The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Mga Pinuno sa Hinaharap

Mga Pinuno sa Hinaharap

Elder Harold G. Hillam
Ng Panguluhan Ng Pitumpu

Idinadalangin ko na kayong mga kabataan ay magkaroon ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay, paggalang sa mga nakatatanda sa inyo at kagustuhang sundin ang mga utos. Ipinanalangin ko na matutuhan ninyong kilalanin ang Tagapagligtas.

Elder Harold G. Hillam

Noong nakaraang pangkalahatang komperensiya, isang bagay na hindi gaanong mahalaga ang pumukaw ng aking pansin. Ito ay isang kurbata! Habang kumakanta ang koro ng mga batang lalaki at babae, isa sa mga kamerang pangtelebisyon ang di sinasadyang natapat sa isang batang lalaki sa koro. Inakala niyang nakita niya ang sarili sa monitor ng telebisyon, ngunit marahil ay hindi pa siya sigurado. Kaya, ito ang ginawa niya. Ginalaw-galaw niya ang kanyang kurbata na halos di mapupuna, at nalaman niya --oo--siya talaga iyon!

Ang simpleng pagkilos nito ay nagpasimula ng pagdaloy ng maraming bagay sa aking isipan. Nong ibaling ko ang tingin sa mga batang lalaki at babaeng iyon, naisip ko, Ang mga batang ito ay kumakatawan sa milyun-milyong bata sa buong mundo. Ano ang kahihinatnan ng dakilang Simbahang ito kapag inabot nila ang gulang ng mga pinunong narito, at ano ang bahaging gagampanan nila sa di pangkaraniwang hinaharap nito? Sino sa mga batang ito ang may gagampanang tungkulin sa purok o istaka? Maaari kaya na ang isang magiging miyembro ng labindalawa ay nakikinig sa komperensiya o nakaupo ngayon dito? Sinong batang lalaki ang mamamahala balang araw bilang Pangulo ng Simbahang gayong marami pang milyun-milyong miyembro ito. Mga kabataang lalaki at babae ng Simbahan, kayo ay may dakilang pagkakataon na sundan ang mga yabag ng mga yaong nauna sa inyo.

Habang dumadaloy sa aking isipan ang mga bagay na ito, natanto ko na kayong mga kabataan ay kailangang matuto ng maraming aral. Paano kayo makapaghahanda para sa katakut-takot na responsibilidad sa panahon na ang kaaway ay tila binigyang-laya ng daigdig sa kanyang pagsalungat sa lahat ng bagay na mabuti at disente? Kakailanganin ninyong matuto ng maraming aralin, ngunit hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang tatalong aral na pinaniniwalaan kong mahalaga.

Ang unang mahalagang aral ay magpaunlad ng diwa ng paggalang sa mga bagay na sagrado at sa ibang tao lalung-lalo na sa mga nakatatanda.

Itinuro ng Panginoon kay Moises ang tungkol sa mahahalagang bagay at lugar. Nang lapitan ni Moises ang nagniningas na punungkahoy na hindi natutupok, iniutos ng Panginoon, "Huwag kang lumapit dito: hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa" (Ex. 3:5). Tayo rin ay may pagkakataong tumayo sa mga banal na lugar. Dapat na bigyang-paggalang ninyo ang mga templo, gusali ng simbahan, at ang inyong tahanan sapagkat ang mga ito ay sagrado.

Kakailanganin ninyong kilalanin at pahalagahan ang lahat ng ipinahayag ng Panginoon na sagrado. Isa sa mga pinakamahalaga ay ang katangiang banal ng inyong sariling katawan. Tinukoy ni Apostol Pablo ang ating katawan bilang templo, na ibinigay ng Diyos sa atin. (Tingnan sa I Mga Taga-Corinto 6:19). Anupat isang trahedya kung pinagkaitan ninyo ang inyong sarili ng mga pagkakataon sa buhay sa pamamagitan ng kusang pagsira sa inyong katawan o pagmanhid sa inyong isipan ng mga bawal na gamot. Huwag ninyong gamitin ang katawan ninyo para sa kahalayan. Damitan ito nang maayos at iwasan ang pagkaburara at walang ingat na pananamit. Kapag nagkaroon kayo ng lakas ng loob na magdamit nang maayos at umiwas sa mga pansamantalang uso, matutuklasan ninyo na ang paggalang sa sarili ay kasama ng pagsunod, at natutulungan kayo ng Panginoon.

Ang paraan ng pagkilos at pananamit natin ay nagpapakita ng pagsasaalang-alang natin sa kung nasaan tayo at kung sino tayo. Hayaan ninyong ilarawan ko. Ang isa sa mga likas na resulta ng gawaing misyonero ay ang pagbabago sa mga bagong miyembro, lalung-lalo na sa mga batang lalaki, binatilyo at ama. Kapag dumadalo sila sa mga pulong ng simbahan, gusto nilang maging katulad ng mga misyonero. Nagpapahiwatig iyan sa atin nang lubos na kahalagahan ng pagiging mukhang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesuscristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang mga salita ng mga propeta gaya nang nakikita sa sinaunang banal na kasulatan at sa paghahayag sa mga huling araw ay sagrado rin. Ang mga ito ay mga salita ng Panginoon sa atin. Igalang ninyo ang mga ito sa pamamagitan ng pakikinig nang mabuti at pagpapamuhay ng mga ito.

Hinihikayat ko kayo mga kabataan na laging ugaliing magpakita ng paggalang, pagpipitagan, at pakundangan sa inyong mga magulang at iba pa na nakatatanda sa inyo. Itinuro sa akin ng aking ama na bawat tao sa loob at labas ng Simbahan ay may titulong tulad ng Ginoo, Ginang, Kapatid, Obispo, Elder, o Pangulo, at na sila ay dapat na tawagin nang may paggalang. Noong ako ay anim na taong gulang, binigyang-diin ng aking ama ang alituntuning ito nang nakagawa ako ng malaking pagkamamali nang tawagin ko lang sa kanyang pangalan ang tindero sa aming lugar. Pagkaalis sa tindahan, mahigpit na itinuro ng aking ama na hindi ako nagpakita ng paggalang dahil hindi ko isinaalang-alang ang katandaan ng taong iyon. Hindi ko nakalimutan ang karanasang iyon kailanman, ni hindi ko nakalimutan ang pangalan ng tinderong iyon matapos ang 60 taon. Natatandaan ko pa maging ang kaniyang unang pangalan.

Ang pangalawang mahalagang aral ay ang matutuhan ang mga kautusan at sundin ang mga ito dahil ginusto ninyo. Bago ninyo sundin ang mga kautusan, kailangang malaman ninyo kung ano ang mga ito. Natututuhan ninyo ang kautusan sa pamamagitan ng pagtuturo sa inyo. Kung kaya ang gabing pantahanan ng mag-anak, mga klase ng Panliggong Paaralan, at seminary ay napakahalaga. Nalalaman ninyo ang mga kautusan sa pamamagitan ng panalangin, ng sarili ninyong pag-aaral, at ng pansariling paghahayag na natatanggap ninyo.

Kailangang panatilihin ninyong malinis ang inyong mga isipan upang makilala at makatalima kayo sa mga marahang pagbulong ng Espiritu. Piliing mabuti ang impormasyong pinahihintulutan ninyong pumasok sa inyong isipan. Iwasan ang magulong ingay ng daigdig. Ang mga telebisyon, pelikula, at lalung-lalo na ang Internet ay nagbibigay ng bukas na bintana kung saan makatatanaw kayo nang malayo sa daigdig. Makapagbibigay ito sa inyo ng impormasyon na nakapagpapasigla, mabuti, at nakapagbibigay-inspirasyon. Ngunit kung gagamitin nang mali, ang mga teknolohiyang ito ng media ay magpupuno sa isipan ninyo ng mga walang kabuluhang ideya na hindi na ninyo maririnig ang mahina ng paghihikayat ng espiritu. Ipamuhay ninyo ang bawat araw nang may pagsang-ayon sa Espiritu, tulad ng batang propetang si Samuel, at makasasagot kayo sa Panginoon at masasabing "Magsalita ka Panginoon; sapagkat dinirinig ng inyong lingkod" (1 Sam. 3:10).

Ang pangatlong mahalagang aral ay ang magkaroon ng pagmamahal sa Tagapagligtas. Ang makilala ang Tagapagligtas ay likas na bahagi ng inyong edukasyong pangrelihiyon. Ang makilala ang Tagapagligtas ay magmumula sa mga karanasan sa buhay. Ito ay nangangailangan ng pansariling pagsunod, panalangin, at paghahayag.

Ngayon ay nais kong magsalita sa inyong mga guro nang ilang sandali. Kayong mga ama, ina, pinuno ng pagkasaserdote, obispo, pangulo ng sangay, at kayong mga guro sa Primarya, Kabataang Babae, Kabataang Lalake, at Pangliggong Paaralan. Ang Panginoon ay nagpaalaala sa lahat, "ang kahalagahan ng kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos" (D at T 18:10). Tungkulin nating lahat na turuan at pamunuan ang mga kahanga-hangang kabataang lalake at babaeng ito at impluwensiyahan ang kanilang buhay ng ating halimbawa. Tulad ng sinasabi ng awitin, "Paano nila malalaman kung hindi natin sasabihin?" At marahil ay maidaragdag natin: "Paano nila malalaman kung hindi natin ipakikita?" (How Will They Know, Aklat ng mga Awiting Pambata, pahina 182).

Bawat pinuno at guro sa bawat bahagi ng daigdig ay may tungkuling ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu. Ang mga batang lalaki at babae na tinuturuan ninyo ay may potensyal na maging katangi-tanging ama at ina at mga pinagpipitagang pinuno ng Simbahan. Harinawang ilarawan ninyo ang bawat isa sa kanila sa kanilang mahahalagang tungkulin sa hinaharap. Tunay na saang dako man ay may gurong nagtuturo sa batang lalaki na balang araw ay uupo sa mga silyang ito habang siya ay naglilingkod bilang Propeta ng Panginoon. Anupa't ang kagila-gilalas na pagkakataong ito ay nasa inyo.

At ngayon ikaw, kaibigan ko na nakakurbata, oo, iyan ay ikaw. Ikaw at ang milyun-milyon pang katulad mo--kung maghahanda kayo nang mabuti--ay magiging matatapat na ina at ama ng Simbahan at mga pinuno sa hinaharap ng Panginoon. Kayo ay magiging mga guro at pinuno na magpapatuloy sa pagtatatag ng Simbahan sa buong daigdig. Marahil ay nanaisin ninyong tumingin sa salamin paminsan-minsan at paalalahanan ang inyong sarili ng dakilang misyon na haharapin ninyo, at marahil, nanaisin ninyong galaw-galawin ang kurbata ninyo upang paalalahanan ang inyong sarili ng mahalagang misyong naghihintay sa inyo. Nawa'y maging matapat at marangal kayo sa inyong mga tungkulin.

Ipinananalangin ko na kayong mga kabataan ay magkakaroon ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay, paggalang sa mga nakatatanda sa inyo, at kagustuhang sundin ang mga utos. Ipinanalangin ko na matutuhan ninyong kilalanin ang Tagapagligtas at magkakaroon kayo ng patuloy na nag-iibayong pang-unawa sa Kanyang Pagbabayad-sala. Hinihiling ko sa Panginoon na tulungan kayo sa buong buhay ninyo, na isama ang inyong patotoo sa mga nabubuhay na propeta at apostol na nagpahayag: "Nagpapatotoo kami, bilang kanyang binigyang karapatang na-ordenang Apostol--na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Immanuel, na nakatayo ngayon sa kanang kamay ng Kanyang Ama, Siya ang Liwanag, ang buhay, at pag-asa ng daigdig. Ang Kanyang daan ay ang landas na patungo sa kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa darating na daigdig. Pasalamatan ang Diyos, para sa walang kapantay na kaloob ng Kanyang banal na Anak" ("Ang Buhay na Cristo, Ang Patotoo ng mga Apostol"). Ito rin ay pinatotohanan ko sa kanyang banal na pangalan, maging si Jesuscristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy