Pangulong Gordon B. Hinckley
Gumugol tayo ng kaunting panahon na mag-isip-isip, isipin kung ano ang magagawa natin upang pabutihin ang sarili nating buhay at upang maging higit na mabuting halimbawa kung ano ang dapat sa isang Banal sa mga Huling Araw.
Natitiyak kong napapagod na kayo sa pakikinig sa akin. Pagbubutihin ko ito.
Kahanga-hanga ang naging komperensiya natin, mga kapatid. Nagalak tayo sa lahat ng nangyari. Binigyan ng inspirasyon ang mga tagapagsalita, lahat sila. Napakaganda ng musika. Maganda at makabagbag-damdamin ang mga panalangin. Sumigla tayo sa lahat ng bagay habang sama-sama tayong nakibahagi.
Mayroong sikat na awitin noong bata pa ako na nagsasabing "Tapos na ang awitin, subalit nananatili ang himig."1
Dalangin ko'y gayon ang mangyari sa komperensiyang ito. Pag-alis natin, sana ay magkaroon tayo ng mabubuti at masasayang alaala sa pangyayaring ito.
Ngayon, pag-uwi natin, humayo tayo nang may pasasalamat sa ating puso. Narito tayo at nakibahagi sa mga pulong ng ika-170 pangkalahatang komperensiya ng Simbahan. Ginamit natin sa kauna-unahang pagkakataon ang malaki at bagong gusaling ito. Narito tayo ng ika-1 at ika-2 ng Abril ng taong 2000, ang pagsisimula ng isang bagong siglo at ng isang bagong milenyo. May lubos na kahanga-hanga at mahalaga sa lahat ng ito. Ito ay isang panahon ng mga panibagong pagsisimula.
Sana ay mamalagi nang matagal sa ating isipan ang mga narinig natin, ngunit higit sa lahat, ang nadama natin. Nawa'y maging isang angkla ito sa ating buhay, isang gabay sa pamumuhay, isang panahon ng pagsasanay kung saan natutuhan nating hubugin ang ating mga kilos sa pakikitungo sa iba, at ang ating saloobin sa ating sarili.
Dalangin ko na madama natin ang epekto ng komperensiyang ito sa ating tahanan.
Umaasa ako na magiging higit na mabuting asawa ang bawat isa sa atin, higit na mabait sa isa't isa, higit na maalalahanin, higit na nagpipigil sa ating pagpuna, at higit na mapagbigay ng ating papuri. Umaasa ako na bilang mga ama at ina ay higit tayong magsisikap na palakihin ang ating mga anak "ayon sa saway at aral ng Panginoon" (Efe. 6:4), pinakikitunguhan sila nang may paggalang at pagmamahal, nagbibigay ng lakas ng loob sa bawat pagkakataon at pinipigil ang ating mga pagpuna. Umaasa ako na bilang mga anak ay magiging higit tayong magalang kaysa noon, titingin sa ating mga magulang nang may kaalaman na mahal nila tayo, at sisikapin nating maging higit na masunurin sa kanilang mga payo.
Sikapin natin na iparating bilang mga Banal sa Huling Araw ang ating mensahe sa mga hindi natin kapanalig. Kailanma'y huwag tayong kumilos nang may pagmamayabang o nang may pag-uugaling higit akong banal kaysa sa inyo. Sa halip, nawa'y magpakita tayo ng pagmamahal at paggalang at pagtulong sa kanila. Marami ang hindi nakauunawa sa atin, at nangangamba ako na ito'y dahil sa kagagawan natin. Maaari tayong maging higit na mapagparaya, higit na mabuting kapitbahay, higit na palakaibigan, higit na maging isang halimbawa kaysa noon. Turuan natin ang ating mga anak na ituring ang iba nang may pakikipagkaibigan, paggalang, pagmamahal, at paghanga. Higit na magbubunga iyan ng maganda kaysa sa asal na pagiging makasarili at mapagmataas.
Pag-aralan natin ang mga pamamaraan ng Panginoon, basahin ang Kanyang buhay at mga turo sa mga banal na kasulatan na ibinigay Niya sa atin. Gumugol tayo ng kaunting panahon na mag-isip-isip, isipin kung ano ang magagawa natin upang pabutihin ang sarili nating buhay at upang maging higit na mabuting halimbawa kung ano ang dapat sa isang Banal sa mga Huling Araw.
Iparating natin ang ating mensahe sa lahat ng tao sa pamamagitan ng dakilang gawaing misyonero, tinuturuan ang lahat ng makikinig hinggil sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo, pagsasabi nang walang takot, ngunit wala ring ugali na pag-aakalang higit tayong mabuti. Pagtuturo sa lahat hinggil sa Unang Pangitain, pagpapatotoo hinggil sa Aklat ni Mormon, at sa pagpapanumbalik ng pagkasaserdote. Lumuhod tayo at manalangin, mga kapatid ko, para sa pagkakataon na maakay ang iba sa kagalakang dulot ng ebanghelyo.
Ngayon, bilang pangwakas, ibibigay ko sa inyo ang napakaikling ulat tungkol sa mga templo. Sa ngayon, tayo ay may 76 na templong ginagamit. Iyon ay napakarami na kaysa sa mga nagdaang taon. Itatalaga natin ang templo sa Palmyra itong darating na Huwebes. Iyon ay magiging napakadakilang okasyon. Ang Sagradong Kagubatan ay matatanaw mula sa Templo. Pagkatapos sa Linggo--sa susunod na Linggo--ilalaan natin ang Templo sa Fresno California. Pinaplano natin na sama-samang italaga ang 36 na bagong templo sa taong 2000. Sa palagay ko maisasakatuparan natin ang lahat ng itinakda nating gagawin. Ang ilang bilang ng iba pang templo na itatayo ay hindi matatapos hanggang sa taong 2001 o 2002.
Ngayon, bilang karagdagan, inihahayag namin sa komperensiyang ito na sana ay makapagtayo tayo ng bahay ng Panginoon sa Aba, Nigeria. Kapatid na Pace, maaaring maantala tayo sa Ghana, subalit umaasa kami na hindi maaantala sa Nigeria. Ang iba pa ay sa Asuncion, Paraguay, Helsinki, Finland; Lubbock, Texas; Snowflake, Arizona; at sa isang lugar sa Tri-Cities ng estado ng Washington.
Sa gayon ay magpapatuloy tayo sa proseso ng pagdadala ng mga templo sa mga tao.
Ngayon, tayo ay nasa matinding paglalakbay, katulad ng dati. Ang gusaling ito ay punung-puno. Wala akong makitang bakanteng upuan saanman. Ito'y isang himala! Ito ay kamangha-mangha at kahanga-hangang bagay, na dapat nating ipagpasalamat nang buong-puso sa Panginoon.
Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at pagpapala, at ang aking patotoo hinggil sa banal na gawaing ito. Buhay ang Diyos ang ating Walang Hanggang Ama. Nalalaman ninyo ito. Nalalaman ko ito. Nakatayo sa tabi Niya ang Minamahal Niyang Anak, at nabuhay na mag-uling Manunubos ng sanlibutan. Nalalaman din ninyo ito katulad ko. Nagpakita sila kay Propetang Joseph at namuno sa dakilang gawaing ito. Napakapalad natin na maging bahagi nito. Taimtim kong dalangin na maging mas mabuti tayo at hayaang magningning sa ating buhay ang kadakilaan ng pagkakaroon ng mabuting katangian sa pangalan Niya na siyang ating dakilang Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.
Pagpalain kayo ng Diyos, mga minamahal kong kaibigan, mga kapatid ko, mga kasamahan ko, sa dakila at banal na gawaing ito. Salamat sa inyo.
MGA TALA
1. "The Song Is Ended (but the Melody Lingers On)" ni Irving Berlin, (1927).