Elder Yoshihiko Kikuchi
Ng Pitumpu
Alam ko na ang inyong Ama sa Langit ay may natatanging plano para sa inyo at sa inyong mag-anak upang mamuhay muli sa piling Niya. Umuwi na tayo.
May ilang taon na ang lumipas bago mag-Pasko, ako ay may gawain sa komperensiya ng istaka sa California. Sa pagbalik sa Utah sakay ng eroplano, nagpasiya akong umidlip. Ang upuan ko ay nasa C, malapit sa dinaraanan. Bago mapinid ang pinto ng kabin, isang magandang babae, na nasa kalahatian ng 70 gulang, ang tumayo sa tabi ko at nagsabing, "Maaari ba akong makiraan?" Sinabi ko, "Oho, Mam." Doon natapos ang pag-idlip ko. Gustung-gusto niyang makipag-usap.
KAYO AY MAY MAPAGMAHAL AT MABAIT NA AMA SA LANGIT
Ang sabi niya, "Hindi ko alam kung bakit dapat pa akong lumipad patungo sa isang malamig na lugar katulad ng Utah sa Kapaskuhan upang dalawin ang aking mga apo. Ayokong iwanan ang maaraw na California."
Sinabi pa niya, "Isa pa, may mga kakaiba at kakatwang tao sa Utah. Ang tawag nila sa kanilang sarili ay mga 'Mormon.' Napangasawa ng anak kong babae ang isa sa kanila."
Ang sabi ko'y, "Ipagpaumanhin po ngunit bago kayo magpatuloy, dapat kong sabihin sa iyo na isa ako sa kanila."
Pagkatapos ay sinabi niya, "Ipagpaumanhin mo--hindi ko sinasadya."
Sabi ko, "Ow, talagang hindi ninyo ho sinasadya?"
Nagpatuloy ang aming pag-uusap hanggang makarating kami sa Provo. Alam naming malapit na kaming bumaba sa Salt Lake.
"Patti,"--iyon ang pangalan niya--"kanina ka pa nagsasalita sa paglalakbay natin. Dama kong kilala na kita bago pa man tayo isilang sa mundo. Bago tayo bumaba sa Lungsod ng Salt Lake, maaari ba kitang tanungin ng ilang bagay?"1
Tinanong ko siya nang taos-puso,2 "Patti, ang yumao mong asawa--alam mo bang maaari mo siyang makitang muli?"
Sinabi niya, "Ow, maaari ba 'yon?"
"Alam mo ba na ang yumao mong anak, si Matt, na namatay noong sanggol pa--ay makikita mo rin sa hinaharap?"
Nangilid ang kanyang mga luha at gumaralgal ang kanyang tinig. Naantig siya ng Espiritu ng Panginoon. Nadama kong labis ang kanyang pagkasabik sa kanila.
Pagkatapos ay tinanong ko siya nang may pananalangin, "Patti, alam mo bang mayroon kang labis na mapagmahal at mabait na Ama sa Langit na nagmamahal sa iyo nang labis?"
Sabi niya, "Mayroon ba?"
"Patti, alam mo bang ang iyong Ama sa Langit ay may natatanging plano para sa iyo, at na ang iyong mag-anak ay maaaring maging walang hanggan?"
"Maaari ba iyon?" tugon niya.
"Narinig mo na ba noon ang plano?"
"Hindi pa," ang sabi niya.
Buong katapatan kong itinanong sa kanya, "Gusto mo bang malaman ang tungkol dito?"
"Oo, gusto ko," ang tugon niya.
Nadama niya nang lubos ang Espiritu ng Panginoon. At ipinangako ng Panginoon sa atin, "sapagkat ang aking mga hinirang ay naririnig ang aking tinig at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso."3
Sinabi rin Niya, "Ako ang mabuting pastor, at nakikilala ko ang sariling akin. . . . Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila ay aking nakikilala, at sila ay nagsisisunod sa akin."4
"ITO AY ANG PAG-IBIG NG DIYOS"
Ninais ni Nephi na makita ang panaginip ng kanyang amang si Lehi--ang punongkahoy ng buhay"5--at nakita nga niya. Pagkatapos ay nakita rin ni Nephi ang magandang sanggol na si Jesus.6 At nagtanong ang anghel, "Nalalaman mo ba ang kahulugan ng punongkahoy na nakita ng iyong ama?"7
Tumugon si Nephi, "Oo, ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa't ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay."8
Bago tayo naparito sa lupa, marahan at payapang inilagay ng ating Ama sa Langit sa ating dibdib "ang pag-ibig ng Diyos." Sa paningin ng ating Ama sa Langit, kayo ay katangi-tanging bata. Ang aking kaibigan, si Patti, ay may taglay na kabanalan sa kanyang kaluluwa. Nang marinig ni Patti ang salita ng Ama sa Langit, siya ay lubos na naantig, at siya ay tumugon sa Kanyang tinig.
Hindi kami magkakilala, subalit tahimik na inilagay ng Panginoon ang isa sa Kanyang mga minamahal na anak sa aking tabi. Taimtim akong nanalangin na mangusap sa kanyang kaluluwa ang Espiritu ng Panginoon.
Paano natin maibabahagi ang magandang mensahe ng Panginoong Jesucristo?
Una, magkaroon ng kamalayan; akayin ang iba sa kaalaman. Itinuro sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley: "Pagyamanin ang kamalayan sa bawat puso ng mga miyembro sa pag-akay sa iba sa kaalaman ng katotohanan. . . . Hayaang manalangin siya nang taimtim hinggil dito. Hayaang manalangin ang bawat miyembro."9
Binanggit ni Pangulong Hinckley ang patotoo ni Alma:
"O Panginoon, nawa'y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala sa kanila sa inyo. . . .
"Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahalaga . . . ipagkaloob ninyo sa amin, O Panginoon, ang kapangyarihan at karunungan upang madala naming muli sila, na aming mga kapatid sa inyo . . ."10
Sa Diksyonaryo ng Biblia ng BHA ay mababasa, "Ang layunin ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang makamtan natin at ng iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit sa kondisyon na kailangan nating hilingin ang mga ito."11
Ikalawa, ang mabuting halimbawa ang pinakamainam nating kasangkapan. Itinuro sa atin ni Pangulong Hinckley, "Ang pinakamabisang polyeto na madadala natin ay ang kabutihan ng sarili nating buhay."12 Habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo tayo ay magiging katulad ng isang parola sa tuktok ng bundok,13 "ang ilaw" at "ang asin ng lupa."14
Tayo ay makababahagi sa "pag-ibig ng Diyos," "punongkahoy ng buhay," at makaiinom sa "bukal ng mga buhay na tubig"15 sa bawat araw sa pamamagitan ng taimtim na pakikipag-ugnayan sa ating Banal na Ama, habang puspusang pinag-aaralan at pinagbubulay-bulay ang mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay pagpapalain tayo ng Panginoon upang maging higit na sensitibo na makipag-usap sa mga kaluluwang inihanda Niya para sa atin.
Ikatlo, kumilos kaagad kapag nadama ninyo ang Espiritu. Itinuro sa atin ni Elder M. Russell Ballard: "Ang susi sa tagumpay sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo ay ang kumilos kaagad kapag nadama ninyo ang Espiritu at nadama ninyong nadama rin ito ng inyong kaibigan. . . . Sa pamamagitan ng ating pananampalataya, ng ating pagtitiwala sa Panginoon, at ng ating mabubuting gawa, makapagdadala tayo ng maraming kaluluwa sa Panginoon."16
Habang naghahanap at nananalangin tayo nang may pananampalataya,17 tayo ay gagabayan ng Panginoon at sa dakong huli ay tatanggapin18 ng Kanyang mga pinili ang "masayang balita ng dakilang kagalakan,"19 upang makibahagi sa walang katapusan at "walang hanggang pagbabayad-sala"20 ng Panginoong Jesucristo.
NASUMPUNGAN SI JESUS
Tinuruan ng mga misyonero si Patti. Lumipas ang tatlong linggo, habang siya ay nasa Utah ay tinawagan ako ni Patti: "Kapatid na Kikuchi, si Patti ito. Ako ay bibinyagan na. Makadadalo ka ba sa aking binyag?"
Ako at ang aking kabiyak ay nagtungo sa kanyang binyag. Maraming miyembro ang magiliw na nakipagkaibigan sa kanya. O, hindi ko kailanman malilimutan ang kanyang masayang mukha sa kanyang pag-ahon sa tubig!
Hindi ko kailanman malilimutan ang mga luha ng kanyang kagalakan sa banal na altar ng Templo sa Salt Lake makalipas ang isang taon. Naalaala ko ang kanyang mapayapang selestiyal na kaligayahan nang siya ay mabuklod sa kanyang yumaong asawa at anak na lalaki, at sa buhay na anak na babae na naging miyembro ng Simbahan. Alam na niya ngayon na ang kanyang mag- anak ay magkakasama magpakailanman sa Panginoon. Ang aking kaibigan, na si Patti Louise Donaldson, ay nasumpungan ang Panginoong Jesucristo. Siya ngayon ay naninirahan sa Utah.
AKO AY LALAPIT SA INYO
Mga minamahal kong kaibigan na nakaririnig ng aking tinig, kayo ay mga anak na lalaki at anak na babae ng Ama sa Langit. Kayo ay minsang naroon sa Kanyang banal na kinaroroonan. Alam ko na ang inyong Ama sa Langit ay may natatanging plano para sa inyo at sa inyong mag-anak upang mamuhay muli sa piling Niya. Umuwi na tayo. Maghanda tayo sa pagpunta sa tahanan ng Ama sa Langit. Nais naming ibahagi sa inyo ang pagmamahal ng inyong Ama sa Langit. Masusumpungan ninyo ang pag-ibig ng Diyos, na siyang "pinakakanais-nais"21 sa inyong kaluluwa.
Mga minamahal kong kapatid, pinatototohanan ko sa inyo na isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong na Anak at na si Jesucristo ay namatay para sa inyo at sa akin. Sinabi Niya,
"Kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.
"Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; . . .
"Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu--nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit---
"Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao."22
Mahal Niya kayo. Kilala Niya kayo. Siya ay buhay. Noong taong 1820, nagpakita ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, na si Jesus, sa batang si Joseph at itinatag ang Kanyang kaharian nang sa gayon ay makauwi tayo. Sa ngayon, naririnig ba ninyo ang "tinig ng mabuting pastor"?23 Tinatawag kayo ng inyong Tagapagligtas. Halina, halina at makibahagi sa Kanyang pagmamahal. Inaanyayahan Niya kayo, "Kayo ay manawagan sa akin habang ako ay malapit," at pagkatapos Kanyang ipinangako, "Magsilapit sa akin, at ako ay lalapit sa inyo."24 Alam ko na buhay Siya. Alam ko na si Pangulong Hinckley ang ating propeta. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Tingnan sa D at T 28:16.
2. Tingnan sa D at T 30:5, 11.
3. D at T 29:7.
4. Juan 10:14, 27.
5. Tingnan sa 1 Ne. 11:89.
6. 1 Ne. 11:1520.
7. 1 Ne. 11:21.
8. 1 Ne. 11:22.
9. "Hanapin ang mga Tupa, Pakainin ang Tupa," Liahona, Hulyo 1999, 120.
10. Alma 31:34-35
11. Gabay sa Banal na Kasulatan, "Panalangin," 202203.
12. Liahona, Hulyo 1999, 121.
13. Tingnan sa Lucas 11:33, 36.
14. Mateo 5:1314.
15. 1 Ne, 11:22, 25.
16. Sa Conference Report, Okt. 1986, 41; o Ensign, Nob. 1986, 33.
17. Tingnan sa D at T 18:18.
18. Tingnan sa D at T 31:7.
19. Mosias 3:3.
20. Tingnan sa Alma 34:10, 12.
21. 1 Ne. 11:23.
22. D at T 19:1516, 1819.
23. Alma 5:38.
24. D at T 88:6263.