The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Ang Paglikha

Ang Paglikha

Elder Russel M. Nelson
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Bagama't dakila na nga ito, ang planetang Daigdig ay bahagi ng higit pang dakilang bagay--ang dakilang plano ng Diyos. Sa simpleng pagkakabuod, ang daigdig ay nilikha upang magkaroon ng mga mag-anak.

Elder Russel M. Nelson

Matagal na mananatili sa ating isipan ang nakapagbibigay-inspirasyong komperensiyang ito sa bagong Sentro ng Komperensiya. Kamakailan lamang ay malalim na hukay lamang ang nasa kinatatayuan ngayon ng gusaling ito. May interes at pagkamanghang minasdan natin ang paggawa nito.

Ang proseso ng pagtatayo ay tunay na nagbibigay-inspirasyon sa akin. Mula sa pagbuo hanggang sa pagtapos, anumang malakihang proyekto ng pagtatayo ay nagpapakita ng gawain ng Punong Tagapaglikha. Sa katunayan, ang Paglikha--ng planetang Mundo at ang buhay na narito--ay saligan ng lahat ng malikhaing kakayahan. Anumang gawa ng tao ay nagiging posible lamang dahil sa ating banal na Lumikha. Ang mga taong nagplano at nagtayo nito ay binigyan ng buhay at kakayahan ng Lumikhang yaon. At ang lahat ng materyal na ginamit sa pagtatayo ng gusali ay walang ibang pinagmulan kundi ang likas na kayamanan ng lupa. Ipinahayag ng Panginoon, "Sapagkat ang lupa ay sagana, at may sapat na matitira; oo, aking inihanda ang lahat ng bagay."1

Mahirap para sa kaisipang mortal na maunawaan ang pagiging kamangha-mangha ng Paglikha. Mas madali para sa atin ang isipin ang masasarap na kakainin o masasayang gawain. Ngunit nais kong palawakin ang ating isipan sa mga bagay na hindi natin madaling maunawaan. Ang paglikha sa lalaki at babae ay kagila-gilalas at dakila.2 Gayundin ang paglikha ng mundo bilang tirahan nila.

Ang buong Paglikha ay pinlano ng Diyos. Isang kapulungan sa langit ang minsang pinagtipunan kung saan tayo ay nakibahagi.3 Doon ipinahayag ng Ama sa Langit ang Kanyang dakilang plano.4 Ito ay tinatawag ding plano ng kaligayahan,5 ang plano ng kaligtasan,6 ang plano ng pagtubos,7 ang plano ng pagpapanumbalik,8 ang plano ng awa,9 ang plano ng kaligtasan,10 at walang hanggang ebanghelyo.11 Ang layunin ng plano ay maglaan ng pagkakataon sa mga espiritung anak ng Diyos na umunlad patungo sa walang hanggang kadakilaan.

MGA SANGKAP NG PLANO

Kailangan sa plano ang Paglikha at dahil doon ay kinailangan ang Pagkahulog at ang Pagbabayad-sala. Ito ang tatlong pangunahing sangkap ng plano. Ang Paglikha ng malaparaisong planeta ay nagmula sa Diyos.12 Ang pagiging mortal at kamatayan ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Pagkahulog ni Adan.13 Ang kawalang-kamatayan at ang posibilidad ng pagkakaroon ng buhay na walang hanggan ay inilaan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.14 Ang Paglikha, ang Pagkahulog, at ang Pagbabayad-sala ay matagal nang nakaplano bago pa man nagsimula ang aktuwal na Paglikha.

Isang araw, habang dinadalaw ko ang British Museum sa London, may nabasa akong hindi pangkaraniwang aklat. Hindi ito banal na kasulatan. Ito ay salin sa Ingles ng isang sinaunang manuskritong Egipcio. Mula dito, sinipi ko ang isang pag-uusap sa pagitan ng Ama at ng Anak. Habang tinutukoy ang Kanyang Ama, si Jehova--ang Panginoon bago pa man ang mortalidad-- ay nagsabi:

"Kinuha Niya ang putik mula sa kamay ng anghel, at ginawa si Adan alinsunod sa Aming larawan at wangis, at iniwan Niya siyang nakahimlay sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi nang hindi naglalagay ng hininga sa kanya. At siya ay napapabuntunghininga araw-araw dahil sa kanya, sinasabing, 'Kung lalagyan ko ng hininga ang [taong] ito, kailangang dumanas siya ng maraming sakit.' At sinabi ko sa Aking Ama, 'Lagyan ninyo [siya] ng hininga; Ako ang magiging tagapamagitan para sa kanya.' At sinabi ng Aking Ama sa Akin, 'Kung lalagyan ko siya ng hininga, Aking Minamahal na Anak, Ikaw ay mapipilitang bumaba sa daigdig, at magdanas ng maraming sakit para sa kanya bago Mo siya matubos, at mapabalik siya sa kanyang unang kalagayan.' At sinabi ko sa Aking Ama, 'Lagyan Ninyo siya ng hininga; Ako ang Kanyang magiging tagapamagitan, at bababa Ako sa daigdig, at isasagawa ang Inyong utos.' "15

Bagama't hindi banal na kasulatan ang tekstong ito, nagpapatunay ito sa mga banal na kasulatan na nagtuturo ng matindi at mahabaging pag-ibig ng Ama para sa Anak, at ng Anak para sa atin-- nagpapatunay na kusang-loob na nagboluntaryo si Jesus na maging Tagapagligtas at Manunubos natin.16

Ang Panginoong Diyos ay nagpahayag, "Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian--ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao."17 Siya na sa ilalim ng pamamahala ng Ama ay lumikha sa mundo, at kasunod niyon ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama18 at upang tuparin ang lahat ng propesiya tungkol sa Pagbabayad-sala."19 Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay tutubos sa bawat kaluluwa mula sa mga kaparusahan ng pansariling paglabag, batay sa mga kundisyong Kanyang itinatag.20

MGA BAHAGI NG PAGLIKHA

Ang bawat bahagi ng Paglikha ay naplanong mabuti bago ito isinagawa. Sinasabi sa atin ng banal na kasulatan na "ang Panginoong Diyos, ang lumalang ng lahat ng bagay . . . sa espiritu, bago ang mga ito ay naging likas sa balat ng lupa."21

Ang pisikal na Paglikha mismo ay isinagawa sa pinagsunud-sunod na panahon. Sa Genesis22 at Moises,23 ang tawag sa mga panahong iyon ay mga araw. Ngunit sa aklat ng Abraham, bawat panahon ay tinutukoy bilang pagkakataon.24 Tawagin mang araw, pagkakataon, o panahon, ang bawat bahagi ay isang panahon sa pagitan ng dalawang matutukoy na pangyayari--isang pagkakahati ng kawalang-hanggan.25

Ang unang kapanahunan ay kinabibilangan ng paglikha ng kalawakan ng langit at pisikal na mundo, na nagtapos sa paghihiwalay ng liwanag mula sa kadiliman.26

Sa pangalawang kapanahunan, ang mga tubig ay nahati sa pagitan ng itaas ng kalawakan at ilalim ng kalawakan. Binigyan ng puwang ang mga ulap at ulan upang magbigay-buhay sa lahat ng maninirahan sa lupa.27

Sa pangatlong kapanahunan, nagsimulang tumubo ang mga halaman. Ang lupa ay inayos upang sibulan ng damo, pananim na nagkakabinhi, at ng mga punongkahoy, at pananim--bawat isa'y tumutubo mula sa sarili niyang buto.28

Ang pang-apat na kapanahunan ay panahon ng higit pang pag-unlad. Ang mga tanglaw sa kalawakan ng langit ay isinaayos upang magkaroon ng iba't ibang panahon at iba pang paraan ng pagsukat ng panahon. Sa kapanahunang ito, ang araw, ang buwan, ang mga bituin, at ang lupa ay inilagay sa angkop na pagkakaugnay-ugnay sa isa't isa.29 Ang araw, na may malaking imbakan ng hidrogeno, ay magsisilbing higanteng pugon na magbibigay ng liwanag at init sa lupa at sa mga nilalang na narito.30

Sa panlimang kapanahunan, ang mga isda, ibon, at "bawat may buhay na kinapal" ay idinagdag.31 Sila ay ginawang palaanakin at nagawang magparami--sa dagat at sa lupa--ayon sa kani- kaniyang uri.32

Sa pang-anim na kapanahunan, nagpatuloy ang paglikha ng buhay. Ang mga hayop ng lupa ay ginawa ayon sa kanilang uri, mga baka ayon sa kanilang uri, at lahat ng "gumagapang sa ibabaw ng lupa"--muli, ayon sa kanilang uri.33 Pagkaraan ang mga Diyos ay nag-usap-usap at nagsabi: "Bumaba tayo at hubugin ang tao alinsunod sa ating anyo, alinsunod sa ating wangis. . . .

"Samakatwid, bumaba ang mga Diyos upang buuin ang tao sa kanilang anyo, sa anyo ng mga Diyos ay kanila siyang huhubugin, lalaki at babae ay kanila silang huhubugin."34 Kaya, sina Adan at Eva ay nilalang.35 At sila'y binasbasan na "magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan . . . ang lupa, at . . . supilin [ito]: at magkaroon . . . ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa."36

Ang pampitong kapanahunan ay itinakda bilang panahon ng pamamahinga.37

ANG PAGLIKHA AY NAGPAPATOTOO SA LUMIKHA

Pinatototohanan ko na ang mundo at ang lahat ng nilalang na narito ay may banal na pinagmulan. Ang Paglikha ay hindi nagkataon lamang na nangyari. Hindi ito ex nihilo (nagmula sa wala). At ang mga isip at kamay ng tao na nakapagtatayo ng mga gusali o nakalilikha ng mga kompyuter ay hindi nangyari nang di sinasadya. Ang Diyos ang gumawa sa atin at hindi ang ating sarili. Tayo ay Kanyang mga tao!38 Ang Paglikha mismo ay nagpapatotoo sa Lumikha. Hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang kabanalan sa Paglikha. Kung wala ang pagpapahalaga at kamalayan natin sa kamay ng Diyos sa Paglikha, magiging katulad tayo ng mga goldfish na lumalangoy sa garapon na hindi alintana ang nag-aalaga sa kanya. Lakip ang matinding pasasalamat, inuulit natin ang mga salita ng Mang-aawit, na nagsabing, "Oh Panginoon, pagkasari-sari ng iyong mga gawa! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat: ang lupa ay puno ng iyong kayamanan."39

LAYUNIN AT TADHANA NG MUNDO

Ang mundong ito ay isa lamang sa maraming likha na pinamumunuan ng Diyos, "Mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang," ang sabi Niya. "At akin ding nilalang ang mga ito para sa sarili kong layunin; at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak."40 Bagama't dakila na nga ito, ang planetang Daigdig ay bahagi ng higit pang dakilang bagay--ang dakilang plano ng Diyos. Sa simpleng pagkakabuod, ang daigdig ay nilikha upang magkaroon ng mga mag-anak. Ipinaliliwanag ng banal na kasulatan na ang mag- asawa ay "magiging isang laman at lahat ng ito ay upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha."41

At bilang bahagi ng nakaplanong tadhana ng mundo at ng mga nilalang nito, dito rin matutubos ang ating mga namatay na ninuno.42 Ang mga mag-anak ay ibubuklod nang sama-sama sa kawalang-hanggan.43 Isang pag-uugnay ang dapat na mabuo sa pagitan ng mga ama at ng mga anak. Sa ating panahon, ang buo, kumpleto, at ganap na pagsasama-sama ng lahat ng mga dispensasyon, susi, at kapangyarihan ay pag-uugnay-ugnayin.44 Para sa mga sagradong layuning ito, ang mga banal na templo ay makikita na sa maraming bahagi ng daigdig.

Bagaman may hangganan ang pang-unawa natin sa Paglikha, sapat na ang ating nalalaman upang mapahalagahan ang makalangit na kahalagahan nito. At ang kaalaman ay madaragdagan pa sa hinaharap. Ipinahahayag ng banal na kasulatan: "Sa araw na iyon kapag ang Panginoon ay [muling] pumarito, ihahayag niya ang lahat ng bagay--

"Mga bagay na nakalipas, at mga nakatagong bagay na walang sinuman ang nakaaalam, mga bagay sa lupa, kung paano ito nagawa, at ang layunin at ang pakay nito--

"Mga bagay na labis na mahalaga, mga bagay na nasa itaas, at mga bagay na nasa ilalim, mga bagay na nasa lupa, at sa ibabaw ng lupa, at nasa langit."45

Oo, ang karagdagang liwanag at kaalaman ay darating. Sinabi ng Panginoon, "Kung may mga hangganang inilagay sa kalangitan o sa mga dagat, o sa tuyong lupa, o sa araw, buwan, o sa mga bituin--

"Lahat ng panahon ng kanilang pag-ikot, lahat ng nakatakdang araw, buwan, at taon, . . . at lahat ng kanilang kaluwalhatian, batas, at itinakdang panahon, ay ipahahayag sa mga araw ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon."46

Sa katapusan, "ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian."47 Sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, mababagong muli ang mundo. Ibabalik ito sa maluwalhating kalagayan at babaguhin. Magkakaroon ng bagong langit at bagong lupa.48

ANG ATING MGA TUNGKULIN

Samantala, mga kapatid, kailangang maunawaan natin ang ating mahahalagang tungkulin. Kapwa itinuturo sa atin ng mga paglikha ng Diyos at ng mga paglikha ng tao ang kahalagahan ng bawat sangkap. Sa palagay ba ninyo ay mapupuna kung may isa mang kulang na granito sa harapan ng gusaling ito? Siyempre!

Gayundin sa bawat anak ng Diyos. Hindi natin hahayaang "sabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan?"49 Gaya rin ng "ang katawan ay [nangangailangan] ng bawat bahagi,"50 gayundin naman na ang mag-anak ay nangangailangan ng bawat miyembro. Ang lahat ng miyembro ng mag-anak ay dapat na mapagsama-sama, maibuklod, at "mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap."51

Ang Paglikha, dakila mang itinuturing, ay hindi ang layunin mismo kundi isang hakbang upang maisagawa ang pangunahing layunin. Naparito tayo sa mundo sa maikling panahon lamang, upang pagtiisan ang mga pagsubok at paghihirap natin, at maghandang kumilos nang pasulong at patungo sa isang maluwalhating pagbabalik.52 Tiyak na higit na magkakaroon ng layunin ang ating mga isipan at gawain habang naririto kung nauunawaan natin ang plano ng Diyos at nagpapasalamat dito at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.53

Bilang benepisyaryo ng banal na Paglikha, ano ang dapat nating gawin? Kailangang alagaan natin ang mundo, maging matatalinong katiwala nito, at ingatan ito para sa mga darating na salinlahi.54 At dapat na mahalin at pangalagaan natin ang isa't isa.54

Kailangang maging tagapaglikha tayo sa sarili nating paraan--mga tagapagtayo ng sariling pananampalataya sa Diyos, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at pananampalataya sa Kanyang Simbahan. Kailangan nating bumuo ng mga mag-anak at mabuklod sa mga banal na templo. Kailangan nating itatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa mundo.56 Kailangang paghandaan natin ang ating sariling banal na tadhana--kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at mga buhay na walang hanggan.57 Mapasasaatin lahat ang mga makalangit na pagpapalang ito sa pamamagitan ng ating pananampalataya.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo at Lumikha! Siya ang Panginoon sa buong mundo. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito upang maisagawa ang Kanyang mga banal na layunin. Si Joseph Smith ang dakilang propeta ng Pagpapanumbalik. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang Kanyang propeta ngayon, na aking sinasang-ayunan nang buong-puso, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. D at T 104:17.
2. Tingnan sa Russell M. Nelson, "The Magnificence of Man," Ensign, Ene. 1988, 64­69; "We Are Children of God," Ensign, Nob. 1998, 85­87.
3. Tingnan sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 349­50, 365.
4. Tingnan sa 2 Ne. 9:13; Alma 34:9; Abr. 3:22­27.
5. Tingnan sa Alma 42:8, 16.
6. Tingnan sa Jarom 1:2; Alma 24:14; 42:5; Moises 6:62.
7. Tingnan sa Jacob 6:8; Alma 12:25­34; 17:16; 18:39; 22:13; 29:2; 34:16; 31; 39:18; 42:11­13.
8. Tingnan sa Alma 41:2.
9. Tingnan sa Alma 42:15, 31; 2 Ne. 9:6.
10. Tingnan sa 2 Ne. 11:5.
11. Tingnan sa Apocalipsis 14:6; D at T 27:5; 36:5; 68:1; 77:8­9, 11; 79:1; 84:103; 99:1; 101:22, 39; 106:2; 109:29, 65; 124:88; 128:17; 133:36; 135:3, 7; 138:19, 25; JS--K 1:34.
12. Pinagtitibay ng paghahayag sa mga huling araw na si Miguel (kilala rin bilang Adan; tingnan sa D at T 27:11; 107:54; 128:21) ay nakibahagi rin sa proseso ng paglikha.
13. Tingnan sa 2 Ne. 2:25; Moises 6:48; PJS, Gen. 6:49, Mga Banal na Kasulatan: Binigyang-inspirasyong Bersiyon.
14. Tingnan sa 2 Ne. 2:21­28.
15. "Discourse on Abbaton by Timothy, Archbishop of Alexandria," sa Coptic Martyrdoms etc. in the Dialect of Upper Egypt., isinaayos at isinalin ni E. A. Wallis Budge (1914), 482. Si Timothy, na Arsobispo ng Alexandria, ay namatay noong 385 A.D. Ang mga panaklong ay kasama sa pagsasalin sa Ingles ni Budge.
16. Tingnan sa Juan 3:16; 10:14­15, 17­18.
17. Moises 1:39.
18. Tingnan sa 3 Ne. 27:13.
19. Para sa malawakang pag-aaral ng mga propesiya ng mga propeta na nakapatungkol kay Cristo, tingnan sa "All the Prophets Prophesied of Christ," nina D. Kelly Ogden at R. Val Johnson, Ensign, Ene. 1994, 31­37; Liahona, Abr. 1994, 10­18.
20. Tingnan sa 2 Ne. 9:20­27; Mosias 26:21­23; D at T 138:19.
21. Moises 3:5, tingnan sa 6:51.
22. Tingnan sa Gen. 1:5­2:3.
23. Tingnan sa Moises 2:5­3:3.
24. Tingnan sa Abr. 4:8­5:3.
25. Inihalintulad ni Abraham sa panahon ng Panginoon ang isang araw sa 1,000 taon (tingnan sa Abr. 3:4).
26. Tingnan sa Gen. 1:1­5; Moises 2:1­5; Abr. 4:1­5.
27. Tingnan sa Gen. 1:6­8; Moises 2:6­8; Abr. 4:6­8.
28. Tingnan sa Gen. 1:9­13; Moises 2:9­13; Abr. 4:9­13.
29. Tingnan sa Gen. 1:14­19; Moises 2:14­19; Abr. 4:14­19.
30. Tingnan sa "World of Evidence, World of Faith," sa Of Heaven and Earth: Reconciling Scientific Thought with LDS Theology, ni Henry Eyring, isinaayos at tinipon ni David L. Clark (1998), 59.
31. Abr. 4:20­21.
32. Tingnan sa Gen. 1:20­23; Moises 2:20­23; Abr. 4:22­23.
33. Tingnan sa Gen. 1:24­31; Moises 2:24­31; Abr. 4:24­31.
34. Abr. 4:26­27.
35. Pansinin na tinawag ng Panginoon ang unang lalaki at babae na "Adan" (tingnan sa Gen. 5:2; Moises 6:9).
36. Gen. 1:28; Moises 2:28; tingnan din sa Abr. 4:28; PJS Gen. 1:30.
37. Tingnan sa Gen. 2:1­3; Moises 3:1­3; Abr. 5:1­3.
38. Tingnan sa Mga Awit 100:3.
39. Mga Awit 104:24.
40. Moises 1:33; tingnan din sa D at T 76:23­24.
41. D at T 49:16.
42. Tingnan sa D at T 128:15.
43. Tingnan sa D at T 2:2­3; 49:17; 138:48; JS­K 1:39.
44. Tingnan sa D at T 128:18.
45. D at T 101:32­34.
46. D at T 121:30­31.
47. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10.
48. Tingnan sa Apoc. 21:1; Eter 13:9; D at T 29:23­24.
49. D at T 84:109.
50. D at T 84:110.
51. D at T 84:110; tingnan din sa 1 Cor. 12:14­26.
52. Tingnan sa Mga Awit 116:15; Alma 42:8.
53. Tingnan sa D at T 59:20­21.
54. Ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon ang pangangalaga sa mundo. Sinabi Niya, "Sapagkat kinakailangan na ako, ang Panginoon, ay dapat panagutin ang bawat tao, bilang isang katiwala sa mga makalupang pagpapala, na aking ginawa at inihanda para sa aking mga nilalang. Ako, ang Panginoon, ay pinalawak ang kalangitan, at ginawa ang lupa, gawa ng aking kamay; at lahat ng bagay rito ay akin. At layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal, sapagkat lahat ng bagay ay sa akin" (D at T 104:13­15; tingnan din sa Apoc. 7:3).
55. Tingnan sa Juan 13:34­35; 15:12; Rom. 12:10­13:8; Gal. 5:13; 1 Tesa. 4:9; 1 Juan 3:11­ 4:12; Mosias 4:15; D at T 88:123.
56. Tingnan sa PJS, Mat. 6:38 (KJV, Mat. 6:33 footnote a).
57. Tingnan sa Mga Taga Roma 2:7; D at T 75:5; 128:12; 132:19­24.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy