Elder Loren C. Dunn
Ng Pitumpu
Nagtatagumpay ang isang ama kapag nagpapakalalaki siya at tinatanggap niya ang kanyang tungkulin bilang ama, palaging mapagmahal, nananalangin at ginagawa ang makakaya niya para sa kanyang pamilya at kailanma'y hindi sumusuko.
Ako'y nasa isang abalang paliparan noong isang linggo at doon, sa gitna ng maraming tao na nagmamadaling makasakay sa kanilang eroplano, ay may isang ama na nakaluhod sa tabi ng kanyang anak na lalaki, matiyagang pinapakain ng sorbetes na nasa apa ang kanyang anak dahil napakaliit pa niya upang matanganan ito. Kailangan ng bata ang tulong dahil ang kanyang suot na pangginaw, habang pinananatili siyang mainit nito ay sagabal sa kanya sa pagbaluktot ng kanyang mga bisig. Sinabi ko sa sarili ko,
Kahanga-hangang ama!
Walang ibang dapat na higit na mahalagang salita sa atin kundi ang ama o ina at ang salitang ama ang nais kong talakayin. Hindi lamang ito tungkol sa paraan ng pagiging isang mabuting ama. Maraming naisulat at magagandang payo ang naibigay na, maging sa komperensiyang ito. Ang pangako na maging isang mabuting ama ang nais ko ring talakayin.
Ang kasaysayan ng ebanghelyo ni Jesucristo mula noong kina Adan at Eva hanggang sa kasalukuyan ay malapit na nauugnay sa ama at ina at sa pamilya. Sa mga unang talata ng Aklat ni Mormon, unang pinuri ni Nephi ang kanyang ama habang isinasalaysay ang mga pagsubok at biyaya ng kanyang kapanahunan: "Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang samakatwid, ako ay naturuan ng lahat halos ng karunungan ng aking ama; at sa dahilang nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, sa labis na pagpapala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw; oo, sa pagkakaroon ng malaking kaalaman tungkol sa kabutihan at sa mga hiwaga ng Diyos, kaya nga gumawa ako ng isang talaan ng aking mga gawain noong aking mga araw."1
Gayundin, unang pinasalamatan ni Enos ang kanyang ama sa paghahanda na natanggap niya: "Masdan, ito ay nangyari na, na ako, si Enos, na nakakikilala sa aking ama na siya ay isang makatarungang tao--sapagkat tinuruan niya ako sa kanyang wika, at gayundin sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon--at purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito."2
Noong unang makita ni Propetang Joseph Smith ang anghel na si Moroni sa isang pangitain, tinagubilinan siya na sabihin ito sa kanyang ama na, pagkatapos niyon, ay siya namang nagpatunay na totoo iyon at dapat sundin ni Joseph ang tagubilin ni Moroni. Maging sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo, hindi inihiwalay ng Panginoon ang anak na lalaki sa kanyang matwid na ama.
Sa pagbibigay sa atin ng kahulugan ng ebanghelyo sa 3 Nephi, kabanata 27, sinabi lamang ng Tagapagligtas ng sanlibutan na pumunta siya upang isagawa ang plano ng kaligtasan at ialay ang Kanyang buhay alang-alang sa sangkatauhan dahil isinugo Siya ng Kanyang Ama. Ganap ang pagmamahal sa isa't isa ng Ama at Anak kaya ipinahayag ng Tagapagligtas ito na Kanyang unang dahilan ng pagparito sa lupa at ng pagpapakasakit na Kanyang ginawa para sa atin sa Halamanan ng Getsemani at sa krus.
Ginawa ang ebanghelyo upang ituro sa atin ang dapat gawin bilang mga ama at ina at tila kapag buo ang mga pamilya, maaaring makagawa tayo ng mabubuting bagay at gawin nating unang dahilan ang "dahil isinugo ako ng aking Ama"3 o kaya'y dahil ipinakita ng isang ama ang daan sa akin.
Naging karangalan ko ang makasama ang mga misyonero ng Simbahan sa loob ng mahigit tatlong dekada at alam ko na marami sa kanila ang nakalampas sa mahihirap na sandali at oras at araw ng kanilang misyon dahil sa kanilang mga ama at ina. Natatandaan ko ang karanasan ng isang mabuting binata na namuhay sa isang rantso, tulad ng kanyang ama. Nang pumunta sa misyon ang binata, lahat ay naging kakaiba: napakaraming tao at walang mga parang. Gustung- gusto na niyang umuwi. Sa huli, pinatawag ng pangulo ng misyon ang batang misyonero sa kanyang ama. Matiyagang nakinig ang ama habang sinasabi ng kanyang anak kung gaano siya kalungkot at pagkatapos ay nagsalita ang ama sa wikang naiintindihan ng kanyang anak, at nang marinig ko ang tungkol dito, ako ay napangiti. Sinabi niya nang buong tatag, ngunit nang may pagmamahal, "Anak, kailangan mo lang maging 'koboy'." Alam na alam ng binata kung ano ang ibig sabihin niyon at pinagtiisan niya ang hirap habang sinisikap niyang maging misyonero. Alam niya na hindi susuko ang kanyang ama.
Hindi mabilang ang dami ng mga kabataang hindi umayaw at umuwi sa mga unang araw na sila'y malayo sa paaralan o unang mawalay sa tahanan dahil sa mabuting impluwensiya ng kanilang ama at ina.
Nang maupo ako sa tapat ni Pangulong David O. McKay at unang tinawag sa katungkulang ito 32 taon na ang nakalilipas, naaalaala ko pa na pagkatapos niyang talakayin sa akin ang mangyayari, hinamon niya ako na maglingkod sa pamamagitan ng paghiling sa akin na gampanan ang tungkuling ito sa paraang ikalulugod ng aking sariling ama. Sapat na ang hamong iyon sa buong buhay ko. Kilala ni Pangulong McKay ang tatay ko, na naging pangulo ng istaka sa loob ng 20 taon, at itinuturing ko ang aking ama na isa sa mga pinakadakilang tao na kilala ko. Ang unang pagkaunawa ko kung gaano ako kahalaga sa aking ama at kung gaano katotoo ang Tagapagligtas ay nang marinig ko siyang manalangin para sa amin sa panalangin ng mag-anak.
May ilang mga eksepsiyon, tulad ng kamatayan, at iba pang malubhang kalagayan, subalit ang kailangan ngayon ay mangako ang mga Ama na maging mga Ama, anuman ang mangyari--balikatin ang responsibilidad at mamuhay ayon dito, upang maging angkla kayo sa lahat ng susunod sa inyo. Kung wala pang naging halimbawa sa buhay ninyo, sa gayo'y kumilos kayo at sikaping magawa ito, at magpasiya na ang halimbawang iyan ay magsisimula sa inyo, kung wala pang iba. Kung hindi maayos ang lahat sa tahanan ninyo, hayaan ninyong magsimula ito sa inyo.
Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na ang pagbabalik-loob ng mga puso ng mga anak sa kanilang mga ama at ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak ay hindi lamang isang utos upang gumawa para sa mga patay, kundi nauukol din ito sa mga nabubuhay at sa kahalagahan ng pagpapanatiling buo sa mga ugnayang pampamilyang iyon sa buhay na ito.4
Magwawakas ako sa mga salita ng makatang Edgar A. Guest na sumulat hinggil sa karaniwan, ordinaryong lalaki at ang kanyang pamilya. Sinasabi ng mga huling salita ng kanyang tula, "Ang papuring tatanggapin niya, kung kinakailangang purihin siya, ay nagtagumpay siya bilang ama."5 Nagtatagumpay ang isang ama kapag nagpapakalalaki siya at tinatanggap niya ang kanyang tungkulin bilang ama, palaging mapagmahal, nananalangin at ginagawa ang makakaya niya para sa kaniyang pamilya at kailanma'y hindi sumusuko.
Nawa'y mabanggit nang may pagpipitagan ang sagradong pangalan ng Ama sa Langit sa ating mga tahanan.
Nawa'y taglayin ng pangalang ama ang uri ng pagmamahal at pagtitiwala na magdudulot ng kapayapaan at pag-asa at matwid na determinasyon.
Maaari bang idagdag ko sa pagkakataong ito ang sarili kong patotoo hinggil sa katotohanan ng gawaing ito, na karagdagan sa mga nasabi na mula sa pulpitong ito sa panahon ng malaking komperensiyang ito. Sa wari'y nadama ko na naroon ako kasama si Propetang Joseph sa sagradong kakahuyan nang magpakita roon ang Ama at ang Anak; na nakaupo akong kasama ang mga Banal sa Kirtland nang tanggapin at italaga ang templo ng Panginoon; na natanggap ko ang aking mga tipan sa Nauvoo; na nakaluhod ako sa sementeryo sa Winter Quarters nang ilibing ang minamahal sa buhay; na itinaas ko rin ang aking kamay upang sang-ayunan si Brigham Young bilang pangulo ng Simbahan; na nakatayo akong kasama si Kapatid na Brigham sa Ensign Peak isang araw makaraang dumating siya sa lambak, nang tanawin niya ang kalawakan ng lugar na nakita na niya sa pamamagitan ng paghahayag at nalaman mula sa karanasang iyon kung saan itatayo ang templo. Alam ko na totoo ang gawaing ito. Alam ko na buhay ang Diyos. Alam ko na si Jesucristo ay ating Manunubos at ating Tagapagligtas, na tunay na nakita ni Propetang Joseph ang sinabi niya noon na kanyang nakita, na hawak ngayon ni Gordon B. Hinckley ang mga susi ng dakilang gawaing ito, at na ito ay ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. 1 Ne. 1:1.
2. Enos 1:1.
3. 3 Ne. 27:13.
4. "Preparing to Meet the Lord" Improvement Era, Feb. 1965, 12324.
5. "Old Man Green," sa Collected Verse of Edgar A. Guest (1934), 560.