Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Harinawang makagawa tayo nang lubos sa pagpapalang ibinigay sa atin [ng ating mga ninuno] tulad ng ginawa nila sa kaunting mayroon sila. Sa gayong kasaganaan harinawa kailanman ay huwag nating "malimutan ang Panginoon."
Elder Maxwell, nagpapasalamat kami sa Ama sa Langit dahil sa kahima-himalang paghaba ng inyong ministeryo bilang apostol. Nagpapasalamat kami na ang pagpapahayag ng inyong patotoo ay nagpatuloy sa maganda at bagong pabilyong ito. Minamahal at ipinananalangin namin kayo.
At Pangulong Hinckley, alang-alang sa halos 11 milyong miyembro ng Simbahang ito, maaari bang pasalamatan namin ang Panginoon sa paghaba ng inyong ministeryo. Malinaw ko pang naaalaala ang pagpapasimula ng gawain ng saligan ng gusaling ito na inyong pinamunuan tatlong taon pa lamang ang nakalilipas. Sa kanyang pangwakas na panalangin sa okasyong iyon, hiniling ni Pangulong Boyd K. Packer ang kaligtasan sa pagtatayo niyon, ang kagandahan sa kabuuan niyon, at pagkatapos isa pang hiling sa langit. Hiniling niya, Pangulo, na mapahintulutan kayong makita ang tanawing ito ngayon, mangulo sa pulpitong ito, at ipahayag ang inyong patotoo rito. Nagpapasalamat kaming lahat sa langit para sa inyo at para sa sagot sa panalanging ito.
Tiyak na ang mga ito ay ilan sa mga araw na nakita ng ating matatapat na ninuno na may pagtanaw sa mga unang taon ng Panunumbalik. Sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril, 1844, ginunita ng mga kapatid ang mga unang pagtitipun-tipong iyon noong 1830. Sinabi ng isa sa kanila: "Pinag-usapan natin ang kaharian ng Diyos na para bang nasa kapangyarihan natin ang daigdig; nagsalita tayo nang may masidhing pananalig, at nag-usap tayo ng tungkol sa malalaking bagay, bagama't hindi tayo marami [sa bilang]; . . . tiningnan natin, [at] kung hindi natin nakita ang kongregasyong ito, nakita natin ito sa pangitain, ang Simbahan ng Diyos, na libu-libong beses pa ang laki [kaysa noon], bagama't [nang panahong iyon] hindi pa natin kayang makapagtakbo ng sakahan, o salubungin ang isang babae na may dala-dalang timba ng gatas. . . . Lahat ng miyembro [ng Simbahan] ay nagtipun-tipon para sa komperensiya, sa isang silid na mga 37 metro kuwadrado . . . Pinag-usapan natin ang tungkol sa . . . mga taong dumarating na tulad ng mga kalapati sa mga bintana, na lahat ng bansa ay kailangang magtipun-tipon patungo sa [Simbahan]. . . . Kung nasabi natin sa mga tao ang nakikita ng atin g mga mata sa ngayon, hindi sana tayo pinaniwalaan."1
Kung ito ang nadama nila nang mahalagang taong iyon ng 1844, bago maganap ang kamatayan ni Joseph Smith bilang martir, ano kaya ang nakikita ng mga kapatid ding iyon mula sa kanilang walang hanggang tahanan sa panahong tulad nito! Marami na ang naganap mula noon na dapat nila at dapat nating pasalamatan. At, siyempre, hindi ito ang katapusan. Marami pa tayong dapat gawin, kapwa sa uri at tindi ng ating katapatan at ng ating paglilingkod. Si George A. Smith, na tagapayo kay Pangulong Brigham Young sa Unang Panguluhan, ay nagsabi noon nang may pagbabala, "Maaari tayong makapagtayo ng mga templo, mararangyang simboryo, kahanga-hanga at malalaking tore, bilang parangal sa ating relihiyon, ngunit kung hindi natin maipamumuhay ang mga alituntunin ng relihiyong iyon . . . at pahahalagahan ang Diyos sa ating isipan, hindi tayo makatatanggap ng mga pagpapalang tiyak na mapasasaatin kung isasagawa natin ang mga ito."2 Dapat na maging mapagkumbaba at matapat tayo. Ang karangalan at kaluwalhatian ng lahat ng mabuti ay patungo sa Diyos, at napakarami pa ang naghihintay sa atin na makapagpapadalisay, mahirap man ito, habang patuloy Niya tayong pinalalakas.
Sa lahat ng ito naisip ko ang mga sinaunang Banal na kadalasang wala sa kasaysayan, na tahimik at matapat na isinulong ang kaharian hanggang sa higit pang mahihirap na panahon. Napakarami sa kanila ang tila hindi na natin kilala ngayon. Karamihan ay namatay nang hindi nakatanggap ng pagkilala o parangal--namatay nang mas maaga sa inaasahan. Ang ilan ay nabanggit nang kaunti sa kasaysayan subalit ang karamihan ay dumating at pumanaw na walang mataas na katungkulan ni pagpapahalaga mula sa kasaysayan. Ang mga taong ito, ang pangkat ng ating mga ninuno ay namatay nang tahimik at nang hindi nakikilala gaya ng pagpapamuhay nila sa kanilang relihiyon. Ito ang mga walang imik na Banal na minsan ay binanggit ni Pangulong J. Ruben Clark nang pasalamatan niya silang lahat, "lalung-lalo na," ang wika niya, "ang . . . pinakamaamo at pinakaaba sa kanila, na [kadalasang] hindi nakikilala [at] naaalaala, [maliban] na lamang sa mga tahanan ng kanilang mga anak at ng kanilang mga apo na, ipinasa ang kuwento ng kanilang pananampalataya sa mga sumunod na salinlahi."3
Maging tayo man ay matagal o pinakabago sa mga miyembro, lahat tayo ay nakikinabang sa pananampalatayang iyon ng ating mga ninuno. Sa maganda at bagong gusaling ito at sa makasaysayang komperensiyang tinipon dito, nadama ko kung gaano ang dapat kong ipasalamat sa mga tao na lubos na malaki ang kakulangan kaysa akin ngunit kung talagang titingnan sa bawat aspeto ay higit pa ang nagawa kaysa sa nagawa ko sa pagtatayo ng kahariang ito.
Marahil ay gayon lagi ang kalakaran maging saan pa mang dispensasyon. Minsan ay pinaalalahanan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na sila ay umani sa mga bukid na hindi nila pinagpagalan.4 Sinabi noon ni Moises sa kanyang mga tao:
"[Ang] Panginoon mong Dios ay [ipapasok ka sa lupain] na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, . . . upang ibigay sa iyo . . . ang malalaki at mabubuting bayan, na hindi mo itinayo,
"At mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, na hindi mo pinuno, at mga balong hukay na hindi mo hinukay, mga ubusan at mga puno ng olibo, na hindi mo itinanim."5
Bumabalik sa aking isipan ang pangyayari 167 taon na ang nakararaan, ang maliit na pangkat ng kababaihan, nakatatandang kalalakihan, at mga batang kayang magtrabaho na naiwan upang ipagpatuloy ang pagtatayo ng Templo ng Kirtland habang ang lahat ng kalalakihang malalakas ay naglalakbay ng mga 1610 kilometro upang tulungan ang mga Banal sa Missourri. Isinasaad sa tala na talagang halos lahat ng kababaihan sa Kirtland ay nagniniting at nag-iikad upang madamitan ang mga kalalakihan na gumagawa sa templo.
Isinulat ni Elder Heber C. Kimball, "Ang Panginoon lamang ang tanging nakaaalam ng mga tagpo ng karalitaan, pagdurusa, at pagkabalisa na naranasan namin upang maisagawa ito." Iniulat na may isang pinuno ng panahong iyon, na nakita ang mga paghihirap at paghihikahos ng Simbahan, ay madalas na nagtutungo sa mga pader ng gusali araw at gabi, nananangis at malakas na nagsusumamo sa Makapangyarihan na magpadala ng mga kaparaanan upang matapos nila ang gusaling iyon.6
Lalong hindi naging madali nang lumipat pakanluran ang mga Banal at nagsimulang manirahan sa mga lambak na ito. Bilang kabataang lalaki ng Primarya at nasa gulang ng Pagkasaserdoteng Aaron, dumalo ako sa Simbahan sa luma at maringal na Tabernakulo ng St. George, na ang pagtatayo niyon ay nagsimula noong 1863. Sa oras ng napakahabang sermon nililibang ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pagtitig sa gusali, hinahayaan ang kamangha-manghang likhang-kamay ng mga tagabunsod na nagtayo sa kakaibang pasilidad na iyon. Alam ba ninyo na may 184 kumpol ng ubas ang inukit sa pagitan ng itaas ng kisame ng gusaling iyon? (Ilan sa mga sermong iyon ay talagang napakahaba!) Ngunit higit sa lahat nasisiyahan ako sa pagbibilang ng mga salamin sa bintana--2,244 lahat--dahil kinalakihan ko ang kuwento tungkol kay Peter Neilson, isa sa mga di gaanong kilala at ngayo'y nakalimutan nang Banal na siya nating pinag-uusapan ngayon.
Sa pagtatayo ng tabernakulong iyon ang mga kapatid na kalalakihan sa lugar na yaon ay omorder pa ng salamin para sa bintana mula sa New York at ipinalulan ito palibot sa Katimugang Amerika patungong California. Ngunit kailangang bayaran ang halagang $800 bago makuha ang mga salamin at maipadala sa St. George. Si kapatid na David H. Cannon, na kalaunan ay ang siyang namuno sa Templo sa St. George na kasabay ding itinatayo noon, ay naatasang mangilak ng kinakailangang pondo. Matapos ang napakahirap na pagpupunyagi, ang buong komunidad, na halos ibinibigay na ang lahat ng mayroon sila para sa dalawang mahalagang proyekto na gusaling ito, ay nakatipon lamang ng $200. Gayun pa man nang may lubos na pananampalataya inatasan pa rin ng kapatid na Cannon ang pangkat ng mga kalalakihan at kanilang mga bagon na maghanda sa pagtungo sa California upang kunin ang salamin. Patuloy siyang nanalangin na harinawang mapunan ang kulang na $600 bago sila umalis.
Nakatira sa kalapit na Washington, Utah, ay si Peter Nielson, isang mandarayuhan mula sa Denmark na maraming taon nang nag-iipon para sa pagtatayo ng karagdagang silid sa kanyang di kalakihang tahanan na yari sa adobe. Isang gabi bago ang pag-alis ng pangkat papuntang California, hindi makatulog si Peter sa maliit na bahay na iyon. Iniisip niya ang kanyang pagbabalik-loob sa malayong Denmark, at ang sumunod na pakikitipon niya sa mga Banal sa Amerika. Pagkarating sa kanluran nanirahan siya roon at nagpunyagimg makapaghanapbuhay sa Sanpete. Bagama't tila madali ang pag-unlad doon, tumugon siya sa tawag na umalis at pumunta sa Misyon sa Cotton, palakasin ang kalunos-lunos at nananamlay na gawain ng mga naninirahan sa Dixie na nakikibaka sa lupang puno ng alkali, malarya, at mga pagbaha. Habang nagmumuni-muni siya sa higaan, tinimbang-timbang niya ang mga sakripisyong hinihingi sa kanya laban sa magagandang biyayang natanggap niya. Sa mga oras na iyon ay nagpasiya siya.
Sinasabi ng ilan na ito'y panaginip, ang iba nama'y nagsasabing ito raw ay impresyon, ang iba pa ri'y nagsasabing ito ay tawag ng tungkulin. Sa anumang paraan natanggap niya ang inspirasyon, bumangon si Peter Nielsen bago magmadaling-araw ng umaga ng araw ng pag-alis ng mga pangkat sa California. Sa tulong lamang ng liwanag ng isang kandila at liwanag ng ebanghelyo, inilabas ni Peter mula sa lihim na taguan ang $600 na gintong barya--sa tig-5, tig-sampu, at tigdalawampu. Tinanong siya ng asawa niyang si Karen kung bakit napakaaga niyang bumangon. Sinabi lamang niya na kailangang mabilis niyang lakarin ang 7 milya patungong St. George.
Habang lumalatag ang unang sikat ng umaga sa magaganda at pulang dalisdis ng katimugang Utah, isang katok ang narinig sa pintuan ni David H. Cannon. Doon ay nakatayo si Peter Nielsen na hawak sa mga kamay ang pulang bandana na lumulundo sa bigat ng dala-dala nito. "Magandang umaga, David," ang sabi ni Peter. "Sana ay hindi pa ako masyadong huli. Alam mo kung ano ang gagawin sa perang ito."
Iyon lamang at tumalikod na siya at tinahak muli ang mga landas pabalik sa Washington, pabalik sa isang matapat at walang pag-aalinlangang asawa, at pabalik sa maliit na bahay na may dalawahang- silid na yari sa adobe na nanatiling dalawang silid lamang sa buong buhay niya.7
Isa pang ulat mula sa mga nauna, matatapat na tagapagtayo ng makabagong Sion. Si John R. Moyle ay naninirahan sa Alpine, Utah, mga 35.5 kilometro kung tatahakin nang dire-diretso patungong Templo ng Salt Lake, kung saan siya ay punong tagapamahala ng pagkakantero noong itinatayo ito. Upang makasiguro na lagi siyang nasa trabaho ng alas-otso ng umaga, nagsisimula na siyang maglakad ng mga alas-dos tuwing umaga ng Lunes. Matatapos niya ang lingguhang trabaho nang alas-singko ng hapon ng Biyernes at pagkatapos ay magsisimula nang maglakad pauwi at makararating doon ilang sandali bago maghatinggabi. Bawat linggo inuulit niya ang iskedyul na iyon sa buong panahong ipinaglingkod niya sa pagtatayo ng templo.
Minsan nang nasa bahay siya nang araw ng Sabado, pumiglas ang isa sa mga baka niya habang ginagatasan at sinipa si Kapatid na Moyle sa binti na ikinadurog ng buto niya sa ilalim ng tuhod. Dahil walang pagamutang padadalhan sa kanilang lalawigan, binaklas ng kanyang pamilya at kaibigan ang tabla ng pinto at itinali siya sa pansamantalang hapag ng pag-ooperahan. Pagkatapos ay kinuha nila ang lagaring ginamit nila sa pagputol ng mga sanga mula sa katabing puno, at pinutol ang kanyang binti ng ilang pulgada sa ilalim ng tuhod. Nang magsimula nang maghilom ang sugat, na dahil halos walang alinlangang maaaring maimpeksyon ito, kumuha si kapatid na Moyle ng kapirasong kahoy at gumawa ng artipisyal na binti. Noong una ay naglakad muna siya sa bahay. Pagkatapos ay naglakad siya sa bakuran. Sa huli ay nilibot niya ang kanyang nasasakupan. Nang naramdamang kaya niyang tiisin ang sakit, nilakad niya ang mga 35.5 kilometro patungong templo ng Salt Lake, inakyat ang andamyo, at hawak ang pait (chisel) ay ipinako ang pagpapayahag na, "Kabanalan sa Panginoon."8
Dahil sa pananampalataya ng ating mga ama at ina na kitang-kita sa paligid natin ngayon, hayaan ninyong tapusin ko ang natitirang bahagi ng sipi na binanggit ko sa simula ng aking pagsasalita. Tila may kaugnayan ito lalung-lalo na sa ating mga kahanga-hangang kalagayan ngayon. Matapos sabihin ni Moises sa mga naunang salinlahi na ang mga pagpapalang tinatamasa nila ay bunga ng pananampalataya ng mga taong nauna sa kanila, sinabi niya:
"At mag-ingat ka nga, baka iyong malilimutan ang Panginoon, na naglabas sa inyo. "Huwag kang susunod sa ibang mga Dios, . . . sa mga dios ng mga bansang nasa palibot mo. . . .
"Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; Pinili ka [niya] upang maging bayan sa kanyang sariling pag-aari. . . .
"Hindi kayo . . . pinili ng Panginoon dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alinmang bayan; sapagkat kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan:
"Kundi dahil sa inibig [niya] kayo, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kanyang isinumpa sa inyong mga magulang. . . .
"Talastasin mo nga, na ang Panginoon . . . ay siyang Dios, ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi."9
Tayo pa rin ay pinagpala ng pagmamahal na iyan mula sa Diyos at ng pananampalataya ng ating espiritwal at literal na mga ninuno hanggang sa libu-libong salinlahi. Harinawang makagawa tayo ng lubos sa pagpapalang ibinigay sa atin tulad ng ginawa nila sa kaunting mayroon sila. Sa gayong kasaganaan harinawa kailanman ay huwag nating "malimutan ang Panginoon" ni "sumunod sa ibang dios," kundi laging maging "mga banal na tao sa Panginoon." Kung gagawin natin ito, yaong mga nagugutom at nauuhaw sa salita ng Panginoon ay patuloy na darating "tulad ng mga kalapati sa ating mga bintana." Darating sila na naghahangad ng kapayapaan at pag-unlad at kaligtasan. Kung ipamumuhay natin ang ating relihiyon, matatagpuan nila ang lahat ng iyon at higit pa.
Tayo ay mga pinagpalang tao. Sa kamangha-manghang panahon tulad nito, nadarama ko ang nakapupuspos na utang na pasasalamat. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit sa mga di- mabibilang at di-masusukat na pagpapala, unang-una na ang pagkakaloob ng Kanyang Bugtong na Anak, si Jesus ng Nazaret, ang ating Tagapagligtas at Hari. Pinatototohanan ko na ang perpektong buhay at mapagmahal na sakripisyo ni Cristo ang siyang literal na bumubuo sa pagtubos ng isang Hari, pagbabayad-sala na kusang ipinagkaloob, upang alisin tayo hindi lamang sa bilangguan ng kamatayan kundi sa mga bilangguan din ng kalungkutan at kasalanan at pagpapalayaw sa sarili.
Alam ko na nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak at na ang araw na ito ay karugtong ng araw na iyon. Utang ko nang labis ang mahalagang kaalamang iyon na aking pinatototohanan ito. Utang ko nang labis ang walang katumbas na pamanang iyon na ibinigay sa akin. Sa katunayan utang ko ang lahat, at ipinangako ko ang nalalabi kong buhay sa pagbibigay rito--sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Times and Seasons, ika-1 ng Mayo, 1844, 52223; tingnan sa History of the Church, 6:28889.
2. Deseret News Weekly, ika-17 ng Hulyo 1872, 348.
3. Sa Conference Report, Okt. 1947, 155; o "To Them of the Last Wagon," Ensign, Hulyo 1997, 3536.
4. Tingnan sa Juan 4:38.
5. Deut. 6:1011.
6. "Extracts from H. C. Kimball's Journal," Times and Seasons, ika-15 ng Abr. 1845, 867; tingnan din sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball (1945), 6768.
7. Tingnan sa Andrew Karl Larson, Red Hills of November [1957], 31113.
8. Tingnan sa Biographies and Reminiscences, mula sa James Henry Moyle Collection, The Archives of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, isinaayos ni Gene A. Sessions (1974), 203; Man of Holiness ni Vaughn J. Featherstone, [1998], 14041.
9. Deut. 6:12, 14, 18; 7:69.