The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Isang Maikling Pagpapakilala sa Simbahan

Isang Maikling Pagpapakilala sa Simbahan

Elder John B. Dickson
Ng Pitumpu

Isang kagalakan namin na ang dakilang pagpapanumbalik na binanggit ng mga sinaunang propeta ay nagsimula noong 1820 nang tawagin ng Panginoon ang isang batang lalaki na nagngangalang Joseph Smith upang muling itatag ang simbahan.

Elder John B. Dickson

Isang kagalakan ang makapiling kayo ngayon sa magandang sentro ng komperensiya na ito. Nais kong magbigay ng buod sa ilan sa ating mga pinaniniwalaan para sa mga nag-aaral tungkol sa Simbahan.

Marahil ang kalagayan ng marami sa inyo ay tulad ng sa aking yumaong biyenan, si Robert E. Jones, na sumapi sa Simbahan noong 1960. Lumaki siya sa isang kahanga-hangang Kristiyanong pamilya, kung saan ang pagbabasa ng Biblia at pagsunod sa mga alituntuning Kristiyano ay bahagi na ng buhay mag-anak. Mula sa kanyang ina ay natuto siya ng maraming katotohanan pati na ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang halimbawa.

Sa pagsusuri niya sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nawala sa kanya ang mga katotohanang dati na niyang natutuhan, habang tinatamasa ang maraming magagandang karagdagang kaalaman. Babanggit ako ng sampung punto na naunawaan niya na makatutulong din sa inyo.

1. Ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo ay may plano ng kaligayahan para sa sangkatauhan.

Ipinahahayag namin na tunay na may Diyos sa langit at namuhay kapiling Niya ang lahat ng tao bago pa ang buhay na ito. Tayo ay mga anak ng Diyos. Mahal Niya tayo at gumawa Siya ng plano upang sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Jesucristo ay makatatamasa tayo ng mga pagpapala pagkatapos ng buhay na ito. Ang mga pagpapalang ito ay kinabibilangan ng walang kamatayan, maluwalhating nabuhay na mag-uli na katawan para sa lahat ng tao, at ang pagkakataon na makabalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit bilang walang hanggang mag-anak para sa mga may pananampalataya kay Jesucristo at sumunod sa mga batayan ng Kanyang ebanghelyo.

2. Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo sa lupa.

Tinutulungan tayo ng Biblia na maunawaan na itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan na kinabilangan ng mga apostol, propeta, pastor, guro, at iba pang pinuno ng Simbahan na nagtaglay ng pagkasaserdote, na siyang awtoridad upang makakilos sa pangalan ng Diyos. Ang gawain nila ay akayin ang lahat ng tao sa "pagkakaisa ng pananampalataya" kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo (Ef. 4:13).

3. Nawala ang Simbahan ni Cristo at ang maraming simpleng katotohanan.

Ipinahayag ng maraming propeta sa Biblia na magkakaroon ng "pagtaliwakas" (2 Tes. 2:3) mula sa tunay na ebanghelyo, isang panahon kung kailan magkakaroon ng "kagutom" (Amos 8:11) hinggil sa salita ng Diyos, at "pagkakabahabahagi" (1 Cor.11:18) dahil ang "mga ganid na lobo" (Mga Gawa 20:29) ay papasok at guguluhin ang kawan o ang mga tao ng Simbahan. Nagkatotoo ang mga propesiyang ito noong pagkaraan ng ilang taon matapos ang pagkapako sa krus ng Tagapagligtas, ay pinatay ang mga Apostol, at nawala kalaunan ang awtoridad sa pamumuno sa Simbahan, at sa loob ng maraming siglo, kabilang na ang "Madilim na Panahon," wala na sa lupa ang Simbahan ni Jesucristo.

4. Inihanda ang mga puso ng tao at ang lugar para sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

Ang pagwawakas ng Madidilim na Panahon ay nangyari nang magsimula ang "Repormasyon," kung saan nakita ng magigiting na kalalakihan at kababaihan ang pangangailangang ibalik na muli sa simbahan ang mga doktrina na itinuro ni Jesus. Nagpapasalamat tayo sa mga dakilang tagareporma na tulad nina Luther, Wycliffe, Wesley, Tyndale, at maraming iba pa na tumulong ihanda ang pagkakataon para sa malayang talakayang panrelihiyon, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at ang hangarin ng mabubuting kalalakihan at kababaihan na magkaroon ng kalayaan sa pagpili ng relihiyon. Subalit ang kanilang pananampalataya, ang kanilang hangarin, ang kanilang pagsasakripisyo, at maging ang kanilang pagkamartir ay hindi sapat upang maipanumbalik ang mga nawala.

Binigyan ng inspirasyon ang mga nagtatag ng Estados Unidos ng Amerika na sumulat ng saligang batas na tumitiyak sa kalayaang panrelihiyon at iba pang kalayaan para sa lahat. Ang pagpapahintulot sa relihiyon at mga pagbabago sa saloobin ang tumulong na ihanda ang mga tao samantalang ang mga kalagayang nalikha sa ilalim ng pangangalaga ng Saligang Batas ng Estados Unidos ang naghanda sa lugar kung saan maaaring maisagawa ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo.

5. Inaasahan ng mga sinaunang propeta ang mga pangyayari sa mga huling araw.

Binanggit ng mga propeta sa Lumang Tipan na ang mga huling araw ang panahon kung kailan maaaring matamo ng mga tao ang lahat ng ordenansa at pagpapala ng ebanghelyo. Binanggit nina Daniel, Jeremias, Joel, Ezekiel, Malakias at iba pang sinaunang propeta ang mga dakilang pangyayari na magaganap sa ating panahon. Binanggit ni Isaias ang isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain na mangyayari, na tinutukoy ang ipinangakong pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Isaias 29:14). Binanggit ni Apostol Pablo ang pagsasauli sa dati ng lahat ng bagay sa mga huling araw (tingnan sa Mga Gawa 3:21).

6. Ganap na ipinanumbalik na kaganapan ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ipinahahayag namin na ang dakilang pagpapanumbalik na binanggit ng mga sinaunang propeta ay nagsimula noong 1820 nang tawagin ng Panginoon ang isang batang lalaki na nagngangalang Joseph Smith upang muling itatag ang Simbahan. Nagsimula ang Pagpapanumbalik nang si Joseph, na nalilito sa pagkakagulo ng mga simbahan noong kanyang panahon, ay naghangad na malaman kung aling simbahan ang totoo. Taimtim kong ipinahahayag na sa isang sagradong kagubatan sa New York ay dinalaw ng Ama at ng Anak ang batang lalaking ito at sinabihan siyang huwag sumapi sa alinman sa mga umiiral na simbahan. Nalaman niya na magiging instrumento siya sa mga kamay ng Diyos upang muling itatag ang simbahan ni Jesucristo.

Kalaunan, tinanggap ni Joseph ang pagkasaserdote ng Diyos, na nagbibigay sa kanya ng awtoridad na muling itatag ang Simbahan. Ang Simbahan ay umiiral na ngayon na may mga apostol, propeta at iba pang mga may awtoridad upang mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Mula nang itatag ito noong ika-anim ng Abril 1830, unti-unting pinupuno ng Simbahan ang buong daigdig, tulad ng ipinropesiya ni propetang Daniel (tingnan sa Dan. 2:45). Nasa simula tayo ngayon ng walang-katulad na paglago ng Simbahan kung saan milyun-milyon ang tumatanggap ng mabubuting balitang ito at sumasapi sa Simbahan.

7. Isa pang saksi ni Cristo ang ibinigay sa ating salinlahi.

Noong 1827 ay nakatanggap ng mga sinaunang laminang metal si Joseph Smith na siyang pinanggalingan ng salin ng Aklat ni Mormon. Naglalaman ito ng kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga tao sa sinaunang Amerika at tumatayo kasama ng Biblia bilang isa pang saksi ni Jesucristo. Higit tayong matututo mula sa mga pahina nito ng higit na mahahalagang katotohanan tungkol sa katangian ng Diyos, sa misyon ng Kanyang Anak at sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak.

8. Maaring maging walang hanggan ang mag-anak.

Ang isang kanais-nais na katotohanan na ipinahayag sa ating panahon ay "ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak" at na maaaring maging walang hanggan ang mag-anak ("Ang Mag-anak: Isang Paghahayag sa Mundo"). Muling iginawad ang awtoridad sa tao, upang sa mga banal na templo ay maaaring maibuklod nang walang hanggan ang isang lalaki sa kanyang asawa, ang isang babae sa kanyang asawa, ang mga magulang sa kanilang mga anak, at ang mga magkakamag-anak sa kawalang hanggan.

Mga minamahal na kaibigan at kapatid, batid namin na mahal ninyo ang inyong mga pamilya na tulad ng pagmamahal namin sa aming pamilya, at nagagalak kami na ibahagi ang mga sagradong katotohanang ito sa inyo.

9. May mga taong tinawag ng Diyos upang turuan kayo.

May humigit-kumulang sa 60,000 kabataang lalaki at babae na nasa misyon sa buong daigdig ang tinawag upang turuan ang mga nagnanais matuto tungkol sa doktrina ng Simbahan. Sila ang nagbabayad ng kanilang gugulin sa misyon at sa loob ng ilang panahon ay inilalayo ang kanilang sarili sa kanilang mga pansariling hangarin upang turuan kayo. Kung aanyayahan ninyo sila, tuturuan nila kayo at sasagutin nila ang inyong mga katanungan.

10. Malalaman ninyo nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay totoo.

Ibinigay ni Moroni, ang huling propeta sa Aklat ni Mormon ang isang subok na at mula sa langit na solusyon upang malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon o ang iba pang bagay. Sinabi niya, "At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

"At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay" (Moro. 10:4­5).

Sinubukan ng biyenan ko, ng sarili ko, at ng iba pang milyun-milyong tao ang pahayag at pangako ni Moroni at nalamang totoo ang mga bagay na ito. Buong puso kong ipinapangako sa inyo na maaari ninyong gawin kung ano ang sinabi ni Moroni, at maranasan ninyo ang gayon ding napakagandang bunga.

Buong kababaang-loob kong ipinahahayag na si Jesus ang Cristo, ang tunay na Anak ng Diyos, na ang Kanyang ebanghelyo ay naipanumbalik na sa lupa sa ating panahon para sa kapakinabangan at pagpapala ng lahat ng tao, sa pangalan ni Jesucristo. Amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy