagtalima natin ang siyang mahalaga. Tinatanggap ng bawat tao ang uri ng mga pagsubok na kailangan niya at nararapat sa kanya! (tingnan sa Mateo 6:34).

Samantala, karaniwang ipinagbibili ng mga tao ang kanilang kaluluwa para sa kaunting halaga lamang. Sa "A Man for All Seasons" ni Robert Bolt, si Ginoong Thomas More ay malapit nang patayin bilang isang martir, dahil ang kaibigan niyang si Rich, na nasuhulan ng ilang lokal na opisyal, ay ipinagkanulo siya. Si More, "na tumitig sa mukha ni Rich, nang may pagdaramdam," ay nangusap: "Para sa Wales? Bakit, Richard, walang kabuluhan na ibigay ng tao ang kanyang kaluluwa para sa buong daigdig . . . Ngunit para lamang sa Wales!" (A Man for All Seasons [1960], 92). Hayaang ang pagkutyang ito ang magsilbing babala sa atin sa anumang hangaring maglalayo sa atin mula sa mga espirituwal na bagay!

Pagnilay-nilayin kung paanong si Jesus ay Panginoon ng Kalawakan noon at ngayon (tingnan sa D at T 45:1; 76:24; Moises 1:33; 2:1). Ngunit ang Kanyang ministeryo, gaya ng nalalaman natin, ay naisagawa sa napakaliit na lugar. Ang mga nilakbay Niyang lugar ay iilan lamang. Ngunit,doon, naisagawa ng Tagpagligtas ang pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan! Tiyak na may higit pang matataas na burol kaysa sa Golgota, at may mas mga kaaya-ayang hardin kaysa sa Getsemani. Gayon pa man; ang mga ito ay sapat na upang dito ganapin ang pinakatampok na yugto sa buong kasaysayan ng tao!

Magiging mabisa sa atin ang maluwalhating pagbabayad-salang iyon sa pamamagitan ng pagsisisi. Matututo tayong maglingkod at magpatawad sa loob ng ating bahagi sa sangkatauhan kabilang ang mga pook na hindi lalaki sa ating mag-anak o mga pakikipagkaibigan.

Ganap na maipakikita ang katarungan at awa ng Diyos kung kaya sa Huling Paghuhukom ay walang maghihinaing, kabilang na ang mga yaong dati'y nag-alinlangan sa katarungan o awa ng Diyos sa kalagayang iniukol sa mortalidad (tingnan sa 2 Ne. 9:14­15; Alma 5:15­19; 12:3­14; 42:23­26, 30).

Kaya nga, magagawa natin at "nararapat na malugod [tayo] sa mga bagay na iniukol sa atin ng Panginoon," na nasisiyahan sa kalagayang ibinigay sa atin subalit hindi nasisiyahan na manatili na lamang sa ating kasalukuyang pag-uugali (tingnan sa 3 Ne. 12:48; 27:27; Mateo 5:48).

Ang gayong pagkalugod ay hindi lamang pagtanggap nang may pagwawalang-bahala. Nagpapakita ito ng ating nakikibahaging pagsang- ayon sa halip na kawalang-pakialam.

Alam ng ating Panginoon ang ating mga kalagayan at mga layunin ng ating puso, at, walang alinlangan, pati ang mga talento at kaloob na ibinigay Niya sa atin. Nasusukat Niya, nang ganap, kung paano tayo nagsumikap sa saklaw ng iniukol sa atin, kabilang ang pagpapalakas ng loob ng mga nanghihina sa paligid natin. Sa gayon, ang paghahangad ng mas maraming pagkakataon habang hindi naman ginagamit ang yaong mga mayroon tayo, ay hindi mabuting pag-uugali.

Ang makakaya natin at ang nagawa na natin sa lupaing iniukol sa atin, kung gayon, ay ganap na batid ng Panginoon ng olibohan.

Ang kanilang kababaang-loob at higit na kakayahan para sa espiritwal na pagkalugod ang maaaring isang dahilan kung bakit ginagamit ng Diyos ang mahihinang bagay ng sanlibutan upang isagawa ang Kanyang gawain (tingnan sa D at T 1:19, 23; 35:13; 133:58­59; 1 Cor. 1:27). Kadalasan namang hindi gaanong interesado ang mga makamundo sa paggawa ng mga bagay na inaakala nilang mababang gawain ng Panginoon.

Mahalaga ring malaman, na ayaw ng Panginoong manakot sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pulutong ng anghel upang matiyak na gagawin ng tao ang Kanyang kalooban (tingnan sa Mateo 26:47­53). Ang Kanyang kalooban ay dapat maisagawa "dahil sa [Kanyang] salita," hindi dahil tayo ay pinilit (Alma 36:26). Ang panuntunan ay lagi nang, at mananatiling, "Gayon pa man, ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili" (Moises 3:17). Ninanais ng Panginoon ang pagbabalik-loob nang walang pananakot.

Alalahanin natin na sa panahong ito ng pagbabago, ang tanging pagbabago na hinahangad ng Diyos ay ang kusang loob na paglayo sa kasalanan at pagbaling sa Kanya. Kung gayon, hindi ninanais ng Panginoon na tayo ay daigin, sa halip, tulungan tayo na madaig ang sanlibutan! (tingnan sa D at T 64:2; Apoc. 3:21).

Kung kaya sa mga iniukol sa atin, nakikita natin kung paano nakapagpapakita ng kabaitan ang mga banal sa kabila ng napakasalat na kalagayan, ngunit ang iba ay mayroong napakasalat na pag-uugali sa kanilang karangyaan. Sa kabilang dako, ang mga walang kaluguran ay patuloy na gumagawa ng sarili nilang lawa ng pagkaawa sa sarili, na ang ilan ay pang-Olimpiada ang laki.

May makikita pa tayo sa inspirado at nakapagtuturong kabanata ni Alma. Kinilala ni Alma na naglagay ang Diyos ng mga kalalakihan at kababaihan sa bawat bansa na maaaring mangaral at magturo ng Kanyang salita (tingnan sa Alma 29:8). Samakatwid, kung magpupumilit tayo masyado, palagi, at lubos para sa pinalawak na pansariling papel, maaaring mapaliit natin ang mga pagkakataong kailangan ng iba. Higit pa rito, ang ating mapagtiwala at mapagbahaging kaluguran ay nagpapahintulot sa Espiritu Santo na magkaroon ng mahalagang panahon na magampanan ang Kanyang natatanging gawain.

Kapag nakaayon ang ating espiritu sa kalooban ng Diyos, maaaring makamit ang espiritwal na katiyakan, kahit hindi natin nalalaman "ang ibig sabihin ng lahat ng bagay" (1 Ne. 11:17.) Ang gayong panatag na katiyakan ay hindi nagbubunga ng kapalaluan, kundi tahimik na pagtanggap, na siya nitong sariling anyo ng pagiging "sabik sa paggawa" ngunit nang walang mga ingay ng papuri ng iba (D at T 58:27; tingnan din sa talata 28).

Gayunman, ang espiritwal na pagkalugod na ito ay nakasalalay sa ating pagtanggap ng pagbabayad-sala ni Jesus, sapagkat tayo ay . . . "nakarating [na] sa kaalaman ng kabutihan ng Diyos, at ng Kanyang di mapapantayang kapangyarihan, at ng Kanyang karunungan, at Kanyang kahinahunan, at Kanyang mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao; at gayundin, ang pagbabayad- sala na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig" (Mosias 4:6).

Muli, mga kapatid ko, na nakikitang si Alma ay nagbago mula sa pagnanais niyang maging "pakakak" tungo sa pagiging mapagkumbabang "kasangkapan" at mula sa pagnanais na "yanigin ang mundo" tungo sa "marahil ay [pagdadala] ng ilang kaluluwa sa pagsisisi" ay isang nakagugulat na pagbabago! Maliban pa rito, hindi ba kamangha-mangha na tayo ay pinahihintulutang umunlad, maging ang pag-unlad mang yaon ay naipahiwatig sa loob ng siyam na talata o sa buong buhay?

Kami ni Colleen ay may isang natatanging apo, si Anna Josephine, na isinilang na walang kaliwang kamay. Noong nakaraang araw isang pag-uusap ang narinig sa pagitan ni Anna Jo, na maglilimang taon, at ng kanyang pinsan, si Talmage, tatlong taon. Sabi ni Talmage, nang may pang-aaliw, habang sila'y naglalaro, "Anna Jo, paglaki mo magkakaroon ka ng limang daliri." Sabi ni Anna Jo, "Hindi, Talmage, paglaki ko hindi ako magkakaroon ng limang daliri, pero pagpunta ko sa langit, magkakaroon ako ng kamay."

Kung si Anna Jo, na may mahihirap na panahong darating sa kanya, ay nananatiling nalulugod sa iniukol sa kanya, patuloy siyang magiging isang pagpapala sa maraming tao!

Napakapalad natin na ang mga salita ni Alma ay iningatan para sa ating lahat. Nawa'y ihalintulad natin ang mga salita ni Alma sa ating mga sarili (tingnan sa 1 Ne. 19:23). Idinadalangin ko ito sa pangalan Niya na bilang ang lahat ng maya at lahat ng daliri at gayunpaman ay Panginoon ng sansinukob, maging si Jesucristo, amen!

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy