The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast General Conference Archives
Conferences
Abril 2000
Pagtayo sa Panig ng Diyos

Pagtayo sa Panig ng Diyos

Sharon G. Larsen
Pangalawang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Mga Kabataang Babae

Ano ang ibig sabihin ng tumayo bilang saksi ng Diyos? Ang ibig sabihin nito ay hindi natin sasambahin o susundin o pahihikayat na gawin ang anumang bagay na labag sa kalooban ng Diyos.

Sharon G. Larsen

Mga pinakamamahal kong batang kapatid na babae, kanina lamang ay tumayo kayo at sa sarili ninyong tinig ay nangako sa inyong Ama sa Langit. Ano ang iniisip ninyo samantalang binibigkas ninyo ang Tema ng Mga Kabataang Babae? Ano ang kahulugan sa inyo ng bagay na kabibigkas lamang ninyo?

Alalahanin ang kuwento tungkol sa tatlong kabataang lalaki na nangako ng gayon din. Nanirahan sila sa Babilonia kung saan ang mga tao ay hindi sumusunod sa Panginoon. Ang mga kabataang lalaking ito, sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego, ay tumayo bilang mga saksi ng Diyos na naglagay sa panganib sa kanilang buhay. Sa pamumuhay sa ilalim ng pamumuno ni Haring Nabucodonosor, pinasunod sila sa pamamagitan ng isang batas na sa isang partikular na araw kapag nagsimula ang tugtog, ang lahat ng tao sa kaharian ay luluhod at sasamba sa larawang siyamnapung talampakan solidong ginto na hugis-tao na kumakatawan sa hari. Ang sinumang tumanggi ay itatapon sa hurnong nagniningas. Marahil ay libu-libong tao ang nasa Babilonia ng araw na iyon dahil sa mga kapistahan at upang saksihan ang paglalaan ng nakagigilalas na gintong diyos-diyosan na ito.

Nang magsimula ang tugtog at maibalita ng mensahero na ang lahat ay kailangang lumuhod, ang lahat ay sumunod, lahat, maliban lamang sa matatapang na Hebreo. Tumanggi silang hamakin ang kanilang Diyos. Nakikita ba ninyo kung gaano katapang ang mga kabataang lalaking ito? Walang pagbabanta mula sa hari na makahihikayat sa kanilang huwag sumunod sa kanilang Diyos. Taglay ang pananampalataya sa kanilang Diyos, sama-sama silang tumayo at nanalangin samantalang nakagapos sila at binubuhat upang sunugin. Ang hurno ay ubod nang init kung kaya ang mga lalaking naghagis sa kanila ay nangamatay. Si Haring Nabucodonosor ay nakatayo lamang upang panoorin ang kamatayan ng tatlong ito na hindi naniniwala sa pagsamba sa gintong diyos-diyosan. Habang nakatingin sa nagliliyab na hurno ay tinanong niya ang kanyang mga kasangguni, "Hindi ba't tatlong tao ang inihagis natin sa apoy?" Tiniyak nila sa kaniyang gayon nga ang kanilang ginawa. Na hindi gaanong pinaniniwalaan ang kanyang nakita, ang nagtatakang hari ay nagsabi, "Narito, aking nakikita ay apat na lalake na hindi gapos na nagsisilakad sa gitna ng apoy, at [ang nakapagtataka sa lahat] sila'y walang paso; at ang anyo ng ikaapat ay kawangis ng Anak ng Dios" (tingnan sa Dan. 3:24­25).

Pagkatapos ay tinawag ni Nabucodonosor ang mga Hebreo na lumabas sa hurno at ipinahayag na sila ay mga lingkod ng Kataastaasang Diyos. Nagpalabas siya ng isa pang batas upang pangalagaan sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego (tingnan sa Dan. 3:26-30).

Ano ang ibig sabihin ng tumayo bilang saksi ng Diyos? Ang ibig sabihin nito ay hindi natin sasambahin o susundin o pahihikayat na gawin ang anumang bagay na labag sa kalooban ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ipagtatanggol natin ang tama kahit na tayo ay natatakot. Ang ibig sabihin nito ay pakikinggan at susundin natin ang marahan, banayad na tinig ng Espiritu Santo.

Tingnan natin ang bersiyon sa kasalukuyan ng isa pang magiting na mensahe ng Biblia:

May isang batang babae na bumaba mula sa kanyang laker patungo sa kantina at nahulog sa kamay ng mga magnanakaw na nag-alis ng kanyang tiwala at pagpapahalaga sa sarili nang marinig niyang pinagtatawanan siya ng mga ito at ang kanyang pananamit, at lumakad silang palayo at iniwan siyang nag-iisa at walang kaibigan. At nagkataon na may dumating na isang batang babae na nakasuot ng mainam na kasuotan at nang makita siya ng batang babaeng ito, dumaan siya sa kabilang panig ng pasilyo.

At gayundin, ang isang batang babae na kabilang sa grupo ng mga tanyag na batang babae, nang magawi sa lugar na iyon, ang lumapit at tumingin sa kanya at dumaan sa kabilang panig nang hindi nagsasalita.

Subalit isang kabataang babae ang dumaan sa pasilyo kung saan siya naroon at nang makita siya, ang batang babae ay naawa sa kanya at lumapit sa kanya at ginamot ang kanyang mga sugat nang sabihin niyang, "Gusto mo bang sabay tayong kumain ng tanghalian?" (Halaw sa "Good Samaritan" na isinulat ng may-akda; tingnan sa Lucas 10:30­37).

Kung susuriing mabuti ang pamilyar na talinghagang ito, bakit hindi tumigil ang ibang batang babae upang tumulong? Labis ba tayong nakatuon sa ating sariling mga suliranin kung kaya hindi natin napapansin o naiisip na ang iba ay may suliranin din? Itinuturing ba natin ang batang babae na nangangailangan na nakabababa sa atin at nag-aalala sa sasabihin ng mga tanyag na bata kung titigil tayo upang tumulong? Marahil ang "crush ng bayan" sa paaralan ay naghihintay upang ihatid ka sa klase at hindi mo magagawang paghintayin siya!

Ang bawat isa na lumampas sa batang babae na nangangailangan ay may isang katanungan sa kanyang isipan: Kung hihinto ako, ano ang mangyayari sa akin? Ang batang huminto upang tumulong ay may katanungan din: Kung hindi ako hihinto, ano ang mangyayari sa kanya? Kapag may tiwala tayo sa walang hanggang pagmamahal ng ating Ama sa Langit, makapagpapakita tayo ng kabutihan sa iba.

Maaari tayong maging saksi para sa Diyos kapag kilala natin Siya, kapag nagtitiwala tayo sa Kanya, at kapag nadarama nating ligtas tayo sa Kanyang mapagmahal na pagkalinga. Walang bago o madaling paraan ng pagkakaroon ng ugnayan. Ito'y mga lumang paraan pa rin, ang subok na noon pa at napatunayang matagumpay na paraan: pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, at pamumuhay ng mga bagay na natutuhan ninyo sa pamamagitan ng inyong pag-aaral at mga panalangin. Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan, nalalaman ninyo kung ano ang nais ng inyong Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak at kung paano Niya tayo patuloy na tinutulungan upang maitaguyod at mabasbasan at mapatawad.

Kapag nananalangin kayo para sa personal na patnubay, alam ng inyong Ama sa Langit ang nasa puso ninyo, ngunit nais Niyang sabihin ninyo sa Kanya ang inyong mga inaasam at minimithi at pangangailangan. Kapag nagsalita lamang kayo nang may katiyakan, na talagang nais ninyong maging saksi, ay doon pa lamang ninyo malalaman kung ano ang gagawin ninyo hinggil dito. Hayaang mangusap ang Diyos sa inyo at hayaang maging higit na makahulugan ang sakramento. Pakinggan ang mga pamilyar na salitang ito: "At patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila" (D at T 20:77).

Kami'y nakatanggap ng maraming liham mula sa mga kabataang babae na taimtim na sinisikap na tumayo bilang saksi at sabihin kung ano ang Kanyang sasabihin at gawin kung ano ang Kanyang ipapagawa.

Si Cathy ay sumulat ng liham na nagkukuwento tungkol sa isang "mabuting Samaritana" na nagngangalang Michelle. Si Cathy ay naospital nang mas matagal kaysa sa kanyang inaasahan. Ang ilang kaibigan ay tumigil sa pagdalaw sa kanya dahil labis silang abala sa kanilang sariling buhay; ngunit si Michelle ay madalas dumalaw at nagdulot ng tuwa at galak. Pinalamutian niya ang mapanglaw na silid ng ospital ng mga Mormonad poster, lobo, at iba pang makukulay na bagay. Isang araw nang si Cathy ay lubhang malungkot, naisipan ni Michelle na dalhin ang kanyang mga banal na kasulatan. Sinabi ni Cathy, "Ang pagdadala niya ng kanyang mga banal na kasulatan at pagbabasa ng mga ito sa akin ay naging dahilan upang naisin kong makamtan ang bagay na taglay niya. Nais kong mahalin ang mga banal na kasulatan na tulad ni Michelle. Kung wala ang gawa ng kabutihan at pagmamalasakit na mula kay Michelle, ang aking patotoo ay hindi magiging katulad ng kung ano ito ngayon."

Ang ibig sabihin ng pagtayo bilang saksi ay alam ninyo nang may katiyakan na nais ninyong gawin ang tama nang hindi inaalala ang ibubunga ng pagpiling gawin ang tama. Ang ibig sabihin ng tumayo ay manatiling matatag at hindi natitinag maging kapag (o lalo na kapag) kayo ang pinakamaliit o ang pinakabata o ang kahuli-hulihang nakatayo. Kayo ang maaaring maging daan sa pagtulong sa iba na maging matatag. Kailangan kayong maging malakas!

Sa inyong isipan, paano kayo magiging saksi? Ano ang inyong plano? Si Abrey ang laging nagbibigay ng panalangin sa kanyang koponan sa basketbol. Si Jenelle ay may lakas ng loob na iwanan ang parti na nagpapalabas ng mahahalay na pelikula. Itinapon ni Marcie ang kanyang mga damit na hindi angkop.

Ang pagiging saksi ay pagpapakita sa pamamagitan ng ating pag-uugali kung ano ang ating pinaniniwalaan, at iyan ay maaaring magsimula sa ating sariling mag-anak mismo. Gaano kasigla ang pagtulong natin sa ating mag-anak? Gaano ang ating pagsisikap upang maging matagumpay sa ating mga pag-aaral? Gaano katapat ang ating pagtugon sa mga tawag upang maglingkod? Gaano tayo kahanda na patawarin ang isang tao na nakasakit sa atin?

Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay buong tatag na ipinahayag ang kanilang pinaniniwalaan. Ang kanilang patotoo tungkol sa Buhay na Cristo, na pinagtibay ng bawat isa sa kanilang lagda, ay para sa buong mundo na makita at malaman ang kanilang matibay na paniniwala.

Kayo rin ay maaaring maging matatag at makapangyarihan bilang saksi ng Diyos. Ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Huwag ibaba ang inyong mga pamantayan. Hindi ninyo dapat ibaba ang inyong pamantayan.

Bigyang-pansin ang nakapaligid sa inyo na nagbibigay ng tapang at lakas sa inyo. Ang patotoo ng aking mga magulang ay nakapagpalakas sa akin sa buong buhay ko. Ang unang linya ng kanilang huling kahilingan ay naglalarawan ng naiwanan nila para sa kanilang mga anak matapos ang kanilang kamatayan--"Iniiwan namin sa inyo, aming mga anak, ang aming patotoo na buhay ang Diyos, na si Jesuscristo, ang Bugtong na Anak sa laman, ay buhay rin."

Ang kanilang mga patotoo tungkol sa pananampalataya sa Panginoon ang laman halos ng unang pahina ng kanilang huling kahilingan, at pagkatapos isang simpleng pangungusap ang kasunod: "Paghati-hatian ninyo ang mga materyal na bagay, at ang hindi ninyo gusto ay ibigay sa taong nangangailangan o ilagay sa basurahan." Walang gaanong paghahati-hatian, ngunit ang yaman ng kanilang patotoo ang tunay na nagpayaman sa amin!

Ibinigay sa amin nina Inay at Itay ang kanilang pinakamahalagang pag-aari--ang kanilang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, na nagtatapos sa mga salitang ito--"Nawa'y bukas sa tuwina ang inyong mga puso at damdamin tungo sa mga dakilang katotohanang ito, ang siya naming mapagpakumbabang dalangin."

Ang paraan ng inyong pamumuhay sa araw-araw; ang mga salitang inyong binibigkas at hindi binibigkas; ang mga taong inyong tinutulungan, ang damit na inyong suot, ang pagpili ninyo ng libangan, ang magpapakita ng inyong kalakasan at katapangan. Magbibigay ito sa inyo ng tiwala sa sarili upang makatulong sa iba.

Wala kayong kapangyarihang gumawa ng mga bahag-hari o talon, paglubog ng araw o ng mga rosas, ngunit may kapangyarihan kayong magpala ng mga tao sa pamamagitan ng inyong mga salita at ngiti at ng inyong taos-pusong pagmamalasakit sa kanila. Isipin ninyo--taglay ninyo sa inyong sarili ang kapangyarihan na gawing mas mabuti ang daigdig para sa isang tao sa bawat araw! Iyan ay pagtayo bilang saksi ng Diyos.

Nalalaman ko nang lubos na walang sinuman sa buong panahon o kawalang-hanggan na makahahalili sa inyong lugar sa puso ng inyong Ama sa Langit. Maaari kayong magtiwala sa Kanya at umasa sa Kanya. Wala kayong anumang bagay na ginawa o magagawa na makapaghihiwalay sa inyo sa Kanyang pagmamahal (tingnan sa Mga Taga Roma 8:35, 38­39). Hindi Niya kayo bibiguin o iiwanang mag-isa. At bilang pasasalamat sa Kanyang kapangyarihan at kapayapaan at kagalakan, pinaglalabanan ninyo ang mga tukso at pang-aakit ng daigdig at buong kapakumbabaang sinasabing, "Sa tulong ng aking Ama sa Langit, tatayo ako bilang saksi para sa Kanya sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar." Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy